Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 5, 2012

Dalawang Tula


Kung Makinang ang Aking Kislap


Kasingkintab ng nilapirot na palara
Ang mata kong inaantok ~
At kahit papikit na dala ng pagod
Tila bagang may kuryenteng
Nagpapakislap dito
Makinang ang bawat kislap
Kasing liwanag ng aandap-andap
Na kandilang sinindihan
Hindi ng bituin sa kalawakan.
Ipipikit na ilang sandali lang
At sa isip ay muling aandar
Iisipin ka't di na iwawaglit
Nakaukit sa pinilit na panaginip.
Kung kikinang ang aking kislap
Ikaw ang apoy sa aking pangarap.



Pakiwari


Winawari ko 
Ang kahulugang nakabalot
Sa imaheng nasa isip ~
Ang kulay
Ang linya
At paraang pinagsama-sama
Ito ba ay misteryo
Ng aking pagkatao?
Napagtanto ~
Ako
At itong mundo
Ay ipinipinta
Sa paraang ginusto
May lalim,
May alon,
Ang porma'y
Hiwaga ng aninong nilingon.




Sabado, Abril 28, 2012

UPUAN : Larawan ni Geri Damian







"Maupo ka sa aking tabi sa mahabang sandali sa isang mapanglaw na lugar na batid ang pareho nating pag-iisa at ang hindi matawarang pagtatagpo. Sabay nating yakapin ang katahimikang dala ng mga payak na pananalita at sa buong araw ay magkahawak-kamay na hihintayin ang pagkislap ng mga bituin sa kalangitan." ~Wallei B. Trinidad




Si Geri Damian ay isang photographer na nakasama at nakilala sa Loyola Beyond Passion Workshop. Isa siya sa mga bumibilang ng mga bituin sa larangan ng potograpiya. Nakatira siya sa Al Ain, United Arab Emirates at tubong Aliaga, Nueva Ecija.



Linggo, Nobyembre 20, 2011

MABABAW ANG GABI



Paikot-ikot
Sa isang tabi
Biling-baliktad ang gawa
Habang nilalakbay
Ng diwa
At hinahapyawan
Ang mga kuwentong
Sa isip ay naglalaro
Sabog ang tunog
Ng Am band sa radio
Gamit ang internet
Na sinasabay pa
Mga tugtuging pamasko.
Minsang di marinig
Kung ano ang tunog
Sapagkat abala
Ang kabilang daloy
Ng isip sa pagtatanto
Ng mga bagay-bagay.
Pamilya.
Buhay.
Puso.
Gawa.
Sakit.
Tamis.
Pait.
Pagod.
Saya.
Bibiling muli
Biglang tatayo
Papasok pa sa toilet
Pipiliting umihi
Kahit walang laman
Ang pantog.
Pipiliting muli ay humiga
Babaliktad
Bibiling
Ang lalim ng gabi
Naging mababaw
Umaga na
At puyat na naman. –Wallei Trinidad 20Nob2011

Linggo, Mayo 8, 2011

PARA KAY SUSAN, AKING INA


Para kay Susan, Aking Ina

Nang imulat ko aking mata
Nakita ko ay hiwaga
Ikaw iyon aking Ina
Isinilang ang pag-ibig
Sa mga labi ay may tuwa
Iginapos ng iyong bisig
Ang pangambang hatid ng dilim
Sa liwanag ay sumilay
Ang makulay kong buhay. ~Wallei Bautista Trinidad 08 May 2011

English Translation:
For Susan, My Mother

As I opened my eyes
I saw the mystery
That's you my Mother
Love was born
There was delight on my lips
Your warm embrace has erased
The fears brought by darkness
In the light shines
My colorful life.

Martes, Abril 5, 2011

ANG PINAKAMAGANDANG TULA SA BALAT NG LUPA



Ang Pinakamagandang Tula sa Balat ng Lupa

Ngayong gabi ako ay susulat
Ng mga katagang siyang magiging tula
Sa kahit anong wika
Puso ang magsasalita
Ilang letra, ilang berso
Lahat ba'y dapat may tugma?
Kung pipilitin kong gumawa ng tula
Upang sundan ang sikat na makata
Baka hindi na ito maging tula
Na siyang pinakamaganda sa balat ng lupa?
Inisip ko ang buhay ko, sarili ko
Karanasan, mga pighati at kasiyahan
Dumungaw sa bintana't tiningnan
Mga bituin sa kalawakan
Maliwanag ang buwan
Kasingliwanag din kaya ng araw?
Ang dampi ng hangin at huni ng kuliglig
Ay musika sa aking pandinig
O kayganda ng langit!
Madilim man ay maliwanag rin
Makislap ang tala, umaga'y parating
Nakalimutan kong isulat
Mga nakita't narinig
Nasaan ang tulang dapat na gawin?
Paano ang bersong sa isip ay kinimkim?
Ang tula na aking hangarin
Isusulat na lang ba sa ihip ng hangin?
Tumibok ang puso't ko
Pinakinggan ang pintig
Ang tula raw sa atin ay nakaukit
Sapagkat ang tula ay
Ako...
Ikaw...
Sila...
Tayo...
At ang pinakamagandang tula sa balat ng lupa
Ay ang TAO!






The Most Beautiful Poem on Earth
Translation by Angelo Ancheta


Tonight I will write
A poem
In a language
My heart knows
How many words, how many verses
Should there be rhymes?
If I force myself to write a verse
Only to follow an idol poet
Will it still be a poem?
I thought about my life, myself
My ups and down, tears and laughter,
Looked out the window to gaze
At the sky, the stars
And the moon so bright,
The breeze so gentle,
And the sound of crickets
Brings music to my ears.
What a splendid night
It seemed I lost
The words to describe
And the poem I wanted to write
Should I just write in the air?
I listened to my heartbeat
Telling me how to find
The poem
That is
Me..
You...
Them....
Us.....
The most beautiful poem
Is a human being.
 

Lunes, Marso 21, 2011

MOON AT DAWN : POEM FOR JAMES SINGLADOR PHOTOGRAPHY

"Moon at Dawn" by James Singlador



Sa Ilalim ng Bilog na Buwan

Sa ilalim ng bilog na buwan
Kung saan paparating ang umaga
Hinabi ko ang diwang nasasaloob
At nadama ang kakaibang hiwaga
May pag-ibig na sumilay sa puso
At ang lamig ng hanging parating
Ay nagbigay pag-asa sa mga hinaing
Sa ilalim ng bilog na buwan
Isinilang ang katanungan
At naghilom ang damdaming sugatan.

~Tula para sa Larawan ni James Singlador ni Wallei 20Mar2011


My English Translation:

Under the full moon
Before the breaking of dawn
I have contemplated
And saw the mysteries
Love, I felt
The coldness of the wind
Has given hope to all my qualms
Under the full moon
Questions are born
And gave relief to my wounded soul.





James Singlador is a Civil Engineer by profession who indulges in photography with so much passion. Inspired by the works of Ansel Adams, he in turn inspires others with his photographs.



http://jsinglador.multiply.com


http://www.facebook.com/pages/James-Singlador-Photography/138682499496729




Photo Credit: Elvs Tankiamco

Miyerkules, Marso 16, 2011

ABANGAN: "i" INSPIRE THE WORLD POETRY FRIENDSHIP PARTY


Mga Larawan mula sa Facebook Account ni Doc Penpen.

Naganap ang pag-uusap sa pagitan nina Kuya Germs, Makata Tawanan, Punong Komisyoner ng Wikang Filipino, Kgg. Jose Laderas Santos at Kaibigang PenPen para sa ating "i" INSPIRE THE WORLD POETRY FRIENDSHIP PARTY na gaganapin sa Ika-10 ng Abril 2011.


Ang mga nabanggit na personalidad ay nangakong walang humpay na susuporta at patuloy na itataguyod ang adhikain ng pahinang at siguradong dadalo sa gaganaping masaya at punong-puno ng pagmamahal at pagkakaibigang pagkikita ng personal ng mga Makata para sa pinananabikang "i" INSPIRE THE WORLD POETRY FRIENDSHIP PARTY.



Mga larawan ng mga makata.

Piling tula ni Bb. Ceri Naz, isa sa mga nag-organisa ng pagtitipon.
Mula sa album ni Doc Penpen B. Takipsilim.

Sabado, Marso 12, 2011

WALLEI'S POEM FOR EDWIN S. LOYOLA'S PHOTOGRAPHY



FLY FOR PEACE

In a serene sky
Two wings are used to fly
Simultaneously with the wind
Just fly, float and fly
Searching for peace
In a celestial sphere
Looking for happiness
For heart's desire
Love for mankind.



Filipino Version:


KAMPAY SA KAPAYAPAAN

Sa payapang langit
Ikinukumpas ang dalawang pakpak
Kasabay ng ihip ng hangin
Lumilipad, kumakampay
Hinahanap ang dakilang laya
Sa payapang kalawakan
Inaarok ang kaligayahan
Para sa pusong magmamahal.

~Tula para sa larawan ni Edwin S. Loyola ni Wallei Bautista Trinidad


Linggo, Pebrero 20, 2011

ANG BABAE SA DUYANG LAMBAT





Sa iyong mga mata itinatago ang lihim
Na siyang katanungang
Matagal nang hinihintay
Paano mahahanap ang kasagutan
Kung ikaw mismo ay nagtatago
Sa likod ng mga tanong
Sa pagitan ng iyong mga mata
May nakakubling hiwaga
Pilit hinahabi ng mga mapaglarong diwa
Nasaan ang kinikimkim na mga tanong
Ilahad ang bawat katagang nasasaloob
At bigyang laya ang damdaming nilulumot.


Lunes, Pebrero 14, 2011

MY FAMILY THEN AND NOW: A BLOG OF LOVE

Family Perfecting the Imperfections
Yes, this is my family. A picture taken some 8 years ago and the latest one which was captured last Christmas (2010). Same backdrop, the curtain is just the same. It was just modified by Nanay by her creativity and resourcefulness. Same sofa, same intensity of smiles. My brother is unchanged, you won’t be seeing him smiling in the pic because he’s not gay like me! Children added. Family of 5 becomes a family of 10 members. My sister got married in 2004 and had REINAZIA MARIZ.  Marlon got Jobel and had two beautiful daughters, AZALEIA and ANEZCKA. Tatay became bald, that was just his choice of haircut. His hair a bit lesser. Nanay is still fresh,  still laughing at her best. Aizan is much prettier now. Science makes wonder! Hahaha... and me, still wearing the same smile, fabulous as ever, single and happy.

Sabado, Pebrero 12, 2011

KIMKIM

credit to my model, Ms. Elvira Tankiamco during our Taktak Photowalk with Engr. James Singlador
Kimkim

Damdaming nakaipit, kinimkim
Ay damdaming hindi kailanman naipuslit

At ang bawat pagpupumiglas na init
Nitong nakasaklob sa isip
Ay siyang hawlang nagtangi sa sarili
Nilunod nitong mapagkunwaring kilos
Na inakalang siyang tama at lubos
Hindi namalayang sa bawat pagputok
At bawat pagngingitngit ay kalayaa’y ginipit
Ng huwad na pakiramdam
Napigil pa rin ang pagsiklab ng bagang maaring maging apoy
Sa isang iglap dagling magniningas at sasabog
At may dumating na siyang pinakakatanging
Nagpalaya sa pakiramdam
Nagpasarap at nagpabago sa kaluluwang dati’y nauuhaw
At kinain ng pag-ibig ang kinimkim na paghihinagpis
Iniluwa ang malayang kaluluwang
Nagpabago sa takbo ng daigdig.
 

Linggo, Agosto 8, 2010

BUKAS NA LIHAM PARA SA IKA-66 KAARAWAN NI MOMMY

Dear Mommy,

Alam kong nasa tabi lang kita habang sinusulat ko ito. Happy Birthday! 66 ka na. Hindi mo na nahintay ang dapat mas malaking selebrasyon ng iyong ika-70, ika-80 kaarawan. Dagli mo na akong iniwan ng iyong pisikal na katawan. Pero nais kong malaman mo na ang mga binuo nating pangarap, ang mga pangarap mo para sa atin ay sisikapin kong maabot. Alam ko kung paano mo ako ipinagdadasal kaya nga nakarating ako sa kung saan man ako naririto ngayon.

Mahal na mahal kita, Mommy! Lubos kong ipinagpapasalamat sa Dakilang Lumikha sa pagbibigay niya sa akin ng katulad mo na naging pinakamalaking porsiyento ng aking pagkatao. Salamat din kay Nanay at Tatay dahil ikaw ang siyang napili nila na maging tagapag-alaga ko sa aking paglaki at naghubog ng buo kong pagkatao.

Lagi nila akong tinutuksong ampon. Alam ko naman na hindi ikaw ang siyang nagluwal sa akin ngunit ang tanging alam ko at ang siyang laman ng puso ko, ikaw ang tunay kong Ina at mas hinigitan mo pa.

Sobra-sobra, at labis-labis ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin at boong buhay mo ay ibinigay mo para mabigyan ako ng mga bagay sa abot ng iyong kakayahan. Alam ko ang hirap na dinanas mo sa mundo at alam ko kung paano ko masusuklian ang bawat paghihirap ng dahil sa akin.

Alam ko kung gaano ka kasabik sa tuwing ibibili mo ako ng damit kasabay rin ng pagbili mo ng iyong isusuot sa taun-taong recognition day. Kasabikang dulot ng kaligayahan sa pagbubunga ng bawat pagkuskos mo ng labahin ng iba, pamamalantsa at lahat ng klaseng pagkakakitaan upang may maibigay kang baon sa akin at ng ako ay makapag-aral.

Hindi mo ako pinabayaang magutom. Ang isusubo mo, ibibigay mo pa sa akin. Lahat-lahat ng gusto mo ay nakalaan para sa akin at sa kinabukasang ating hinihintay. Ang tanging kapalit na hinihingi mo para sa akin ay ang magpakabait ako (kahit minsan ay nakukuha pa kitang sagutin) at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Hindi lingid sa aking kaalaman kung paano mo ako ipinagmamalaki at ikinukuwento sa ibang tao. Proud na proud kang maging anak mo ako at napalaki mo ako ng ganito. Wala akong sinuway sa kagustuhan mo Mommy at alam mong ang lahat ng ginusto ko para sa buhay at kinabukasan ko ay para sa atin.

Tandang-tanda ko ang linyang sinabi mo noon, “Igagapang kita para makatapos ka ng pag-aaral.” Literal mo itong ginawa at alam ko kung paano ang bawat pagod na iyong nararamdaman ay dinadaan mo na lang sa bawat paghalakhak at pagtawa sa tuwing tayo ay nag-uusap. Batid ko ang kakapusan natin sa pera ngunit hindi ito naging sagabal upang mabuhay tayo ng maayos at mairaos ang ating pang-araw-araw na kalbaryo ng buhay. Kapag angkakasakit ka, hindi ka na lang kumikibo at tinitiis mo ang lahat ng nararamdaman para huwag akong mag-intindi sa iyong kalagayan.

Ikaw Mommy ang pinakamasipag na taong nakilala ko at walang kapaguran. Nakukuha mo pang tulungan ang ibang tao ng hindi nagrereklamo. Sa mata ko at sa matan ng nakakakilala sa iyo ay bayani kang totoo.


Happy Birthday Mommy! Ang dami ko sanang ikukuwento. Pero advance ka na nga ngayon. Alam mo lahat ng ginagawa ko dahil kasama kita saan man ako magpunta. Mahal na mahal kita, Mommy at lahat ng ginagawa ko ay ikaw ang inspirasyon ko.

Ang laging nagpapakatino mong anak,



Wallei


Sabado, Agosto 7, 2010

KALAWAKAN


Tulang ibinahagi kay PenPen B. Takipsilim, Facebook friend.




hanggang kailan
hanggang saan
ako ay pipikit
maghihintay
sinong lalapit
sinong sasabay
sa aking paglalakbay?

lilipad ako
lalangoy
ngunit takot sa pagsadsad
kaysakit ng bawat paglagpak

sa langit na sa akin nakasaklaw
hindi mabilang ang ulap na dadagan
pagpatak ng ulan dagling dadaan
ang bagsak ay sa aking matang mapanglaw

lilipad, kakampay
susunod lang ba sa agos na daraan?

lalasapin, dadamhin
kahit masakit ang pakiramdam

mamanhid
di na pakikiramdaman
ang bawat pintig ng pusong sugatan
maghihilom
matutuyo
di na malulumbay
darating na ang katapusan...

Miyerkules, Hulyo 14, 2010

LOVE WON'T EAT ME


Love won't eat me anymore. But never will I hate it... The show must go on, life is still beautiful after all. I may be too sentimental enough to be eaten by the circumstances and situation but it was long enough that I had prepared for it. Accepting all the facts behind all the truth is the only thing I can do...



Love won't eat me... I don't want to be miserable just because the person I love the most, the person whom I thought will always be there will not care at all. I need to broaden the spectrum of my mind, I don't want to be over acting on these things, after all, it's part of the game. The game may be over, call it quits!



Love won't eat me. Love will hurt but never be strong enough to swallow whatever feelings left on me. It made me stronger. Love won't eat me. It won't hurt me. I will only cry...


Orihinal na sinulat noong Oktubre 2008 sa aking lumang blog. Naisipan kong buhayin muli dahil ito ang nararamdaman ko ngayon. Cheesy ba?

Sabado, Hulyo 10, 2010

MOMENT KO 'TO


Kalukahan ko. Emote mode ako. Bakit ba kasi kailangan pang mag-play ng mga kantang katulad nito… Ang sarap pala ng pakiramdam kapag malungkot na malungkot ka. Tapos papatakin mo luha mo at papahirin din naman sabay singhot. 

Sinabi na kasi, e. Ang kulit-kulit ko at ako din naman ang gumawa ng kung ano ang pinagdaanan ko ngayon. Moment ko ito. This is the moment! Parang hindi pa ako makapaniwala. Heto na at malinaw na malinaw. The time has come. Pinaniwala ko lang talaga ang sarili ko na kunyari may forever kahit alam kong wala. Kagagahan! Nag-inarte pa ako at nag-feeling 16 years old. May tama nga ako sa utak at tanggap ko naman. 

Kapag nagdedeliryo tayo sa kaligayahan, dapat talaga nilalasap to the last drop para pagdating ng time na tapos na, nalasahan mo ito at ninamnam pa. Kapag nasaid at naubos na, pasensya na lang. Talagang ganoon. Hindi talaga dapat pinakakawalan ang bawat pagkakataon sapagkat pagkamulat-mulat mo, maaari itong biglang mawala at dapat handa tayo sa lahat ng pagkakataon. 


Kung sana ang sakit nito ay puwedeng daanin sa pag-inom lang ng pain killer o pagpahid ng ointment. Madali sanang mawala makalipas ang ilang oras. Pero ang sakit na dala ng pag-emote dahil nasaktan ang puso mong tanga, ang tagal bago maghilom. Kahit yata 40 years pa kapag nanaig sa damdamin ang kirot na dulot nito, hindi matatanggal. 

Ang tanga ko nga. Hindi ko naman itinatanggi. Noon pa man sinabi ko na tama na at tapos na. Wala rin namang papupuntahan. Alam ko na sa bandang huli ako rin ang masasaktan. Ang daming beses na nga. Hindi lang isa, dalawa, tatlo, apat… paulit-ulit lang. Paulit-ulit akong nagpapakatimang. Wala akong sinasayang na pagkakataon na kapag pinakitaan ng pagmamahal kahit sa pinakamaliit pa nitong paraan, hulog na hulog na ako at napakadaling bumigay. Konting suyo lang, sabik na sabik at nagkakandarapa. May ibang kiliting hatid ito na hindi mo mawari. 

Nakakaasar ang puso. Nililito ka pa minsan. Hindi umaayon sa isip kadalasan Umayon man ang isip mo, ‘yung ibang nakapaligid sa iyo ang siya namang mamamakialam. Biktima kami ng sitwasyon. Dahil nagtagpo ang aming kaluluwang may kung anong hinahanap, nabulag yata. Sa aming dalawa namin nakita ang kalituhang dala ng pangyayari. 


Natapos na nga dapat noon pa. Hindi ko rin ipinilit ang sarili ko. Sitwasyon na naman ang sa amin ay nag-ugnay. Mahaba-habang panahon rin ang paglasap namin sa pagdedeliryong dulot ng kaligayahang bunga ng pagkahanap namin ng tagasalba sa kalungkutan.

Ilang oras bago ko sinimulan ito, tumutunog ang telepono ko. Ano ba ‘yan magpaparamdam na naman. Akala ko ba tapos na ang lahat? Ah, ako pala ang nagtuldok kahapon dahil nasaktan ako. Sakit na wala naman talaga sa lugar. Pero hindi naman sa koma nagtatapos ang bawat pangungusap. Para maganda ang tono ng bawat linya, kailangan tinatapos ng maaaring patanong at pandamdam. Naisip kong tuldok ang ilagay at huwag ng magkaroon ng susunod pang pahina. Makita ko lang ang katapusan nito. Wala na sigurong susunod na kabanata. Maghihintay na lang ako ng panibagong kuwento…

Lunes, Mayo 24, 2010

BONGGANG TULA PARA KAY NANAY

Mga larawang kuha ni Maan Trinidad-Amigleo


Sangkaterbang gawain
Paglalaba…
Pamamalantsa…
Pati pagtitinda…
Nag-eskoba, nagluto at nanahi pa,
Binihisan mo kami ng bongang-bongga!
Duktora ka kapag kami ay may sakit
Kahit masama ang timpla’y niyayakap mo kaming pilit
Isa ka ring guro sa tuwing sasapit ang gabi
Walang alinlangang mahal na mahal mo kami
Alam kong lahat kung ano ang iyong pinasok
Lahat ay ginawa ng buhay ay mairaos
Tinda dito, alok doon, lakad dito, sadsad doon
May pagkain sa hapag, sa eskuwela’y may baon.
Huwag mangunsumi sa kung ano kami ngayon
Ang mahalaga’y masaya ka
Sama-sama tayo boong panahon…

Maligayang Kaarawan Nanay!

Larawang kuha ni Maan Trinidad-Amigleo

Biyernes, Marso 26, 2010

KUWENTO NG BULAG NA MATA

Credit to my model Deepak Lama, person working under my management.
Minsan may nababasa ka at bigla kang mapapahinto at makakapag-isip at pagkatapos gusto mo itong ibahagi sa mga taong mahal mo.

May isang bulag na babaeng galit na galit sa kanyang sarili dahil siya ay bulag. Galit siya sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya. Galit siya sa mundo. Pero hindi ang kanyang kasintahang palaging nasa tabi niya at minahal siya sa kung ano siya. Sabi niya kung makakakita lang siya at magkakaroon ng mga mata ay pakakasalan niya ang kanyang kasintahan.

Isang araw, isang tao ang nagbigay ng isang pares na mata sa kanya upang siya ay makakita at mapagmasdan niya ang kanyang kasintahan. Sabi ng kasintahan niya, “Ngayong nakakakita ka na, pakakasalan mo na ba ako?” Nagulat ang babae ng makita niyang bulag din pala ang kanyang kasintahan at bigla niya itong tinalikuran, iniwanan at kinalimutan.

Umiiyak ang lalaking nagpakalayo-layo at ng katagalan ay nagpadala ng mensahe sa dating kasintahan. “INGATAN MO ANG AKING MGA MATA.”

Ganito kung paano nag-iiba ang tao sa pag-iiba ng kanilang estado sa buhay. Bihira lang ang nakakaalala at nagbabalik sa kanilang pinanggalingan. Kakaunti lang ang palaging nandiyan upang damayan ka sa mga pinakamapapait na sandali ng buhay…


Sabado, Marso 20, 2010

NGITI = PAG-IBIG = SAYA



Kung ang bagay ay nakapagbibigay ngiti, tayo pa kayang tao? Simulan na ang pagngiti upang makapagsabog ng pag-ibig at mag-ani ng sayang walang kaparis. Ganito lang kasimple.


Biyernes, Marso 19, 2010

MGA HULING TALATANG IPAPABASA SA KANYA



Ngayong gabi makakagawa ako ng talatang
Nais kong ipabasa sa kanya kung saan
Binabalot ng kalungkutan ang aking
Mga matang malamlam
Tila ibig pumatak ng mga luha
Ngunit nais kong tapusin
Ang mga huling talatang
Sa kanya ay nais ipabasa…
Ngayon ang gabing sa langit ang mga bituin ay kumikislap
Bilog ang buwan at may hatid na liwanag.
Katulad rin ito ng mga gabing aming pinagsaluhan
Hindi mabilang na sandaling pinupuspos ng galak
At mga pagniniig na siyang pinangarap.
Ngunit ngayong gabi rin tatapusin
Ang sayang binigyan ng kulay
At pilit tatapusin ang mga huling talatang
Sa kanya ay iaalay.
Ang lungkot na ngayon ay aking nadarama
Ay katulad din ng lungkot bago siya nakilala
Minahal niya ako, minahal ko siya
Ngunit ngayong gabi ay tatapusin ang mga linya
Ng talatang sa kanya ay ipapabasa.
Talatang ang laman ay paghihiwalay
Upang buuin muli ang mga sariling nasugatan.
Ang talatang maisusulat ko ay lipos ng kalungkutan
Sapagkat hindi namin ninais na maghiwalay
Ngunit ngayong gabi kung saan ang ilan ay payapang natutulog
Ay gigisingin ang damdaming puno ng lungkot.
Sapagkat ngayong gabi ay isusulat ko
Ang mga huling talatang sa kanya ay ipapabasa
At bibigyang dahilan ang paghihiwalay ng landas
Mapait, masaklap, malungkot, puno ng pighati
Iniibig ko siya pero hindi dapat mahalin
Siya’y sa iba na, iba na ang kanyang makakapiling
Diwa ko’y lumilipad at hindi mapakali
Iniisip ko siya, ang lamlam ng kanyang magagandang mga mata
Matatamis na ngiti at mahihigpit na haplos ay nasa aking gunita
Hindi ko na siya dapat mahalin pero iniibig ko siya
Kaya ang aking damdamin ay ilalagay ko
Sa mga huling talatang ipapabasa sa kanya…