Linggo, Enero 31, 2010

UMPUKAN

 

Isa sa pinakamasarap gawin ay makisalo sa umpukan at pag-usapan ang kung anu-ano lang. Sa baranggay na kinalakihan ko, sagana ang mga tao sa umpukang ganito. Take note, hindi lang mga nanay na walag magawa sa bahay kundi pati na rin ang mga kalalakihan na sagana sa mga tsismis at pati ako ay pinag-usapan.

Umpukan sa tindahan, umpukan kapag may handaan, umpukan kahit saan. Pati mga teachers ay nag-uumpukan kapag recess time!

Ilan na ba ang napaaway, ilan na ang mga nagalit at mga umiyak dahil sa umpukan? Bakit ba kasi kapag may umpukan ang madalas pag-usapan ay buhay ng iba? Parang kung may anong aliw na dulot ito sa mga dilang di mapakali, nangangati at naghahatid ng mga usaping kung sana lang ay masaya pero ang kinahihinatnan ay pagkasira ng buhay iba.

Kung ilang beses na rin akong napag-usapan sa bawat umpukan. Dati masyado akong apektado sa mga naririnig ko na kahit hindi naman totoo ay nakakasama ng loob. Kung puwedeng lang magpaliwanag at sumugod agad  at ipangtanggol ang sarili ay tiyak na gagawin ko malinawan lang ang kanilang mga isip. Pero hindi maari. Ang mga nasa umpukan ay ang mga nirerespeto mong matatanda at mas may edad sa iyo na sila dapat nakakaalam kung ano ang totoo at ano ang kahihinatnan ng kanilang pinag-uusapan.

Ang nakakaloka pa minsan ‘yung ilang alam mo na kakampihan ka ay siyang maniniwala at pagsasabihan ka pa. Dahil ang sarili kong katauhan ay hindi katulad ng ilang mga kakilala nila ay napakadali na lang paniwalaan para sa iba ang mga tsismis na gawa-gawa lang. Naalala ko tuloy si Mommy na minsang pinagsabihan ako noong nasa kolehiyo na  dinadala ko raw ang pera ko sa lalaki. Kakaloka! Sobrang tipid na nga ako to the fullest level para may aruray ako ay may ganoon pang factor! Natatawa na lang ako.

Sige nga mga friends, totoo ba ang usapin na mega bigay ako ever ng kaperahan sa lalaki? Kung lalaki lang ang hanap ko, bakit kailangan pang gumamit ng pera? Hahaha!

Iba naman ang umpukan ng magkakaibigan. Mga usapang nakakaaliw, mga usapang kahit paulit-ulit ay napakasarap pakinggan. Mga alaalang pilit binabalikan. Mga usapin tungkol sa mga kakulitan, ka-eklatan, kalokahan at kahit ano lang. Binibigyang tibay nito ang pagsasamahan ng bawat isa at dito makikita kung sino ang pagkakatiwalaan.

Madalas may mga sikretong bukod tanging ang grupo lang ang nakakaalam. Kung mayroon sa grupong kinati ang dila, nakupo ang sikreto ay parang bibingkang napakadaling ilako at bilhin. Sabi nga, laging may Hudas sa grupo at kahit kaibigan ay ipagkakanulo nito.

Pagkaminsan kasi, may laging pagkakatuwaan sa grupo at ang akala ay laging biro ang mga bagay na kahit seryoso. Naranasan ko na ang ganito at nakakasama ng loob. Hindi palaging nakakatawa ang buhay. Kahit nakakatawa man, hindi nakakaaliw na lagi ka na lang pagtawanan.

Hindi sa lahat ng oras tayo ay nakakasama sa umpukan. Kapag may umpukan kang nasamahan, siguraduhing ito ay para sa kaaliwan ng karamihan at laging suguraduhing walang damdaming masasaktan.

Sabado, Enero 30, 2010

BONGGA TALAGA ANG PINOY



Kahit saan ka mapadako at kahit saang sulok ng mundo, may Pinoy. Sobrang proud ako sa lahat ng Pinoy na ginagawa ang lahat at ipinapamalas ang galing sa kahit anong klaseng pamamaraan. Nakakalat ang lahat ng Pinoy sa kahit na anong industriya at hindi nagpapahuli sa iba! Bongga talaga ang Pinoy!

Bongga ang Pinoy! Hindi nagpapaapi at hindi nagiging sunud-sunuran lang sa idinidikta ng iba. Ang husay ng Pinoy ay kaakibat ng kanyang pagdurusa at pagtitiis para sa pamilya. Ibang-iba ang Pnoy!

Bongga ang Pinoy! Kumpara sa iba, tayo ang katangi-tanging lahi na binigyan ng malawak na isipan. Sa halos lahat ng klase ng trabaho, ang dami nating mga nag-mu-multi-tasking at alam ang kahit anong bagay. Minsan nga kahit hindi alam, para lang sa trabaho ay pilit aalamin at pagsasanayan…

Bongga ang Pinoy! Madali tayong mahalin, madaling makahanap ng kaibigan at kinagigiliwan ng ibang lahi sa mundo. Madalas ang pagpuri kaysa sa diskriminasyon. At paulit-ulit na pinalalakas ang loob sa lahat ng pagkakataon.

Bongga ang Pinoy! Ibang-iba at proud ako ng bonggang-bongga!

Biyernes, Enero 29, 2010

KA-ARKIHAN 101


Kung gagawa ako ng perspective, malamang ganito ang magiging itsura. Halos matakpan ng halaman ang building. Ang detalye ng gusali ay hindi na makita dahil punong-puno ng halaman ang foreground. Sa totoo lang, hirap talaga kasi akong gumawa ng perspective at isa pa hindi naman ako magaling mag-render. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga classmates ko noong college (mga Arkitekto na sila ngayon), maiiyak lang ako kung babalikan ang dati. Kalokang perspective ito! Kaya nga siguro iniwan ko ang propesyon sa takot na gumawa ng mga perspective. Sanay pa naman ako…

Kay She ko madalas maipakita ang ginagawa ko. Palibhasa magkatabi kami noon at naging magkasama sa boarding house, sa kanya ko kalimitang sinasabi at pinapakita ang kagagahan kong umubra naman. Kahit kaunti.Hehehe. Naipasa ko naman ng maayos ang Visual Fundamentals 1 in Monochromatic Rendering, Visual Fundamentals 2 in mixed media at ang Visual Fundamentals 3 na Perspective chuvaness! Ang dami yatang binigyan ni Arch. Danny na incomplete. Naging pasang-awa ako. Nakuha siguro sa pag-emote ko! Hahaha!

Si Greg ay pinagtiyagaan akong turuan at madalas kong tanungin sa paggawa ng perspective. Para kasi sa akin ay masyadong technical at di kinakaya ng powers ko. Parang sasabog ang utak ko. Kaya para takpan ang hindi maayos na detalye, sa plano pa lang at sa landscape ay pupunuin ever ko na ng sandamakmak na kapunuan at halaman. Kaya pag nag-plot na ng perspective ay talaga namang namumutiktik sa ka-berdehan ang aking gawa. Puno ng halaman! Hahaha. Kung sa interior perspective naman kung minsan, ang aking carpet ay nagmumukang grass!

Ewan ko nga ba kung masasabi kong naging seryoso ako sa pagkuha ng BS Architecture. Hindi ko naman talaga hilig. Masarap lang gumawa ng mga concepts, magsulat ng mga pilosopiya, gumawa ng istorya pero pag drawing na, nanginginig na ako!

Binalak ko na nga ring mag-quit sa Architecture. Bukod kasi sa magastos ay nahihirapan na rin talaga ako at pigang-piga na ang aking utak sa mga numero. Mabait talaga si Lord at pinakinggan niya ang mga dasal ko at salamat sa mga professors na marunong maawa sa nag-e-effort!

Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy


Miyerkules, Enero 27, 2010

YOSI N'YO



Hindi ko talaga alam kung anong pakiramdam ng naninigarilyo. Hindi ko man lang natikman at lalong hindi natutunang manigarilyo. Sa libu-libong taong gumagamit nito, pawang lahat ay hindi makapagpigil sa sariling hindi makahitit nito. Dati, lagi akong nagtatanong kung bakit ba talaga kailangang manigarilyo. Maliban sa isa itong bisyo, may masamang dulot ito sa ating kalusugan. Ewan ko lang nga kung bakit kasi parang naging simbolo ito ng pagiging sosyal! Sosyal daw tingnan kapag nainigarilyo, may dating at nakakapagpataas ng kumpiyansya sa sartili. Hindi ko pa rin masabi dahil sa edad kong ito ay hindi ko man lang talaga natutunang humitit nito at magbuga ng usok. Siguro nga masuwerte ako dahil hindi ko ito natikman. Isa na rin siguro ako sa nag-aaksaya ng pera para lang mapagbigyan ang bisyong masakit na sa bulsa, masama pa sa baga!

Sabi ng isang kaibigan ko, naglalaway daw siya kapag hindi man lang nakahitit nito sa isang araw. Minsan na niyang sinubukang hintuan ito pero hindi niya magawa. May mga pagkakataong nagiging kunsimido siya kapag hindi nakahitit nito. Ibig sabihin, ang sigarilyo ay para ring drogang nakaka-addict at kapag nasimulan na ay paulit-ulit na itong gagamitin. Gagastos ka at kapag katagalan magkakasakit na.

Sa mga naninigarilyo, subukan ninyong kalkulahin ang mga perang ipinambili ninyo ng yosi ninyo. Tingnan lang natin kung hindi kayo manghinayang sa mga perang sinindihan lang at naging abo. Pero, hindi naman kayo papaapekto, kasi nga ang alam ninyo nasiyahan kayo, nasarapan at naaliw sa bawat nicotine na sinunog ninyo.

