Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

hindi na man to parabula!!!!!!