Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kalikasan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kalikasan. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Abril 24, 2012

Angas Pinoy, Angat Pilipinas! Photo Contest

Ipagyabang na Pilipino ka. Maangas! May ipagyayabang!

Oo, kayo nga ang hinahanap namin sa patimpalak na ito. Kuhanin ang inyong camera at imulat ang mga mata sa kagilagilalas na galing ng bawat isang Pilipino. Iparating mo sa buong mundo na maganda ang Pilipinas at magaling ang Pinoy.

Ang inyong larawan ay dapat na katangi-tangi. Naiiba. Hindi mga larawang nakita na o ang karamihan ay mayroon na. Naniniwala kaming marami pang puwedeng ipakita ang lahat ng mga litratistang Pinoy. Maging kakaiba. Pumitik ng naaayon sa tema. Ipakilala na Pilipino ka, mayaman sa kultura, sa tradisyon at pinapahalagahan ang lahat ng nasa paligid maging tao man ito o bagay.

Ang larawan ay dapat batayan ng isang bansang nagsusulong ng kagandahan at pinagyayaman ang kulturang kinagisnan. Ang bawat pitik na ihahatid ay mga larawang may positibong pananaw sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

Malaya nating buksan ang ating mga mata na maging saksi sa pang-araw-araw na galing ng bawat isang Pilipino. Ang kagalingang ito ay hindi nakikita lamang sa piling panahon kung hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang simpleng pagtutulungan, pagkakapit-kamay at pagbabalikatan ay katunayan ng isang maipagmamalaking kaugalian.

Ilan pa ba sa atin ang nakasaksi sa isang batang nagmamano sa mga katandaan? Ilan pa ba sa atin ang sa watawat ay nagpupugay? Ilan sa atin ang sa kabila ang mga pighating naranasan ay masiglang babangon at parang walang nangyari?

Iba ang angas ng Pinoy! Iniaangat ang sarili sa bawat sitwasyon maging sa pagdurusa man, panganib, kasiyahan at tagumpay. Tayo ang naiibang lahi na hindi sumusuko sa kahit ano pa mang pangyayari. Tayo ang nagsusulong ng positibong pananaw at nangangalaga sa kalayaang malaon ng iniingatan.

Nabuksan na ba ang isip mo kung anong klaseng larawan ang dapat na ipapakita mo? Tandaan, hindi lang mata ang dapat na isama sapagkat sa bawat pitik na nakikita ng mata ay kasabay ng pagpintig ng iyong puso na maipakita sa bawat obrang iyong ginawa ang diwa ng tunay na tema ng patimpalak na ito.

Ano pa ang hinhintay mo?

Your Best Shot V.2
Angas Pinoy, Angat Pilipinas!
Photo Contest


MECHANICS:

Maximum of 3 Entries

Color / Black and White
No watermarks
No borders

DEADLINE:
May 20, 2012


SUBMIT YOUR ENTRIES to this e-mail add 
yourbestshotv2.gmail.com.

Biyernes, Abril 29, 2011

WALITOGRAFIA II : i express. i shoot.i live. i love ♥

Lately, I feel so down because of the unexpected things happened. Aside, I was busy in my work and I almost forgot that it's been a while since I have not posted something to my "Walitografia's I Express. I Shoot. I Live. I Love."

And this is my first photo for the second volume.

There, the King of all artists is reminding me that even the world is crumbling down on me, still it is the most beautiful place. He was there with me during my difficult times.

So, there I have it. Taken from my window on the 8th floor at 6:48 pm.




Martes, Abril 5, 2011

ANG PINAKAMAGANDANG TULA SA BALAT NG LUPA



Ang Pinakamagandang Tula sa Balat ng Lupa

Ngayong gabi ako ay susulat
Ng mga katagang siyang magiging tula
Sa kahit anong wika
Puso ang magsasalita
Ilang letra, ilang berso
Lahat ba'y dapat may tugma?
Kung pipilitin kong gumawa ng tula
Upang sundan ang sikat na makata
Baka hindi na ito maging tula
Na siyang pinakamaganda sa balat ng lupa?
Inisip ko ang buhay ko, sarili ko
Karanasan, mga pighati at kasiyahan
Dumungaw sa bintana't tiningnan
Mga bituin sa kalawakan
Maliwanag ang buwan
Kasingliwanag din kaya ng araw?
Ang dampi ng hangin at huni ng kuliglig
Ay musika sa aking pandinig
O kayganda ng langit!
Madilim man ay maliwanag rin
Makislap ang tala, umaga'y parating
Nakalimutan kong isulat
Mga nakita't narinig
Nasaan ang tulang dapat na gawin?
Paano ang bersong sa isip ay kinimkim?
Ang tula na aking hangarin
Isusulat na lang ba sa ihip ng hangin?
Tumibok ang puso't ko
Pinakinggan ang pintig
Ang tula raw sa atin ay nakaukit
Sapagkat ang tula ay
Ako...
Ikaw...
Sila...
Tayo...
At ang pinakamagandang tula sa balat ng lupa
Ay ang TAO!






The Most Beautiful Poem on Earth
Translation by Angelo Ancheta


Tonight I will write
A poem
In a language
My heart knows
How many words, how many verses
Should there be rhymes?
If I force myself to write a verse
Only to follow an idol poet
Will it still be a poem?
I thought about my life, myself
My ups and down, tears and laughter,
Looked out the window to gaze
At the sky, the stars
And the moon so bright,
The breeze so gentle,
And the sound of crickets
Brings music to my ears.
What a splendid night
It seemed I lost
The words to describe
And the poem I wanted to write
Should I just write in the air?
I listened to my heartbeat
Telling me how to find
The poem
That is
Me..
You...
Them....
Us.....
The most beautiful poem
Is a human being.
 

Biyernes, Marso 11, 2011

A MOMENT OF SILENCE



I really believe in the power of community prayer and I hope that together, our intentions can bring some hope and relief to those who lost their loved ones, hurt, experiencing fear... Let us all pray for Japan,  our country, for the world and let there be Peace, let there be Love...

Linggo, Pebrero 27, 2011

FLOWER BURST

"Flower Burst"
Acrylic on Paper





*stream of consciousness, took the paper, got the acrylic and just paint...


Me, the flower
Dancing in the air
Freely flowing
Bursting in the open
A shower of colors
Festival of the fabulous
My consciousness,
Its complications
Are mysteries of my thoughts.

Filipino Translation


Ako, ang bulaklak
Sumasayaw sa hangin
At malaya ang pagdaloy
Sa kalawakan
Ang sandamakmak nitong kulay
Ay pagdiriwang
Ng mga kamangha-mangha't mahusay
Ang aking kamalayan
At taglay nitong kaguluhan
Ay misteryo ng aking kaisipan.


Linggo, Marso 21, 2010

NATAPOS NA NAMAN ANG ARAW



Mula sa balkonahe ng ikawalong palapag ng aking tinutuluyan ay napagmasdan ko kung paano unti-unting nilalamon ng dilim ang araw. Ang araw na sa buong maghapon ay ngumiti sa akin ay tila baga iiyak na naman sa pagsapit ng dilim. Sa kinabukasan ay muling sisilip. Naisip ko lang na ang araw at gabi ay tila baga mukha ng buhay. Kung saan may saya ay may lungkot rin naman. Muli sa bawat kalungkutan ay may ligayang hatid ng hindi namamalayan.

Martes, Marso 16, 2010

SANGA-SANGANG ISIP, LIKO-LIKONG DIREKSIYON



Sa tuwing nakakakita ako ng puno, sanga ang lagi kong napagmamasdan. Kung ilang beses na rin akong kumuha ng larawan ng mga puno. Iba talaga ang dating sa akin. Hitik sa drama at aliw na aliw ako na ito ay pagmasdan. Parang buhay ng tao. Katulad ng buhay ko. Sanga-sangang pag-iisip na kung saan-saan napupunta. Hindi lubos mawari kung ano ang gusto sa buhay. Pabago-bago. Minsang maliko at minsa’y maging diretso.

Ganyan nga talaga ang buhay. Madrama, parang telenobelang kaydaming nag-aabang kung ano ang mga susunod na kabanata. Ang dami-dami kong gustong gawin. Napakaraming dapat na gawin na ang ilan ay hindi nasimulan, may nasimulan ma’y hindi naman natapos. Naliliko kasi minsan at parang bulang bigla na lang nawawala.

Pero hindi ba’t para itong isang pakikipaglaban sa hamon na dala nito araw-araw? Kung saan may alon ay doon sasama at kung saan banayad ang pagdaloy, doon hihinto. Muli ay mag-iisip at bigla-bigla, nabago na pala ang lahat.

Isa sa mga natutunan ko sa pakikipangtunggali sa buhay ay ang hindi pagkukumpara ng sarili sa iba. Kung nabuhay kang lagi na lang ikinukumpara ang sarili sa mga taong nakapaligid sa iyo, magtatapos ito sa iyong pagkatalo. Pagkatalo mo dahil pilit kang kakainin ng inggit sa puso mo at hindi ka kailanman magiging payapa at ang kaligayahang hinahangad mo sa buhay ay parang kay hirap abutin.

Ang buhay ay hindi nga pala tungkol sa pagpaparami ng mga bagay o paghahangad ng kayamanang materyal. Akala ko noon, ang buhay ay may sinusunod na pamantayan na dapat maging mayaman ka paglaki mo, may sasakyan ka, may bahay ka. Kaya naman ako ay kandarapang gawin ang lahat para masunod ang akala kong gabay sa paghahanap ng tunay na kaligayahan.

Habang ang edad ko ay nadadagdagan, doon ko napagtatanto na ang buhay ay hindi naman talaga nakabatay sa pagpaparami ng kayamanan o pag-iipon ng salapi para ipamukha sa mga taong mayaman ka nga. Wala akong yamang materyal, ang yaman ko ay nasa puso ko at kitang-kita ninyo. Kaya ang inaatupag ko ngayon ay magsabog ng kaligayahan sa mga taong nakapaligid sa akin. Magmahal, magbahagi at maging payapa ang kalooban. Ngumiti, humalakhak at bonggang-bonggang dalhin ang sarili ng walang ibang sinasaktan.

Hindi kami pinalaki ng aming mga magulang na maging mayabang. Sabi nga ni Nanay, hindi baling matakaw, huwag lang mayabang! Wala naman talagang ipagyayabang maliban sa heto kami at buhay at nakukuhang ngumiti sa araw-araw. May pagkain kapag nagugutom, may gamot kapag nagkakasakit, may tubig kapag nauuhaw.

Bakit ko nga ba ipipilit ang sarili kong magkaroon ng lahat kung wala naman talaga? Ang direksiyon kong dating nais patunguhan ay tila naiba na naman. Sisiguraduhin kong ang direksiyong pipiliin ko ay ang daan patungo sa pagiging payapa ng aking puso. Walang pait, walang inggit, walang pagkukumpara… direksiyon kung saan may pag-ibig, may ngiti kasama ang mga mahal sa buhay lalo na ang pamilya at mga tunay na kaibigan.

Miyerkules, Marso 3, 2010

ALANGANING PAG-ULAN


May ulan na sa disyerto at hindi lang basta ulan kung hindi tila bagyo na may kulog pang kasama. Nakakaloka! Dahil walang provision sa mga drainages ang paggawa ng mga kalsada, binaha ang mga daan.

Hindi mo rin alam kung kailan talaga uulan. Malaki na ang pagbabago ng panahon. Hindi ko na naranasan ang tunay na ginaw dahil ang taglamig ay tila normal lang. Kay aga ring uminit ng panahon. Mas maaga pa sa inaasahang buwan. Ang matindi dito ay ang hindi inaasahang pagbuhos ng ulan, kasabay ay baha.

Ang pakiramdam ko ay may bagyo kaninang umaga at tila ba tinatamad akong pumasok. Wala pa naman akong payong. Tiyak na mababasa ako. Traffic! Matubig sa kalsada, ang mga hindi sementado ay naglawa.

