Nagpapasalamat ako at ako ay nakakalakad. Hindi man tuwid ang aking paglakad katulad ng karamihan, masuwerte pa rin ako. May mga dahilan talaga ang lahat ng bagay. Buti na lang ang isipan ko’y hindi pilay. May pakinabang naman ako kahit kaunti.
Hindi ako nag-ROTC. Buti na lang at exempted ako. Laking pasalamat ko at hindi ko dinaanan ang training na hindi ko talaga kakayanin. Ayaw ko yatang mabilad sa araw at baka masayang ang papaya soap na isinasabon ko sa aking katawan at whitening lotion na ipinapahid ko. Ang puti ko ay “salamat siyensya”.
Nagsuot ako ng bakal na sapatos noong bata ako. Sabi ni Nanay, ipinanganak ngang nakabaliktad ang mga paa ko kaya idinaan na lang sa Physical Therapy at paghilot. Normal naman kung tingnan pero iba talaga akong maglakad. Sabi nga ng iba, para daw akong bibe. Sa iba, napaka-sexy ko daw maglakad, usli kasi puwet ko. Nakakatuwa nga pag napapanood ko sa video minsan ang itsura ng paglakad ko. Tabingi nga! Hahaha!
Ang tsinelas ko palaging upod ang bandang hinlalaki. Nandoon kasi ang pressure, kaya iyon talaga ang palaging nauupod. Maliban pa doon sa pagkaupod ng tsinelas ay panunukso ng ilang bata. Naalala ko ang lolo ko na kapag lasing ay tatawagin ako at palalakarin ng diretso. Kaya pag lasing ang lolo ko at nakita ko nang parating ay magtatago na ako dahil sa takot. Naisip ko tuloy na kasalanan bang maging palingi ang paglakad. Ang iba naman ang akala ay na-polio ako. Mali naman sila doon. Inborn ito. Kasabay ng pagsilang ko.
Ilan na kayang tsinelas ang naupod ko? Mula sa Spartan, Rambo, Dragon, mahal pa ang Beach Walk dati at late na ng dumating ang Islander na may kamahalan din. Hindi namin kayang bumili ng mga iyon. Ngayon marami na ring nagsulputang brands at talaga namang sikat ang Havaianas na libo ang halaga. May crocs pa. Naging status symbol. Sosyal, may pera at in ang mga nagsusoot nito. Maitutuwid ba ng mamahaling brands ng tsinelas ang palinging lakad ko? Bakit nga ba ako bibili ng mamahalin kung wala namang epekto? Hindi ko rin carry ang mag-tsinelas lalo na’t parang pinitpit na luya ang mga paa ko.
Ang tsinelas na binili mo kahit na may kasikipan ay darating sa puntong magkakasya sa iyo at luluwang. Kung binili mo naman ito ng tama lang, ito ay pansamantala lamang. Dahil sa madalas na paggamit mo, ang iyong tsinelas ay mapupudpod, maluluma at masisira. Hindi permanente. Pansamantala lang.
Hindi ba’t ang “glass slippers” ni Cinderella na nagkasya sa kanya ng ito ay isukat ay biglang nahubad sa kanya at naiwan pa? Isa lang ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng kasya ngayon ay kasya pa rin bukas. Lahat pansamantala. “There is no such thing as forever.” Ang anumang bagay nagbabago. Kahit nga buhay nawawala hindi ba? May mga kaibigan din tayong hindi naman palaging kasama natin. Lumilipas ang bawat panahon. Nagbabago. Naiiba ang lahat. Walang palaging sapat. Laging may kulang.
Ang suot mong tsinelas, sulitin mo na, at kapag napudpod na, kahit gaano man ito kahalaga ay nagamit mo naman ng bonggang-bongga. Ang buhay mo minsan lang darating sa iyo, gawin mo na ang anumang gusto mong makakapagpasaya sa iyo. Hindi ka palaging mahina. Hindi lahat ay pangit sa iyo. Ang anumang fresh ay natutuyot din. Ang dating tuyot puwede ring maging fresh. Pati nga panahon nagbago na rin pati ang klima. Tandaan, hindi lahat ay panghabangbuhay. Sulitin ang anumang mayroon ka at huwag pagsisihan ang bagay na nagawa na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento