Martes, Enero 26, 2010

SINIGANG



Kahit paulit-ulit kong iluto ang sinigang hindi ko ito pagsasawaan. Ang hilig ko nga sa sabaw. Sabi nga ng lola ko, para daw lagi akong nagpapasuso! Hahaha! Ang asim ng sinigang ang siyang nagbibigay saya sa aking lalamunan at kumakalam na sikmura.

Paborito mo rin ba ang sinigang? Ang daming klase ng sinigang ang natikman ko na nailuto ni Mommy, ni Nanay at ni Inang, ng kapatid ko, ng mga kapitbahay at ng mga kaibigan. May sinigang sa sampalok at usbong nito, sinigang sa kamias, sinigang sa bayabas at kung ano pa mang pampaasim. Ngayon sinigang sa powder mix.

Naaalala ko pa dati ang paglalaga ng sampalok at pagpiga at pagsala dito para lumabas ang katas. Nakakatuwa ring isipin ang mga panahon noong bata pa ako na kumukuha ako ng usbong ng sampalok para sa sinigang.

Ito ang ilan sa mga alam ko kung paano ang paghahalo ng mga gulay sa sinigang:

  1. Ang baboy o baka na sinigang sa bayabas ay maaring lahukan ng sitaw, gabi at okra.
  2. Ang sinigang sa sampalok ay kadalasang pinaghalu-halong talong, sitaw at okra.
  3. Ang sinigang na may pechay ay maaaring lahukan ng labanos.
  4. Puwede ring isahog sa sinigang ang mustasa.
  5. Maaari ring lettuce kung walang makuhang pechay.
  6. Masarap ang sinigang na may kangkong.
  7. Mas masarap ang sabaw ng sinigang kung maraming kamatis at nilinggis na mabuti.
  8. Maari ring pigaan ng kalamansi ang sinigang.
  9. May tinatawag ring sinigang sa miso.
  10. Hindi bagay na ilagay ang carrots, patatas, saging na saba at papaya sa sinigang, hindi ito nilaga.

Masarap akong magluto ng sinigang. Bagay na natutunan ko kay Mommy at nasubukan kong magluto nito noong nasa grade five ako. Sinubukan naming iluto para sa Cook Fest ng Boy Scout. Yes, Boy Scout nga at patrol leader pa nga ako. Kaloka!

Walang komento: