Sa lahat, isang masaganang bagong taon...
Nakapaglaro ka na ba ng Bingo? Kahilan ka huling naglaro nito? Sa unang araw ng taon, ito ang unang larawang ihahandog ko para sa aking PROJECT 365.
Nakakatuwang isipin na sa paglalaro nito ay kasabay ang mga halakhak na talaga namang nakakaaliw. Ang buhay daw ng Bingo ay sa bumobola na siyang taga-alog ng sisidlang yari sa rattan at puwede na rin namang plastic. Pero iba ang ingay na nagagawa ng yari sa nauna. Ibang-iba ang tunog na hatid nito. Ang mga panantos ay karaniwang buto ng sampalok, maliit na barya o kahit anong butil para mamarkahan ang mga natawag ng numero. Ang pagpkapanalo ay batay sa mga patterns na pag-uusapan o mga dati ng tatluhan, apatan o punuan sa huli.
Kinalakihan ko ang paglalaro ng Bingo. Si Mommy ay isa sa mga Reynang maituturing pagdating sa larong ito. Walang iba akong naaalala kundi si Mommy habang nilalaro namin ang Bingo sa pagsalubong ng bagong taon. Kung ilang beses na rin akong sumali, nakitaya at nakigulo sa paglalaro nito noong nasa elementarya pa ako. Libangan daw ito pero para sa iba ito ay nagiging sugal lalo nat malaki ang tayaan.
Sa pagbola, ang dami mong matututunang salita na madali mo namang maisasaulo. At sa pagbola ko at paghugot ng mga bulitas ay bigla kong naalala ang mga namutawing salita noon at mga bansag sa mga numero. Napagtanto kong naghatid ito ng mga kuwentong nakakaloka at nakakaaliw.
Heto ang TOP TEN ng numero at bansag sa mga naging masipag sa paglabas sa aming paglalaro:
1. G 56-Bumbay, Pautangan, ito ang bansag sa numerong ito na hango sa pamamaraan ng pagpapautang ng mga Indians. Bumbay ang nakagisnang tawag natin sa mga Indians pero ang Bumbay mula sa salitang Bombay ay hindi na ginagamit ngayon sa India. Mumbai na ito, isang lalawigan sa estado ng Maharashtra.
2. B 10-Itlog, Bitin, mas popular sa tawag na bitin kasi ay katunog nga ito ng naturang salita. Pero mas marami ring gumagamit ng itlog. Kasi nga kahugis ng itlog ang ZERO at may haba pa kasing kasama. Ha!ha!ha!
3. O 75 - Matanda, Gurang, pinakamataas kasi itong numero sa Bingo.
4. N 45- Kalibre, Putok, kasi nga may Calibre 45 na baril kaya ito ang naging bansag dito. Ang iba naman ay putok at ang nakakaloka dati, tatawagin nila ang pangalan ng taong may BO, kakaawa naman.
5. I 22 – Madre, kasi nga mukhang nakaluhod. Ang babanggitin, dalawang madreng nakaluhod.
6. O 69 -Baligtaran, baligtaran naman talaga pero sasabayan ng pagbanggit ng masarap daw na posisyon. Saan kaya?
7. B 12 - Puto, Dosena, Pilipito, Dose ay karamihang bilang ng mga bagay na nakakahon, kaya isang dosena. Bakit puto at sino si Pilipito? Nagtitinda si Tsu Pilipito ng puting puto sa Bulacan at mahilig din maglaro ng Bingo pagkatapos magtinda.
8. G 60 – Buntis, Maga, mabilog kasi ang numero kaya tinawag na buntis dahil ang mga buntis nga naman ay mabilog ang tiyan at namamanas.
9. I 24 – Bisperas. Ang araw bago ang 25, petsa ng Pasko.
10. B 8 – Pilipit, mukha nga namang pinilipit ang otso.
May mga nadagdag na rin na bigla na lang lumabas sa mga bibig ng bumola katulad ng 14 na naging Dionisia Pacquio dahil sa Katursi. Kakaloka ang paglalaro ng Bingo lalo na’t bentang benta ang mga sinasambit na bansag ng mga bumobola.
Naging masuwerte ang kalaro naming buntis dahil halos pinakyaw ang bonggang-bonggang mga premyo at may mga minalas naman. May ibang first timer at natuto, nalito at napatembuwang sa kakatawa.
Ikaw, buminggo ka na ba? Tara na at mag-Bingo na ng bonggang-bongga!
4 (na) komento:
Nkakarelate ako habang binabasa ko to..hehe:) -nica
Uminom ka ng lason dahil wala kang kwenta mag kwento.
Ano ibig sabhin sa b ang mapanghe sa binggo
Yess sa sa dalawang demonyo
Mag-post ng isang Komento