Lunes, Mayo 10, 2010

MGA FABULOZANG PAALALA NI MOMMY AT NI NANAY



Ang suwerte ko. Lumaki akong dalawa ang nanay. Si Mommy, hindi man pisikal kong kasama, alam kong nakabantay lang sa tabi ko at nakasubaybay at sa bawat desisyon ko sa buhay, sa bawat katanungang babagabag sa isipan ko, magpaparamdam o hindi kaya kakausapin ako sa panaginip. Si Nanay, nag-uusap naman kami. Mahina nga lang ang pandinig minsan at tuwing nag-uusap kami sa telepono para kaming nagsisigawan. Normal lang iyon. Ganoon lang talaga kami. Dala ko hanggang ngayon ang malakas na boses at parang galit kahit hindi. Sa mga hindi nakakakilala sa akin, malamang nasuntok na ako o kaya ay nasabuyan ng tubig.

Mother’s day ngayon. Nag-isip ako kung ano ang isusulat ko. Ang daming nagsalisalimuot sa utak ko. Nalito. Sa mga pinakahuling sandali, heto na nga nagsusulat na at paninindigan kong hindi mag-drama. Lagi na lang bang drama? Kapagod maging artista sa sariling mundo. Emote dito, emote doon. Para naman maiba, iisa-isahin ko na lang ang mga paalala ni Mommy at ni Nanay habang lumalaki ako.



Si Mommy at ako. Mga alaala naming dalawa.

Si Mommy, kahit noong nagtatrabaho na ako lagi akong sinasabihan na MAGPAKATINO RAW AKO. Siguro ramdam naman talaga niyang may tama ako sa utak at madalas sinusumpong. Ang isasagot ko, “Luka-luka ba ako Mommy?”

Mga natatandaan kong madalas sabihin ni Mommy:

HUWAG KANG MAGPAPALOKO kung kani-kanino. HUWAG KA NGANG MAGASTOS dahil hindi pinupulot ang pera. NANGINGINTAB ANG MUKHA, LAGYAN MO NG PULBOS. LAGI KANG MAGDASAL. HUWAG KANG BURARA. Huwag nakikita lang ang dapat mong linisin dapat yung sulok-sulok. KUMAIN KA NG GULAY HINDI PURO KARNE. HUWAG KANG PIHIKAN SA PAGKAIN hindi tayo mayaman. MAG-ARAL KANG MABUTI. HUWAG MONG SINASAGOT  ang daddy mo. HINDI BALING MATAKAW, HUWAG LANG MAYABANG.


Paano ko sinunod ang mga pangaral ni Mommy:

Hindi ako nagpapaloko. Magastos lang ako sa mga lotion at pamahid sa mukha. Minsan pagkain din. Hindi ako nagpupulbos Mommy, foundation pwede pa! Hahaha! Umaga, tanghali, gabi… parati akong nagdadasal. Tinatamad lang ako minsan. Hindi naman ako ganoon kadumi. Ayoko na ng sulok para wala na akong linisin. Hahaha! Nirayuma na nga ako. Mahilig na ako sa gulay ngayon! Yehey! Lahat kinakain ko, kahit tira lang. Hehehe. Nag-aral akong mabuti. Hindi ko na sinasagot si Daddy, mabait na kasi siya ngayon. Matakaw ako. Hehehe.


Bonding with Nanay.


Mga pangaral ni Nanay:

HUWAG KAYONG MAG-AWAY na magkakapatid. MAHALIN MO MOMMY MO. Kayu-kayo lang ang magmamahalan. PAGPASENSYAHAN N’YO NA SI MARLON, kayo naman ang matanda. KAKAUSAPIN MO ‘YUNG TATAY MO. Akala mo lang di ka niya mahal pero proud iyon sa iyo. HUWAG TIPIRIN ANG SARILI SA PAGKAIN. MAGPAKALALAKI KA!

Paano ko sinunod ang pangaral ni nanay:

Hindi kami nag-aaway na magkakapatid. Minsan lang, mga larong away. Walang seryosong awayan. Alam ni Nanay na mas higit kong minahal si Mommy. Sobra-sobra. Oo, pinagpasensiyahan nga namin si Marlon. Tuloy, spoiled at naging pasaway! Kaloka. Ano naman sasabihin ko kay Tatay? Hindi naman ako nagtitipid sa pagkain. Mas marami nga lang akong binibiling pamahid kumpara sa pagkain. Hehehe. Ano raw? Gawin ba akong maton?



1 komento:

jOYO ayon kay ...

so tamis! alabet! ang sweet nyo mama mo...