Sa tuwing nakakakita ako ng puno,
sanga ang lagi kong napagmamasdan. Kung ilang beses na rin akong kumuha ng
larawan ng mga puno. Iba talaga ang dating sa akin. Hitik sa drama at aliw na
aliw ako na ito ay pagmasdan. Parang buhay ng tao. Katulad ng buhay ko.
Sanga-sangang pag-iisip na kung saan-saan napupunta. Hindi lubos mawari kung
ano ang gusto sa buhay. Pabago-bago. Minsang maliko at minsa’y maging diretso.
Ganyan nga talaga ang buhay.
Madrama, parang telenobelang kaydaming nag-aabang kung ano ang mga susunod na
kabanata. Ang dami-dami kong gustong gawin. Napakaraming dapat na gawin na ang
ilan ay hindi nasimulan, may nasimulan ma’y hindi naman natapos. Naliliko kasi
minsan at parang bulang bigla na lang nawawala.
Pero hindi ba’t para itong isang
pakikipaglaban sa hamon na dala nito araw-araw? Kung saan may alon ay doon
sasama at kung saan banayad ang pagdaloy, doon hihinto. Muli ay mag-iisip at
bigla-bigla, nabago na pala ang lahat.
Isa sa mga natutunan ko sa
pakikipangtunggali sa buhay ay ang hindi pagkukumpara ng sarili sa iba. Kung
nabuhay kang lagi na lang ikinukumpara ang sarili sa mga taong nakapaligid sa
iyo, magtatapos ito sa iyong pagkatalo. Pagkatalo mo dahil pilit kang kakainin
ng inggit sa puso mo at hindi ka kailanman magiging payapa at ang kaligayahang
hinahangad mo sa buhay ay parang kay hirap abutin.
Ang buhay ay hindi nga pala
tungkol sa pagpaparami ng mga bagay o paghahangad ng kayamanang materyal. Akala
ko noon, ang buhay ay may sinusunod na pamantayan na dapat maging mayaman ka
paglaki mo, may sasakyan ka, may bahay ka. Kaya naman ako ay kandarapang gawin
ang lahat para masunod ang akala kong gabay sa paghahanap ng tunay na
kaligayahan.
Habang ang edad ko ay
nadadagdagan, doon ko napagtatanto na ang buhay ay hindi naman talaga nakabatay
sa pagpaparami ng kayamanan o pag-iipon ng salapi para ipamukha sa mga taong
mayaman ka nga. Wala akong yamang materyal, ang yaman ko ay nasa puso ko at
kitang-kita ninyo. Kaya ang inaatupag ko ngayon ay magsabog ng kaligayahan sa
mga taong nakapaligid sa akin. Magmahal, magbahagi at maging payapa ang
kalooban. Ngumiti, humalakhak at bonggang-bonggang dalhin ang sarili ng walang
ibang sinasaktan.
Hindi kami pinalaki ng aming mga
magulang na maging mayabang. Sabi nga ni Nanay, hindi baling matakaw, huwag
lang mayabang! Wala naman talagang ipagyayabang maliban sa heto kami at buhay
at nakukuhang ngumiti sa araw-araw. May pagkain kapag nagugutom, may gamot
kapag nagkakasakit, may tubig kapag nauuhaw.
Bakit ko nga ba ipipilit ang sarili kong magkaroon ng
lahat kung wala naman talaga? Ang direksiyon kong dating nais patunguhan ay
tila naiba na naman. Sisiguraduhin kong ang direksiyong pipiliin ko ay ang daan
patungo sa pagiging payapa ng aking puso. Walang pait, walang inggit, walang
pagkukumpara… direksiyon kung saan may pag-ibig, may ngiti kasama ang mga mahal
sa buhay lalo na ang pamilya at mga tunay na kaibigan.
1 komento:
kaibigan, ikaw ay espesyal. matalino ka, maraming kayang gawin, maraming napapaligaya at maraming nagmamahal syo.
kaibigan, sasabihin ko ito syo dahil mahal kita. nayayabangan tayo sa iba na pinagpala sa buhay at may higit pa sa kanilang pangangailangan, sa iba na matagumpay at naabot ang kanilang pangarap at ipinagsisigawan sa mundo na sila ay masaya at nagpapasalamat sa mga pagpapalang natanggap. nakakaramdam tayo ng ganun dahil tayo mismo ay may yabang sa sarili. gusto din natin maging matagumpay, maging bida, maging kilala. nakakaramdam tayo ng pagkainis at pagkainggit dahil wala tayo ng meron sila. dahil sa dami ng gusto natin matamo sa buhay ay iilan lang ang natupad.
oo,ikaw ay ikaw. hindi natin maiiwasan na maikumpara o ikumpara ang ating sarili sa iba. sa halip na makaramdam ka ng inggit, at pag lumaon ay kawalan ng tiwala sa sarili, sana ay maging sandata ito para magsikap ka pang mabuti habang nagpapasalamat sa kung ano ang mayroon ka.
oo,hindi mo kailangan ng yamang material at maraming ipon. ngunit sana ay hindi ito maging dahilan para hindi ka na mangarap ka ng mas mataas. matulungin kang tao. marami kang pangarap para sa kapwa mo. ngunit mas marami ka pang matutulungan kung ikaw ay may yamang pinansyal. yan ang katotohanan.
kaibigan, hindi pa ako mayaman. hindi pa ganun kalayo ang aking narating. minsan ay nakakaramdam din ako ng bigat sa aking dibdib at pait. tulad mo ay marami din akong gustong gawin, at marami din gustong tulungan, unang una na ang aking pamilya. nauunawaan kita. ngunit ayokong limitahan ang sarili ko dito dahil alam ko ang aking kakayahan.
kaibigan,ako ay iyong tagahanga. nakikita ko na mula sa iyong sanga sangang isip ay makakabuo ka ng mala-higanteng palaspas kung iyong pagtatagpi-tagpiin. kailangan mo lamang ng matinding pagnanais at pokus upang makamit ang lahat ng ito.
nagmamahal,
Mag-post ng isang Komento