Climate change. Isang napakalaking pagbabago ng panahon sa lahat ng dako ng mundo. Lagi dapat tayong maging handa sa anumang puwedeng mangyari. Salitang pagbabago lang ang hindi napapalitan. Change is the only permanent in this world. Gawin na natin ang nais nating gawin dahil hindi natin masasabi ang mga oras na darating.

Linggo, Pebrero 28, 2010

HAYAANG LANGIT ANG MAGSABI



Nakiisa ang langit sa nararamdaman ko ngayon. Ang araw ay tila bagang nagtatago sa mga ulap. Kulimlim ang kalawakan at tila bagang nagbabadyang umulan. Iba ang simoy ng hangin at may kung anong lungkot sa paligid.

Alam ng langit ang saloobin ko ngayon. Hindi ko na kailangang idetalye pa kung ano ang talagang tunay kong nararamdaman. Hayaang langit ang magsabi. Heto nga at kaylakas ng ulan. Pumatak ng bigla-bigla at walang tigil ang buhos nito.

Sabado, Pebrero 20, 2010

DAPIT HAPON



Ang buhay ay parang araw na sisikat at lulubog din pagdating ng oras. Ang dramang hatid nito ay nagbibigay sigla sa pusong nalulumbay at naghahanap ng kapayapaan. Sa pagsapit ng bukang liwayway, ang araw ay isang malaking ilaw na nagsasabog ng liwanag sa sangkatauhan at binibigyang tanglaw ang madidilim na daan. Sa paglubog nito ay pilit na ikukubli ang anumang bagay maging maganda man o hindi kaakit-akit sa paningin. Itinatago ang anumang tanawin na hindi masasaklaw ng ating mga mata.

Katulad ng buhay, kaparis nating lahat na isinilang sa mundo, tayo ay tila bagang isang araw na magbibigay liwanag sa taong nakapaligid sa atin. Liwanag at init ang hatid na hindi nakakasilaw, hindi nakakapaso at pilit bibibigyang sigla ang mga pusong uhaw sa pagmamahal.

Tayo ang araw na kahit tag-ulan ay nagpupumilit sumikat upang ihatid ang kaligayahan sa mga kaluluwang nalulumbay. Kapag dapit hapon, tayo ang araw na kasabay na huhupa at lulubog na aalalay sa mga huling sandali ng buhay.

Sa pagsapit ng aking dapit hapon, napag-isip-isip kong sisikat kaya muli ang araw sa akin? Makakasumpong pa kaya ako ng bukang liwayway at maiinitan sa tanghaling tapat?

Kung tayo ay tulad ng araw, ang pinakamalungkot na parte nito ay ang dapit hapon na kakain sa liwanag ng buhay. Pupuspusin ng dilim ang buhay na minsan nang nagliwanag at nakasumpong ng ilaw.

Ngunit sa dapit hapon natin nakikita ang kapayapaan ng ating mga sarili. Isang payapang sandali na nagbibigay ng pagkakataong balikan ang buong araw at magbalik-tanaw sa mga pangayayari ng nakaraan.

Ang aking dapit hapon ay tila bagang parating na at pilit kong paghahandaan. Isang sandaling abot tanaw ko na. Bago ang pagdating nito, sisikapin kong sa tanghaling tapat ay isasabog ko ang init ng aking pagmamahal sa lahat ng taong nakapaligid sa akin, nakakapaso ngunit kayang tiisin, nag-aalab na parang apoy at mag-iiwan ng marka sa mga napasong kaluluwa.

Lunes, Pebrero 1, 2010

SANGA



Sandamakmak
na
linyang
nagpasikot-sikot
sa kahit saang direksiyon
pilit na pinapayabong
ang mga dahon.
Hindi
namamalayang habang patindi ang
sikat ng araw
ay kasabay nito
ang
pagkatuyo at pagkalanta
ng
ilang
sangang
uhaw
sa
tubig.
Parang
isang libo’t isang
singaw
na
nagpipilit pumiglas at kumawala.
Hindi alintana
ang kahihinatnan ng mga susunod
na
mangyayari.
Ang tanging alam
ay    
pagbigyan ang tawag
ng
kalayaang walang katulad.
Masarap maging malaya.
Mapalad ang mga nakawala.
Animo’y  
mga
paru-parong
nagsisilipad at naghahagilap
ng mga bulaklak
na dadapuan para sipsipin
ang
nektar
nito
at
katas.

Biyernes, Enero 29, 2010

KA-ARKIHAN 101


Kung gagawa ako ng perspective, malamang ganito ang magiging itsura. Halos matakpan ng halaman ang building. Ang detalye ng gusali ay hindi na makita dahil punong-puno ng halaman ang foreground. Sa totoo lang, hirap talaga kasi akong gumawa ng perspective at isa pa hindi naman ako magaling mag-render. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga classmates ko noong college (mga Arkitekto na sila ngayon), maiiyak lang ako kung babalikan ang dati. Kalokang perspective ito! Kaya nga siguro iniwan ko ang propesyon sa takot na gumawa ng mga perspective. Sanay pa naman ako…

Kay She ko madalas maipakita ang ginagawa ko. Palibhasa magkatabi kami noon at naging magkasama sa boarding house, sa kanya ko kalimitang sinasabi at pinapakita ang kagagahan kong umubra naman. Kahit kaunti.Hehehe. Naipasa ko naman ng maayos ang Visual Fundamentals 1 in Monochromatic Rendering, Visual Fundamentals 2 in mixed media at ang Visual Fundamentals 3 na Perspective chuvaness! Ang dami yatang binigyan ni Arch. Danny na incomplete. Naging pasang-awa ako. Nakuha siguro sa pag-emote ko! Hahaha!

Si Greg ay pinagtiyagaan akong turuan at madalas kong tanungin sa paggawa ng perspective. Para kasi sa akin ay masyadong technical at di kinakaya ng powers ko. Parang sasabog ang utak ko. Kaya para takpan ang hindi maayos na detalye, sa plano pa lang at sa landscape ay pupunuin ever ko na ng sandamakmak na kapunuan at halaman. Kaya pag nag-plot na ng perspective ay talaga namang namumutiktik sa ka-berdehan ang aking gawa. Puno ng halaman! Hahaha. Kung sa interior perspective naman kung minsan, ang aking carpet ay nagmumukang grass!

Ewan ko nga ba kung masasabi kong naging seryoso ako sa pagkuha ng BS Architecture. Hindi ko naman talaga hilig. Masarap lang gumawa ng mga concepts, magsulat ng mga pilosopiya, gumawa ng istorya pero pag drawing na, nanginginig na ako!

Binalak ko na nga ring mag-quit sa Architecture. Bukod kasi sa magastos ay nahihirapan na rin talaga ako at pigang-piga na ang aking utak sa mga numero. Mabait talaga si Lord at pinakinggan niya ang mga dasal ko at salamat sa mga professors na marunong maawa sa nag-e-effort!

Martes, Enero 19, 2010

ANG DAMO




“Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” – Salawikaing Filipino

“Aanhin pa ang damo kung sementado naman ang garden mo?” – Allan K.


Martes, Enero 12, 2010

HALLWAY




Maraming kuwento tungkol sa hallway. Isang hindi kalakihang lagusan kung saan lahat ay nagdaraan. Minsan, may makakabangga ka pa nga at dito rin maaring makahanap ng kaibigan. Ang taong nasagi, maaring maging kaibigan sa bandang uli. Sa ibang nag-iinarte, kapag nasagi mo, magmamaganda at biglang iirap sa iyo, sabay sabing “Leche!”


Lahat daw tayo ay may individual zone. Depende sa atin kung paano natin ito mai-a-adjust sa mga pagkakataon. Paano nga kaya kung sadyang maliit ang mga lugar na inilaan sa atin. Katulad nga sa hallway, kapag maraming nagkasabay-sabay, lumiliit ang individual zone. Sa pagkakataong ito dalawang bagay lang ang puwedeng mangyari. Magkaroon ka ng kaibigan o kaaway.


Kung sasali ako sa Ms. Universe, ako ang tatanghaling Ms. Congeniality. Madali akong makahanap ng kaibigan. Promise!