Linggo, Marso 28, 2010

EAT PRAY AND LOVE



Eat, Pray and Love ang libro na sinulat ni Elizabeth Gilbert, a one woman’s search for everything. Pangbabae pero curious akong basahin, naisip ko baka naman puwede rin sa lahat. Hihintayin ko lang matapos si Ate Tess at babasahin ko. May kopya na ba kayo nito?


Sabado, Marso 27, 2010

WALANG KAMATAYANG SINAMPALUKANG MANOK

Kung ilang beses na akong nag-post ng tungkol sa sinampalukang manok at kung ilang version na rin ang nagawa ko nito. Wala pa ring papantay sa sinampalukang manok na orihinal na niluluto ni Mommy, ni Inang, ni Nanay o ng kapatid ko. Sinampalukang may natural na usbong na sampalok. Naalala ko tuloy dati kapag magluluto kami nito ay ako ang nauutusang manguha ng usbong sa kapitbahay dala ang tabo upang paglagyan. Ang paasim ay natural na usbong at bunga. Wala ng mas sasarap pa sa sinampalukang manok na Tagalog. Ang sarap-sarap higupin ng sabaw at kadalasan ito ang binabaon namin kapag may picnic sa ilog. Natatandaan ko rin na si Mommy kapag nagpatay ng manok ay patutuluin ang dugo sa bigas at kasama itong isasahog sa sinampalukan. Unahan pa nga kami minsang kainin ang atay at balun-balunan.

Sa panahong lahat dapat ay mabilisan, kapag gusto ko ng maasim na sabaw maliban sa sinigang na isda at baboy, sinampalukang manok na version ko ang aking palaging inihahanda. Mabilis lang kasing iluto at puwedeng sahugan ng gulay batay sa sariling kagustuhan.

Heto ang link para sa mga nais magkaroon ng recipe. Happy cooking!

Biyernes, Marso 26, 2010

KUWENTO NG BULAG NA MATA

Credit to my model Deepak Lama, person working under my management.
Minsan may nababasa ka at bigla kang mapapahinto at makakapag-isip at pagkatapos gusto mo itong ibahagi sa mga taong mahal mo.

May isang bulag na babaeng galit na galit sa kanyang sarili dahil siya ay bulag. Galit siya sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya. Galit siya sa mundo. Pero hindi ang kanyang kasintahang palaging nasa tabi niya at minahal siya sa kung ano siya. Sabi niya kung makakakita lang siya at magkakaroon ng mga mata ay pakakasalan niya ang kanyang kasintahan.

Isang araw, isang tao ang nagbigay ng isang pares na mata sa kanya upang siya ay makakita at mapagmasdan niya ang kanyang kasintahan. Sabi ng kasintahan niya, “Ngayong nakakakita ka na, pakakasalan mo na ba ako?” Nagulat ang babae ng makita niyang bulag din pala ang kanyang kasintahan at bigla niya itong tinalikuran, iniwanan at kinalimutan.

Umiiyak ang lalaking nagpakalayo-layo at ng katagalan ay nagpadala ng mensahe sa dating kasintahan. “INGATAN MO ANG AKING MGA MATA.”

Ganito kung paano nag-iiba ang tao sa pag-iiba ng kanilang estado sa buhay. Bihira lang ang nakakaalala at nagbabalik sa kanilang pinanggalingan. Kakaunti lang ang palaging nandiyan upang damayan ka sa mga pinakamapapait na sandali ng buhay…


Huwebes, Marso 25, 2010

KUWENTONG TOOTHPICK



Hindi ako sanay mag-toothpick at lalong hindi ako gumagamit nito. May mga taong nakasanayan na kasing mag-toothpick at parang pagkaing nakahain din sa mesa. Pagkatapos ng masaganang kainan, toothpick ang agad kinukuha upang tanggalin ang tinga.

Bigla naalala ko ang tungkol sa toothpick. Noong nasa India ako, pili lang ang mga kinakainan namin. Mas madalas burger o pizza. Mahirap makahanap ng plain rice. Hindi rin naman available kahit sa McDonald’s dahil sa Pilipinas nga lang yata mayroon nito. May mga pagkakaton namang mahirap tanggihan ang mga imbitasyon ng mga kaibigan. Kaya kahit pilit, para hindi sumama ang kanilang loob. Go! Sa maliliit na kinang pang-Indian, may mga toothpick sa counter at doon puwedeng kumuha pagkatapos magbayad.

Nagkaroon ako ng Indian bestfriend, o sige sabihin na nating mas higit pa doon dahil halos sa kanila na ako tumira. Si Varun Singh, 17 years pa lang siya noong panahong iyon at ako ay 23. Kung paano kami nagkakilala ay dahil sa toothpick. Toothpick ang may sala. Hahaha! Toothpick na nakalagay sa counter ng kainang pang-Indian at nakalimutan ko na ang pangalan. Hindi naman kasi kilala. Parang carinderia lang. Ang natatandaan ko lang, sweets lang ang kinain ko. ‘Yung gulab jamun.

Nakakabitin ba? Basta, sumasagi sa isip ko si Varun kapag may toothpick akong nakikita. Si Varun na ng dahil sa toothpick ay naging bahagi ng buhay ko. Mabait ang nanay niya, si Mommy Madhuri. May kapatid siyang babae, si Aditi. Wala ang tatay niya, pinadala ng gobyerno ng India sa Iraq bilang Deputy Manager ng isang kumpanya.

Nang dahil sa pamilyang ito ay naramdaman ko kung paano ang buhay Indian. Maraming beses din kasi akong tumigil sa kanila. Kasama sa mga lakad. Sinusundo ako ni Varun minsan sa institute na pinapasukan namin at inuuwi sa kanila. Naipagluto ko na rin sila ng ilang beses. Tinadtaran ko na lang ng sili para may lasa. Pero nasarapan naman sila. Marami pa akong bagay na nagawa sa piling ng pamilyang ito at naramdaman kong itinuring akong anak.

Kung hindi dahil sa toothpick, hindi ko makikilala si Varun at hindi mararanasan ang mga bagay na ito na nagpatingkad ng pagtigil ko sa India. I lost communication with Varun. Timang din kasi siya. Alam ko may maganda na siyang trabaho bilang IT Specialist. Sinubukan kong i-search ang pangalang Varun Singh pero libu-libong Varun Singh mayroon sa India. Nakakapagod isa-isahin at baka mapuno ako ng tinga. Wala pa naman akong toothpick…

Miyerkules, Marso 24, 2010

ANG PAGYABONG NG BULAKLAK NA MUNTIK NG MATUYO


Para sa isang kaibigang namumukadkad na parang bulaklak...

Kapag tayo ay nagplano minsan hindi naman nangyayari. Kapag may ginusto tayo at hindi naman napasaatin bigla na lang tayo malulungkot at parang ginuhuan ng matataas na gusali. Sa kabila nito patuloy pa rin naman tayong nagdadasal at ang kagandahan nito, ipinagdadasal din tayo ng mga taong nagmamahal sa atin lalo na ng mga kaibigan. Ang Diyos, ibibigay ang lahat ng para sa iyo sa oras na mas dapat at mas alam niyang tama.

Sa pagsapit ng edad na akala mo ay naubusan ka na ng taong makakasama mo sa buhay, tila nawawalan ka na ng pag-asa at kasabay nito ang pagkalungkot at may tila may mga boses na bumubulong  na nagbibigay puwersa sa iyong huwag mapagod sa paghahanap dahil tiyak may darating.

Sa papalapit na pagkatuyo ng bulaklak ay nakakasumpong pa rin ito ng pagkakataong yumabong. Tila may kung anong sustansiyang nagbigay buhay dito upang muli ay bigyan ng pag-asa at mamukadkad. Hindi pa nga huli ang lahat.

Nasumpungan ng kaibigan ko ang kilig na ibang-iba sa kilig na naramdaman niya dati. Tuwang may pag-asa at hindi basta tuwa lang na biglang mapapawi muli. Isang kaligayahang hindi basta magtatapos kung hindi papasimula pa lang.

Nararamdaman ko ang galak ng kanyang puso at ang kilig na halos magpa-ihi sa kanya. Mga kilig na pigil na pigil at walang paglagyang kasiyahang nakakahawa. Kulang ang maraming minuto para sa mg detalye ng lahat, kahit oras o araw pa. Marami pang dapat pagkuwentuhan at marami pang mga chikahang dapat abangan.

Masaya ako para sa kanya at patuloy ko pa ring ipapanalangin, kasama ng iba ko pang kaibigan na na makatagpo sila ng tamang pagkakataon upang mamukadkad at yumabong kasabay ng kaligayahan at kapayapaan ng kanilang mga puso.


Martes, Marso 23, 2010

DINGDONG!


Buti na lang at may Dingdong! Kapag boring sa office at walang magawa maliban sa pagsulat ng blog na ito o pag-aayos ng mga photo files ay may sumasagip sa napaka-boring na oras. Salamat sa Dingdong at naiibsan ang aking pagkainip. 

Lunes, Marso 22, 2010

MAKULAY NA SALAD



May kinainan kami sa tabi-tabi lang tapos ang ganda ng kulay ng salad, kumpleto sa mga paborito kong kulay kaya naisipan kong kuhanan. Heto ang kinalabasan.

Linggo, Marso 21, 2010

NATAPOS NA NAMAN ANG ARAW



Mula sa balkonahe ng ikawalong palapag ng aking tinutuluyan ay napagmasdan ko kung paano unti-unting nilalamon ng dilim ang araw. Ang araw na sa buong maghapon ay ngumiti sa akin ay tila baga iiyak na naman sa pagsapit ng dilim. Sa kinabukasan ay muling sisilip. Naisip ko lang na ang araw at gabi ay tila baga mukha ng buhay. Kung saan may saya ay may lungkot rin naman. Muli sa bawat kalungkutan ay may ligayang hatid ng hindi namamalayan.

Sabado, Marso 20, 2010

NGITI = PAG-IBIG = SAYA



Kung ang bagay ay nakapagbibigay ngiti, tayo pa kayang tao? Simulan na ang pagngiti upang makapagsabog ng pag-ibig at mag-ani ng sayang walang kaparis. Ganito lang kasimple.


Biyernes, Marso 19, 2010

MGA HULING TALATANG IPAPABASA SA KANYA



Ngayong gabi makakagawa ako ng talatang
Nais kong ipabasa sa kanya kung saan
Binabalot ng kalungkutan ang aking
Mga matang malamlam
Tila ibig pumatak ng mga luha
Ngunit nais kong tapusin
Ang mga huling talatang
Sa kanya ay nais ipabasa…
Ngayon ang gabing sa langit ang mga bituin ay kumikislap
Bilog ang buwan at may hatid na liwanag.
Katulad rin ito ng mga gabing aming pinagsaluhan
Hindi mabilang na sandaling pinupuspos ng galak
At mga pagniniig na siyang pinangarap.
Ngunit ngayong gabi rin tatapusin
Ang sayang binigyan ng kulay
At pilit tatapusin ang mga huling talatang
Sa kanya ay iaalay.
Ang lungkot na ngayon ay aking nadarama
Ay katulad din ng lungkot bago siya nakilala
Minahal niya ako, minahal ko siya
Ngunit ngayong gabi ay tatapusin ang mga linya
Ng talatang sa kanya ay ipapabasa.
Talatang ang laman ay paghihiwalay
Upang buuin muli ang mga sariling nasugatan.
Ang talatang maisusulat ko ay lipos ng kalungkutan
Sapagkat hindi namin ninais na maghiwalay
Ngunit ngayong gabi kung saan ang ilan ay payapang natutulog
Ay gigisingin ang damdaming puno ng lungkot.
Sapagkat ngayong gabi ay isusulat ko
Ang mga huling talatang sa kanya ay ipapabasa
At bibigyang dahilan ang paghihiwalay ng landas
Mapait, masaklap, malungkot, puno ng pighati
Iniibig ko siya pero hindi dapat mahalin
Siya’y sa iba na, iba na ang kanyang makakapiling
Diwa ko’y lumilipad at hindi mapakali
Iniisip ko siya, ang lamlam ng kanyang magagandang mga mata
Matatamis na ngiti at mahihigpit na haplos ay nasa aking gunita
Hindi ko na siya dapat mahalin pero iniibig ko siya
Kaya ang aking damdamin ay ilalagay ko
Sa mga huling talatang ipapabasa sa kanya…



Huwebes, Marso 18, 2010

SINALONGTUYO



Sinangag, talong at tuyo ang aking almusal at sa totoo lang ako ay ginanahan. Sarap!!!



