Ewan ko lang kung nakakatanggap pa kayo ng Christmas cards. Iyong talagang pinagpaguran, personal na ginawa o kung hindi man ay nasa porma ng sulat kamay. Nasa isip ko rin na talagang humina na rin ang kita ng mga koreo, mailing centers o post offices saang sulok ng mundo dahil may mga virtual cards na o e-cards. Palasak na ang paggamit ng internet at kahit sa bukid at liblib na lugar ay may mga connections na. Di ba nga’t ang ilang mga gifts ay virtual na lang din dahil sa mga applications lalo na sa Facebook?
Ang sarap ng pakiramdam na makatanggap ng Christmas Cards. Pero walang kasing saya ang magbigay at gumawa ng mga ito. Di ba halos lahat tayo ay gumawa ng Christmas cards gamit ang ating bonggang creativity and craftsmanship? Aminin, yung iba sa inyo ay gumawa pa ng may sunog-effect sa gilid na pinausukan sa kandila o lighter. May mga gumawa rin ng punit-effect on the side na parang nginatngat ng daga! May mga effect din na sinunog na crayola. May mga collages na pinagsama-samang shells, bigas, bubog o kahit pakpak ng kahit anong insekto. Isa ako sa mga gumawa nito. Ha!ha!ha!
Pa-bonggahan talaga ang paggawa ng Christmas card noong nasa elementarya tayo. Kung marami kang nagawa, marami ka ring mapagbibigyan. Hindi ba’t mas inuuna pa nating igawa ang ating mga teachers? Sipsip ang tawag sa mga batang nagbibigay sa teacher nila. Siguro nga sipsip ako dahil mahilig akong magbigay ng Christmas cards sa mga teachers ko at kahit simpleng mensahe lang na nilagyan ng “touch of creativity” ay very proud ko itong binibigay sa kanila.
Ang munting Christmas cards ay gawa sa typewriting o coupon bond (‘yun ang tawag namin noon pag bumibili kami ng tingi sa tindahan, nagbebenta din ang teacher namin ng coupon bond 3 piraso kada singwenta sentimos) kilala na ngayon ang papel na ito sa A4 size. Titiklupin sa gitna at muling titiklupin para maging ¼ size. Sisimulang guhitan at lagyan ng drawing. Lahat may kinalaman sa Pasko. Paborito kong iguhit ang Christmas tree, mabilis lang kasi nga tatsulok lang naman at isang kulay lang. Berde. Lalagyan ng bilog-bilog na kulay pula at dilaw at bubudburan ng glitters. Naalala ko ang glitters na kapag sobra ay inilalagay namin sa aming mukha at iiyak kapag napuwing.
Naalala ko na ang lagi kong inilalagay na mensahe sa loob ng card ay “ May the spirit of your Christmas be a season of hope…”, galing sa commercial advertisement ng HOPE na sigarilyo. Bongga naman ang message di ba? Nawa’y ang diwa ng iyong Pasko ay mapuno ng pag-asa. Ewan ko kung ito ang eksaktong translation pero ang mensahe ay malinaw. Pag-asa.
Christmas Cards. Simbolo ng Pasko. Maging gawa man ng sariling kamay, virtual man o e-cards ay hindi ang eksaktong larawan ng pamamahagi ng tunay na diwa ng Pasko. Ang tunay na diwa nito ay ang pagsasabuhay ng mga mensaheng nakasulat at pang-unawa sa tunay na sitwasyon ng buhay. Masarap alalahanin ang mga nakaraan. Nakakaaliw. Ang higit na mahalaga ay ang pagtutuon natin sa kasalukuyan. Paano natin maipapamahagi sa lahat ang pag-ibig na siyang magbibigay pag-asa? Hanggang sa pagsulat ng mensahe na lang ba?
1 komento:
aba! naaliw naman ako sa kuwento mo. Bigla ko tuloy naalala noong grade three kami... di ba may MAPE na subject noon, bulak yata ang nilagay ko at walis tingting... hehehe...
Mag-post ng isang Komento