Sa mga talamak na sa paninigarilyo, kailan ba kayo huling nagpa-check-up, okay pa ba ang mga baga ninyo? Nakakahinga pa ba kayo ng maayos?

Kunsabagay, kahit paulit-ulit naman akong magsalita at magpayo, alam kong walang makikinig at walang matitinag. Ang yosi ninyo ang kaligayahan ninyo. Kung hindi maiiwasan, bawasan na lang…Para sa kapakanan niyo din yan no!

Martes, Enero 26, 2010

SINIGANG



Kahit paulit-ulit kong iluto ang sinigang hindi ko ito pagsasawaan. Ang hilig ko nga sa sabaw. Sabi nga ng lola ko, para daw lagi akong nagpapasuso! Hahaha! Ang asim ng sinigang ang siyang nagbibigay saya sa aking lalamunan at kumakalam na sikmura.

Paborito mo rin ba ang sinigang? Ang daming klase ng sinigang ang natikman ko na nailuto ni Mommy, ni Nanay at ni Inang, ng kapatid ko, ng mga kapitbahay at ng mga kaibigan. May sinigang sa sampalok at usbong nito, sinigang sa kamias, sinigang sa bayabas at kung ano pa mang pampaasim. Ngayon sinigang sa powder mix.

Naaalala ko pa dati ang paglalaga ng sampalok at pagpiga at pagsala dito para lumabas ang katas. Nakakatuwa ring isipin ang mga panahon noong bata pa ako na kumukuha ako ng usbong ng sampalok para sa sinigang.

Ito ang ilan sa mga alam ko kung paano ang paghahalo ng mga gulay sa sinigang:

  1. Ang baboy o baka na sinigang sa bayabas ay maaring lahukan ng sitaw, gabi at okra.
  2. Ang sinigang sa sampalok ay kadalasang pinaghalu-halong talong, sitaw at okra.
  3. Ang sinigang na may pechay ay maaaring lahukan ng labanos.
  4. Puwede ring isahog sa sinigang ang mustasa.
  5. Maaari ring lettuce kung walang makuhang pechay.
  6. Masarap ang sinigang na may kangkong.
  7. Mas masarap ang sabaw ng sinigang kung maraming kamatis at nilinggis na mabuti.
  8. Maari ring pigaan ng kalamansi ang sinigang.
  9. May tinatawag ring sinigang sa miso.
  10. Hindi bagay na ilagay ang carrots, patatas, saging na saba at papaya sa sinigang, hindi ito nilaga.

Masarap akong magluto ng sinigang. Bagay na natutunan ko kay Mommy at nasubukan kong magluto nito noong nasa grade five ako. Sinubukan naming iluto para sa Cook Fest ng Boy Scout. Yes, Boy Scout nga at patrol leader pa nga ako. Kaloka!

Lunes, Enero 25, 2010

PANALANGIN




Bukas ang kaarawan ni dating Pangulong Cory, hayaan ninyong mag-alay ako ng isang panalangin. Ang paggunita ko sa araw na ito ay katumbas ng paggunita ko kay Mommy na pumanaw ilang buwan ang paggitan bago bawian ng buhay ang dating pangulo. Si Pangulong Cory ay nag-iwan ng tatak sa bawat isa na ang panalangin ang siyang pinakamabisang sandata laban sa kapahamakan at pangamba. Si Mommy, katulad ni Tita Cory ay siyang nagturo sa akin na magdasal simula sa aking pagkabata at lagi niyang pinapaalala sa akin na ako ay magdasal. Sa tuwing kinakausap ko si Mommy noong nabubuhay pa siya, ang tanging hiling ko din sa kanya ay ipagdasal niya ako para maging malayo sa lahat ng kapahamakan.

Hindi ko makakalimutan na ang mga huling araw na pagsasama namin ni Mommy ay nakapagsalo kami sa pagdarasal. Ang imahe ng Birhen ng Fatima ay dinala sa aming tahanan noong umuwi ako ng Pilipinas at kung ilang gabi kaming dalawa ay nag-rorosaryo. Sa larawan ay makikita ang Rosaryong ginamit niya  at kanyang ginamit sa kanyang mga huling sandali bago ang kanyang biglaang pagkakasakit at pagpanaw. Dala-dala ko kahit saan ang sandata ko, ang rosaryong nasa larawan na aking kinuhanan na aking ipinagamit sa isang kasamahan.


Dakilang Amang Lumikha,
Puspusin mo ng biyaya ang aming mga kaluluwa
Na nauuhaw sa iyong pag-ibig.
Dinadakila namin ang iyong walang sawang pagsubaybay
Sa aming lahat at ipinagpapasalamat namin
Ang buhay na aming tinatamasa sa mga panahong ito.
Batid naming kami ay mga makasalanan
Ngunit lubos ang aming pag-asang kakalingain mo kami
Sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon.
Minsan sa mga pangambang dumarating sa amin
Walang ibang nagbibigay lakas
Kung hindi ang aming matimyas na pananampalataya sa iyo.
Dakilang Ama, igawad mo sa aming mga puso
Ang tunay na diwa ng kapayapaan sa aming mga sarili at sa aming bayan.
Iligtas mo po kami sa lahat ng pangambang dulot ng kalikasan
At kalingain kami sa mga pagkakataong walang wala kaming malalapitan
Kundi Ikaw na makapangyarihan sa lahat.
Gabayan mo ang bawat isa sa amin na makapa-isip
Para sa kapakanan ng aming bayan at kapakanan ng aming pamilya.
Ituro mo sa amin ang siyang nararapat sa patnubay ng iyong Dakilang Espiritu.
AMEN.


Sabado, Enero 23, 2010

BATANG BONGGA




Nakakatuwa ang mga bata. Lalo na kung ang mga ito ay sobrang bibo.  Wish ko lang mabuntis na ako at ng magkaroon ako ng anak. Hahaha! Natural, lahat ay gagawin ko para sa aking anak. Higit pa sa pagpapalaki sa akin ni Nanay mula sa kanyang paglilihi, hanggang sa aking pagsilang at hanggang siyam na buwan, tatlong buwan bago ako mag-isang taon. Si Mommy na ang nagpatuloy sa pag-aalaga sa akin, dahil si Nanay ay nagtatrabaho sa Maynila at buntis na ng dalawang buwan bago ako mag-isang taon. Nahirapan sa pag-aalaga. Ang lambing ko daw. ‘Di ba nga may kasabihan na pag naglalambing daw ang bata ay may kasunod na. Wow, nag-ala Madam Rosa pala ako noong bata pa ako dahil nalaman ko na buntis na nga ang aking Mudra. Kaya ang drama, mega paalaga niya ako kay Mommy na siya kong kinalakihan. Pero walang halong pagdaramdam. Maayos naman akong napalaki ni Mommy at ginawa ang lahat para sa akin.

Ewan ko lang kung bibo nga ako. Ang alam ko noong bata ako, may diperensiya ako sa paglalakad kaya mega suot ako ng bakal na sapatos at para mapantay ang aking tabinging paa. E ano naman kung pilantod. Buti na lang hindi napilay ang aking isip. Hehehe…

Kuwento ni Nanay, dahil nga ako ang panganay at kauna-unahang junakis, lahat daw ay mamahalin. Mula sa gatas at lahat ng mamahaling prutas ay ipinakain nila sa akin. Palibhasa parehas sila ni tatay na nagtatrabaho. At si Mommy, hindi rin nagkulang sa pag-aalaga. Kaya ang kinalabasan bonggang bata at fabulosa pa! Ako ‘yon!

Feeling ko kasing bibo at kasing bongga ako noon katulad ng bata sa larawan, si Serene Reyes Germinal, ang pangalawang anak ni Ate Tess.



Biyernes, Enero 22, 2010

SA AKING PAGTULOG




Sa aking pagtulog hayaan mong ibaon kita
At sa aking panaginip ay aking makita
Kung paano ang tunay na ligaya
Na hindi iniisip ang sasabihin ng iba.

Sa aking pagtulog ay nadarama ko
Kasama kitang nagsasaya
Hindi iniisip ang mga problema
Pilit iwinawaglit ang pangit na alaala.

Sa pagtulog ko lamang nakikita
Na ang mundo ay nakikisama
Batid nito na ang aking ligaya
Ay ikaw lamang at wala ng iba.

Sa aking paggising na hindi ka na makita
Pipilitin kong muling isara
Ang aking nalulumbay na mga mata
At ipinapangako kong ‘di na ako muling gigising pa.

Huwebes, Enero 21, 2010

RELASYON




Oo, napaaga nga. This is something about “pag-ibig”. Hindi pa Valentine’s Day pero bigla ko itong nakita at obvious naman di ba? Dalawang mukhang magkalapit. So sweet! Pero hindi ito basta pag-ibig lang na alam natin. Pag-ibig Na masalimUot at pasikut-sikot na aspeto ng pakikipagrelasyon.

Kapag may pag-ibig, may relasyon. Ang daming klaseng relasyon. Hindi lang boy-girl relationship na minsang napupunta sa isang “marriage relationship”. Relasyong sali-salimuot. Relasyon ng pamilya. Relasyon ng magkakapatid. Relasyong bading. Relasyon ng gurang at bata. Relasyong minsang kumplikado at sa pinakamasakit na dulo nito, ang bawal na relasyon. Ewan ko lang pero minsan napag-isip-isip ko na bakit kailangang humantong ang bawat isang tao sa mga ganitong bagay. Sabi nga nila kapag puso raw ang humatol ay wala silang magagawa. Nagiging timang na. Kahit gaano ka pa katalino at kahit ilang kurso pa ang kinuha mo, kapag si puso ay nagbadya, si utak ay biglang nalilito. Kaloka!

Aba! Sino ba ang ayaw pumasok sa relasyon? Lahat ay gustong maranasan ang sitwasyong sa iba ay nakakapagpabuo ng kanilang sarili. Hindi kumpleto kapag walang karelasyon. Si relasyon naman kung minsan, napakadaling hanapin. Naglipana, parang inilalako lang. Sa iba naman ang ilap. Hindi mahanap-hanap.

Base sa mga nakita ko at ang ilan ay dinanas ko, kaakibat ng relasyon ang matinding atraksiyon sa isang tao na idinidikta ng puso. Pag-ibig ba ito?  Makapangyarihan nga at hinahamak ang lahat masunod lamang. Kasehodang itakwil ng pamilya, kahit na isumpa ng ilan, pilit ipapasok ang sarili makamit lamang ang relasyong inaasam. Ang ibang relasyon ay relasyon na umiiral mismo sa pamilya. Gaano ba magkakasundo ang magkakapatid?

Ang mga lalaki, talaga nga yatang natural na “polygamous”, hindi mapakali at makuntento sa isa. May-asawa na, makikipagrelasyon pa sa iba. Ang tatay ko, nakisali rin. Pinasok ang ganito. Huling-huli na, deny to death pa ang drama. Martir ang nanay ko. Sobra. Pinagpaplanuhan ko ngang bigyan ng “award” at ng masulit ang pagiging martir.  Ipagdadasal na lang daw niya si tatay. Aba, sa hinaba-haba ng panahon mukhang may malaking improvement… Magkasama pa rin sila. Masaya ako para sa kanila. Kaya nga noong huling kausap ko kay Nanay, kinumusta ko ang tatay ko. Diabetic si tatay. Nagme-maintain ng gamot kaya hindi na siguro tinitigasan. Hahahaha!

Pero di ba? Ang daming nasira ang pamilya dahil sa pangangabit ni lalaki. Aray ko… Sa mga nakakaalam, alam nila kung bakit ako napa-aray! Puwede ba akong magpaliwanag?

Hanga din naman ako sa relasyon naming magkapatid. Kahit noong bata pa kami, marami ang nagsasabing maganda ang samahan namin. Si nanay, madalas na sinasabi sa amin noon na magmahalan kaming tatlo. Walang ibang magtutulungan sa amin kundi kami lang din naman. Natural lang ng mag-way kami dati. Mga away ng mga batang pasaway. Ang seryosong pagtatampo sa akin ng aking sister ay noong nasa kolehiyo kami. Naaalala pa kaya niya iyon? Ang sister ko mega hindi kumikibo ever sa akembang kaya matagal din kaming hindi nagpansinan. Hindi pala niya ako pinansin. Tumagal ng ilang araw bago kami nag-usap. That was the first and last. Ngayon, masasabi kong walang makakasira sa aming realsyon. Walang “pride’ na umiiral sa amin. Puwede akong magbaba ng level at lahat puwedeng daanin sa pagpapatawa! Salamat na nga lamang at talaga namang carry niya ang ka-timangan ko. Salamat sistereka! Isa kang Diyosa! Madalas silang may tampuhan ng kapatid kong bunso. Ang kapatid kong bunso na pasaway, pinagsasabihan ko rin ng madalas kapag sinasagot ang Ate niya. Nakakatimang kung minsan. Hindi ganoong ka-perpekto ang relasyon namin sa pamilya. Pero, kapag ako ang kapatid ninyo, mababalanse ang lahat! Ako ang timbangan sa pamilya. Pinapakinggan naman nila ako.

May mga relasyong bawal. Ano nga ba ang bawal? Bawal kasi masama. Sa mata ng Diyos at mata ng lipunan bawal ang may-asawang pumatol ulit sa iba. May ilan namang may-asawa na, papatol pa sa isang may-asawa rin. Naku, ang dami kong kilala. Sa lugar namin, ang daming tsismosa. Mga dakilang tsismosa. Dinadaig pa ang BBC at CNN sa paghahatid ng balita. Naririnig ko lang din kasi sa kanila. Ang iba napakadaling manghusga na akala naman perpekto rin sila. Look who’s talking? Hay buhay!


Miyerkules, Enero 20, 2010

CREMA DE FUTA






Yes, Crema de futa, at hindi mali ang spelling ko. This is not the Crema de fruta you eat as dessert that you know. It’s my term for all the pamahid-sa-fez that almost everyone is using. Daily routine sa mga futa! Hahaha! Including me. Isa sa mga crema de futa fanatic. Di mapakali ng walang pinapahid ever sa mukhang ngarag. From hilamos, cleansing, toning, moisturizing at sunscreen chuva with matching papaya soap, be it classic or green.

Dati naglalagay pa nga ako ng caladryl, remember caladryl na pamahid sa kati yata yon. ‘Yung kulay pink. Then, ‘yung lotion nilalagay ko rin at shina-shampoo ko pa ever ang aking fez. Makapal lang talaga siguro ang mukha ko kaya hindi naman na-damaged. Hahaha!

Simula ng mauso ang Likas Papaya, go na ako dito ng walang kiyeme. Kasehodang mabawasan ang allowance ko basta may pampaputi ever sa mukhang sunog. Nagsulputan na rin ang kung anu-anong brands ng soap at pamahid na lahat pampaputi. May Epiderm-A, may Kalinisan, Kutis, Kalinisan at lahat ng K, Hiyas, Hiyang at kung anu-ano pa. Dumating din ang Block and White, nakisabay din ang Safeguard sa pag-produce ng papaya soap. Gumawa na nga rin si Belo di ba? Si Calayan kaya may pampaputi ever na rin na produkto?

Hindi dito nagtatapos ang kabaliwan ng mga futa sa kung anu-anong puwedeng ipahid, ikaskas at ilagay sa sa mukha at katawan. Nandiyan na rin ang Glutathione in all forms. Puwede na nga ring magpaturok para mas mabilis ang effect. Haaay!

Siyempre nandiyan din ‘yung mga Maxi-Peel at mga astringent na obvious dahil mukha lang ang pumuputi at naiiwan ang kulay ng leeg! Hahaha!

Ako naman, nakikisabay. Walang tigil sa pagsubok ng lahat ng puwedeng ipahid. Kung naisasahog lang ang papaya soap sa pagkain, matagal ko ng ginawa! Hanggang dito lang naman ako. Hindi naman ako ang tipong magpapa-Skin Center pa para lang pumuti ever. Masaya lang akong sinusubukan ang lahat. And natural ang makita ang effect.

Ikaw saan ka ba hiyang? Ano ba ang ipinapahid mo sa mukha mo? Nag-papasalamat Doc ka ba? O hiyang ka na sa simpleng paggamit ng sabon at crema de futa?

Kung ganda at kinis ang hanap mo, mag crema de futa na para masaya at bonggang-bongga!




Martes, Enero 19, 2010

ANG DAMO




“Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” – Salawikaing Filipino

“Aanhin pa ang damo kung sementado naman ang garden mo?” – Allan K.


Lunes, Enero 18, 2010

ANAK NG TINAPA




Salamat Mr. Willy Luceda aka Daddy sa pabaon mong “Dave’s Smoked Fish”. Ito ang aking pananghalian  kanina na sinabayan ko ng itlog na maalat (courtesy of Daddy pa rin) at fresh na kamatis. Sarap! Kung ilang taon na rin akong hindi nakakain nito at sobrang napadami ang kain ko. I used my bare hands in eating tinapa and salted eggs. Feeling nasa probinsiya akembang!

Ano ang mayroon sa tinapa? Simple lang, this was Mommy’s favorite. Si Mommy, ‘yung nagpalaki sa akin at kinagisnan kong nanay. Nostalgic mode na naman ang drama ko today. Tinapa kasi ‘yung pinakamadaling mahanap na ulam dati. Tinapang galunggong at iyong may kaliskis. Kung ilang beses sa isang linggo namin ito kinakain. Ang pihikan ko pa nga dati at nagrereklamong palagi na lang bang tinapa? Hindi ko naman masisi si Mommy dahil wala naman kaming pambili ng ibang ulam. Pilit niyang pinagkakasya ang kanyang pera para may pambili pa kami ng ibang kailangan sa bahay. Higit sa lahat para may maibaon pa ako sa eskuwela.

I am certified anak ng tinapa and I am so proud to be one. Dahil sa tinapa, nagiging matipid kami at may allowance pa ako sa eskuwela. Crying moment… naalala ko na naman kasi si Mommy, my dakilang Mommy!



Linggo, Enero 17, 2010

KILOS AT GALAW




Mula sa “one-way glass wall” ng aking opisina ay naaliw akong pagmasdan ang isa sa mga manggagawa sa kumpanya. Dahil one way, hindi niya alam na kung ilang minuto ko na rin siya kinukuhanan at pinagmamasdan. Nakakaaliw pagmasdan ang mga kilos at galaw ng mga tao. At dahil dito, napakadali nating basta na lang manghusga. Kahit hindi naman talaga natin kilala ang isang tao, para bang kakilala na lang natin siya at bigla-bigla ay may masasabi tayo. “Si ganito, si ganyan ay ganoon…”

Kapag may nakitang babae na makapal ang make-up sasabihin pokpok. Kapag laging nakatawa ang babae sasabihin malantod. Si lalaki, kapag mahinahon kumilos sasabihin bading. Si lalaki, kapag may edad na at walang asawa sasabihiang bakla. Kaloka ang mga tao ang daling manghusga. Sobra!

Ako din naman dati ay napakadaling manghusga. Isa ako sa nakikisali at ginagawang katatawanan ang panghuhusga sa kapwa batay sa kanilang kilos at galaw. That was long time ago. Not now. I’ve learned so many lessons in life. Kung wala ka rin namang masasabing maganda, manahimik ka na lang.