Miyerkules, Marso 17, 2010

MANIKANG BASAHAN VS BARBIE DOLL



“Mas gugustuhin ko pang maging manikang basahan na puwedeng angkinin ninuman kay sa maging Barbie Doll, sosyal nga pero piling-pili lang ang puwedeng humagkan…”


Martes, Marso 16, 2010

SANGA-SANGANG ISIP, LIKO-LIKONG DIREKSIYON



Sa tuwing nakakakita ako ng puno, sanga ang lagi kong napagmamasdan. Kung ilang beses na rin akong kumuha ng larawan ng mga puno. Iba talaga ang dating sa akin. Hitik sa drama at aliw na aliw ako na ito ay pagmasdan. Parang buhay ng tao. Katulad ng buhay ko. Sanga-sangang pag-iisip na kung saan-saan napupunta. Hindi lubos mawari kung ano ang gusto sa buhay. Pabago-bago. Minsang maliko at minsa’y maging diretso.

Ganyan nga talaga ang buhay. Madrama, parang telenobelang kaydaming nag-aabang kung ano ang mga susunod na kabanata. Ang dami-dami kong gustong gawin. Napakaraming dapat na gawin na ang ilan ay hindi nasimulan, may nasimulan ma’y hindi naman natapos. Naliliko kasi minsan at parang bulang bigla na lang nawawala.

Pero hindi ba’t para itong isang pakikipaglaban sa hamon na dala nito araw-araw? Kung saan may alon ay doon sasama at kung saan banayad ang pagdaloy, doon hihinto. Muli ay mag-iisip at bigla-bigla, nabago na pala ang lahat.

Isa sa mga natutunan ko sa pakikipangtunggali sa buhay ay ang hindi pagkukumpara ng sarili sa iba. Kung nabuhay kang lagi na lang ikinukumpara ang sarili sa mga taong nakapaligid sa iyo, magtatapos ito sa iyong pagkatalo. Pagkatalo mo dahil pilit kang kakainin ng inggit sa puso mo at hindi ka kailanman magiging payapa at ang kaligayahang hinahangad mo sa buhay ay parang kay hirap abutin.

Ang buhay ay hindi nga pala tungkol sa pagpaparami ng mga bagay o paghahangad ng kayamanang materyal. Akala ko noon, ang buhay ay may sinusunod na pamantayan na dapat maging mayaman ka paglaki mo, may sasakyan ka, may bahay ka. Kaya naman ako ay kandarapang gawin ang lahat para masunod ang akala kong gabay sa paghahanap ng tunay na kaligayahan.

Habang ang edad ko ay nadadagdagan, doon ko napagtatanto na ang buhay ay hindi naman talaga nakabatay sa pagpaparami ng kayamanan o pag-iipon ng salapi para ipamukha sa mga taong mayaman ka nga. Wala akong yamang materyal, ang yaman ko ay nasa puso ko at kitang-kita ninyo. Kaya ang inaatupag ko ngayon ay magsabog ng kaligayahan sa mga taong nakapaligid sa akin. Magmahal, magbahagi at maging payapa ang kalooban. Ngumiti, humalakhak at bonggang-bonggang dalhin ang sarili ng walang ibang sinasaktan.

Hindi kami pinalaki ng aming mga magulang na maging mayabang. Sabi nga ni Nanay, hindi baling matakaw, huwag lang mayabang! Wala naman talagang ipagyayabang maliban sa heto kami at buhay at nakukuhang ngumiti sa araw-araw. May pagkain kapag nagugutom, may gamot kapag nagkakasakit, may tubig kapag nauuhaw.

Bakit ko nga ba ipipilit ang sarili kong magkaroon ng lahat kung wala naman talaga? Ang direksiyon kong dating nais patunguhan ay tila naiba na naman. Sisiguraduhin kong ang direksiyong pipiliin ko ay ang daan patungo sa pagiging payapa ng aking puso. Walang pait, walang inggit, walang pagkukumpara… direksiyon kung saan may pag-ibig, may ngiti kasama ang mga mahal sa buhay lalo na ang pamilya at mga tunay na kaibigan.

Lunes, Marso 15, 2010

SENTIMIYENTO NG ISANG NAGMAHAL AT NAMANHID ANG PUSO



Parang ibig ko nang maniwala sa kasabihang bulag ang pag-ibig. Dahil alam ko, hindi naman talaga ako bulag pero bakit nga ba ako’y nagpaangkin sa iyo, nagpakaloka at halos maging alipin mo.

Sa totoo lang, minahal naman kita talaga kaya nga ikaw ang napiling makasama ko sana habangbuhay at ikaw ang naging ama ng mga anak ko. Sinimulan nating bumuo ng pamilya. Pilit na inunawa ang pagkukulang ng isa’t isa at pilit pa ring pinagyayaman ang pagsasamang ipinagdadasal ko na maging masaya sa habang panahon.

Wala nga palang panghabambuhay, ang lahat ay nagbabago at walang permanente sa mundo. Kahit na pinilit kong maging mabuting asawa para sa iyo at kahit alam kong may mga pagkukulang ako, batid kong napagbayaran ko na ang lahat. Pinagbabayaran sa mga paraang lingid sa iyong kaalaman ay alam ko naman talaga ang mga ginagawa mo. Masakit malaman ang katotohanan pero iyon ang pinakamabuting paraan para hindi ako magmukhang tanga sa paningin mo at sa paningin ng lahat ng taong nakapaligid sa akin. Sa pagkakataong ito ay tila bagang lumilinaw na ang lahat sa akin. Ang pagkabulag ng pag-ibig kong sa iyo ko lang inilaan ay parang kandilang unti-unting natutunaw sa pagkakasindi nito. Sa bawat pagpatak ng natunaw nitong bahagi ay kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Mga luha ng pighati, takot at pangamba.

Noon akala ko ay okay na ang lahat, na puwede ka namang magbago. Ngunit habang tumatagal ay tila bagang nanlalamig na ang ating pagsasama ng dahil sa mga kagagawan mong pilit itinatago pero nababatid ko naman. Naiisip ko minsan kung asawa pa nga ba ang turing mo sa akin o gamit lang. Sa pagkakataong ito, hindi ko na hinahangad ang pagmamahal mo kundi ang respeto kahit hindi na bilang ina ng mga anak mo kundi tao.

Masakit isiping sa ganito pa mauuwi ang pagsasamang pinangarap ko. Ngayon, batid kong hindi ka na magbabago at sa araw-araw na nakikita kita ay takot ang nararamdaman ko sa mga maaari mong magawa. Marami ka ng ginawang hindi ko na matanggap at sa tuwing naiisip ko ay nanginginig ang aking laman at ibig ko ng kumawala.

Pero bakit ba pilit ko pa ring ipinagsisiksikan ang sarili ko sa iyo, ang damdamin ko? Sa bawat pagpintig ng puso kong nagmahal sa iyo, ng dahil sa mga pangyayari ay unti-unti na itong namamanhid. Hindi na ito ang pusong dati ay bulag sa katotohanan ng iyong pagkatao. Nakukuha ko pa ngang ngumiti kapag minsan at para bang wala lang. Tandaan mo na ang pusong nasugatan ay mahirap maghilom. Maghilom man ito’y kasunod ng pamamanhid, parang walang pakiramdam at pilit humahanap ng bagay na makakagamot dito.

Manhid na ang puso kong minsan ay umibig sa iyo. Hayaan mo ng kumawala ako sa parisukat na mundong iniikutan ko. Ubos na ang luhang pumatak mula sa aking mga mata. Malat na ang aking mga hinaing ng pagsasabing tama na. Pakawalan mo na ang minsa’y naging bahagi ng buhay mo. Manhid na ako. Wala na akong pakiramdam. Uhaw ako sa kaligayahang naipadama mo ng minsan ngunit binawi mo rin naman sa kahuli-hulihang sandali. Sapat na ang lahat…



Linggo, Marso 14, 2010

BULALO



Wala ng mas sasarap pa sa bulalong nakahain sa mesa na pinagsasaluhan ng pagkagana-gana. Mainit na sabaw, mabutong baka, repolyo at patatas, paminta at may sawsawang patis at calamnsi at may sili pang kasama. Tara na, kain na at sipsipin ang buto ng bonggang-bongga!



Sabado, Marso 13, 2010

NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING



Para sa isang kaibigang nagmamahal at naghihintay…

Mga matatayog na pader ang tila hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko, isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.

Labis ang aking pagtatakang sa pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.

Hindi kita araw-araw na nakikita at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na kalagayan ng pamilyang mayroon ako.

Sa tuwing nakikita kita, iba ang siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita natatanaw.

Kaybilis lumipas ng mga araw at unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.

Sapat na ang mga narinig ko. Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.

Nais kong ipabatid sa iyo na buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.

Biyernes, Marso 12, 2010

PITUMPU’T LIMANG TAON NA ANG AKING LOLA





Happy Birthday Inang! Naisin ko mang kuhanan ng picture s Inang, malayo kami sa isa’t isa kaya kinuhanan ko na lang ang isa mga larawang kasama siya. Tinawagan ko ang aking lola at hindi makapagsalita dahil naubusan na ng sasabihin. Na-miss ko tuloy ang aking paboritong tinumis at mga luto niyang lahat ay masasarap. Hintayin mo ako Inang at mag-ba-bonding tayo ng bonggang-bongga pag uwi ko. Kayo, may magaganda ba kayong alaala with your Lola?

Huwebes, Marso 11, 2010

APATNAPU’T PITONG TAON



Marso 10, 1963 ang eksaktong petsa ng ikasal si Mommy at si Daddy. Kung nagkaroon sila ng anak, marahil marami na silang apo at ang panganay nila ay sabihin na nating 45 years old. Pero hindi sila nagkaanak kaya nga ako ang kanilang inilagaan. Bumuo kami ng isang pamilya. Ako bilang nag-iisang anak. Nagsama sa hirap at pagpupursigi para makaraos. Wala na si Mommy. Nandiyan pa si Daddy. Ang alaala ay palagi lang nandiyan. Katawan lang ni Mommy ang nawala, alam kong nandiyan lang siya kasama namin araw-araw. At ang araw na ito ay paggunita sa araw ng kanilang kasal, apatnapu’t pitong taon at bibilangin ko ito hangga’t ako ay may gunita pa.



Miyerkules, Marso 10, 2010

WALONG DAAN AT LIMAMPUNG ARAW AT LUGAW



Ito ang pinakaunang pagkakataon na inilagay ko ang mukha ko sa aking PROJECT 365. Hindi ko mapigilang hindi ilagay ang picture ko kasama ang isa sa mga taong dahilan kung bakit kulang na lang ay sumagad ang ngiti ko sa tenga dala ng aking kaligayahan. Isang kaligayahang malapit ng magtapos ngunit payapa naming iiwan ang isa’t isa at pipiliing hanapin ang panibagong kaligayahan sa kung ano ang dapat. Malungkot kung iisipin pero dahil naihanda ko na ang sarili ko sa kahihinatnan nito matagal ng panahon kong natanggap. Masakit, mapait ngunit mapagpalayang pagmamahal.

Oo, ito ang aming ika-850 araw na magkasama. Pinakamatagal na pagsasamang hahantong din naman sa paghihiwalay ng landas. Wala nga kasing permanente at naniniwala ako sa kasabihang there’s no such thing as forever. Ibang saya ang idinulot ang araw na ito dahil madaming nasa puso ni Amrit ang kanyang sinabi dahil kay Kuya. Hindi ko kilala si Kuya, isang pagkakataong hindi nangyari kailan man dahil walang nangahas na magtanong. Tawagan natin si Kuya na Kuya Boy dahil nag-ala Boy Abunda siya sa mga nakakalokang tanong at si Amrit ay nagtila isang artistang sinasagot ang mga issue.

