Mahal kong Kaibigang Timang to
the Fulllest Level,
Gusto ko munang ipaalam sa iyo na
hindi makinilya ang gamit ko o electronic typewriter na madalas mong gamitin
dati sa pagpapadala ko sa iyo ng e-mail. Ang tagal din nating hindi nagkausap.
Kinakausap man kita ay hindi ka naman kumikibo. Pinabayaan lang kita sa kung
ano ang gusto mo sa buhay mo. Sabi nga ng isa pa nating kaibigan, hayaan lang
kita at lilipas din daw iyan. Hindi ako sanay na magkaroon ng kahit kapiranggot
na lamat ang ating mahabang panahong pinagsamahan na dahil sa katimangan nating
dalawa ay basta na lang mawawala. Hindi ko naman inisip iyon. Pero ako ay gigil
na gigil at wala namang magawa. Alam mo bang gusto kitang kurutin ng pagkadiin-diin
sa singit at sabunutan? Hahaha. Iyan ang gusto kong gawin sa iyo. Alam mong
napakalayo ko sa iyo ay bigla ka na lang kukuha ng eksena at kinabog mo pa ako!
Isa kang eksenadora de palangganang may takong na 5 inches!
Ang alam ko kasi ako lang ang may
kayang gumawa niyan! Bravo! Kinaya mo at sa mga pagkakataong ewan ko kung ano
ba talaga ang pakiramdam mo ay hindi ako mapakali at palaging ikaw ang naiisip
ko. Kung sinu-sino pa ang kailangan kong kausapin upang maitanong lang kung ano
ba talaga ang lagay mo at kung tuluyan ka na nga bang kumawala sa mundong hindi
naman talaga sa atin. Normal mang nakakatimang ang ating mga pinagagagawa sa
buhay ay halos mapa-tembuwang ako ng malaman kong noong kaarawan mo’y nag-ala
kidnap victim kang kinidnap ng kung sino at disappearing ang drama mo.
Kailangan mo pang isa-isahin ang detalye sa ating personal na pag-uusap at
parang naiisip ko ring sundan ang yapak mo at mapagtanto kung may naitulong ba
talaga ito sa paghahanap ng isang bagay na hinihintay natin at hinahanap.
Isa lang ang gusto kong ipaalam
sa iyo: masyado akong apektado sa mga nangyari dahil walang oras na hindi kita
inisip at kasabay nito ay ipagdasal ang sitwasyon. Patuloy pa ring lumilipad
ang aking isipan sa kawalan kasabay ang katiting na pagtatampo sa iyo. Hindi ko
nakuhang magalit. Talagang hinayaan lang kita kasabay ang matinding pagkagigil.
Hindi ko yata kakayaning basta na
lang ipagwalang bahala ang pinagsamahang pinagtibay ng katimangan. Sa pagiging
timang natin naipaparamdam sa isa’t isa kung gaano tayo kahalaga at kung paano
natin pinag-uusapan ang mga bagay-bagay na bukod tanging tayo lang ang
nakakaintindi. Ibang klaseng katimangang pilit iniintindi ng pagkakataon,
sitwasyon at mga pangyayari.
Sa iyong pagkamulat at akin ding
pagkagising at pagtatantong ang pagiging timang ay walang kapantay, nag-uumapaw
ang aking kasiyahang ipaalam sa iyo na wala ng ligalig sa puso ko. Ang ating
muling pag-uusap ay nagbigay ng kakaibang sigla sa puso kong tinitimang na ng
mga pagkakataon. Sa mundo ng mga katulad nating timang, doon tayo nakakatgpo ng
kapayapaan at kasiyahan at napagtatanto kung sino ba talaga tayo. Ano ba talaga
ang pakiramdam ng pagiging timang ng mga timang? Huwag mo ng sagutin ito dahil
sa ating paghaharap ay susukatin natin kung gaano na natin pinatimang ang ating
katimangan.
Timang-ly yours,
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento