Ipinapakita ang mga post na may etiketa na PROJECT 365. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na PROJECT 365. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Hulyo 7, 2010

ANINO



Lumipas na ang nakaraan at tapos na ngunit ang ngayon ay magpakailan man. Ang hinaharap ay hindi nakasalalay sa ating mga kamay pero ang hinaharap ay nakasalalay sa ngayon. Isipin mong ang bawat minuto ng iyong buhay ay siya ng katapusan at ito na ang iyong mga nalalabing sandali.

Hayaan mong maranasan na maging masaya at malaya. Iisa lang ang ating buhay. Live life like a champion. Ang bawat isa sa atin ay nandirito sapagkat may dahilan. Gawing ang dahilang ito para maipakita sa mundo kung sino at ano ka.

Hindi ko sinasabi kung paano ka dapat mabuhay. Ang sa akin lang ay kung ano ba ang iyong pakiramdam kung magbabalik-tanaw ka sa mga nagdaang panahon ng iyong buhay. Huwag pagsisihan ang mga bagay na nagawa. Kung sa tingin mo na ito ay tama, gawin mo. Buhay mo iyan hindi buhay ng ibang taong nakapaligid sa iyo.

Gumawa ng mga desisyon na makakapagpaginhawa ng iyong nararamdaman. Huwag hayaang maliitin ka ng iba. Huwag gawing kawawa ang iyong sarili. Huwag kang mabuhay sa lilim ng anino ng ibang tao at lalo sa anino ng kanilang mga pangarap. Magkaroon ng sariling hangarin sa buhay at kung anu man ang pangarap mo ay pagsumikapan mong kumilos ng naaayon. Darating ang panahon para sa iyo.

Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

Huwebes, Pebrero 4, 2010

PAG-IBIG NA MAKAPANGYARIHAN



Pagkakita ko sa kapeng inorder ko, naaliw ako ng makita ko ang korteng pusong nakalagay sa ibabaw nito. Wala pa akong naiisip na isulat kaya biglang naglaro ang isip ko tungkol sa hugis pusong nakita ko. Dahil buwan naman ng Pebrero ngayon, bakit nga ba hindi puro tungkol sa pag-ibig ang gawan ko ng kuwento? Tutal, sagana naman ako dito. Hahaha.

Pilit pinapabata ng pag-ibig ang puso. Kung gusto ninyong mag-feeling bata ever, be in LOVE. Kung matututunan nating laging umibig, tayo na ang pinakabatang nilalang sa mundo.

Hindi ko nga naramdaman na ganito na ako katanda. Basta ang pagkakaalam ko, ng ako ay sumapit sa edad na labing-anim ay huminto na ito dito at hindi na nadagdagan. Forever 16 ang edad ko. Hahaha.  Age is just a matter of numbers. Hindi nito binabago ang puso. Ang isip nababago pero ang puso nananatili sa sarili nitong estado. Lagi lang sambit nito ay magmahal ka, umibig ka at kahit masaktan ka pa, go lang ng go! Umibig kang muli at huwag mapagod. Lagi mong isiping pag-ibig ang magpapabata sa iyo!

Gawing parang isang tasa ng kape ang pag-ibig araw-araw. Sa bawat paghigop nito ay katumbas ng ilang libong pagsasabog ng pag-ibig mula sa puso. Pag-aalay ng pag-ibig na walang hinihinging kapalit. Walang kahalong pagkukunwari.Pag-ibig na may pinaghuhugutan at pag-ibig na kayang maghari sa lahat.

Pag-ibig nga ang kasagutan sa lahat ng katunungang bumabagabag sa atin. Walang kahirapang hindi kayang padaliin ng pag-ibig, walang sakit na di kayang pagalingin nito at walang pintuang nagsasara ng dahil dito. Walang dagat na hindi kayang tawirin, walang tinik na hindi kayang tapakan (parang kanta ni Sharon Cuneta) at walang kasalanang hindi kayang patawarin ng pag-ibig.

Kahit na nga nawawalan na tayo ng pag-asa sa buhay o kahit anong gusot na ating pinasukan at kahit gaanong kaputik ang ating tinatapakan, kahit gaano kalaki ang ating naging pagkakamali sa buhay, lahat ng ito ay maaaring malagpasan kung sa puso natin ay may pagmamahal. Kung kaya lang nating umibig ng sapat, tayo na ang pinakamasayang tao sa mundo.

Pag-ibig, pagmamahal… LOVE, napakadaling pag-usapan kung minsan. Madaling mapagkuwentuhan pero hindi naman natin namamalayan kung atin ba itong naisasabuhay o nagagawa man lang. Bakit hindi natin subukang lagyan ng pag-ibig ang lahat ng bagay na ating ginagawa? Subukan mong gawin ngayon at makikita mo, malaki ang magbabago sa buhay mo! Now na, go!


Miyerkules, Pebrero 3, 2010

DEAR DIARY



Dear Diary,

Pangalawang araw na ngayon ng Pebrero. May kung anong kumikiliti sa puso ko. Iniisip  at nagpaplano kung ano ang mangyayari sa ika-labing apat nitong araw. Naaalala ko noon, lagi kong sinasabi sa iyo kung sino ang mga crush ko. Ang dami nila. Hindi magkandatuto ang nalilitong isip ko at puso kung sino ba talaga sa kanila ang uunahin ko.

Pero ako lang naman ang nagkakagusto. Dahil hindi naman nila alam ang nararamdaman ko.Wala akong lakas na loob na sabihin iyon sa kanila o ipaalam man lang. Asa pa ako. Hindi naman ako beauty queen ng paaralan. Wala akong ganda. Sino ba namang lalaki ang magkakagusto sa akin?

Dati, hindi nga yata tamang kumilos kung ano ang gusto ko. Bagamat halata naman ng mga kaklase ko ang mga kilos ko’t galaw ay nagpapaka-Maria Clara pa ako. Hindi naman ako nakatagpo ng pag-ibig na inaasam ko. Puro kuwento lang ako sa iyo. Kapag nahawakan ako ng crush ko o nangitian ay napakasaya ko na. Sobrang ngiti at saya na mahirap ipaliwanag. Nagkakandapilipit pa ako sa galak.

Kung bubuklatin ko ulit ang mga lumipas na naisulat ko na ay alam kong batid mong nagdurusa ang puso kong uhaw na uhaw sa pagmamahal. Kung maaari lang lumipad na at takasan ang sitwasyong kinakaharap ko ay ginawa ko na. Hindi naman ako tinubuan ng pakpak. Hindi ako naging si Darna kahit diamond pa na ilang carats ang lunukin ko.

Bakit nga ba ang puso ay minsang nakakaloka? Bakit kasi pinapakialaman pa nito ang isip ko? Kung ilang taon din akong naghintay at nangarap at sa mga hindi inaasahang pagkakataon ay dumating ito at kinatok ang puso kong dati ay halos magsara na at hindi na umasang may iibig pa.

Ang boong akala ko ay dumating na siya. Kung ilang taon ako nitong pinasaya. Pinilit paniwalain na may pag-ibig na walang hanggan. Sa darating na Araw ng mg Puso, iyon ang aming pangatlo at huling Valentine’s Day na magkasama. Sisiguraduhin kong iyon ang hindi pinakanakakalimutang sandali sa aming buhay. Bilang na ang araw ng aming pagsasama kaya ang bawat sandaling magkapiling kami ay pipilitin kong maging masaya. Si pag-ibig, nagbibiro minsan. Bagama’t alam nitong magsasara na ang pintuan ng aking mga puso ay biglang may magbubukas na naman. Hindi pa nga ako nakakapahinga…

Sa dami ng mga minahal ko, ginusto at pinagpantasyahan ay batid mo kung kanino ako lubos na naging maligaya. Kanino ako umiyak ng todo, kanino ako natuto at sino ang nagparamdam at nagpaalalang sa mundong ito, ang pag-ibig ay walang limitasyon.

Sisiguraduhin kong kaya ko. Huwag kang mag-alala mahal kong diary, hindi ka mababasa ng luha ko. Matatag na ako. Kaya ko na. Pipilitin ko…

Linggo, Enero 31, 2010

UMPUKAN

 

Isa sa pinakamasarap gawin ay makisalo sa umpukan at pag-usapan ang kung anu-ano lang. Sa baranggay na kinalakihan ko, sagana ang mga tao sa umpukang ganito. Take note, hindi lang mga nanay na walag magawa sa bahay kundi pati na rin ang mga kalalakihan na sagana sa mga tsismis at pati ako ay pinag-usapan.

Umpukan sa tindahan, umpukan kapag may handaan, umpukan kahit saan. Pati mga teachers ay nag-uumpukan kapag recess time!

Ilan na ba ang napaaway, ilan na ang mga nagalit at mga umiyak dahil sa umpukan? Bakit ba kasi kapag may umpukan ang madalas pag-usapan ay buhay ng iba? Parang kung may anong aliw na dulot ito sa mga dilang di mapakali, nangangati at naghahatid ng mga usaping kung sana lang ay masaya pero ang kinahihinatnan ay pagkasira ng buhay iba.

Kung ilang beses na rin akong napag-usapan sa bawat umpukan. Dati masyado akong apektado sa mga naririnig ko na kahit hindi naman totoo ay nakakasama ng loob. Kung puwedeng lang magpaliwanag at sumugod agad  at ipangtanggol ang sarili ay tiyak na gagawin ko malinawan lang ang kanilang mga isip. Pero hindi maari. Ang mga nasa umpukan ay ang mga nirerespeto mong matatanda at mas may edad sa iyo na sila dapat nakakaalam kung ano ang totoo at ano ang kahihinatnan ng kanilang pinag-uusapan.

Ang nakakaloka pa minsan ‘yung ilang alam mo na kakampihan ka ay siyang maniniwala at pagsasabihan ka pa. Dahil ang sarili kong katauhan ay hindi katulad ng ilang mga kakilala nila ay napakadali na lang paniwalaan para sa iba ang mga tsismis na gawa-gawa lang. Naalala ko tuloy si Mommy na minsang pinagsabihan ako noong nasa kolehiyo na  dinadala ko raw ang pera ko sa lalaki. Kakaloka! Sobrang tipid na nga ako to the fullest level para may aruray ako ay may ganoon pang factor! Natatawa na lang ako.

Sige nga mga friends, totoo ba ang usapin na mega bigay ako ever ng kaperahan sa lalaki? Kung lalaki lang ang hanap ko, bakit kailangan pang gumamit ng pera? Hahaha!

Iba naman ang umpukan ng magkakaibigan. Mga usapang nakakaaliw, mga usapang kahit paulit-ulit ay napakasarap pakinggan. Mga alaalang pilit binabalikan. Mga usapin tungkol sa mga kakulitan, ka-eklatan, kalokahan at kahit ano lang. Binibigyang tibay nito ang pagsasamahan ng bawat isa at dito makikita kung sino ang pagkakatiwalaan.

Madalas may mga sikretong bukod tanging ang grupo lang ang nakakaalam. Kung mayroon sa grupong kinati ang dila, nakupo ang sikreto ay parang bibingkang napakadaling ilako at bilhin. Sabi nga, laging may Hudas sa grupo at kahit kaibigan ay ipagkakanulo nito.

Pagkaminsan kasi, may laging pagkakatuwaan sa grupo at ang akala ay laging biro ang mga bagay na kahit seryoso. Naranasan ko na ang ganito at nakakasama ng loob. Hindi palaging nakakatawa ang buhay. Kahit nakakatawa man, hindi nakakaaliw na lagi ka na lang pagtawanan.

Hindi sa lahat ng oras tayo ay nakakasama sa umpukan. Kapag may umpukan kang nasamahan, siguraduhing ito ay para sa kaaliwan ng karamihan at laging suguraduhing walang damdaming masasaktan.

Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy


Miyerkules, Enero 27, 2010

YOSI N'YO



Hindi ko talaga alam kung anong pakiramdam ng naninigarilyo. Hindi ko man lang natikman at lalong hindi natutunang manigarilyo. Sa libu-libong taong gumagamit nito, pawang lahat ay hindi makapagpigil sa sariling hindi makahitit nito. Dati, lagi akong nagtatanong kung bakit ba talaga kailangang manigarilyo. Maliban sa isa itong bisyo, may masamang dulot ito sa ating kalusugan. Ewan ko lang nga kung bakit kasi parang naging simbolo ito ng pagiging sosyal! Sosyal daw tingnan kapag nainigarilyo, may dating at nakakapagpataas ng kumpiyansya sa sartili. Hindi ko pa rin masabi dahil sa edad kong ito ay hindi ko man lang talaga natutunang humitit nito at magbuga ng usok. Siguro nga masuwerte ako dahil hindi ko ito natikman. Isa na rin siguro ako sa nag-aaksaya ng pera para lang mapagbigyan ang bisyong masakit na sa bulsa, masama pa sa baga!

Sabi ng isang kaibigan ko, naglalaway daw siya kapag hindi man lang nakahitit nito sa isang araw. Minsan na niyang sinubukang hintuan ito pero hindi niya magawa. May mga pagkakataong nagiging kunsimido siya kapag hindi nakahitit nito. Ibig sabihin, ang sigarilyo ay para ring drogang nakaka-addict at kapag nasimulan na ay paulit-ulit na itong gagamitin. Gagastos ka at kapag katagalan magkakasakit na.

Sa mga naninigarilyo, subukan ninyong kalkulahin ang mga perang ipinambili ninyo ng yosi ninyo. Tingnan lang natin kung hindi kayo manghinayang sa mga perang sinindihan lang at naging abo. Pero, hindi naman kayo papaapekto, kasi nga ang alam ninyo nasiyahan kayo, nasarapan at naaliw sa bawat nicotine na sinunog ninyo.

Sa mga talamak na sa paninigarilyo, kailan ba kayo huling nagpa-check-up, okay pa ba ang mga baga ninyo? Nakakahinga pa ba kayo ng maayos?

Kunsabagay, kahit paulit-ulit naman akong magsalita at magpayo, alam kong walang makikinig at walang matitinag. Ang yosi ninyo ang kaligayahan ninyo. Kung hindi maiiwasan, bawasan na lang…Para sa kapakanan niyo din yan no!

Martes, Enero 26, 2010

SINIGANG



Kahit paulit-ulit kong iluto ang sinigang hindi ko ito pagsasawaan. Ang hilig ko nga sa sabaw. Sabi nga ng lola ko, para daw lagi akong nagpapasuso! Hahaha! Ang asim ng sinigang ang siyang nagbibigay saya sa aking lalamunan at kumakalam na sikmura.

Paborito mo rin ba ang sinigang? Ang daming klase ng sinigang ang natikman ko na nailuto ni Mommy, ni Nanay at ni Inang, ng kapatid ko, ng mga kapitbahay at ng mga kaibigan. May sinigang sa sampalok at usbong nito, sinigang sa kamias, sinigang sa bayabas at kung ano pa mang pampaasim. Ngayon sinigang sa powder mix.

Naaalala ko pa dati ang paglalaga ng sampalok at pagpiga at pagsala dito para lumabas ang katas. Nakakatuwa ring isipin ang mga panahon noong bata pa ako na kumukuha ako ng usbong ng sampalok para sa sinigang.

Ito ang ilan sa mga alam ko kung paano ang paghahalo ng mga gulay sa sinigang:

  1. Ang baboy o baka na sinigang sa bayabas ay maaring lahukan ng sitaw, gabi at okra.
  2. Ang sinigang sa sampalok ay kadalasang pinaghalu-halong talong, sitaw at okra.
  3. Ang sinigang na may pechay ay maaaring lahukan ng labanos.
  4. Puwede ring isahog sa sinigang ang mustasa.
  5. Maaari ring lettuce kung walang makuhang pechay.
  6. Masarap ang sinigang na may kangkong.
  7. Mas masarap ang sabaw ng sinigang kung maraming kamatis at nilinggis na mabuti.
  8. Maari ring pigaan ng kalamansi ang sinigang.
  9. May tinatawag ring sinigang sa miso.
  10. Hindi bagay na ilagay ang carrots, patatas, saging na saba at papaya sa sinigang, hindi ito nilaga.

Masarap akong magluto ng sinigang. Bagay na natutunan ko kay Mommy at nasubukan kong magluto nito noong nasa grade five ako. Sinubukan naming iluto para sa Cook Fest ng Boy Scout. Yes, Boy Scout nga at patrol leader pa nga ako. Kaloka!

Lunes, Enero 25, 2010

PANALANGIN




Bukas ang kaarawan ni dating Pangulong Cory, hayaan ninyong mag-alay ako ng isang panalangin. Ang paggunita ko sa araw na ito ay katumbas ng paggunita ko kay Mommy na pumanaw ilang buwan ang paggitan bago bawian ng buhay ang dating pangulo. Si Pangulong Cory ay nag-iwan ng tatak sa bawat isa na ang panalangin ang siyang pinakamabisang sandata laban sa kapahamakan at pangamba. Si Mommy, katulad ni Tita Cory ay siyang nagturo sa akin na magdasal simula sa aking pagkabata at lagi niyang pinapaalala sa akin na ako ay magdasal. Sa tuwing kinakausap ko si Mommy noong nabubuhay pa siya, ang tanging hiling ko din sa kanya ay ipagdasal niya ako para maging malayo sa lahat ng kapahamakan.

Hindi ko makakalimutan na ang mga huling araw na pagsasama namin ni Mommy ay nakapagsalo kami sa pagdarasal. Ang imahe ng Birhen ng Fatima ay dinala sa aming tahanan noong umuwi ako ng Pilipinas at kung ilang gabi kaming dalawa ay nag-rorosaryo. Sa larawan ay makikita ang Rosaryong ginamit niya  at kanyang ginamit sa kanyang mga huling sandali bago ang kanyang biglaang pagkakasakit at pagpanaw. Dala-dala ko kahit saan ang sandata ko, ang rosaryong nasa larawan na aking kinuhanan na aking ipinagamit sa isang kasamahan.


Dakilang Amang Lumikha,
Puspusin mo ng biyaya ang aming mga kaluluwa
Na nauuhaw sa iyong pag-ibig.
Dinadakila namin ang iyong walang sawang pagsubaybay
Sa aming lahat at ipinagpapasalamat namin
Ang buhay na aming tinatamasa sa mga panahong ito.
Batid naming kami ay mga makasalanan
Ngunit lubos ang aming pag-asang kakalingain mo kami
Sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon.
Minsan sa mga pangambang dumarating sa amin
Walang ibang nagbibigay lakas
Kung hindi ang aming matimyas na pananampalataya sa iyo.
Dakilang Ama, igawad mo sa aming mga puso
Ang tunay na diwa ng kapayapaan sa aming mga sarili at sa aming bayan.
Iligtas mo po kami sa lahat ng pangambang dulot ng kalikasan
At kalingain kami sa mga pagkakataong walang wala kaming malalapitan
Kundi Ikaw na makapangyarihan sa lahat.
Gabayan mo ang bawat isa sa amin na makapa-isip
Para sa kapakanan ng aming bayan at kapakanan ng aming pamilya.
Ituro mo sa amin ang siyang nararapat sa patnubay ng iyong Dakilang Espiritu.
AMEN.


Sabado, Enero 23, 2010

BATANG BONGGA




Nakakatuwa ang mga bata. Lalo na kung ang mga ito ay sobrang bibo.  Wish ko lang mabuntis na ako at ng magkaroon ako ng anak. Hahaha! Natural, lahat ay gagawin ko para sa aking anak. Higit pa sa pagpapalaki sa akin ni Nanay mula sa kanyang paglilihi, hanggang sa aking pagsilang at hanggang siyam na buwan, tatlong buwan bago ako mag-isang taon. Si Mommy na ang nagpatuloy sa pag-aalaga sa akin, dahil si Nanay ay nagtatrabaho sa Maynila at buntis na ng dalawang buwan bago ako mag-isang taon. Nahirapan sa pag-aalaga. Ang lambing ko daw. ‘Di ba nga may kasabihan na pag naglalambing daw ang bata ay may kasunod na. Wow, nag-ala Madam Rosa pala ako noong bata pa ako dahil nalaman ko na buntis na nga ang aking Mudra. Kaya ang drama, mega paalaga niya ako kay Mommy na siya kong kinalakihan. Pero walang halong pagdaramdam. Maayos naman akong napalaki ni Mommy at ginawa ang lahat para sa akin.

Ewan ko lang kung bibo nga ako. Ang alam ko noong bata ako, may diperensiya ako sa paglalakad kaya mega suot ako ng bakal na sapatos at para mapantay ang aking tabinging paa. E ano naman kung pilantod. Buti na lang hindi napilay ang aking isip. Hehehe…

Kuwento ni Nanay, dahil nga ako ang panganay at kauna-unahang junakis, lahat daw ay mamahalin. Mula sa gatas at lahat ng mamahaling prutas ay ipinakain nila sa akin. Palibhasa parehas sila ni tatay na nagtatrabaho. At si Mommy, hindi rin nagkulang sa pag-aalaga. Kaya ang kinalabasan bonggang bata at fabulosa pa! Ako ‘yon!

Feeling ko kasing bibo at kasing bongga ako noon katulad ng bata sa larawan, si Serene Reyes Germinal, ang pangalawang anak ni Ate Tess.



Biyernes, Enero 22, 2010

SA AKING PAGTULOG




Sa aking pagtulog hayaan mong ibaon kita
At sa aking panaginip ay aking makita
Kung paano ang tunay na ligaya
Na hindi iniisip ang sasabihin ng iba.

Sa aking pagtulog ay nadarama ko
Kasama kitang nagsasaya
Hindi iniisip ang mga problema
Pilit iwinawaglit ang pangit na alaala.

Sa pagtulog ko lamang nakikita
Na ang mundo ay nakikisama
Batid nito na ang aking ligaya
Ay ikaw lamang at wala ng iba.

Sa aking paggising na hindi ka na makita
Pipilitin kong muling isara
Ang aking nalulumbay na mga mata
At ipinapangako kong ‘di na ako muling gigising pa.

Huwebes, Enero 21, 2010

RELASYON




Oo, napaaga nga. This is something about “pag-ibig”. Hindi pa Valentine’s Day pero bigla ko itong nakita at obvious naman di ba? Dalawang mukhang magkalapit. So sweet! Pero hindi ito basta pag-ibig lang na alam natin. Pag-ibig Na masalimUot at pasikut-sikot na aspeto ng pakikipagrelasyon.

Kapag may pag-ibig, may relasyon. Ang daming klaseng relasyon. Hindi lang boy-girl relationship na minsang napupunta sa isang “marriage relationship”. Relasyong sali-salimuot. Relasyon ng pamilya. Relasyon ng magkakapatid. Relasyong bading. Relasyon ng gurang at bata. Relasyong minsang kumplikado at sa pinakamasakit na dulo nito, ang bawal na relasyon. Ewan ko lang pero minsan napag-isip-isip ko na bakit kailangang humantong ang bawat isang tao sa mga ganitong bagay. Sabi nga nila kapag puso raw ang humatol ay wala silang magagawa. Nagiging timang na. Kahit gaano ka pa katalino at kahit ilang kurso pa ang kinuha mo, kapag si puso ay nagbadya, si utak ay biglang nalilito. Kaloka!

Aba! Sino ba ang ayaw pumasok sa relasyon? Lahat ay gustong maranasan ang sitwasyong sa iba ay nakakapagpabuo ng kanilang sarili. Hindi kumpleto kapag walang karelasyon. Si relasyon naman kung minsan, napakadaling hanapin. Naglipana, parang inilalako lang. Sa iba naman ang ilap. Hindi mahanap-hanap.

Base sa mga nakita ko at ang ilan ay dinanas ko, kaakibat ng relasyon ang matinding atraksiyon sa isang tao na idinidikta ng puso. Pag-ibig ba ito?  Makapangyarihan nga at hinahamak ang lahat masunod lamang. Kasehodang itakwil ng pamilya, kahit na isumpa ng ilan, pilit ipapasok ang sarili makamit lamang ang relasyong inaasam. Ang ibang relasyon ay relasyon na umiiral mismo sa pamilya. Gaano ba magkakasundo ang magkakapatid?

Ang mga lalaki, talaga nga yatang natural na “polygamous”, hindi mapakali at makuntento sa isa. May-asawa na, makikipagrelasyon pa sa iba. Ang tatay ko, nakisali rin. Pinasok ang ganito. Huling-huli na, deny to death pa ang drama. Martir ang nanay ko. Sobra. Pinagpaplanuhan ko ngang bigyan ng “award” at ng masulit ang pagiging martir.  Ipagdadasal na lang daw niya si tatay. Aba, sa hinaba-haba ng panahon mukhang may malaking improvement… Magkasama pa rin sila. Masaya ako para sa kanila. Kaya nga noong huling kausap ko kay Nanay, kinumusta ko ang tatay ko. Diabetic si tatay. Nagme-maintain ng gamot kaya hindi na siguro tinitigasan. Hahahaha!

Pero di ba? Ang daming nasira ang pamilya dahil sa pangangabit ni lalaki. Aray ko… Sa mga nakakaalam, alam nila kung bakit ako napa-aray! Puwede ba akong magpaliwanag?

Hanga din naman ako sa relasyon naming magkapatid. Kahit noong bata pa kami, marami ang nagsasabing maganda ang samahan namin. Si nanay, madalas na sinasabi sa amin noon na magmahalan kaming tatlo. Walang ibang magtutulungan sa amin kundi kami lang din naman. Natural lang ng mag-way kami dati. Mga away ng mga batang pasaway. Ang seryosong pagtatampo sa akin ng aking sister ay noong nasa kolehiyo kami. Naaalala pa kaya niya iyon? Ang sister ko mega hindi kumikibo ever sa akembang kaya matagal din kaming hindi nagpansinan. Hindi pala niya ako pinansin. Tumagal ng ilang araw bago kami nag-usap. That was the first and last. Ngayon, masasabi kong walang makakasira sa aming realsyon. Walang “pride’ na umiiral sa amin. Puwede akong magbaba ng level at lahat puwedeng daanin sa pagpapatawa! Salamat na nga lamang at talaga namang carry niya ang ka-timangan ko. Salamat sistereka! Isa kang Diyosa! Madalas silang may tampuhan ng kapatid kong bunso. Ang kapatid kong bunso na pasaway, pinagsasabihan ko rin ng madalas kapag sinasagot ang Ate niya. Nakakatimang kung minsan. Hindi ganoong ka-perpekto ang relasyon namin sa pamilya. Pero, kapag ako ang kapatid ninyo, mababalanse ang lahat! Ako ang timbangan sa pamilya. Pinapakinggan naman nila ako.

May mga relasyong bawal. Ano nga ba ang bawal? Bawal kasi masama. Sa mata ng Diyos at mata ng lipunan bawal ang may-asawang pumatol ulit sa iba. May ilan namang may-asawa na, papatol pa sa isang may-asawa rin. Naku, ang dami kong kilala. Sa lugar namin, ang daming tsismosa. Mga dakilang tsismosa. Dinadaig pa ang BBC at CNN sa paghahatid ng balita. Naririnig ko lang din kasi sa kanila. Ang iba napakadaling manghusga na akala naman perpekto rin sila. Look who’s talking? Hay buhay!


Miyerkules, Enero 20, 2010

CREMA DE FUTA






Yes, Crema de futa, at hindi mali ang spelling ko. This is not the Crema de fruta you eat as dessert that you know. It’s my term for all the pamahid-sa-fez that almost everyone is using. Daily routine sa mga futa! Hahaha! Including me. Isa sa mga crema de futa fanatic. Di mapakali ng walang pinapahid ever sa mukhang ngarag. From hilamos, cleansing, toning, moisturizing at sunscreen chuva with matching papaya soap, be it classic or green.

Dati naglalagay pa nga ako ng caladryl, remember caladryl na pamahid sa kati yata yon. ‘Yung kulay pink. Then, ‘yung lotion nilalagay ko rin at shina-shampoo ko pa ever ang aking fez. Makapal lang talaga siguro ang mukha ko kaya hindi naman na-damaged. Hahaha!

Simula ng mauso ang Likas Papaya, go na ako dito ng walang kiyeme. Kasehodang mabawasan ang allowance ko basta may pampaputi ever sa mukhang sunog. Nagsulputan na rin ang kung anu-anong brands ng soap at pamahid na lahat pampaputi. May Epiderm-A, may Kalinisan, Kutis, Kalinisan at lahat ng K, Hiyas, Hiyang at kung anu-ano pa. Dumating din ang Block and White, nakisabay din ang Safeguard sa pag-produce ng papaya soap. Gumawa na nga rin si Belo di ba? Si Calayan kaya may pampaputi ever na rin na produkto?

Hindi dito nagtatapos ang kabaliwan ng mga futa sa kung anu-anong puwedeng ipahid, ikaskas at ilagay sa sa mukha at katawan. Nandiyan na rin ang Glutathione in all forms. Puwede na nga ring magpaturok para mas mabilis ang effect. Haaay!

Siyempre nandiyan din ‘yung mga Maxi-Peel at mga astringent na obvious dahil mukha lang ang pumuputi at naiiwan ang kulay ng leeg! Hahaha!

Ako naman, nakikisabay. Walang tigil sa pagsubok ng lahat ng puwedeng ipahid. Kung naisasahog lang ang papaya soap sa pagkain, matagal ko ng ginawa! Hanggang dito lang naman ako. Hindi naman ako ang tipong magpapa-Skin Center pa para lang pumuti ever. Masaya lang akong sinusubukan ang lahat. And natural ang makita ang effect.

Ikaw saan ka ba hiyang? Ano ba ang ipinapahid mo sa mukha mo? Nag-papasalamat Doc ka ba? O hiyang ka na sa simpleng paggamit ng sabon at crema de futa?

Kung ganda at kinis ang hanap mo, mag crema de futa na para masaya at bonggang-bongga!




Martes, Enero 19, 2010

ANG DAMO




“Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” – Salawikaing Filipino

“Aanhin pa ang damo kung sementado naman ang garden mo?” – Allan K.


Lunes, Enero 18, 2010

ANAK NG TINAPA




Salamat Mr. Willy Luceda aka Daddy sa pabaon mong “Dave’s Smoked Fish”. Ito ang aking pananghalian  kanina na sinabayan ko ng itlog na maalat (courtesy of Daddy pa rin) at fresh na kamatis. Sarap! Kung ilang taon na rin akong hindi nakakain nito at sobrang napadami ang kain ko. I used my bare hands in eating tinapa and salted eggs. Feeling nasa probinsiya akembang!

Ano ang mayroon sa tinapa? Simple lang, this was Mommy’s favorite. Si Mommy, ‘yung nagpalaki sa akin at kinagisnan kong nanay. Nostalgic mode na naman ang drama ko today. Tinapa kasi ‘yung pinakamadaling mahanap na ulam dati. Tinapang galunggong at iyong may kaliskis. Kung ilang beses sa isang linggo namin ito kinakain. Ang pihikan ko pa nga dati at nagrereklamong palagi na lang bang tinapa? Hindi ko naman masisi si Mommy dahil wala naman kaming pambili ng ibang ulam. Pilit niyang pinagkakasya ang kanyang pera para may pambili pa kami ng ibang kailangan sa bahay. Higit sa lahat para may maibaon pa ako sa eskuwela.

I am certified anak ng tinapa and I am so proud to be one. Dahil sa tinapa, nagiging matipid kami at may allowance pa ako sa eskuwela. Crying moment… naalala ko na naman kasi si Mommy, my dakilang Mommy!



