Linggo, Pebrero 28, 2010

HAYAANG LANGIT ANG MAGSABI



Nakiisa ang langit sa nararamdaman ko ngayon. Ang araw ay tila bagang nagtatago sa mga ulap. Kulimlim ang kalawakan at tila bagang nagbabadyang umulan. Iba ang simoy ng hangin at may kung anong lungkot sa paligid.

Alam ng langit ang saloobin ko ngayon. Hindi ko na kailangang idetalye pa kung ano ang talagang tunay kong nararamdaman. Hayaang langit ang magsabi. Heto nga at kaylakas ng ulan. Pumatak ng bigla-bigla at walang tigil ang buhos nito.

Sabado, Pebrero 27, 2010

DITO KUMAKAIN ANG MASARAP KUMAIN

Tag-line ng Chowking. Ewan ko lang pero may kakaibang pakiramdam kapag nasa Chowking ako lalo na kapag may siomai. Si Jobie ang naalala ko. Madalas kong ipilit na sa Chowking kumain kapag magkasama kami. Okay sa panlasa at mura pa. Kaya ang aking kaibigan walang magawa kundi sundin ang hilig ko!

Pero hindi dito kung saan mahal, na kapag nag-convert ka sa piso baka hindi ka na lang kumain. Pero minsan lang naman sundin ang hilig ng tiyan at makasumpong ng kaunting ngiti pagkakain nito. Kaya okay lang at ang masayang ka-chikahan ang crew at cook dito.


Biyernes, Pebrero 26, 2010

ANG BUHAY DAW AY PARANG GULONG



Buhay ba o kapalaran ang parang gulong? Ang sa isip ko, kapalaran ng tao ang magdadala sa kanya sa itaas at ibaba. Parang malas at suwerte. Naisip nyo ba na may mga taong tila bagang kapatid ng suwerte.? Ang ilan naman ay kapatid yata ng kamalasan.

Iba ang sinusuwerte sa pinagpapala. Kalimitan ang suwerte ay nakakabit sa pagsusugal. May kapitbahay kaming napakadaling tumama sa huweteng. Kung ilang beses na. Suwerte sila pero wala kahit isa sa kanila ang nakapag-aral kaya dumating ang panahong hirap sila sa buhay. Kung hindi tayo sanay humawak ng suwerte madali itong kakawala. Ang ilan naniniwala sa mga kung anu-anong bagay-bagay kagaya ng anting-anting at mga orasyon. Suwerte daw kapag may ganoon, ganire at kung anu-ano pang paniniwalang hindi ako bilib. Ang lagi ko lang bitbit ay pananampalataya at pagtitiwalang may iisang Diyos.

Natanong ko tuloy kung ang kapalaran ba talaga ay nakatadhana na o tayo ang gumagawa nito. I feel I am blessed but I am not lucky. May mga expectations ako sa buhay na hindi ko nakuha na kung iisipin ko ay baka panghinaan lang ako ng loob na harapin ang kasalukuyan. Wala naman akong pinagsisihan sa mga desisyon ko sa buhay. Naghihintay pa rin ako na darating ang panahon para sa akin. Kaya ang gulong ng aking kapalaran ay patuloy pa ring umiikot, hindi pumipreno at banayad kong kino-kontrol at binabalanse.

Sadya nga yatang may nakalaan sa ating lahat. Ang suwerte ay ang pagpapalang darating sa atin ng hindi natin malalaman at bigla na lang hayan na at ngingiti ka na lang bigla. Iikot ang gulong ng ating kapalaran, minsan maaaring ma-flat pero maaayos pa rin. Iikot muli, patuloy sa pagtakbo. Baba, taas, preno, hinto, flat… at parang wala lang at tapos na pala.


Huwebes, Pebrero 25, 2010

KULAY NG DIWA NG EDSA



Sa paghahagilap ko ng larawang ilalagay ko sa blog na ito, bagama’t isang malaking pagkakamali ang aking nagawa sa biglaang pagpindot ng aking camera ay ito ang kinalabasan. Tapos, naisip kong holiday na naman sa Pilipinas dahil EDSA Day.

Sa paglalaro ng aking utak, biglaang naisip ko ang mga saloobin ko tungkol sa kung ano nga ba talaga ang alam ko tungkol sa EDSA Revolution noong 1986 na gugunitain pang-dalawangpu’t apat na taon na.

Ang sa akin lang may apat na kulay ang EDSA:

ITIM. Ang diktaturya ni Marcos ay binigyang katapusan ng EDSA. Ang diktaturya ay ang itim na kulay na bumalot sa loob ng dalawampu’t isang taon sa bansa. Hindi pa ako isinisilang ng ibaba ang Batas Militar. Apat na taong gulang ako ng barilin si Sen. Ninoy Aquino at hindi man ganoong kahinog ang isip ko ay wari bagang alam ko kung ano ang nangyayari sa bansa. Alam ko ang curfew law at takot na takot kaming lahat ng ang Lolo ko ay hulihin ng mga PC sa hindi namin alam na kadahilanan at sa awa ng Diyos ay nakabalik naman ng buhay. Itim ang kulay ng winakasang diktaturya, mga pandaraya, pang-aalipusta at pagtatago ng lahat ng katotohanan.

PULA. Ang kulay ng katapangan at kagitingin ng lahat ng Pilipinong kasama sa EDSA. Pari, madre, sundalo, mahirap, mayaman, lahat ng nakiisa at nakisama upang panindigan ang ipinaglalaban noong panahong iyon. Walang takot na pumunta sa EDSA ang lahat ng nais makiisa at makisama para sa mithiing makamit ang kalayaan at demokrasya.

ASUL. Ang kulay ng kapayapaang tinamo sa EDSA. Kulay ng pagkakaisa at pagsasama at pakikipaglaban sa tahimik at payapang paraan.

DILAW. Ang kulay ni Cory na siyang kahit pagbalik-baliktaran ay may kinalaman kung paano nasimulan ang pakikipaglaban. Sa kanyang layuning wakasan ang diktaturyang malaon ng nagisnan, parte siya ng EDSA at ng dahil sa kanya kasama ang mga kapatid nating mga Filipino ay tinamasa natin ang demokrasya.

Kaya, may dahilan upang ang EDSA People Power ay ipagdiwang, gunitain at ibahagi sa mas nakakabata sa atin. Ang EDSA 1 ay hindi isyu sa pagwawakas ng kahirapan o anupaman, ito ay ibang usapin. Ang pinakadakilang layunin nito ay wakasan ang diktaturya at makamtan ang demokrasya na atin ng tinatamasa ngayon.


Miyerkules, Pebrero 24, 2010

SA IYO



Isang pagkakaibigang pinalalim ng pagsasama
Isang pag-ibig ang aking nadama
Binuksan mo ang pintuang akala ko’y sarado na
Ang aking buhay binigyan mo ng saya.

Maaliwalas na panahon, malamig na hangin
Tila may bagong langit na sumilay sa akin
Hilaga, silangan, timog at kanluran
Sa lahat ng direksiyon ang nakikita ko’y ikaw.

Sa iyo iba ang pakiramdam ko
Sa iyo tila may bago akong mundo
Binigyang katuparan mo mga pangarap ko
Binigyang saysay ang aking pagkatao.

Noon ang buong akala ko’y hanggang doon lang
Pinatunayan mong sa lahat ang pag-ibig ay may puwang
Kahit anu pa man ang kinabibilangan
Ang mahalaga ay ang nararamdaman.

Sitwasyon lang ang sa ati’y makapaghihiwalay
Na wala sa panahon dumating ng biglaan
O anong sakit at pait ang aking naramdaman
Ngunit mabilis kong tinanggap ang katotohanan.

Sa iyo ang baluktot ay nagiging tuwid
Ang ingay ay tila payapa at tahimik
Ang itim ay nagkukulay puti
At ang malalabo, nagliliwanag muli.

Sa iyo gusto kong paangkin
Sa pagtanda ko ikaw ang nais makapiling
Lahat ng unos ay aking susuungin
Ikaw ang buhay ko, ang hininga ko’y iyo rin.

Martes, Pebrero 23, 2010

TRY IT, YOU’LL LIKE IT: ANG KUWENTO KO AT NG BISIKLETA



Nakita ko ang batang ito at gusto ko lang siyang kuhanan dahil sa makulay nitong damit na nag-match pa sa kanyang bisikleta. Hindi ko agad pinansin ang larawan ngunit dahil parang naubusan na ako ng ikukuwento ay biglang hayan na, naisip ko ang bisikletang sinasakyan nito at nabasa ko pa ang nakasulat sa likuran na “Try it, you’ll like it!”

Sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang pagbibisikletang hindi ko man lang natutunan. Nanginginig ang aking may diperensiyang paa at mangangatog na parang nagmamakina. Iyon ang isa sa mga bagay na hindi ko na-enjoy kagaya ng karamihan sa mga bata na halos lahat ay sanay magbisikleta at kapag lumaon puwede ng magmaneho ng sasakyan.

Ewan ko nga lang talaga kung bakit kahit anong pilit ang pagsasanay sa aking magbisikleta ay tumanda akong hindi nasubukan kung paano mag-balanse, paano sumakay at mag-pedal. Ako ay dakilang taga-angkas lang!

Lunes, Pebrero 22, 2010

LECHON MANOK



Ang lechong manok ngayon nagkalat na lang kahit saan at madaling mabili. Hindi tulad noong bata pa ako na halos tuwing Pasko lang yata ako nakakatikim nito. Naisip ko lang.

Linggo, Pebrero 21, 2010

KUWENTO NG LARUAN, LARO, PAGLALARO AT MGA NILARO NAMIN PARANG KAILAN LANG



May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…

Sabado, Pebrero 20, 2010

DAPIT HAPON



Ang buhay ay parang araw na sisikat at lulubog din pagdating ng oras. Ang dramang hatid nito ay nagbibigay sigla sa pusong nalulumbay at naghahanap ng kapayapaan. Sa pagsapit ng bukang liwayway, ang araw ay isang malaking ilaw na nagsasabog ng liwanag sa sangkatauhan at binibigyang tanglaw ang madidilim na daan. Sa paglubog nito ay pilit na ikukubli ang anumang bagay maging maganda man o hindi kaakit-akit sa paningin. Itinatago ang anumang tanawin na hindi masasaklaw ng ating mga mata.

Katulad ng buhay, kaparis nating lahat na isinilang sa mundo, tayo ay tila bagang isang araw na magbibigay liwanag sa taong nakapaligid sa atin. Liwanag at init ang hatid na hindi nakakasilaw, hindi nakakapaso at pilit bibibigyang sigla ang mga pusong uhaw sa pagmamahal.

Tayo ang araw na kahit tag-ulan ay nagpupumilit sumikat upang ihatid ang kaligayahan sa mga kaluluwang nalulumbay. Kapag dapit hapon, tayo ang araw na kasabay na huhupa at lulubog na aalalay sa mga huling sandali ng buhay.

Sa pagsapit ng aking dapit hapon, napag-isip-isip kong sisikat kaya muli ang araw sa akin? Makakasumpong pa kaya ako ng bukang liwayway at maiinitan sa tanghaling tapat?

Kung tayo ay tulad ng araw, ang pinakamalungkot na parte nito ay ang dapit hapon na kakain sa liwanag ng buhay. Pupuspusin ng dilim ang buhay na minsan nang nagliwanag at nakasumpong ng ilaw.

Ngunit sa dapit hapon natin nakikita ang kapayapaan ng ating mga sarili. Isang payapang sandali na nagbibigay ng pagkakataong balikan ang buong araw at magbalik-tanaw sa mga pangayayari ng nakaraan.

Ang aking dapit hapon ay tila bagang parating na at pilit kong paghahandaan. Isang sandaling abot tanaw ko na. Bago ang pagdating nito, sisikapin kong sa tanghaling tapat ay isasabog ko ang init ng aking pagmamahal sa lahat ng taong nakapaligid sa akin, nakakapaso ngunit kayang tiisin, nag-aalab na parang apoy at mag-iiwan ng marka sa mga napasong kaluluwa.

Biyernes, Pebrero 19, 2010

NANGANGASIM




Habang sinusulat ko ang blog na ito ay halos matuluan ng laway ang aking keyboard sa pangangasim. Larawan na lang ang nakikita ko at nginatngat ko na ang manggang nanggaling pa sa Bataan. Ang manggang kinain ko ngayon na mas kilala sa tawag nating “ Indian Mango” ay nagbigay kasiyahan sa akin kasabay ang pagkalungkot dahil bigla kong naalala ang mga lumipas na panahon. Libre ang pagkain ng mangga kasabay ang ginisang bagoong. Ang ilan ay nakatanim lang sa mga bakuran ng kapitbahay at puwedeng pitasin kapag hinog na. Ingat lang sa mga nagdadamot dahil baka tirador ang kasunod at mabukulan ka pa.

Si Tita Ine ang isa sa mahilig kumain ng Indian Mango. Ang kaloka lang, bakit kaya tinawag na Indian Mango ang manggang tulad nito samantalang wala naman nito sa India? Hindi ko man lang natikman ang ganitong klaseng mangga habang nandoon ako. May mga manggang nandoon pero kasing lasa ng tinatawag nating “apple mango” na lasang gamot. Walang katulad ang manggang mayroon tayo kaya bihirang bihira na makatikim ako nito. Kung mayroon man ay maaaring ginto ang halaga.

Alam nating lahat na ang mangga kung walang bagoong ay masarap ding isawsaw sa patis na nilagyan ng vetsin (MSG) o kaya naman ay asin. Sa totoo lang hindi ko mapigilang mangasim at nagpopondo na ang laway sa aking bibig. Nararamdaman mo rin ba? Gusto ko ng mangga!!!

Huwebes, Pebrero 18, 2010

E-MAIL NG ISANG TIMANG NA KAIBIGAN PARA SA KAIBIGANG TIMANG NA’Y NAGPAKATIMANG PA



Mahal kong Kaibigang Timang to the Fulllest Level,

Gusto ko munang ipaalam sa iyo na hindi makinilya ang gamit ko o electronic typewriter na madalas mong gamitin dati sa pagpapadala ko sa iyo ng e-mail. Ang tagal din nating hindi nagkausap. Kinakausap man kita ay hindi ka naman kumikibo. Pinabayaan lang kita sa kung ano ang gusto mo sa buhay mo. Sabi nga ng isa pa nating kaibigan, hayaan lang kita at lilipas din daw iyan. Hindi ako sanay na magkaroon ng kahit kapiranggot na lamat ang ating mahabang panahong pinagsamahan na dahil sa katimangan nating dalawa ay basta na lang mawawala. Hindi ko naman inisip iyon. Pero ako ay gigil na gigil at wala namang magawa. Alam mo bang gusto kitang kurutin ng pagkadiin-diin sa singit at sabunutan? Hahaha. Iyan ang gusto kong gawin sa iyo. Alam mong napakalayo ko sa iyo ay bigla ka na lang kukuha ng eksena at kinabog mo pa ako! Isa kang eksenadora de palangganang may takong na 5 inches!

Ang alam ko kasi ako lang ang may kayang gumawa niyan! Bravo! Kinaya mo at sa mga pagkakataong ewan ko kung ano ba talaga ang pakiramdam mo ay hindi ako mapakali at palaging ikaw ang naiisip ko. Kung sinu-sino pa ang kailangan kong kausapin upang maitanong lang kung ano ba talaga ang lagay mo at kung tuluyan ka na nga bang kumawala sa mundong hindi naman talaga sa atin. Normal mang nakakatimang ang ating mga pinagagagawa sa buhay ay halos mapa-tembuwang ako ng malaman kong noong kaarawan mo’y nag-ala kidnap victim kang kinidnap ng kung sino at disappearing ang drama mo. Kailangan mo pang isa-isahin ang detalye sa ating personal na pag-uusap at parang naiisip ko ring sundan ang yapak mo at mapagtanto kung may naitulong ba talaga ito sa paghahanap ng isang bagay na hinihintay natin at hinahanap.

Isa lang ang gusto kong ipaalam sa iyo: masyado akong apektado sa mga nangyari dahil walang oras na hindi kita inisip at kasabay nito ay ipagdasal ang sitwasyon. Patuloy pa ring lumilipad ang aking isipan sa kawalan kasabay ang katiting na pagtatampo sa iyo. Hindi ko nakuhang magalit. Talagang hinayaan lang kita kasabay ang matinding pagkagigil.

Hindi ko yata kakayaning basta na lang ipagwalang bahala ang pinagsamahang pinagtibay ng katimangan. Sa pagiging timang natin naipaparamdam sa isa’t isa kung gaano tayo kahalaga at kung paano natin pinag-uusapan ang mga bagay-bagay na bukod tanging tayo lang ang nakakaintindi. Ibang klaseng katimangang pilit iniintindi ng pagkakataon, sitwasyon at mga pangyayari.

Sa iyong pagkamulat at akin ding pagkagising at pagtatantong ang pagiging timang ay walang kapantay, nag-uumapaw ang aking kasiyahang ipaalam sa iyo na wala ng ligalig sa puso ko. Ang ating muling pag-uusap ay nagbigay ng kakaibang sigla sa puso kong tinitimang na ng mga pagkakataon. Sa mundo ng mga katulad nating timang, doon tayo nakakatgpo ng kapayapaan at kasiyahan at napagtatanto kung sino ba talaga tayo. Ano ba talaga ang pakiramdam ng pagiging timang ng mga timang? Huwag mo ng sagutin ito dahil sa ating paghaharap ay susukatin natin kung gaano na natin pinatimang ang ating katimangan.

Timang-ly yours,

Miyerkules, Pebrero 17, 2010

HUWAG MO AKONG TITIGAN


  
Huwag mo akong titigan.
Huwag mong ipakitang nakatingin ka sa akin
O kaya naman
Ay ipahiwatig ang iyong nararamdaman
Sa pamamagitan ng iyong mga mata.
Mahina ako.
Baka ako ay bumigay,
Mahulog ang aking damdamin
at wala akong magawa.

Huwag mo akong titigan.
Hindi mo dapat idaan sa bawat pagtitig ang nais mong sabihin.
Maari kang magsalita.
Ibuka mo ang iyong mga labi
At sambitin ang mga salitang nais mo.

Huwag mo akong titigan.
Huwag mong hayaang angkinin ako ng iyong maalab na titig.
Huwag mong ipakitang babagsak ang iyong mga luha
At huwag iparamdam ang iyong pagsusumamo.

Hindi kita kayang titigan.
Hindi ako karapat-dapat na pag-alayan ng iyong mga titig
Na mag-aalay ng pag-ibig.
Hindi ko magawang humarap sa iyo.
Hayaan mong magsalita ako.

Hindi ako ang para sa iyo.
Pilitin ko mang maging iyo ay hindi na maaari.
Itinali ko na ang aking puso sa kawalan.
Wala na ako sa mundong nais mong puntahan
Na akin ng pinanggalingan.

Martes, Pebrero 16, 2010

HE LOVES ME NOT, SHE LOVES ME



Isang kakilala ko ang nagkuwento sa akin ng kanyang sitwasyon. Bigla kong naalala ‘yung dating ginagawa noong mga bata pa kami na pagpitas ng mga petals gamit ang santan o gumamela at bibigkasin ng mga babae ang “He loves me not, he loves me.” At ang mga lalaki naman ay nagsasambit ng “She loves me not, she loves me.” Ang pagkakaalam ko kasi dati, may kinalaman nga ang mga magic words at gawaing ganito para mapagtanto mo kung mahal ka nga ng taong gusto mo. Siyempre inosente pa ako sa mga bagay-bagay at lahat ng nakikita ay parang totoo at tama.

Mabalik tayo sa isang kakilalang itago natin sa pangalang Red. Si Red kasi ay isang klosetang bading na hindi makapag-out kaya gulong-gulo ang isip. Sa tatoo lang, may mahal kasi siyang lalaki pero hindi niya masabi. Ang lalaking ito ay ang kanyang best friend sa napakahabang panahon. Parehas pa silang single. Walang asawa. Nagpapakiramdaman sa isa’t isa. Walang umaamin. Parehas pwersado ng ginagalawang lipunan na itago ang tunay na nararamdaman.

Sa pagtatago ng pagkataong hindi mailabas-labas dahil sa takot sa pamilya. Si Red ay may girlfriend kuno na sa totoo lang ay wala naman siyang nararamdaman na kahit katiting na pagmamahal, puwedeng bilang kaibigan pero hindi bilang kasintahan. Mas mahal niya ang kanyang best friend. Ang kawawang babae ay hindi alam na ginagamit lang siyang panakip-butas sa tinataguang sitwasyon. Mahal na mahal siya ng babae at umaasa itong siya na ang makakatuluyan nito. Pero alam ni Red na hindi siya magiging masaya kung itutuloy niya ang lahat. Isang masalimuot na sitwasyon ang kinahantungan ng kanilang mga buhay.

Ang sa akin lang, mas masarap mabuhay ng totoo sa sarili. Paano ka magmamahal kung itinatago mo sa lilim ng pagkukunwari ang iyong buhay? May dalawang bagay na dapat tandaan sa mga sitwasyong ganito. PAGKATAKOT at PAGMAMAHAL. Dalawang mahalagang salita, binubuo ng sampung letra. Parang FEAR and LOVE. Kung patuloy tayong matatakot na ipakita ang tunay na tayo, hindi tayo malayang makapag-aalay ng pagmamahal. Subukan nating alisin ang takot sa ating sarili at maging malaya. Kapag nagawa na ang mga ito ay madali masasaklawan ng pagmamahal ang mga bagay na nagbibigay takot sa ating sarili.

Para kay Red, alisin mo ang takot na harapin ang katotohanan na siyang magbibigay laya sa iyong sarili. Subukan mong harapin ng walang pangamba ang sitwasyong iyong pinasukan. Maiintindihan ka nila kung mahal ka nila. Huwag hayaang ipagpalit ang minsanang takot sa panghabangbuhay na kaligayahan. Kung ibang pagmamahal ang gusto mong maging iyo mula sa bestfriend mo, ibang usapan iyon. He loves you being his bestfriend. Dahil sabi mo nga dalawangpung taon na kayong magkasama. Ang tanong ko lang may kasintahan ba siya? Sa girlfriend kuno mo, sabihin mo na ang totoo dahil alam kong maiintindihan ka niya at malay mo tulungan ka pa niyang maging kayo ng best friend mo?

Lunes, Pebrero 15, 2010

PAGPAPANATILI NG ARAW NG MGA PUSO



Valentine’s Day. Heart’s Day. Araw ng mga Puso. Bulaklak. Pula. Stuffed toys. Chocolate cake. Regalo. Lahat ng ito ay pawang mga simbolong may kinalaman sa ikalabing-apat ng Pebrero. Kinalakihan ko na ang mga ganitong klaseng pagdiriwang sa araw na ito. Naisip ko lang puwede bang panatalihin natin ang diwa nito araw-araw?

Ang araw na ito ay isa ng kaugaliang halos ginagawa ng lahat ng magkasintahan. Isang pagtatakda ng oras at panahon kung saan ang bawat magkasintahan ay nagsasama, nagdiriwang at kumakain kung saan. May mga regalo pa. Parang Pasko. Tinutulungan nitong madama kung gaano kahalaga ang pag-iibigan ng isa’t isa.

Ngayon, kung nagagawa mo ito sa kasintahan mo, bakit hindi mo gawin sa buong pamilya mo? O lahat ng taong nakapaligid sa iyo? Tandaan na hindi lang laging materyal na bagay ang kailangang ibigay para sa kasiyahan ng mga mahal mo sa buhay. Handa ka ba at taos sa iyong puso ang paghahandog ng simpleng panahon para sa taong nalulungkot at nangangailangan ng kalinga at pagmamahal? Puwede mo na ngang panatilihin ang araw ng mga puso kung gayon.

Sa araw-araw kahit hindi ikalabing-apat ng Pebrero, handa ka bang mag-ukol ng panalangin sa iyong mga kaaway at mga taong kinaiinisan mo? Kaya mo kayang baguhin ang takbo ng iyong utak at iwaglit ang galit sa iyong mga puso? Iwasan ang inggit at iwasang ikumpara ang sarili sa iba?
Pumapayag ka ba na ang pag-ibig ang pinakamalakas na bagay sa mundo, mas malakas sa masama at kamatayan? Puwede mo bang gawin ang lahat ng ito araw-araw?

Kung magagawa mo ito, sinasabi ko ikaw na ang isa sa mga pinakamasayang tao sa mundo! Gusto ko ring subukan. Hindi ko pa nagagawa. Tara sabay tayo!

Linggo, Pebrero 14, 2010

ANG GITARA





Hindi ako natutong mag-gitara. Lalong hindi ako nagkaroon ng interes dito. Siguro mas nagkainteres akong manood ng naggigitara at pakinggan ang kanilang musika. Madalas itong libangan ng mga kalalakihan. Nakakatuwang balikan ang mga panahon na hindi pa gaano kapalasak ang internet at bihirang bihira lang ang may mga computer. Hindi katulad ngayon na ang iba ay tutok na tutok sa mga on-line gaming, networking, PSP at napaka-hi-tech na.

Sa boarding house  madalas ang mga ganitong eksena. Iyon ang bukod tanging libangan ng mga kalalakihan kasabay minsan ng Ginebra San Miguel o mas kilala sa tawag na gin kasama ang pagngatngat ng mani at kornik. Uso pa ang Expo at mahal ang Grower’s at masarap din ang corn bits! Wala pang Boy Bawang noon.

Ang gitara ay parang added factor sa isang lalaki. Kapag mahusay kang tumugtog nito, inlababo agad ang mga bilat. Madaling mahulog, mag-ka-crush at nai-in-love agad ang mga gerlash kapag ang hombre ay mahusay maggitara. Sige nga, paano kung haranahin ka ng isang lalaki, tugtugin ang gitara at kantahan ka pa? Bigla lang may nag-flashback na alaala sa aking nakaraan at napangiting nag-iisa. Ibang klaseng tama at napagtanto kong ako ay isang timang at sinusumpong pagka-minsan.


Sabado, Pebrero 13, 2010

PILIPINAS KONG MAHAL SA GLOBAL VILLAGE



Isang buong araw na pamamasyal ang ginawa ko kasama ang aking mga tauhan sa kumpanya. Hindi palaging nagkakaroon ng pagkakataong makalabas ang mga production workers kaya isang pribilehiyo sa kanila ang makalabas ng sama-sama at kahit sa sandali man lang ay maaliw sila. Kita ko ang kasiyahan nila pero sumakit ang ulo ko dahil para akong isang matandang dalagang teacher na may mga bitbit na estudyante para sa isang field trip. Kakalokang sumigaw at magalit. Tumaas na naman ang aking blood pressure!

Ang araw na ito ay para sa kanila kaya bitbit ang aking camera ay pinagkukuhanan sila sa kung anu-anong parte ng Dubai. Ang pinakahihintay ko lang ay ang huling destinasyon namin papuntang Global Village na sandamakmak ang mga tao at talaga naman hindi ko kinayang ikutin ang lahat-lahat. Pinuntahan ko ang Philippine Pavilion para ipakita sa kanila ang ating kultura at kung ano ba mayroon sa Pilipinas. Naabutan nila ang pagsasayaw ng mga Filipina at naaliw naman sila dito.

Boracay ang ipinakilala sa labas ng pavilion at para akong tourist guide na nagbigay ng impormasyon tungkol sa aking mahal na Pilipinas. Proud akong maging isang Filipino at nagpapasalamat ako na ako ay Filipino! Fabulous ang Pinoy!

Biyernes, Pebrero 12, 2010

ALL ABOUT F!



Not the bad F! Wholesome yata ito. Isang FOOD trip sa disoras ng gabi kasama ang mga FRIENDS.  Basta gusto lang nila. Trip nga di ba? FRENCH FRIES at FLOAT. And the rest was FUN! ‘Yun na!

Salamat mga KatroFang Lenin Guinto (Bataan), Jonathan Sy Hay King (Pampanga), Jericho Jimenea and Rose Elden Allare (Bacolod). Naging FABULOUS ang gabi nating lahat dahil dito.

Huwebes, Pebrero 11, 2010

SUBUKAN AT TIKMAN NG MALAMAN



Hindi ako vegeterian. Hindi rin ako nahilig sa Indian dishes kahit pa nagtira ako doon ng panandaliang panahon. Hindi kaya ng dila ko ang sobrang anghang at dami ng spices na kanilang nilalagay. Roti o chapati lang ang kaya kong kainin na gawa sa trigo (wheat) at ang ilang mga sweets kagaya ng rasgulla at gulab jamun.

Dahil madalas akong maimbita ng ilang mga collegemates, bilang respeto sa mga pamilyang pinuntahan ko, pilit kong kinakain ang pagkain inihain nila sa mesa sabay inom ng tubig. Minsan, nagluluto na lang ako ng sariling pagkain.

Kung ilang taon ko ng kasama ang mga South Asians na halos lahat ay kumakain ng maaanghang pero hindi ko kinakaya at nauubusan ako ng powers kapag nakakatikim ng pagkaing ubod ng anghang.

Pero dahil kung ilang taon kaming magkasama ni Amrit, minsan ay sinusubukan kong kainin ang pagkain nila. Ang ilang pagkain ng Nepal ay parang katulad ng luto ng mga Filipino huwag lang lalagyan ng anghang. Parang mga tipong caldereta ang dating. Si Amrit ang nasanay kumain ng mga pagkaing Pinoy at iba pang ako ang nagluto para sa kanya. Pinakamadalas siyempre ang version ko ng adobo, menudo, at mga gisa-gisa lang. Kumakain din siya ng sinampalukang manok.

Kung ilang beses na rin niya akong inaya sa mga kainang pang-Indian pero ang lagi kong sinasabi ay alam naman niyang hindi ako sanay sa mga pagkaing katulad ng sa kanila. Pangatlong beses akong napunta sa India House Restaurant at sinubukan kong kumain. Hindi basta tikim lang kundi kain talaga ang ginawa. Bagamat maanghang talaga ay kinaya naman ng aking mga bibig. Nabusog ako at masarap naman.

Walang kahit anong karne. Ang India House Restaurant ay isang vegetarian restaurant. Nabusog ako at hindi naman kamahalan ang bayad. Dapat lang talagang subukan at tikman para malaman.

Miyerkules, Pebrero 10, 2010

PILA




“… isang mahabang pila at mabagal at walang katuturan, ewan ko, hindi ko alam, puwede bang huwag na lang nating pag-usapan.”

                                                                        - Huwag Mo ng Itanong, ERASERHEADS

                                                           
Sa kanta ng Eraserheads ikinumpara ang buhay sa isang pagawaan ng lapis. Huwag mo ng itanong kung bakit doon napiling ikumpara ang buhay. Ang sa akin lang, ang pagkumpara nila sa buhay bilang isang mahabang pila ay kasagutan sa mga pinagdadaanan natin sa buhay. Kung ang pagtahak natin sa ating landasin ay isang walang patutunguhan, marahil tama sila na wala nga itong katuturan.

Sa ating pagpila habang tinatahak ang buhay, huwag kalimutang lahat tayo ay may dahilan para mabuhay maging ito ay para sa sarili o kapakanan ng iba. Isang napakahabang pila nga ang buhay at lahat ay naghihintay kung saan ito patungo at ano ang nasa dulo ng pila.

Kung ikukumpara ang pagpila na magsisimula sa maliit hanggang sa matatangkad, ito ay para bagang pagsisimula ng buhay sa maliit na antas at pagsisikap na maabot ang matayog na pangarap hanggang sa bandang huli.

