Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ARKITEKTURA. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ARKITEKTURA. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Marso 21, 2010

NATAPOS NA NAMAN ANG ARAW



Mula sa balkonahe ng ikawalong palapag ng aking tinutuluyan ay napagmasdan ko kung paano unti-unting nilalamon ng dilim ang araw. Ang araw na sa buong maghapon ay ngumiti sa akin ay tila baga iiyak na naman sa pagsapit ng dilim. Sa kinabukasan ay muling sisilip. Naisip ko lang na ang araw at gabi ay tila baga mukha ng buhay. Kung saan may saya ay may lungkot rin naman. Muli sa bawat kalungkutan ay may ligayang hatid ng hindi namamalayan.

Miyerkules, Marso 3, 2010

ALANGANING PAG-ULAN


May ulan na sa disyerto at hindi lang basta ulan kung hindi tila bagyo na may kulog pang kasama. Nakakaloka! Dahil walang provision sa mga drainages ang paggawa ng mga kalsada, binaha ang mga daan.

Hindi mo rin alam kung kailan talaga uulan. Malaki na ang pagbabago ng panahon. Hindi ko na naranasan ang tunay na ginaw dahil ang taglamig ay tila normal lang. Kay aga ring uminit ng panahon. Mas maaga pa sa inaasahang buwan. Ang matindi dito ay ang hindi inaasahang pagbuhos ng ulan, kasabay ay baha.

Ang pakiramdam ko ay may bagyo kaninang umaga at tila ba tinatamad akong pumasok. Wala pa naman akong payong. Tiyak na mababasa ako. Traffic! Matubig sa kalsada, ang mga hindi sementado ay naglawa.

Climate change. Isang napakalaking pagbabago ng panahon sa lahat ng dako ng mundo. Lagi dapat tayong maging handa sa anumang puwedeng mangyari. Salitang pagbabago lang ang hindi napapalitan. Change is the only permanent in this world. Gawin na natin ang nais nating gawin dahil hindi natin masasabi ang mga oras na darating.

Sabado, Pebrero 13, 2010

PILIPINAS KONG MAHAL SA GLOBAL VILLAGE



Isang buong araw na pamamasyal ang ginawa ko kasama ang aking mga tauhan sa kumpanya. Hindi palaging nagkakaroon ng pagkakataong makalabas ang mga production workers kaya isang pribilehiyo sa kanila ang makalabas ng sama-sama at kahit sa sandali man lang ay maaliw sila. Kita ko ang kasiyahan nila pero sumakit ang ulo ko dahil para akong isang matandang dalagang teacher na may mga bitbit na estudyante para sa isang field trip. Kakalokang sumigaw at magalit. Tumaas na naman ang aking blood pressure!

Ang araw na ito ay para sa kanila kaya bitbit ang aking camera ay pinagkukuhanan sila sa kung anu-anong parte ng Dubai. Ang pinakahihintay ko lang ay ang huling destinasyon namin papuntang Global Village na sandamakmak ang mga tao at talaga naman hindi ko kinayang ikutin ang lahat-lahat. Pinuntahan ko ang Philippine Pavilion para ipakita sa kanila ang ating kultura at kung ano ba mayroon sa Pilipinas. Naabutan nila ang pagsasayaw ng mga Filipina at naaliw naman sila dito.

Boracay ang ipinakilala sa labas ng pavilion at para akong tourist guide na nagbigay ng impormasyon tungkol sa aking mahal na Pilipinas. Proud akong maging isang Filipino at nagpapasalamat ako na ako ay Filipino! Fabulous ang Pinoy!

Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Biyernes, Enero 29, 2010

KA-ARKIHAN 101


Kung gagawa ako ng perspective, malamang ganito ang magiging itsura. Halos matakpan ng halaman ang building. Ang detalye ng gusali ay hindi na makita dahil punong-puno ng halaman ang foreground. Sa totoo lang, hirap talaga kasi akong gumawa ng perspective at isa pa hindi naman ako magaling mag-render. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga classmates ko noong college (mga Arkitekto na sila ngayon), maiiyak lang ako kung babalikan ang dati. Kalokang perspective ito! Kaya nga siguro iniwan ko ang propesyon sa takot na gumawa ng mga perspective. Sanay pa naman ako…

Kay She ko madalas maipakita ang ginagawa ko. Palibhasa magkatabi kami noon at naging magkasama sa boarding house, sa kanya ko kalimitang sinasabi at pinapakita ang kagagahan kong umubra naman. Kahit kaunti.Hehehe. Naipasa ko naman ng maayos ang Visual Fundamentals 1 in Monochromatic Rendering, Visual Fundamentals 2 in mixed media at ang Visual Fundamentals 3 na Perspective chuvaness! Ang dami yatang binigyan ni Arch. Danny na incomplete. Naging pasang-awa ako. Nakuha siguro sa pag-emote ko! Hahaha!

Si Greg ay pinagtiyagaan akong turuan at madalas kong tanungin sa paggawa ng perspective. Para kasi sa akin ay masyadong technical at di kinakaya ng powers ko. Parang sasabog ang utak ko. Kaya para takpan ang hindi maayos na detalye, sa plano pa lang at sa landscape ay pupunuin ever ko na ng sandamakmak na kapunuan at halaman. Kaya pag nag-plot na ng perspective ay talaga namang namumutiktik sa ka-berdehan ang aking gawa. Puno ng halaman! Hahaha. Kung sa interior perspective naman kung minsan, ang aking carpet ay nagmumukang grass!

Ewan ko nga ba kung masasabi kong naging seryoso ako sa pagkuha ng BS Architecture. Hindi ko naman talaga hilig. Masarap lang gumawa ng mga concepts, magsulat ng mga pilosopiya, gumawa ng istorya pero pag drawing na, nanginginig na ako!

Binalak ko na nga ring mag-quit sa Architecture. Bukod kasi sa magastos ay nahihirapan na rin talaga ako at pigang-piga na ang aking utak sa mga numero. Mabait talaga si Lord at pinakinggan niya ang mga dasal ko at salamat sa mga professors na marunong maawa sa nag-e-effort!