Linggo, Enero 17, 2010

KILOS AT GALAW




Mula sa “one-way glass wall” ng aking opisina ay naaliw akong pagmasdan ang isa sa mga manggagawa sa kumpanya. Dahil one way, hindi niya alam na kung ilang minuto ko na rin siya kinukuhanan at pinagmamasdan. Nakakaaliw pagmasdan ang mga kilos at galaw ng mga tao. At dahil dito, napakadali nating basta na lang manghusga. Kahit hindi naman talaga natin kilala ang isang tao, para bang kakilala na lang natin siya at bigla-bigla ay may masasabi tayo. “Si ganito, si ganyan ay ganoon…”

Kapag may nakitang babae na makapal ang make-up sasabihin pokpok. Kapag laging nakatawa ang babae sasabihin malantod. Si lalaki, kapag mahinahon kumilos sasabihin bading. Si lalaki, kapag may edad na at walang asawa sasabihiang bakla. Kaloka ang mga tao ang daling manghusga. Sobra!

Ako din naman dati ay napakadaling manghusga. Isa ako sa nakikisali at ginagawang katatawanan ang panghuhusga sa kapwa batay sa kanilang kilos at galaw. That was long time ago. Not now. I’ve learned so many lessons in life. Kung wala ka rin namang masasabing maganda, manahimik ka na lang.

Blessed Mother Theresa said “If you judge people, you will have no time to love them.”  Kaya nga, paano maisasabog ang bonggang pagmamahal kung palagi tayong manghuhusga. Tandaan din natin na hindi nakabatay sa kilos at galaw ang pagkakakilanlan sa isang tao. Ang nilalaman ng puso at damdamin pati na ng isip ang siyang nagiging sukatan at batayan ng ating pagkakakilala sa bawat isa.

Minsan nagiging kasabay ng panghuhusga ay ang panlalait na nakakadurog sa puso ng mga biktima. Naranasan ko na rin kung paano laiitin. Masakit pakinggan. Kung iisipin mo, para bang ikaw na ang pinakamahinang tao sa mundo. Hindi ako nagpadaig sa emosyong dala ng panlalait. Ito pa ang nagsilbing inspirasyon ko para ipagpatuloy ang buhay.

Lahat tayo ay may kakaibang kilos at gawa. Sa mga kilos na ito natin naipapakita kung sino at ano tayo. Huwag pakinggan ang sasabihin ng iba, kahit ito ay panlalait at panghuhusga pa. Maging malaya sa mga kilos at galaw na hindi apektado ang sinumang nakapaligid sa atin. Kumikilos tayo ng naayos sa sarili nating kagustuhan. Kung apektado sila, anong pakialam nila?


Sabado, Enero 16, 2010

NAG-IISANG PUNO


Kasabay ng pagdalaw namin ni Amrit sa aking mga kaibigan ay ang pagpunta namin sa isang pasyalan sa Al Ain, ang Jebel Hafeet. Ito ang unang pagkakataong makakapunta si Amrit sa lugar at unang pagkakataon din niyang makapunta sa Al Ain. Kasama ko siya. Ayaw kong palagpasin ang pagkakataong hindi kami magkasama. Gusto ko ang lahat ng kanyang “first time” ay kasama ako. Sa loob ng ilang taong pagsasama namin, madami na rin kaming napuntahan at lahat ay nagbigay ng magagandang alaala.

Salamat sa aking kaibigan, si Claridie na walang pagod na sumama sa amin at naging tagabitbit ko ng ilang gamit. Mahina kasi ako at madaling hingalin. Madali pang mapagod.

Sa pag-upo namin sa isang lugar, nagbigay pansin sa akin ang nag-iisang puno malapit sa aming kinauupuan. Nagbigay ito ng pagkakataong gumana ang aking isip para sa aking Project 365.

Sa paggana ng aking isip ay nabuo ko ang mga sumusunod na linya…

Ako ang nag-iisang punong
Batid na hindi mamumunga
Pinipilit na tubuan ng mga sanga
Hinahayaang dahon ang magsilbing ganda.

Hindi man tuwid ang aking kinalalagyan
Alam kong ang lupa hindi ako pababayaan
Ang aking ugat pilit na kakapit
Kahit na mga sanga ay magkandapilipit.

Ako ang punong hindi man mamunga
Ay may iba pang pakinabang na dala
Ang aking mayabong na dahon
Magsisilbing panangga sa init ng panahon.

Hindi man diligan, hindi man alagaan
Pilit na uusbong anumang oras ang magdaan
Ako ang nag-iisang punong ang tanging hiling
Sa pagdating ng panahon ay umaasang may aangkin.

Bongga ang tula… hahaha!