Sa paghahagilap ko ng larawang
ilalagay ko sa blog na ito, bagama’t isang malaking pagkakamali ang aking
nagawa sa biglaang pagpindot ng aking camera ay ito ang kinalabasan. Tapos,
naisip kong holiday na naman sa Pilipinas dahil EDSA Day.
Sa paglalaro ng aking utak,
biglaang naisip ko ang mga saloobin ko tungkol sa kung ano nga ba talaga ang
alam ko tungkol sa EDSA Revolution noong 1986 na gugunitain pang-dalawangpu’t
apat na taon na.
Ang sa akin lang may apat na
kulay ang EDSA:
ITIM. Ang diktaturya ni
Marcos ay binigyang katapusan ng EDSA. Ang diktaturya ay ang itim na kulay na
bumalot sa loob ng dalawampu’t isang taon sa bansa. Hindi pa ako isinisilang ng
ibaba ang Batas Militar. Apat na taong gulang ako ng barilin si Sen. Ninoy
Aquino at hindi man ganoong kahinog ang isip ko ay wari bagang alam ko kung ano
ang nangyayari sa bansa. Alam ko ang curfew law at takot na takot kaming lahat
ng ang Lolo ko ay hulihin ng mga PC sa hindi namin alam na kadahilanan at sa
awa ng Diyos ay nakabalik naman ng buhay. Itim ang kulay ng winakasang
diktaturya, mga pandaraya, pang-aalipusta at pagtatago ng lahat ng katotohanan.
PULA. Ang kulay ng
katapangan at kagitingin ng lahat ng Pilipinong kasama sa EDSA. Pari, madre,
sundalo, mahirap, mayaman, lahat ng nakiisa at nakisama upang panindigan ang
ipinaglalaban noong panahong iyon. Walang takot na pumunta sa EDSA ang lahat ng
nais makiisa at makisama para sa mithiing makamit ang kalayaan at demokrasya.
ASUL. Ang kulay ng
kapayapaang tinamo sa EDSA. Kulay ng pagkakaisa at pagsasama at pakikipaglaban
sa tahimik at payapang paraan.
DILAW. Ang kulay ni Cory
na siyang kahit pagbalik-baliktaran ay may kinalaman kung paano nasimulan ang
pakikipaglaban. Sa kanyang layuning wakasan ang diktaturyang malaon ng
nagisnan, parte siya ng EDSA at ng dahil sa kanya kasama ang mga kapatid nating
mga Filipino ay tinamasa natin ang demokrasya.
Kaya, may dahilan upang ang EDSA
People Power ay ipagdiwang, gunitain at ibahagi sa mas nakakabata sa atin. Ang
EDSA 1 ay hindi isyu sa pagwawakas ng kahirapan o anupaman, ito ay ibang usapin.
Ang pinakadakilang layunin nito ay wakasan ang diktaturya at makamtan ang demokrasya
na atin ng tinatamasa ngayon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento