“… isang mahabang pila at mabagal at walang katuturan, ewan ko, hindi ko alam, puwede bang huwag na lang nating pag-usapan.”
- Huwag Mo ng Itanong, ERASERHEADS
Sa kanta ng Eraserheads
ikinumpara ang buhay sa isang pagawaan ng lapis. Huwag mo ng itanong kung bakit
doon napiling ikumpara ang buhay. Ang sa akin lang, ang pagkumpara nila sa
buhay bilang isang mahabang pila ay kasagutan sa mga pinagdadaanan natin sa
buhay. Kung ang pagtahak natin sa ating landasin ay isang walang patutunguhan,
marahil tama sila na wala nga itong katuturan.
Sa ating pagpila habang tinatahak
ang buhay, huwag kalimutang lahat tayo ay may dahilan para mabuhay maging ito
ay para sa sarili o kapakanan ng iba. Isang napakahabang pila nga ang buhay at
lahat ay naghihintay kung saan ito patungo at ano ang nasa dulo ng pila.
Kung ikukumpara ang pagpila na
magsisimula sa maliit hanggang sa matatangkad, ito ay para bagang pagsisimula
ng buhay sa maliit na antas at pagsisikap na maabot ang matayog na pangarap
hanggang sa bandang huli.
Sa pagpila ko sa buhay,
masalimoot na linya ang tila bagang aking nasundan. Isang pilang sabihin na
nating hindi diretso at minsang paliku-liko. Pilit na dinideretso ang hanay at
sa bandang huli ay may magandang kahinatnan. Minsang masira ang hanay ngunit
pinipilit paring buuin, minsang maliko at patuloy papantayin.
Hindi ako perpekto. Ako ay
patuloy pa ring nakikipila sa mahabang hanay na pagtahak sa landasing pilit na
tinutuwid. Minsang nangangapa sa dilim at naghahanap ng liwanag na sasakop sa
aking sarili at ng makasumpong ng tuwid na landas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento