Biyernes, Marso 19, 2010

MGA HULING TALATANG IPAPABASA SA KANYA



Ngayong gabi makakagawa ako ng talatang
Nais kong ipabasa sa kanya kung saan
Binabalot ng kalungkutan ang aking
Mga matang malamlam
Tila ibig pumatak ng mga luha
Ngunit nais kong tapusin
Ang mga huling talatang
Sa kanya ay nais ipabasa…
Ngayon ang gabing sa langit ang mga bituin ay kumikislap
Bilog ang buwan at may hatid na liwanag.
Katulad rin ito ng mga gabing aming pinagsaluhan
Hindi mabilang na sandaling pinupuspos ng galak
At mga pagniniig na siyang pinangarap.
Ngunit ngayong gabi rin tatapusin
Ang sayang binigyan ng kulay
At pilit tatapusin ang mga huling talatang
Sa kanya ay iaalay.
Ang lungkot na ngayon ay aking nadarama
Ay katulad din ng lungkot bago siya nakilala
Minahal niya ako, minahal ko siya
Ngunit ngayong gabi ay tatapusin ang mga linya
Ng talatang sa kanya ay ipapabasa.
Talatang ang laman ay paghihiwalay
Upang buuin muli ang mga sariling nasugatan.
Ang talatang maisusulat ko ay lipos ng kalungkutan
Sapagkat hindi namin ninais na maghiwalay
Ngunit ngayong gabi kung saan ang ilan ay payapang natutulog
Ay gigisingin ang damdaming puno ng lungkot.
Sapagkat ngayong gabi ay isusulat ko
Ang mga huling talatang sa kanya ay ipapabasa
At bibigyang dahilan ang paghihiwalay ng landas
Mapait, masaklap, malungkot, puno ng pighati
Iniibig ko siya pero hindi dapat mahalin
Siya’y sa iba na, iba na ang kanyang makakapiling
Diwa ko’y lumilipad at hindi mapakali
Iniisip ko siya, ang lamlam ng kanyang magagandang mga mata
Matatamis na ngiti at mahihigpit na haplos ay nasa aking gunita
Hindi ko na siya dapat mahalin pero iniibig ko siya
Kaya ang aking damdamin ay ilalagay ko
Sa mga huling talatang ipapabasa sa kanya…



Walang komento: