Isang kakilala ko ang nagkuwento
sa akin ng kanyang sitwasyon. Bigla kong naalala ‘yung dating ginagawa noong
mga bata pa kami na pagpitas ng mga petals gamit ang santan o gumamela at
bibigkasin ng mga babae ang “He loves me not, he loves me.” At ang mga lalaki
naman ay nagsasambit ng “She loves me not, she loves me.” Ang pagkakaalam ko
kasi dati, may kinalaman nga ang mga magic words at gawaing ganito para
mapagtanto mo kung mahal ka nga ng taong gusto mo. Siyempre inosente pa ako sa
mga bagay-bagay at lahat ng nakikita ay parang totoo at tama.
Mabalik tayo sa isang kakilalang
itago natin sa pangalang Red. Si Red kasi ay isang klosetang bading na hindi
makapag-out kaya gulong-gulo ang isip. Sa tatoo lang, may mahal kasi siyang
lalaki pero hindi niya masabi. Ang lalaking ito ay ang kanyang best friend sa
napakahabang panahon. Parehas pa silang single. Walang asawa. Nagpapakiramdaman
sa isa’t isa. Walang umaamin. Parehas pwersado ng ginagalawang lipunan na itago
ang tunay na nararamdaman.
Sa pagtatago ng pagkataong hindi
mailabas-labas dahil sa takot sa pamilya. Si Red ay may girlfriend kuno na sa
totoo lang ay wala naman siyang nararamdaman na kahit katiting na pagmamahal,
puwedeng bilang kaibigan pero hindi bilang kasintahan. Mas mahal niya ang
kanyang best friend. Ang kawawang babae ay hindi alam na ginagamit lang siyang
panakip-butas sa tinataguang sitwasyon. Mahal na mahal siya ng babae at umaasa
itong siya na ang makakatuluyan nito. Pero alam ni Red na hindi siya magiging
masaya kung itutuloy niya ang lahat. Isang masalimuot na sitwasyon ang
kinahantungan ng kanilang mga buhay.
Ang sa akin lang, mas masarap
mabuhay ng totoo sa sarili. Paano ka magmamahal kung itinatago mo sa lilim ng
pagkukunwari ang iyong buhay? May dalawang bagay na dapat tandaan sa mga
sitwasyong ganito. PAGKATAKOT at PAGMAMAHAL. Dalawang mahalagang salita,
binubuo ng sampung letra. Parang FEAR and LOVE. Kung patuloy tayong matatakot
na ipakita ang tunay na tayo, hindi tayo malayang makapag-aalay ng pagmamahal.
Subukan nating alisin ang takot sa ating sarili at maging malaya. Kapag nagawa
na ang mga ito ay madali masasaklawan ng pagmamahal ang mga bagay na nagbibigay
takot sa ating sarili.
Para kay Red, alisin mo ang takot
na harapin ang katotohanan na siyang magbibigay laya sa iyong sarili. Subukan
mong harapin ng walang pangamba ang sitwasyong iyong pinasukan. Maiintindihan
ka nila kung mahal ka nila. Huwag hayaang ipagpalit ang minsanang takot sa
panghabangbuhay na kaligayahan. Kung ibang pagmamahal ang gusto mong maging iyo
mula sa bestfriend mo, ibang usapan iyon. He loves you being his bestfriend.
Dahil sabi mo nga dalawangpung taon na kayong magkasama. Ang tanong ko lang may
kasintahan ba siya? Sa girlfriend kuno mo, sabihin mo na ang totoo dahil alam
kong maiintindihan ka niya at malay mo tulungan ka pa niyang maging kayo ng
best friend mo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento