Lunes, Enero 25, 2010

PANALANGIN




Bukas ang kaarawan ni dating Pangulong Cory, hayaan ninyong mag-alay ako ng isang panalangin. Ang paggunita ko sa araw na ito ay katumbas ng paggunita ko kay Mommy na pumanaw ilang buwan ang paggitan bago bawian ng buhay ang dating pangulo. Si Pangulong Cory ay nag-iwan ng tatak sa bawat isa na ang panalangin ang siyang pinakamabisang sandata laban sa kapahamakan at pangamba. Si Mommy, katulad ni Tita Cory ay siyang nagturo sa akin na magdasal simula sa aking pagkabata at lagi niyang pinapaalala sa akin na ako ay magdasal. Sa tuwing kinakausap ko si Mommy noong nabubuhay pa siya, ang tanging hiling ko din sa kanya ay ipagdasal niya ako para maging malayo sa lahat ng kapahamakan.

Hindi ko makakalimutan na ang mga huling araw na pagsasama namin ni Mommy ay nakapagsalo kami sa pagdarasal. Ang imahe ng Birhen ng Fatima ay dinala sa aming tahanan noong umuwi ako ng Pilipinas at kung ilang gabi kaming dalawa ay nag-rorosaryo. Sa larawan ay makikita ang Rosaryong ginamit niya  at kanyang ginamit sa kanyang mga huling sandali bago ang kanyang biglaang pagkakasakit at pagpanaw. Dala-dala ko kahit saan ang sandata ko, ang rosaryong nasa larawan na aking kinuhanan na aking ipinagamit sa isang kasamahan.


Dakilang Amang Lumikha,
Puspusin mo ng biyaya ang aming mga kaluluwa
Na nauuhaw sa iyong pag-ibig.
Dinadakila namin ang iyong walang sawang pagsubaybay
Sa aming lahat at ipinagpapasalamat namin
Ang buhay na aming tinatamasa sa mga panahong ito.
Batid naming kami ay mga makasalanan
Ngunit lubos ang aming pag-asang kakalingain mo kami
Sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng panahon.
Minsan sa mga pangambang dumarating sa amin
Walang ibang nagbibigay lakas
Kung hindi ang aming matimyas na pananampalataya sa iyo.
Dakilang Ama, igawad mo sa aming mga puso
Ang tunay na diwa ng kapayapaan sa aming mga sarili at sa aming bayan.
Iligtas mo po kami sa lahat ng pangambang dulot ng kalikasan
At kalingain kami sa mga pagkakataong walang wala kaming malalapitan
Kundi Ikaw na makapangyarihan sa lahat.
Gabayan mo ang bawat isa sa amin na makapa-isip
Para sa kapakanan ng aming bayan at kapakanan ng aming pamilya.
Ituro mo sa amin ang siyang nararapat sa patnubay ng iyong Dakilang Espiritu.
AMEN.


Walang komento: