Lunes, Marso 15, 2010

SENTIMIYENTO NG ISANG NAGMAHAL AT NAMANHID ANG PUSO



Parang ibig ko nang maniwala sa kasabihang bulag ang pag-ibig. Dahil alam ko, hindi naman talaga ako bulag pero bakit nga ba ako’y nagpaangkin sa iyo, nagpakaloka at halos maging alipin mo.

Sa totoo lang, minahal naman kita talaga kaya nga ikaw ang napiling makasama ko sana habangbuhay at ikaw ang naging ama ng mga anak ko. Sinimulan nating bumuo ng pamilya. Pilit na inunawa ang pagkukulang ng isa’t isa at pilit pa ring pinagyayaman ang pagsasamang ipinagdadasal ko na maging masaya sa habang panahon.

Wala nga palang panghabambuhay, ang lahat ay nagbabago at walang permanente sa mundo. Kahit na pinilit kong maging mabuting asawa para sa iyo at kahit alam kong may mga pagkukulang ako, batid kong napagbayaran ko na ang lahat. Pinagbabayaran sa mga paraang lingid sa iyong kaalaman ay alam ko naman talaga ang mga ginagawa mo. Masakit malaman ang katotohanan pero iyon ang pinakamabuting paraan para hindi ako magmukhang tanga sa paningin mo at sa paningin ng lahat ng taong nakapaligid sa akin. Sa pagkakataong ito ay tila bagang lumilinaw na ang lahat sa akin. Ang pagkabulag ng pag-ibig kong sa iyo ko lang inilaan ay parang kandilang unti-unting natutunaw sa pagkakasindi nito. Sa bawat pagpatak ng natunaw nitong bahagi ay kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Mga luha ng pighati, takot at pangamba.

Noon akala ko ay okay na ang lahat, na puwede ka namang magbago. Ngunit habang tumatagal ay tila bagang nanlalamig na ang ating pagsasama ng dahil sa mga kagagawan mong pilit itinatago pero nababatid ko naman. Naiisip ko minsan kung asawa pa nga ba ang turing mo sa akin o gamit lang. Sa pagkakataong ito, hindi ko na hinahangad ang pagmamahal mo kundi ang respeto kahit hindi na bilang ina ng mga anak mo kundi tao.

Masakit isiping sa ganito pa mauuwi ang pagsasamang pinangarap ko. Ngayon, batid kong hindi ka na magbabago at sa araw-araw na nakikita kita ay takot ang nararamdaman ko sa mga maaari mong magawa. Marami ka ng ginawang hindi ko na matanggap at sa tuwing naiisip ko ay nanginginig ang aking laman at ibig ko ng kumawala.

Pero bakit ba pilit ko pa ring ipinagsisiksikan ang sarili ko sa iyo, ang damdamin ko? Sa bawat pagpintig ng puso kong nagmahal sa iyo, ng dahil sa mga pangyayari ay unti-unti na itong namamanhid. Hindi na ito ang pusong dati ay bulag sa katotohanan ng iyong pagkatao. Nakukuha ko pa ngang ngumiti kapag minsan at para bang wala lang. Tandaan mo na ang pusong nasugatan ay mahirap maghilom. Maghilom man ito’y kasunod ng pamamanhid, parang walang pakiramdam at pilit humahanap ng bagay na makakagamot dito.

Manhid na ang puso kong minsan ay umibig sa iyo. Hayaan mo ng kumawala ako sa parisukat na mundong iniikutan ko. Ubos na ang luhang pumatak mula sa aking mga mata. Malat na ang aking mga hinaing ng pagsasabing tama na. Pakawalan mo na ang minsa’y naging bahagi ng buhay mo. Manhid na ako. Wala na akong pakiramdam. Uhaw ako sa kaligayahang naipadama mo ng minsan ngunit binawi mo rin naman sa kahuli-hulihang sandali. Sapat na ang lahat…



1 komento:

Joyo ayon kay ...

kumplikadong complicated nga ang pag-ibig... lagi sumasakit bangs ko jan! haizz