Linggo, Enero 3, 2010

MAKINA AT KALAWANG



Sa paghahagilap ko ng subject para sa aking ikatlong araw, nagbigay pansin sa akin ang mga lumang makina sa labas ng pagawaan. Mga makinang nakatambak na at walang silbi. Kinakalawang na ang mga ito. Marahil dala ng kalumaan at katagalan ay sadyang bumigay. Wala ng kuwenta. Nakakalungkot isipin na pagkatapos mong bilhin sa pagkamahal-mahal na halaga ay bigla na lang itatambak at itatapon. Paalam, makina. Kinakalawang ka na. Ang kawawang makina pagkatapos pakinabangan ay biglang wala na sa eksena.


Ang makina, katulad ng tao ay napapagod din at bumibigay. Pero sa bandang huli ay huwag sana nating gawing kaparis ang makina na kapag tayo ay humina na at nangulubot ang mga balat ay bigla na ring walang kuwenta. “WE MUST AGED GRACEFULLY!”


Kaakibat ng pagtanda ang pagbabagong pisikal. Nagbabago rin ang anyo ng mga makina sa katagalan. May puso tayo at isipan, ang makina ay wala. Tayo ay mag-iiwan ng tatak sa mga taong nakasama natin, minahal at buong pusong tinanggap.


Paano naman ang sinasabi nilang kinalawang ang utak? Paano nga kaya? Sila naman ang mga taong hindi minahal ang sarili at nagpakalulong sa bisyo sa kung anong dahilan. Sa huli, para na nga rin silang makinang walang kuwenta, nagbigay pa ng problema.


Habang sinusulat ko ang mga ito, biglang kumulot ang isip ko at nagpakembot-kembot ulit, dahilan para mabuo ang mga ito:


1. Hindi ka makina na pagkatapos pakinabangan ay bigla na lang itatapong parang basura.


2. Ang kalawang sumisira sa bakal. Ang pagsasama, minsan para ring bakal na kapag nabuhusan ng tubig ay kinakalawang. Huwag hayaang sirain ng kalawang ang pagsasamang iningatan. Kapag nabasa, puwedeng punasan ng dahan-dahan.


3. Kahit na ang pagtanda ay parang kalawang na magbabago sa iyong pisikal na anyo, ang iniwang alaala ay mananatiling solido.


4. Ang relasyon ay parang bakal na habang iniingatan ay mas lalong nagtatagal. Kapag natilamsikan ng tubig ay pagsisimulan ng kalawang. Ang tilamsik ng tubig ay kahalintulad ng mga problemang darating sa buhay na kapag hinayaan at hindi napunasan ay maaring sumira as relasyong pinagyaman. Hindi dapat manawa sa pagpunas ng dahan-dahan. Panatilihing makinis ang relasyong kinagisnan.


5. Ang buhay dapat ay parang “Stainless Steel” na hindi dapat kalawangin. Maging matatag sa mga pagsubok at harapin ng lakas loob ang mga suliranin.



Walang komento: