Ipinapakita ang mga post na may etiketa na childhood memories. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na childhood memories. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 10, 2010

MGA FABULOZANG PAALALA NI MOMMY AT NI NANAY



Ang suwerte ko. Lumaki akong dalawa ang nanay. Si Mommy, hindi man pisikal kong kasama, alam kong nakabantay lang sa tabi ko at nakasubaybay at sa bawat desisyon ko sa buhay, sa bawat katanungang babagabag sa isipan ko, magpaparamdam o hindi kaya kakausapin ako sa panaginip. Si Nanay, nag-uusap naman kami. Mahina nga lang ang pandinig minsan at tuwing nag-uusap kami sa telepono para kaming nagsisigawan. Normal lang iyon. Ganoon lang talaga kami. Dala ko hanggang ngayon ang malakas na boses at parang galit kahit hindi. Sa mga hindi nakakakilala sa akin, malamang nasuntok na ako o kaya ay nasabuyan ng tubig.

Mother’s day ngayon. Nag-isip ako kung ano ang isusulat ko. Ang daming nagsalisalimuot sa utak ko. Nalito. Sa mga pinakahuling sandali, heto na nga nagsusulat na at paninindigan kong hindi mag-drama. Lagi na lang bang drama? Kapagod maging artista sa sariling mundo. Emote dito, emote doon. Para naman maiba, iisa-isahin ko na lang ang mga paalala ni Mommy at ni Nanay habang lumalaki ako.



Si Mommy at ako. Mga alaala naming dalawa.

Si Mommy, kahit noong nagtatrabaho na ako lagi akong sinasabihan na MAGPAKATINO RAW AKO. Siguro ramdam naman talaga niyang may tama ako sa utak at madalas sinusumpong. Ang isasagot ko, “Luka-luka ba ako Mommy?”

Mga natatandaan kong madalas sabihin ni Mommy:

HUWAG KANG MAGPAPALOKO kung kani-kanino. HUWAG KA NGANG MAGASTOS dahil hindi pinupulot ang pera. NANGINGINTAB ANG MUKHA, LAGYAN MO NG PULBOS. LAGI KANG MAGDASAL. HUWAG KANG BURARA. Huwag nakikita lang ang dapat mong linisin dapat yung sulok-sulok. KUMAIN KA NG GULAY HINDI PURO KARNE. HUWAG KANG PIHIKAN SA PAGKAIN hindi tayo mayaman. MAG-ARAL KANG MABUTI. HUWAG MONG SINASAGOT  ang daddy mo. HINDI BALING MATAKAW, HUWAG LANG MAYABANG.


Paano ko sinunod ang mga pangaral ni Mommy:

Hindi ako nagpapaloko. Magastos lang ako sa mga lotion at pamahid sa mukha. Minsan pagkain din. Hindi ako nagpupulbos Mommy, foundation pwede pa! Hahaha! Umaga, tanghali, gabi… parati akong nagdadasal. Tinatamad lang ako minsan. Hindi naman ako ganoon kadumi. Ayoko na ng sulok para wala na akong linisin. Hahaha! Nirayuma na nga ako. Mahilig na ako sa gulay ngayon! Yehey! Lahat kinakain ko, kahit tira lang. Hehehe. Nag-aral akong mabuti. Hindi ko na sinasagot si Daddy, mabait na kasi siya ngayon. Matakaw ako. Hehehe.


Bonding with Nanay.


Mga pangaral ni Nanay:

HUWAG KAYONG MAG-AWAY na magkakapatid. MAHALIN MO MOMMY MO. Kayu-kayo lang ang magmamahalan. PAGPASENSYAHAN N’YO NA SI MARLON, kayo naman ang matanda. KAKAUSAPIN MO ‘YUNG TATAY MO. Akala mo lang di ka niya mahal pero proud iyon sa iyo. HUWAG TIPIRIN ANG SARILI SA PAGKAIN. MAGPAKALALAKI KA!

Paano ko sinunod ang pangaral ni nanay:

Hindi kami nag-aaway na magkakapatid. Minsan lang, mga larong away. Walang seryosong awayan. Alam ni Nanay na mas higit kong minahal si Mommy. Sobra-sobra. Oo, pinagpasensiyahan nga namin si Marlon. Tuloy, spoiled at naging pasaway! Kaloka. Ano naman sasabihin ko kay Tatay? Hindi naman ako nagtitipid sa pagkain. Mas marami nga lang akong binibiling pamahid kumpara sa pagkain. Hehehe. Ano raw? Gawin ba akong maton?



Sabado, Marso 27, 2010

WALANG KAMATAYANG SINAMPALUKANG MANOK

Kung ilang beses na akong nag-post ng tungkol sa sinampalukang manok at kung ilang version na rin ang nagawa ko nito. Wala pa ring papantay sa sinampalukang manok na orihinal na niluluto ni Mommy, ni Inang, ni Nanay o ng kapatid ko. Sinampalukang may natural na usbong na sampalok. Naalala ko tuloy dati kapag magluluto kami nito ay ako ang nauutusang manguha ng usbong sa kapitbahay dala ang tabo upang paglagyan. Ang paasim ay natural na usbong at bunga. Wala ng mas sasarap pa sa sinampalukang manok na Tagalog. Ang sarap-sarap higupin ng sabaw at kadalasan ito ang binabaon namin kapag may picnic sa ilog. Natatandaan ko rin na si Mommy kapag nagpatay ng manok ay patutuluin ang dugo sa bigas at kasama itong isasahog sa sinampalukan. Unahan pa nga kami minsang kainin ang atay at balun-balunan.

Sa panahong lahat dapat ay mabilisan, kapag gusto ko ng maasim na sabaw maliban sa sinigang na isda at baboy, sinampalukang manok na version ko ang aking palaging inihahanda. Mabilis lang kasing iluto at puwedeng sahugan ng gulay batay sa sariling kagustuhan.

Heto ang link para sa mga nais magkaroon ng recipe. Happy cooking!

Sabado, Marso 13, 2010

NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING



Para sa isang kaibigang nagmamahal at naghihintay…

Mga matatayog na pader ang tila hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko, isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.

Labis ang aking pagtatakang sa pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.

Hindi kita araw-araw na nakikita at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na kalagayan ng pamilyang mayroon ako.

Sa tuwing nakikita kita, iba ang siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita natatanaw.

Kaybilis lumipas ng mga araw at unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.

Sapat na ang mga narinig ko. Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.

Nais kong ipabatid sa iyo na buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.

Linggo, Marso 7, 2010

ANG KUWENTO NG COLLEGE RING AT MGA KURSONG GUSTO KONG KUHANIN AT NASAAN NA AKO NGAYON



Salamat Ate Berna June Rocamura for your college ring. Naaliw ako ng makita kong may suot ka nito. Bihirang bihira akong makakita ng college ring. Si Aizan, ‘yung kapatid ko ay niregaluhan ni Nanay ng college ring. Sabay kaming nag-graduate ng kapatid ko and she deserved that gift. Cum Laude ang kapatid ko.O, di ba bongga! Kinabog ako!. Hindi naman ako nainggit noong bigyan siya ni Mother Swaning dahil di naman ako talaga lumaki sa piling ni Nanay, may Mommy naman ako. Tinanong ako ni Mommy kung gusto ko raw ng college ring. Ang sabi ko naman hindi naman importante at marami pang dapat pagkagastusan. Sapat na ang ilang taong pagsisikap niyang maitaguyod ako. Just seeing myself finishing a degree with all the sacrifices and hardships of my dear Mommy ay isa ng napakalaking regalong natanggap ko sa buhay ko. Kapag nakatapos ka nga naman, parang kaya na nating makaahon sa hirap. Bagay na pinagsisikapan ko at ginagawa sa maliit na paraan. Drama ko. Nasaan ang tissue?

High School pa lang, nakahanda na ang isip natin sa mga kurso na gusto nating aralin base sa mga pangarap natin. Isa ako sa mga kumuha ng kursong on the spot. Kaya naloka ako.

Ito lang naman ang mga gusto ko.

  1. BEEd, BSEd. – Bata pa lang ako gusto ko ng maging teacher. Ako, mula sa lahi ng mga teacher ay nag-akalang magiging teacher din pero nabigyan naman ako ng pagkakataong magturo in a higher level nga lang. At least natupad. Salamat sa PFA (Philippine Footwear Academy) sa opportunity na ibinigay ninyo at nakapagturo ako ng bonggang-bongga sa ating kauna-unahang paaralan ng sapatos sa South East Asia.

  1. BS Economics – Para kasing ang gandang pakinggan and it’s so cool kaya trip ko talaga ito. Hindi ko talaga siguro carry maging economist, sarili ko na ngang pera hindi ko pa ma-budget.

  1. BS Psycholgy – Feel kong bumasa ng mga isip ng tao. Ang pag-aralan ang mga kilos nila. Ang pagkasaliksikin ang kung anu-anong bagay. Buti na lang at hindi natuloy. Hindi talaga siguro para sa akin dahil ako ang nangangailangan ng Psychologist para naman tumino ang aking nlulukang mundo. Timang nga ako ‘di ba?

  1. Communication Arts, Mass Communication, Broadcasting and Journalism – Gusto kong maging writer, ang mapanood sa TV as news anchor, magsulat ng kung anu-ano, basta lahat ng may kinalaman sa mass media. Haaay, gusto ko pa rin nito! Gustong-gusto!

  1. Fine Arts – Gusto ko kumuha ng kursong painting. Gusto kong magpinta, magdrawing at i-appreciate ang ganda ng mundo. Ang kulay na nakapaligid sa atin at gumawa ng bagay na lahat may ganda. Ngayon, gusto ko lang palang maging maganda. Hahaha.

  1. Hotel and Restaurant Administration – Pangarap kong magtrabaho sa hotel at mag-ayos ng kung anu-ano.

  1. Accounting – Gusto kong maging accountant, pangarap kong maging auditor, maging isang CPA.

  1. Fashion Design – Gusto kong magdesign ng bonggang mga damit, magkaroon ng sariling brand at maging sikat na Fashion Designer.

  1. Banking and Finance – Pinangarap kong magtrabaho sa bangko at magsuot ng long sleeves shirts at kurbata, maupo boong araw at magbilang ng pera.

  1. AB Philosophy – Gusto kong magpakabihasa sa Pilosopiya. Gusto ko lang.


Sa dinami-dami ng kursong gusto ko, BS Architecture ang tinapos ko. Bongga hinda ba? Sinong mag-aakalang naka-graduate ako ng Architecture? Arkitekto de palanggang may takong ang drama ko. Hahaha. Ang nakakaloka dito pagkatapos kong magpakabihasa sa Architecture, duguin ang dapat duguin, maloka sa napakadaming numero, mapuyat ng mapuyat ng napakadaming beses at maghagilap ng pera kapag kapos ay sa bandang huli dito pala ako mapupunta. Kabog! Dahil hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong kurso, inapply ko ang lahat ng nalalaman ko sa trabahong hindi ko pinangarap pero ibang saya ang dulot nito.

Naisip ko, ang Diyos pala iba talaga kapag kumilos, wala sa plano mo pero bigla na lang darating at alam niya kung saan ka mas liligaya. Kaya kung anuman ang nangyayari sa buhay ko ngayon, hindi ko man nagamit ang kursong tinapos ko o tinapos ang kursong plano ko dati, pinagpapasalamat ko pa rin ang lahat at may hanap-buhay akong sapat na para maibahagi ang anumang mayroon ako. Hindi man ganoon kasaganang tulad ng inaasahan pero payapa ang puso ko. No regrets. No bitterness. I am simply happy and keeping myself fabulous all the time, all the way.

Kaya, anong silbi ng college ring sa akin? Tama na ang 92.5 silver ring na suot ko mula noong high school pa ako.


Martes, Pebrero 23, 2010

TRY IT, YOU’LL LIKE IT: ANG KUWENTO KO AT NG BISIKLETA



Nakita ko ang batang ito at gusto ko lang siyang kuhanan dahil sa makulay nitong damit na nag-match pa sa kanyang bisikleta. Hindi ko agad pinansin ang larawan ngunit dahil parang naubusan na ako ng ikukuwento ay biglang hayan na, naisip ko ang bisikletang sinasakyan nito at nabasa ko pa ang nakasulat sa likuran na “Try it, you’ll like it!”

Sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang pagbibisikletang hindi ko man lang natutunan. Nanginginig ang aking may diperensiyang paa at mangangatog na parang nagmamakina. Iyon ang isa sa mga bagay na hindi ko na-enjoy kagaya ng karamihan sa mga bata na halos lahat ay sanay magbisikleta at kapag lumaon puwede ng magmaneho ng sasakyan.

Ewan ko nga lang talaga kung bakit kahit anong pilit ang pagsasanay sa aking magbisikleta ay tumanda akong hindi nasubukan kung paano mag-balanse, paano sumakay at mag-pedal. Ako ay dakilang taga-angkas lang!

Lunes, Pebrero 22, 2010

LECHON MANOK



Ang lechong manok ngayon nagkalat na lang kahit saan at madaling mabili. Hindi tulad noong bata pa ako na halos tuwing Pasko lang yata ako nakakatikim nito. Naisip ko lang.

Linggo, Pebrero 21, 2010

KUWENTO NG LARUAN, LARO, PAGLALARO AT MGA NILARO NAMIN PARANG KAILAN LANG



May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…

Biyernes, Pebrero 19, 2010

NANGANGASIM




Habang sinusulat ko ang blog na ito ay halos matuluan ng laway ang aking keyboard sa pangangasim. Larawan na lang ang nakikita ko at nginatngat ko na ang manggang nanggaling pa sa Bataan. Ang manggang kinain ko ngayon na mas kilala sa tawag nating “ Indian Mango” ay nagbigay kasiyahan sa akin kasabay ang pagkalungkot dahil bigla kong naalala ang mga lumipas na panahon. Libre ang pagkain ng mangga kasabay ang ginisang bagoong. Ang ilan ay nakatanim lang sa mga bakuran ng kapitbahay at puwedeng pitasin kapag hinog na. Ingat lang sa mga nagdadamot dahil baka tirador ang kasunod at mabukulan ka pa.

Si Tita Ine ang isa sa mahilig kumain ng Indian Mango. Ang kaloka lang, bakit kaya tinawag na Indian Mango ang manggang tulad nito samantalang wala naman nito sa India? Hindi ko man lang natikman ang ganitong klaseng mangga habang nandoon ako. May mga manggang nandoon pero kasing lasa ng tinatawag nating “apple mango” na lasang gamot. Walang katulad ang manggang mayroon tayo kaya bihirang bihira na makatikim ako nito. Kung mayroon man ay maaaring ginto ang halaga.

Alam nating lahat na ang mangga kung walang bagoong ay masarap ding isawsaw sa patis na nilagyan ng vetsin (MSG) o kaya naman ay asin. Sa totoo lang hindi ko mapigilang mangasim at nagpopondo na ang laway sa aking bibig. Nararamdaman mo rin ba? Gusto ko ng mangga!!!

Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

Lunes, Enero 18, 2010

ANAK NG TINAPA




Salamat Mr. Willy Luceda aka Daddy sa pabaon mong “Dave’s Smoked Fish”. Ito ang aking pananghalian  kanina na sinabayan ko ng itlog na maalat (courtesy of Daddy pa rin) at fresh na kamatis. Sarap! Kung ilang taon na rin akong hindi nakakain nito at sobrang napadami ang kain ko. I used my bare hands in eating tinapa and salted eggs. Feeling nasa probinsiya akembang!

Ano ang mayroon sa tinapa? Simple lang, this was Mommy’s favorite. Si Mommy, ‘yung nagpalaki sa akin at kinagisnan kong nanay. Nostalgic mode na naman ang drama ko today. Tinapa kasi ‘yung pinakamadaling mahanap na ulam dati. Tinapang galunggong at iyong may kaliskis. Kung ilang beses sa isang linggo namin ito kinakain. Ang pihikan ko pa nga dati at nagrereklamong palagi na lang bang tinapa? Hindi ko naman masisi si Mommy dahil wala naman kaming pambili ng ibang ulam. Pilit niyang pinagkakasya ang kanyang pera para may pambili pa kami ng ibang kailangan sa bahay. Higit sa lahat para may maibaon pa ako sa eskuwela.

I am certified anak ng tinapa and I am so proud to be one. Dahil sa tinapa, nagiging matipid kami at may allowance pa ako sa eskuwela. Crying moment… naalala ko na naman kasi si Mommy, my dakilang Mommy!