Blessed Mother Theresa said “If you judge people, you will have no time to love them.”  Kaya nga, paano maisasabog ang bonggang pagmamahal kung palagi tayong manghuhusga. Tandaan din natin na hindi nakabatay sa kilos at galaw ang pagkakakilanlan sa isang tao. Ang nilalaman ng puso at damdamin pati na ng isip ang siyang nagiging sukatan at batayan ng ating pagkakakilala sa bawat isa.

Minsan nagiging kasabay ng panghuhusga ay ang panlalait na nakakadurog sa puso ng mga biktima. Naranasan ko na rin kung paano laiitin. Masakit pakinggan. Kung iisipin mo, para bang ikaw na ang pinakamahinang tao sa mundo. Hindi ako nagpadaig sa emosyong dala ng panlalait. Ito pa ang nagsilbing inspirasyon ko para ipagpatuloy ang buhay.

Lahat tayo ay may kakaibang kilos at gawa. Sa mga kilos na ito natin naipapakita kung sino at ano tayo. Huwag pakinggan ang sasabihin ng iba, kahit ito ay panlalait at panghuhusga pa. Maging malaya sa mga kilos at galaw na hindi apektado ang sinumang nakapaligid sa atin. Kumikilos tayo ng naayos sa sarili nating kagustuhan. Kung apektado sila, anong pakialam nila?


Sabado, Enero 16, 2010

NAG-IISANG PUNO


Kasabay ng pagdalaw namin ni Amrit sa aking mga kaibigan ay ang pagpunta namin sa isang pasyalan sa Al Ain, ang Jebel Hafeet. Ito ang unang pagkakataong makakapunta si Amrit sa lugar at unang pagkakataon din niyang makapunta sa Al Ain. Kasama ko siya. Ayaw kong palagpasin ang pagkakataong hindi kami magkasama. Gusto ko ang lahat ng kanyang “first time” ay kasama ako. Sa loob ng ilang taong pagsasama namin, madami na rin kaming napuntahan at lahat ay nagbigay ng magagandang alaala.

Salamat sa aking kaibigan, si Claridie na walang pagod na sumama sa amin at naging tagabitbit ko ng ilang gamit. Mahina kasi ako at madaling hingalin. Madali pang mapagod.

Sa pag-upo namin sa isang lugar, nagbigay pansin sa akin ang nag-iisang puno malapit sa aming kinauupuan. Nagbigay ito ng pagkakataong gumana ang aking isip para sa aking Project 365.

Sa paggana ng aking isip ay nabuo ko ang mga sumusunod na linya…

Ako ang nag-iisang punong
Batid na hindi mamumunga
Pinipilit na tubuan ng mga sanga
Hinahayaang dahon ang magsilbing ganda.

Hindi man tuwid ang aking kinalalagyan
Alam kong ang lupa hindi ako pababayaan
Ang aking ugat pilit na kakapit
Kahit na mga sanga ay magkandapilipit.

Ako ang punong hindi man mamunga
Ay may iba pang pakinabang na dala
Ang aking mayabong na dahon
Magsisilbing panangga sa init ng panahon.

Hindi man diligan, hindi man alagaan
Pilit na uusbong anumang oras ang magdaan
Ako ang nag-iisang punong ang tanging hiling
Sa pagdating ng panahon ay umaasang may aangkin.

Bongga ang tula… hahaha!


Biyernes, Enero 15, 2010

DALAW




May mga kaibigan ka ba o kasamahan dati na matagal mo ng hindi nakikita? Kailan mo sila nakausap ng personal?


Hindi ko pinalagpas ang pagkakataong ito na makadalaw sa dating lugar kung saan ako nag-umpisang makipagsapalaran sa labas ng Pilipinas. Ang pagbabalik ko dito ay nagbigay ng mga alaala ng  naranasan kong saya at lungkot, pighati, asar, inis, aliw at lahat na ng mga ekspresyon ng damdamin.


Higit sa lahat, dito ako nagkaroon ng lakas ng loob at naniniwala talaga akong may dahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa ating buhay. Hindi man ako kasing palad ng ibang mga lumabas ng bansa, ang dami ko namang natutunan sa buhay. Ang mga karanasan talaga ang siyang pinakamahusay na tagapagturo sa atin.


Kasama sa mga karanasang ito ay ang mga kaibigang hindi ka iniwan kahit na gaano mang kalayo ang inyong naging distansiya. Dahil sa pakikisama ko ng maayos sa lahat, sa aking muling pagdalaw ay nagmistula akong artistang pinagkaguluhan. Hahaha! Kapagod magsasalita, magkuwento, makipagyakapan, ang ilan ay humahalik pa.


Kapansin-pansin sa harapan ng gusali ang mga bulaklak na iba’t ibang kulay. Dati kasi ay wala man lang ibang kulay na makikita dito. Nakakapagod tuloy tingnan at parang walang buhay. Bongga na ngayon. May mga bulaklak na. Natural nandoon pa rin ang bundok sa may katapat na kalsada. Walang pagbabago. Piping saksi sa lahat ng kaganapan sa kaharap na gusali, ang malawak at malaking pagawaan na minsan kong naging himpilan.


Laging may kahalong kakaibang damdamin ang pagdalaw. Sa pagdalaw kong ito ay napagtanto kong hindi ako nakalimutan ng lahat. Mainit pa rin akong tinanggap ng bawat isa. Feeling artista, nagkagulo, may ingay! Kaaliw. Dati kasi ako lang ang nag-iisang bumabalanse sa lahat ng emosyon ng bawat isa. Para akong isang clown na nagbibigay ngiti sa mga pagod na manggagawa.


I was loved. I was respected. Forever I will be remembered. Salamat sa masasarap na pagkain. Sobrang busog ako at si Amrit ay naaliw din ng todo-todo. Ang pinakamaganda pa nito, may mga regalo pa at pabaon!





Huwebes, Enero 14, 2010

ANG SALAMIN SA MATA




Ang salaming ito ang magbibigay sa akin ng pagkakataong suriin at alamin ang aking mga saloobin tungkol sa kulay ng buhay. Hayaan ninyong dagdagan ko ng linaw ang aking mga matang matagal na rin namang lumabo at palaging nangangapa sa dilim. Dilim na kung saan ay itim lamang ang nasusumpungan.

Hindi naglalaro lamang ang buhay sa itim at puti sa kung paano tayo sinanay. Kesyo, ikaw dapat ganyan, ikaw dapat ganire, dapat ganito, etcetera… Marami pang pagpipiliang kulay na magbibigay sa atin ng mga dahilan kung paano ba maging masaya. Sabi ko nga, ang itim at puti ay hindi naman kulay kung hindi mga “neutralizers”. Sabihin na nating ito ang bumabalanse sa kung ano talaga ang kulay na mayroon tayo. Pero hindi talaga dapat dito nakabatay lang kung paano dapat tayo kumilos. Binigyan tayo ng kalayaang makapili at makapag-desisyon ng naayon sa ating kagustuhan.

Para ring tama o mali. Ang tama ay ang puti o ang mabubuti, ang itim ang mali at masama. Ang tanong, ano ba talaga ang tama? Sino ba ang mali? O dahil sinanay lang talaga tayong maging “consistent” sa kung ano kaya minsan ay lito tayong maging totoo at kumilos lang ng nakabatay sa pagdidikta ng mga taong nakapaligid sa atin. Pero naisip mo ba na dahil sa mga pamantayan na ito ay napakadali nating manghusga?

Ang nasa isip ko lang, hindi naman talagang puwedeng ipilit sa atin na maging kung ano tayo habang tumatanda. Nagbabago ang panahon at sumasabay ang ating mga kagustuhan batay sa umiiral na sitwasyon. Hindi naman tayo isang computer na may program o isang robot na puwede na lang gamitin kung gugustuhin at ipagawa ang lahat.

Gawing makulay ang buhay at higitan ang bahaghari. Ang sa akin lang, sino ka man, o ano ka man sa mata ng mga tao — hindi mo kailangang sumunod sa kung ano ang gusto nilang maging ikaw, kahit ito pa ay base sa dati nilang pagkakakilala sa iyo. Walang sinuman ang maaaring magbigay pwersa sa iyo para maging “consistent” ka. Ikaw ay ikaw at ikaw ay magiging ikaw ayon sa sarili mong kagustuhan kahit ano pa ang iniisip ng ibang tao at kahit ano pa ang iyong nakaraan.




Miyerkules, Enero 13, 2010

PAANO KAYA KUNG...




Nakita ko ang isa sa mga staff ko na nakasuot ng T-Shirt at ito nga ang nakasulat, “TRUST ME LADIES, I AM YOUR TYPE.” Bigla akong napaisip at ibinalik ang tanong sa sarili ko. Paano nga kaya?

What if I am straight? Ano masasabi nyo? It’s your time to speak.


Martes, Enero 12, 2010

HALLWAY




Maraming kuwento tungkol sa hallway. Isang hindi kalakihang lagusan kung saan lahat ay nagdaraan. Minsan, may makakabangga ka pa nga at dito rin maaring makahanap ng kaibigan. Ang taong nasagi, maaring maging kaibigan sa bandang uli. Sa ibang nag-iinarte, kapag nasagi mo, magmamaganda at biglang iirap sa iyo, sabay sabing “Leche!”


Lahat daw tayo ay may individual zone. Depende sa atin kung paano natin ito mai-a-adjust sa mga pagkakataon. Paano nga kaya kung sadyang maliit ang mga lugar na inilaan sa atin. Katulad nga sa hallway, kapag maraming nagkasabay-sabay, lumiliit ang individual zone. Sa pagkakataong ito dalawang bagay lang ang puwedeng mangyari. Magkaroon ka ng kaibigan o kaaway.


Kung sasali ako sa Ms. Universe, ako ang tatanghaling Ms. Congeniality. Madali akong makahanap ng kaibigan. Promise!