Pangalawang araw pa lang ng Enero pero parang naubusan na ako ng iniisip. Feeling pressured ako sa kagagahan kong gusto ko naman talagang gawin. Dahil ito ang gusto ko, gagawin ko. Basta huwag lang pumalya sa aking PROJECT 365. Dahil sinimulan ko ring kuhanan ang sarili ko simula kahapon, pati ang damit na isusuot ko ay naging problema ko pa. Wish ko lang na hindi ako magsawa at hindi maubusan ng iniisip at huwag naman sanang maging timang to the fullest level.
Para sa “Second Day Project” ko, ang napagdiskatahan ko ay ang aking assistant na napakataas ng confidence level. Dahil nga siguro matagal na siyang nagtatrabaho sa industriya ay “feeling-he-knows-everything” na. Pero hindi ko iyon kakagatin. Dalawampung taon na siya nagtatrabaho sa industriya at ako ay apat pa lang. Minsan, hindi naman karanasan lang ang sukatan kundi ang isipan. Ganun pa man, hindi naman nawala ang respeto ko sa kanya. Para ko na siyang ama. Nakukonsiyensya ako kapag napapagalitan ko siya at nasisigawan. Dahil mababa naman ang loob ko, ilang minuto lang ay ipapatawag ko na siya sa aking lungga at magsasabi ng “ Sorry!”.
Ano ang koneksiyon ng larawan sa mga binabanggit ko?
Si Mr. Ahmad Bin Awad, ang aking Pakistaning assistant ay pumayag na kuhanan siya. Sabi ko sa kanya na gagawin ko siyang model para sa aking “PROJECT 365”. Walang kagatul-gatol. Go na! Pero hindi ko pa rin alam kung ano ba talaga ang magiging konsepto ko. Kinunan ko siya paharap, patalikod at patagilid. FRONT, REAR and SIDE! Pagkatapos ng ilang minutong photoshoot, bumalik ako sa aking lungga at sa pagbukas ko ng aking drawer nakita ko ang isang bote ng pabango na ginagamit ko kapag feel ko lang. JOOP JUMP! Presto, naisip ko ring kunan ang anggulo na kung paano ko kinunan si Mr. Ahmad. At naglaro na ang aking isip, kumulot, nagpaikot-ikot at kumembot-kembot…
Asul ang kulay ng bote. Naka-asul si Mr. Ahmad. Bongga! Pero wala pa talaga akong naisip na isusulat at kung paano ko bibigyan ng justification ang mga kuhang larawan.
Hanggang naglaro sa isipan ko ang mga sumusunod:
1. Mahalin mo ang taong nakapaligid sa iyo. Hindi ang bagay na mayroon ka. Kapag halos gumuho ang mundo mo sa mga problema, hindi ka maisasalba ng luho mo kahit ang presyo nito ay milyon pa.
2. Hindi makakatulong ang kahit na anong bote ng mamahaling pabango para matakpan ang iyong mga mabahong kamalian. Simulan mo sa iyong puso ang pagtanggap ng maluwag sa bawat pagkakamali at hahalimuyak kang parang isang mamahaling pabango.
3. Hindi naglalaro ang buhay sa isang kulay lang. Tingnan ang bahaghari, at sa bawat kulay nito ay masusumpungan mong ang lahat ng kulay ay mahalaga. Walang itim at walang puti.
4. Sa buhay, anuman ang iyong maging anyo ay hindi ito ang magiging sukatan kung paano ka makikilala. Hindi ang iyong “branded or signatured” na mga damit ang maaalala at tatanim sa puso at isipan ng mga tao kundi paano mo nabago ang kanilang buhay ng dahil sa pag-uugali mo.
5. Harapin ang buhay ng hindi puro harap lang. Ang anumang pighati at kasawian at kahit anumang negatibong damdamin ay labanan ng patagilid, patalikod. I-kembot mo lang ang lahat ng ito at matatamo mo ang kaligayahang hinahanap mo.
6. Huwag ikumpara ang sarili sa iba dahil lalo ka lang magkakaraon ng pagkakataong hindi matanggap ang sarili mo. Isipin mong iba ka at special pa!
7. Lumilipas din ang halimuyak ng pabango. Nawawala kahit anumang dami ng pag-spray mo. Pero ang halimuyak na iiwan mo sa paggawa ng mabubuti ay hindi mawawala kahit ikaw mismo ang kumawala.
8. Isipin mong ang problema kapag dumating sa iyo ay lalong bubuo sa sarili mong pagkatao. Ang bote, kapag nabasag, hindi na mabubuo at madudurog lang. Hindi ka bote, tao ka na puwede pa ring mabuo kahit ilang pagkabasag pa ang dumating sa iyo. Dahil maputol man ang kamay mo o paa at kahit masugatan ang iyong mata, may puso at isip ka pa!
9. Hindi lahat ng mamahaling pabango ay mabango. Hindi lahat ng mumurahin ay mabaho. Para ring tao, hindi lahat ng nakapag-kolehiyo ay matino at hindi lahat ng hindi nakapag-aral ay walang tino.
10. Tumalikod ka man o kahit tumagilid pa ay hindi maikakaila ang iyong pagkatao. Hindi naman nasusukat ang pagkatao sa anyo na gusto mong ipalabas kundi kung ano ang nasa loob ng puso mo.
Ito ang kuwento ng tao at pabango. Minsan pala kailangan may picture muna bago ka makapag-isip. Mas madali pala kay sa maghanap ka ng tema at kumuha. Ano ang masasabi mo? May sense naman ‘di ba?
2 komento:
full of sense, my dear! bravo!
Salamat Ate Phynkee... alam mo bang ang lakas ng loob ko ngayon? Iba pala talaga pag may pumupuri! I love you!
Mag-post ng isang Komento