Martes, Mayo 11, 2010

ASAHAN NINYO...

Natapos na ang halalan. Iba sa kung ano ang mayroon dati. Kung ilang beses na rin akong nakaboto at ilang beses na ring umupo bilang poll clerk. Hi-tech na masyado at nakisabay din ang social networking sites. Updated ang lahat sa kung ano ang nangyayari dito, doon at kung saan. May videos, may pictures at may shout-out sa facebook, twitter, etc.

Pagkatapos nito? Ano na naman kaya ang susunod? Sino ang tatanggap ng pagkatalo? Sino ang mananalo? Sino ang dinaya? Sino ang nandaya? May mga nasaktan ba? May mga nasugatan? Panalangin kong wala sanang nagbuwis ng buhay.

Nakakalungkot isipin na may mga taong hindi kayang panindigan ang sariling desisyon at makapag-isip kung sino ang nararapat. Ilang milyon din ang nagka-memory loss at bigla nakalimutan ang mga pinagdaanan at nangyari noon. Sa bandang huli, lahat isisi sa Pangulo ng Pilipinas ang lahat ng problemang darating at biglang kinalimutan din na sila ang nagluklok dito.

Asahan ninyong marami na namang mga kung anu-anong pagpipiket, rally at mga pakikipaglaban na magaganap. Laging ganito ang eksena, walang pagkakaisa, uubusin ang oras sa pakikibaka sa lansangan at sasabihing si Pangulo ay pababain sa puwesto.

May mga impeachment complains na naman tiyak. Uubusin ang oras sa hearing ng mga pinararatangang tiwali at bigla makakalimutan ang sitwasyon ng bansa.

Asahan nyong may mga election hearings na magaganp, may imbestigasyon dahil dinaya daw ang ilan. Mauubos na namn ang oras at ang pondo ng gobyerno sa mga ganitong alingasngas at bigla makakalimutan na ang mga taong tirik na ang mga mata sa gutom.


Ang nanalong Pangulo, hindi pa nag-iinit ang puwit sa puwesto, pababaing pilit at hahainan ng mga impeachment complains. Magkakagulo ang kongreso, yes or no. May titiwalag, may babalimbing at may mag-wa-walk-out na naman. May mangigigil, may lalabas na bayani at may iiyak… baka may sumayaw pa!

Paulit-ulit lang naman. Ilang termino na ba ng Pangulo ang naranasan ko? Habang tumatagal, lalong tumitindi. Nakakasawa at nakakasuka.

Ang mga pulitikong pinagkatiwalaan ng tao at nagpabilog sa ulo ng mga ito ay siyang mga taong maghahatid ng malaking gulo sa ating bansa. Ang lahat sa kanila isisisi at bigla nakalimutan na sila mismong nagsisipag-aklas sa kalye ay sila rin mismong bumoto at naghalal dito.

Habang tumatagal lalong nabubulok ang sistema ng ating gobyerno. Habang may mga buwaya at mga mapagsamantala, hindi tayo titino. Kawawa ang bansa at kawawa ang mga taong nadadamay sa mas maraming porsiyento ng mga walang alam at pumapayag na maloko.

Asahan ninyong lahat na paulit-ulit lang iyan. Dahil ang mga binoto ninyo ay siya ring nakaupo sa mga nagdaang termino. Asahan ninyong lalago ang lahat ng kanilang negosyo, at ang mga Pilipino, dadami ang magugutom, lalong maghihirap at malulugmok na naman ang bansa at hindi na makakaahon.

Tayong tao rin naman ang may kagagawan. Kayo, sila… lahat kayong hindi nag-isip at nagpadala sa kung ano ang uso, kung sino ang patok at sino ang sikat.

Labis pa naman ang aking pag-asa na may kakaharaping bukas ang bansa at may liwanag pang magbubukas. Akala ko ay hihinto na ako sa pangingibang bansa at sa Pilipinas bubuo ng mga pangarap. Ang lahat ay boong akala lang pala. Habang pinapanood ko ang resulta, ako ay nahihiya, nagugulat at sa puso ko ay tila baga may kumukurot. Nasaan ang mga matatalinong Pilipino? Naubos na ba?

Nakakapanlumo. Bakit pagdating sa pulitika ang tanga nating mga Pilipino? Umaalingasaw ang baho at nakakasuka. Bongga pa naman tayo sa ibang aspeto at laging taas noong nakikipagtunggali saang sulok man ng mundo.

Sa pagkakataong ito, marami tiyak ang natatawa dahil sa resulta ng halalan. Ang tanging dalangin ko lang, kahit marami na ang nagpakatanga sa pulitika, hinihiling ko pa rin at ipinagdadasal ang patnubay ng Makapangyarihan sa lahat. Magkaroon ng himala at hugasan ang mga tuyot na utak ng marami sa atin at magkaroon naman ng bagong liwanag ang bansa. Paano na kaya?

2 komento:

Pamunas ayon kay ...

siguro bigyan na lang nating ng chance yung mga uupo sa trono, malay natin mag-iba ang ihip ng hangin...sana this time tayong mga mamamayan ang panalo. :D

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

I would like to exchange links with your site kuwentongfabulous.blogspot.com
Is this possible?