Kasabay ng pagdalaw namin ni
Amrit sa aking mga kaibigan ay ang pagpunta namin sa isang pasyalan sa Al Ain,
ang Jebel Hafeet. Ito ang unang pagkakataong makakapunta si Amrit sa lugar at
unang pagkakataon din niyang makapunta sa Al Ain. Kasama ko siya. Ayaw kong
palagpasin ang pagkakataong hindi kami magkasama. Gusto ko ang lahat ng kanyang
“first time” ay kasama ako. Sa loob ng ilang taong pagsasama namin, madami na
rin kaming napuntahan at lahat ay nagbigay ng magagandang alaala.
Salamat sa aking kaibigan, si
Claridie na walang pagod na sumama sa amin at naging tagabitbit ko ng ilang
gamit. Mahina kasi ako at madaling hingalin. Madali pang mapagod.
Sa pag-upo namin sa isang lugar,
nagbigay pansin sa akin ang nag-iisang puno malapit sa aming kinauupuan.
Nagbigay ito ng pagkakataong gumana ang aking isip para sa aking Project 365.
Sa paggana ng aking isip ay nabuo
ko ang mga sumusunod na linya…
Ako ang nag-iisang punong
Batid na hindi mamumunga
Pinipilit na tubuan ng mga sanga
Hinahayaang dahon ang magsilbing ganda.
Hindi man tuwid ang aking kinalalagyan
Alam kong ang lupa hindi ako pababayaan
Ang aking ugat pilit na kakapit
Kahit na mga sanga ay magkandapilipit.
Ako ang punong hindi man mamunga
Ay may iba pang pakinabang na dala
Ang aking mayabong na dahon
Magsisilbing panangga sa init ng panahon.
Hindi man diligan, hindi man alagaan
Pilit na uusbong anumang oras ang magdaan
Ako ang nag-iisang punong ang tanging hiling
Sa pagdating ng panahon ay umaasang may aangkin.
Bongga ang tula… hahaha!
1 komento:
i like your photography! at ang tula...
Mag-post ng isang Komento