Nagtakaw ako sa lugaw at dahil nagustuhan na rin naman ito ni Amrit ay ito ang pinili naming kainan na minsan lang mangyari. Napakadalang. Maliit lang ang lugar ng kainan kaya nakihati kami kay Kuya sa mesa at siyempre Ms. Friendship ang  lola, mega-upo na kami at basta bigla na lang nagkapalagayan ng loob at buong akala ni Kuya ay Pinoy din si Amrit kaya kinakausap niya ng Tagalog. Nagkatawanan. Sa pagkakatong ito kasi ay may hindi kami pagkakaunawaan ni Amrit dahil hindi niya sinabi kaagad ang eksaktong lugar kung saan siya nanggaling. Naghintay lang naman ako sa kanya ng matagal at super late ang lolo sa pagdating at ako naman ay na-high-blood na naman at nagtatalak ever. Ugali ko ng magtatalak, parang inang galit na galit sa anak. Heto ang ilang usapang nagpataba ng puso ko at nagpasaya. Dahilan para hindi ko na buksan ang issue kung bakit late si Amrit at kung saan siya pumunta:

Kuya: I thought you’re Filipino.
Amrit: Hahaha. That’s the usual impression. Do I look like one?
(sumabad ako, nagsalita ng Tagalog.
Ako: Ngayon lang Kuya dahil matagal na niya akong nakasama pero dati hindi yan mukhang Pinoy.
Amrit: What did you say?
Kuya: He told me that you look like Filipino just recently not like before the first time you’ve met. How long have you been together?
Amrit: 2 years and a quarter.
Ako: 850 days.
Kuya: That’s good to hear. A Filipino and a Nepali. So, how’s life being with him, este with her? Hehehe.
Amrit: Wallei is so caring, loving and a type of a person you’ll easily fall in love with.
Ako: May ganon? Ngayon ko lang narinig sa kanya ‘yan.
Kuya: I can see how happy you are together. Do you speak Filipino? Do you know any phrases in Tagalog?
Amrit: Yeah. Kumusta ka?
Kuya: That’s good. What else?
Amrit: Sige na. Naman eh. Some sort of expressions usually I hear from Wallei.
Kuya: Is there anything you want to tell?
Amrit: Mahal Kita.
Kuya: Do you know the English translation of that?
Amrit: Of course. I love you.
Kuya: To whom do you want to tell that?
Amrit: To the person beside me.
Ako: Hahaha. May ganyan talaga? Kaloka!
Amrit: You know that.
Ako: I feel it. Even if you don’t say. I know.
Kuya: Wow! To think that you both belong to different nationalities makes me wonder how you managed to be together. Saan ka ba nakatira?
Ako: Sa kanya ako umuuwi. Pero may inuupahan akong flat para may uuwian pag nag-away. I stay there during weekends. Day off ko sa kanya.
Ako: I think I need to take photos. Kuya, kunan kita.
Kuya: Hahaha. May ganyan. Camera shy ako.
Ako: Sige na. Kunan ko din kayo ni Amrit. Kuhanan mo din kami.
Kuya: Hindi ko alam camera mo.
Ako: I-set ko tapos press mo na lang.
Kuya: Sige.
(Natapos ang picture galore.)
Kuya: Maiwan ko na kayo. Nice meeting you Amrit and Wallei. You look happy together.
Ako: Salamat kuya. I-blog ko ito, ha!
Kuya: Sige. Paalam.

This is another unforgettable memory, which I will forever cherish. Salamat sa lugaw at sa walong daan at limampung araw ng saya, minsa’y madrama, may iyak, may away pero sa bandang huli pag-ibig pa rin ang nangingibabaw. Parang ayaw ko ng matapos ito.

Martes, Marso 9, 2010

ISANG PAGPUPUGAY SA MGA KABABAIHAN



Ngayong Women’s International Day, isang pagpupugay ang inihahatid ko sa lahat ng kababaihan sa mundo.

Pagpupugay para sa mga kababaihang ina ng tahanan at nagsisikap maging isang responsableng ina para sa kanyang mga anak at dakilang asawa para sa kabiyak.

Pagpupugay sa mga kababaihang nangibang bansa at tinitiis ang pagkawalay sa kanyang pamilya.

Pagpupugay sa mga “single mothers” na nagpapakatatag harapin ang buhay sa kabila ng pag-iisa nitong pagtataguyod sa kanyang mga anak.

Pagpupugay sa mga kababaihang nakikipaglaban sa kanyang karapatan.

Pagpupugay sa mga babaeng naghahanapbuhay katulong ang kanilang asawa at mga kababaihang inuuna ang pamilya bago ang sarili.

Pagpupugay sa mga kababaihang nangunguna sa lahat at anumang antas ng industriya.

Pagpupugay sa mga babaeng magsasaka, driver, welder at iba pang gawaing panlalaki na hindi alintana ang sinusuong na bigat ng bawat gawain.

Pagpupugay sa mga kababaihang guro na gumagabay sa mga mag-aaral.

Pagpupugay sa mga kaibigan kong babaeng tunay na kaibigan at karamay ko sa lahat ng aking pinagdadaanan.

Ang araw na ito ay para sa inyo.


Lunes, Marso 8, 2010

GOIN' BANANAS



“Sorry, I don’t smoke, I only eat bananas!” Paborito ko ang saging. Hindi kumpleto ang aking hapag kainan kapag walang kasamang saging maging anuman ang klase nito. Basta saging, go! Sana walang madumi ang isip at baka kung anong klaseng saging ang maisip nila. Puwede rin. Hahaha!

Linggo, Marso 7, 2010

ANG KUWENTO NG COLLEGE RING AT MGA KURSONG GUSTO KONG KUHANIN AT NASAAN NA AKO NGAYON



Salamat Ate Berna June Rocamura for your college ring. Naaliw ako ng makita kong may suot ka nito. Bihirang bihira akong makakita ng college ring. Si Aizan, ‘yung kapatid ko ay niregaluhan ni Nanay ng college ring. Sabay kaming nag-graduate ng kapatid ko and she deserved that gift. Cum Laude ang kapatid ko.O, di ba bongga! Kinabog ako!. Hindi naman ako nainggit noong bigyan siya ni Mother Swaning dahil di naman ako talaga lumaki sa piling ni Nanay, may Mommy naman ako. Tinanong ako ni Mommy kung gusto ko raw ng college ring. Ang sabi ko naman hindi naman importante at marami pang dapat pagkagastusan. Sapat na ang ilang taong pagsisikap niyang maitaguyod ako. Just seeing myself finishing a degree with all the sacrifices and hardships of my dear Mommy ay isa ng napakalaking regalong natanggap ko sa buhay ko. Kapag nakatapos ka nga naman, parang kaya na nating makaahon sa hirap. Bagay na pinagsisikapan ko at ginagawa sa maliit na paraan. Drama ko. Nasaan ang tissue?

High School pa lang, nakahanda na ang isip natin sa mga kurso na gusto nating aralin base sa mga pangarap natin. Isa ako sa mga kumuha ng kursong on the spot. Kaya naloka ako.

Ito lang naman ang mga gusto ko.

  1. BEEd, BSEd. – Bata pa lang ako gusto ko ng maging teacher. Ako, mula sa lahi ng mga teacher ay nag-akalang magiging teacher din pero nabigyan naman ako ng pagkakataong magturo in a higher level nga lang. At least natupad. Salamat sa PFA (Philippine Footwear Academy) sa opportunity na ibinigay ninyo at nakapagturo ako ng bonggang-bongga sa ating kauna-unahang paaralan ng sapatos sa South East Asia.

  1. BS Economics – Para kasing ang gandang pakinggan and it’s so cool kaya trip ko talaga ito. Hindi ko talaga siguro carry maging economist, sarili ko na ngang pera hindi ko pa ma-budget.

  1. BS Psycholgy – Feel kong bumasa ng mga isip ng tao. Ang pag-aralan ang mga kilos nila. Ang pagkasaliksikin ang kung anu-anong bagay. Buti na lang at hindi natuloy. Hindi talaga siguro para sa akin dahil ako ang nangangailangan ng Psychologist para naman tumino ang aking nlulukang mundo. Timang nga ako ‘di ba?

  1. Communication Arts, Mass Communication, Broadcasting and Journalism – Gusto kong maging writer, ang mapanood sa TV as news anchor, magsulat ng kung anu-ano, basta lahat ng may kinalaman sa mass media. Haaay, gusto ko pa rin nito! Gustong-gusto!

  1. Fine Arts – Gusto ko kumuha ng kursong painting. Gusto kong magpinta, magdrawing at i-appreciate ang ganda ng mundo. Ang kulay na nakapaligid sa atin at gumawa ng bagay na lahat may ganda. Ngayon, gusto ko lang palang maging maganda. Hahaha.

  1. Hotel and Restaurant Administration – Pangarap kong magtrabaho sa hotel at mag-ayos ng kung anu-ano.

  1. Accounting – Gusto kong maging accountant, pangarap kong maging auditor, maging isang CPA.

  1. Fashion Design – Gusto kong magdesign ng bonggang mga damit, magkaroon ng sariling brand at maging sikat na Fashion Designer.

  1. Banking and Finance – Pinangarap kong magtrabaho sa bangko at magsuot ng long sleeves shirts at kurbata, maupo boong araw at magbilang ng pera.

  1. AB Philosophy – Gusto kong magpakabihasa sa Pilosopiya. Gusto ko lang.


Sa dinami-dami ng kursong gusto ko, BS Architecture ang tinapos ko. Bongga hinda ba? Sinong mag-aakalang naka-graduate ako ng Architecture? Arkitekto de palanggang may takong ang drama ko. Hahaha. Ang nakakaloka dito pagkatapos kong magpakabihasa sa Architecture, duguin ang dapat duguin, maloka sa napakadaming numero, mapuyat ng mapuyat ng napakadaming beses at maghagilap ng pera kapag kapos ay sa bandang huli dito pala ako mapupunta. Kabog! Dahil hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong kurso, inapply ko ang lahat ng nalalaman ko sa trabahong hindi ko pinangarap pero ibang saya ang dulot nito.

Naisip ko, ang Diyos pala iba talaga kapag kumilos, wala sa plano mo pero bigla na lang darating at alam niya kung saan ka mas liligaya. Kaya kung anuman ang nangyayari sa buhay ko ngayon, hindi ko man nagamit ang kursong tinapos ko o tinapos ang kursong plano ko dati, pinagpapasalamat ko pa rin ang lahat at may hanap-buhay akong sapat na para maibahagi ang anumang mayroon ako. Hindi man ganoon kasaganang tulad ng inaasahan pero payapa ang puso ko. No regrets. No bitterness. I am simply happy and keeping myself fabulous all the time, all the way.

Kaya, anong silbi ng college ring sa akin? Tama na ang 92.5 silver ring na suot ko mula noong high school pa ako.


Sabado, Marso 6, 2010

ANG KALIGAYAHAN AY NAKAPALIGID LANG



Sa mga oras ng kalungkutan, marahil hindi mo nasusumpungan ang kaligayahang nasa harap mo lang. Mga simpleng bagay na makapagpapasaya sa iyo. May mga simpleng bagay na kapag minsang malungkot ako ay nakakasumpong ng tuwa sa mga nakapaligid lang o hindi kaya ay mga bagay na hindi mo minsan napapansin pero nakakatuwa. Kapag may nakakita sa akin, sasabihin tila isip bata ako. I always carry a child in me. Kaya nga sweet ako. De vah? E, ano naman. Gusto ko nga. Iniisip ko lang kung sigurong seryso ako masyado sa buhay ay baka sandamakmak na ang wrinkles ko. Meron na nga kaya pinipilit pa ring iwasang magalit at sinisugurong nakangiti to the fullest level. Sagad hanggang tenga. Hahaha.

Simple lang ang kaligayahan ko at hayaan ninyong isa-isahin ko. Nakakatagpo rin ba kayo ng kaligayahan sa mga ito?

  1. Katulad ng nasa larawan, may mga pagkaing sabi nila ay pambata lang pero masaya akong kumakain ng mga ito. Masaya ako kung makakain ako ng kendi na sampalok, yung may budbod na asin. Trip ko rin ‘yung mga kending nabibili ng tingi sa tindahan. I love chicharon at isasawsaw sa suka. Chicharong bulaklak, at lahat ng pampa-highblood! (Buti may BEPSAR, just in case tumaas ang presyon ng dugo.)

  1. Gusto kong makipagkuwentuhan at balik-balikan ang mga nagdaan. Kahit minsan sinasabi kong hindi na dapat binabalikan ang tapos na pero iba ang feeling kapag napag-usapan ang mga nagdaang panahon lalo na noong kabataan. Masarap humalakhak. Walang kasingsaya.

  1. Mahilig akong mag-ipon ng basura. Hahaha. Makuyagot ako, makalat at tinatago ang kahit anong maliit na bagay lang lalo na kung may sentimental value. Maging ito ay bato pa, dahon o kapirasong papel na galing sa taong mahalaga sa akin. Ang nakakaloka sa akin, ikakalat ko ito, isa-isang titingnan tapos ibabalik ulit. Sorting kunwari para may maitapon pero sa bandang huli, ganoon pa rin. May kung ilang kahon ako sa bahay ng mga kung anu-ano lang na naipon ko pa noong elementary ako, high school, college, at lalo na mga kung anu-anong anik-anik galing India.

  1. Mahilig akong magsulat ng kahit ano lang. Minsan napupuno ang mga papel sa harapan ko ng pirma ko, mga kung anu-anong salitang lumalabas lang at minsan may drawing ng kung anu-ano, mostly flowers. Hehehe. Masaya ako kapag nagagawa ko ito. Nakakalis ng stress.

  1. Gusto ko ng lahat ng may sabaw. Lalo na kapag maasim. Kahit ito pa ang ulamin ko araw-araw, hindi nakakasawa. Iba ang pakiramdam kapag ganito ang ulam ko. Kaya palagi akong may tamarind powder mix o kaya tamarind cubes. Kapag may sabaw, solved na ako!

  1. Paborito kong tingnan ang mga natuyong sanga. Ali na aliw akong pagmasdan ito. Lalo na kung talagang halos wala na ang mga dahon at nagsilagas na. May kung anong dramang hatid ito sa buhay ko na hindi ko maipaliwanag.

Biyernes, Marso 5, 2010

KUNG NABUBULUNGAN ANG PUSO



Ang puso kung nabubulungan lang at nakikinig marahil wala ng timang sa lupa. Sa dinami-dami ng mga natitimang, lahat may kinalaman sa pag-ibig na kagagawan ng puso. May mga sobrang husay, sobrang tino na pagdating sa pag-ibig ay zero at walang alam. Nagpapakatimang sa pag-ibig na mapang-asar pero nakakatuwa naman kung minsan.

Kung ang puso nakikinig, ibubulong kong huwag tumibok ng alanganin at kung puwede ay magpakahinahon sa mga panahong halos mahulog ka na sa sobrang pag-ibig. Ibubulong kong  huwag muna, teka muna at ako ay hindi pa handang magmahal.

Kung nabubulungan ang puso sasabihin kong magpakatino at huwag maging tanga sa mga oras na dapat ay tumitibok ito ng tama. Ibubulong kong magpakahinay-hinay sa pagkabog para ang pinaglalagyan nito (ako ‘yon) ay huwag mahulog at malunod.

Pangangaralan ko ang puso na maging manhid minsan kung kinakailangan para hindi ganoong kasakit ang aking maramdaman. Ang sakit ng puso ay sakit din ng buong katauhan, sakit lalo ng isipan. Pero minsan, nagiging bulag ang puso sa katotohanan kaya nga nagiging tanga ka. Kalokang puso, walang mata pero nabubulag pa!

Ibubulong ko sa puso kong kung maari ay huwag magpakitamang at ng sa gayon ay maging matino naman ako sa mga pagkakataong mas kinakailangang isip ang gumana. Sasabihin kong pabayaan ng isip ang magpasya at huwag ng mamakialam pa. Baka sa ganitong paraan ay hindi ako maluka.

Nananadya kasi ang puso. Nakakaasar pa minsan. Kung kailan pakiramdam mong iyon na, dumating na, malilito pa at pilit gagawa ng eksena. Kakaloka. Kakatimang…

Huwebes, Marso 4, 2010

ANG MAGING SINGLE AY MASAYANG TUNAY



Kinuhanan ko yung sipit, nakakatuwa… isang pilang mahaba, lahat single. Tapos naalala ko lang ang mga kaibigan ko…

Ngayong taong ito ang pagbabadya ng pagkawala ng mga numero sa kalendaryo ng karamihan sa mga kaibigan kong hanggang ngayon ay single pa. Ang ilan ay purong-puro at ang iba ay malay ko ba kung nagkamalay na sa kung anong bagay o sadyang naglilihim lang. Ang masasabi ko lang sa inyo mga dear friends, magpakasaya at huwag maging alipin ng kalungkutan. E, ano naman kung single ka pa? Ang maging single ay masayang tunay! Totoong-totoo, kaya huwag ng maging bitter o magmukmok sakaling hindi na dumating ang sinumang hinihintay ninyo. Ang gawin ninyo ay pagtuunan kung paanong ang iniiisip at parating na kalungkutan ng pag-iisa ay mabigyan ng solusyon.

Ngumiti, magbunyi… yan ang dapat gawin dahil ang maging single ay masayang tunay!

  1. Makakatulog kang walang dadantay sa iyo at hindi makakarinig ng anumang hilik dahil wala ka namang katabi. Masarap matulog ng maraming unan na kayakap at kung may stuffed toy ka pa, e di bongga!
  2. Makakakain ka ng ice cream, chocolate at lahat ng gusto mong kaining walang pipigil sa iyo at walang makikihati. Kahit ilang scoop o galon pa ng ice cream ang kainin mo, solong solo mo ito.
  3. Mabibili mo ang lahat ng gusto mong bilihin. Maisusuot mo ang damit na gusto mo na walang pipigil sa iyo. Kasehodang ipagladlaran mo ang kaluluwa mo. Hehehe.
  4. Unlimited ang iyong pag-online, mapa-chatting o facebook. Walang pipigil sa iyo at sasaway kung sino ang dapat mong maging kaibigan at makakapili ka ng kahit anong profile pic na gusto mo na walang makikialam.
  5. Hindi ka mangangambang mag-isip ng mga pangregalo para sa mga monthsaries at anniversaries. Wala ka namang ipagdidiwang kaya iwas gastos at iwas pressure.
  6. Bonggang-bongga kang makakapag-travel at mapupuntahan ang lahat ng gusto mong puntahan na walang kontra at walang guwardiya.
  7. Hawak mo ang oras mo, period.
  8. Hindi mo kailangang magpaliwanag sa lahat ng ginawa mo sa buong araw.
  9. Bonggang-bongga ang oras mong makakasama ang lahat ng kaibigan mo at makakapag-chikahan kayo to the fullest level. Puwede ka ring uminom (kahit hard pa) hanggang gusto mo. Magpakalasing ever ka man, walang pupwersa sa iyong tumigil ka.
  10. Higit sa lahat, you are free. Parang ibong nakawala at nakalipad at pupuwedeng dumapo kahit saan.

Pagkatapos mong malaman na masaya nga ang maging single, darating pa rin sa puntong mapag-iisip ka at lahat ng kasiyahang hatid ng pagiging single ay tila baga panandaliang sasayad sa buhay mo. Pagkatapos nito, bigla ka na namang mag-e-emote, malulungkot, maiinggit at biglang iiyak at sasabihing, “Kailan ka darating, nakakapagod palang maging single!”



Miyerkules, Marso 3, 2010

ALANGANING PAG-ULAN


May ulan na sa disyerto at hindi lang basta ulan kung hindi tila bagyo na may kulog pang kasama. Nakakaloka! Dahil walang provision sa mga drainages ang paggawa ng mga kalsada, binaha ang mga daan.

Hindi mo rin alam kung kailan talaga uulan. Malaki na ang pagbabago ng panahon. Hindi ko na naranasan ang tunay na ginaw dahil ang taglamig ay tila normal lang. Kay aga ring uminit ng panahon. Mas maaga pa sa inaasahang buwan. Ang matindi dito ay ang hindi inaasahang pagbuhos ng ulan, kasabay ay baha.

Ang pakiramdam ko ay may bagyo kaninang umaga at tila ba tinatamad akong pumasok. Wala pa naman akong payong. Tiyak na mababasa ako. Traffic! Matubig sa kalsada, ang mga hindi sementado ay naglawa.

Climate change. Isang napakalaking pagbabago ng panahon sa lahat ng dako ng mundo. Lagi dapat tayong maging handa sa anumang puwedeng mangyari. Salitang pagbabago lang ang hindi napapalitan. Change is the only permanent in this world. Gawin na natin ang nais nating gawin dahil hindi natin masasabi ang mga oras na darating.

Martes, Marso 2, 2010

SALAMIN, SALAMIN!



“Kung gusto mong malaman ang kagandahang angkin, sa salamin ikaw ay tumingin."     
                                                                          - Fabulous Lei

Salamin ang tiyak na hindi magsisinungaling, kung ikaw naman ay aangal takpan mo ang mata mo at wag na lang tumingin. Sa totoo lang kapag minsan na alam kong hindi kanaisnais tingnan ang itsura ko, iniiwasan kong tumngin sa salamin. Baka kasi magsabi ng totoo at ma-bad trip lang ako. Hahaha!

Minsan nagiging salamin din ang tao at siyang magsasabi kung ano ang nakikita sa iyo. Pero hindi palaging totoo ang sinasabi nila dahil sa panagin ng tao ang ganda ay pabago-bago. Sa iba maaaring maganda ka, sa iba sasabihin wala kang ganda. E, ano naman ngayon at ano pakialam nila. Ang mahalaga kumportable ka sa kung ano ang nais iparating ng anyo mo at maayos mong nadadala ang sarili mo.

Hindi sukatan ng kaligayahan ang gandang panlabas lang na sadyang nakikita ng tao. Higit sa lahat ang pinakamahalagang bagay na dapat nating isaalang-alang ay kung paano tayo ay nakikisama at kung ano ang nilalaman ng ating mga puso.

Kung ang salamin ay magsasalita, marami itong sasabihin at tiyak tatamaan ka at sasabihan ka ng mga sumusunod:

  1. Bago ka mamintas ng iba, tingnan mo muna ang sarili mo sa harap ko upang makita mo kung karapat-dapat talaga ang mga sinasabi mo. Ang dungis mo muna ang dapat mong punasan bago pansinin ang sa ibang tao.

  1. Magpakatotoo ka sa sarili mo. Kung gusto mong sumaya, tanggapin mo muna kung sino at ano ka talaga.

  1. Hindi ko nakikita ang tunay na ganda sa mukha mo. Malay ko ba kung nagkukunwari ka. Kalooban mo ang higit na mahalaga.

  1. Matuto kang ngumiti sa tuwang haharap ka sa akin. Hindi mo na kailangang mag-make-up pa. Sinasabi ko sa iyo, totoo ito at gawin mo ng todo-todo.

  1. Maaaring mabasag ako. Ang pinakamadaling kapalit ay ang tunay na kaibigan mo na magsasabi ng totoo. Tandaan ang tunay na kaibigan ay hindi ka ipapahamak. Kung wala siyang pakialam sa nakikita niya sa iyo, mag-isip ka at baka hindi kaibigan ang turang niya sa iyo.

Lunes, Marso 1, 2010

PAGHIHINTAY



Naranasan n’yo na bang maghintay ng pagkatagal-tagal? Naranasan n’yo na rin bang mainis at maubusan ng pasensya at pakiramdam ninyo ay inuugat na kayo sa pag-aabang at pagdating ng hinihintay ninyo ay halos tubuan na kayo ng sanga?

Nakakapagod mag-abang kung laging huli ang hinihintay at sadyang nakakainis. Paano kung ang hinihintay pala natin ay hindi naman pala darating? Nakakaloka!

Naisip ko na ang paghihintay pala ay para ring sugal lalo na’t parati nating inaabangan kung ano ang kahihinatnan nito. Sa pag-ibig, madalas iniintay natin ang taong nararapat sa atin at pagka minsan ay may mga pamantayan na dapat sundin. Dahil sa mga pamantayang ito lumilipas ang oras at bigla na lang wala na pala tayong dapat hintayin dahil wala namang darating.

Ang dami kong mga kaibigan at mga kakilalang hindi ko alam kung naghihintay pa ba o tumigil nang abangan ang para sa kanila. Sabi nga nila kung wala ka na sa kalendaryo at kapag lumipas na ang numero mo, malamang hindi ka na makatagpo ng para sa iyo. Kaya ang iba hindi pa rin tumitigil sa paghihintay at kapag desperado ng makahanap, basta-basta na lang susunggab.

Sa paghihintay ng para sa iyo, siguraduhing darating ito sa tamang oras dahil mahirap maghabol. Tandaan na tumatakbo ang bawat minuto at kapag naubos ang oras ay baka manghinayang lang tayo. Huwag ding padala sa pressure na hatid ng mga taong nakapaligid sa iyo. Isiping sa buhay ang bawat pangyayari ay may dahilan. Kung ang paghihintay ay nauwi sa wala, ganoon talaga ang buhay at naniniwala akong sa bandang huli ay atin ring masusumpungan ang sa atin ay nakalaan.