Sa pagpila ko sa buhay, masalimoot na linya ang tila bagang aking nasundan. Isang pilang sabihin na nating hindi diretso at minsang paliku-liko. Pilit na dinideretso ang hanay at sa bandang huli ay may magandang kahinatnan. Minsang masira ang hanay ngunit pinipilit paring buuin, minsang maliko at patuloy papantayin.

Hindi ako perpekto. Ako ay patuloy pa ring nakikipila sa mahabang hanay na pagtahak sa landasing pilit na tinutuwid. Minsang nangangapa sa dilim at naghahanap ng liwanag na sasakop sa aking sarili at ng makasumpong ng tuwid na landas.

Martes, Pebrero 9, 2010

FGM: FABULOZANG GINISANG MUNGGO


Ito ang version ko ng ginisang munggo. Simpleng recipe. Simpleng preparasyon. Walang sukat-sukat at MSG free. Masustansya, malinamnam at higit sa lahat fabuloza!

Mga sangkap:

Mongo beans na nailaga na at nilinggis (250 grams)
Baboy na hiniwa ayon sa kagustuhan
Hipon, kahit ilang piraso lang
Isang puso ng bawang na pinitpit
Tatlong pirasong sibuyas na hiniwa ng maliliit
Tatlong hindi kalakihang kamatis at hinati-hati
Asin para magkalasa
Patis kung gusto pero magbibigay ito ng kakaibang lasa
Spinach o alugbati ayon sa dami ng munggo mo
Siling berde para sa kakaibang anghang

Paraan ng pagluluto:

Ngumiti ka muna at kalimutang pasan ang daigdig. Tandaang ang pagkaing niluto ng may pagmamahal ang siyang nagpapasarap sa anumang lutuin.

Maglagay ng mantika sa lutuan at igisa ang baboy at hayaang mamula at lumabas ang sariling mantika nito. Ilagay ang bawang, isunod ang sibuyas. Ilagay ang kamatis. Igisa kasama ang hipon. Kapag namula na ang hipon ay ihulog na ang nilagang munggo. Maglagay ng kaunting tubig ayon sa dami ng iluluto. Pakuluin at ilagay ang sili. Kung nais dagdagan ang alat, lagyan ng patis ayon sa panlasa. Tikman paminsan-minsan at kung sa tantiya mo ay okay na, itambog ang gulay. Hinaan ang apoy. Don’t overcooked. Maluluto rin ang gulay sa init nito. Takpang mabuti. Luto na ang munggo.

Masarap kumain ng munggo kung may kaparehang piniritong isda lalo na kung sariwang galunggong. Huwag kalimutang magsaing. Bumili ng saging. Kumain ng sabay-sabay.

Lunes, Pebrero 8, 2010

ANG GUSTO KO!



Tag-line ang larawan ng Sony Ericsson mobile. “I love having it all!” Isa ba kayo sa mga naghahangad na magkaroon ng lahat-lahat? Ano bang gusto ninyo? Mamahaling mobile phones, laptop, sapatos, bag, damit, at kung anu-ano pa? Nakakalungkot lang isipin na ang mga tao sa panahon ngayon, mas ginugusto pa ang pagkakaroon ng mga gamit na mamahalin at mga bagay na makapagbibigay ng pansamantalang kaligayahan kay sa maghangad ng mga mas mahahalaga at importanteng aspeto sa buhay. Kung gusto nating lumigaya at maging masaya bakit hindi nating subukang gawin ang mga ito?

  1. Sa tuwing nakakaisip ka na bumili ng mas bagong modelo ng mobile phone, bakit hindi mo subukang bumili na lang ng mas mura, hindi kamahalan at ang maliit na bahagi ng perang dapat ipambili sa mamahaling mobile phone ay i-donate sa charity? O kaya ayain ang isang kaibigang hindi kayang makabili na kahit pinakamurang telepono na kumain sa isang restaurant, ilibre mo at balikang tanaw ang inyong nakaraan?
  2. Bakit bibili ka pa ng laptop gayong may personal computer ka naman na nagagamit mo araw-araw? Sa opisina n’yo ay may gamit ka ring computer na pictures mo ang nakalagay at nakakapag-facebook ka pa nga kung hindi man minsan ay madalas, hindi ba? Bakit hindi mo itabi ang pera at kapag ang isa sa mga kapatid mo na kapos sa pera ay nangailangan ay maluwag sa loob mo itong matutulungan. Alam mong hindi nya ito mababayaran. Hindi ito utang kundi bigay mo. Mas masarap ang pakiramdam na nailaan ang pera para maisalba ang buhay ng mahal kaysa mapunta sa laptop na ikaw lang ang personal na nakikinabang.
  3. Isipin mo na lang na sa bawat pagbili mo ng branded na bag ay katumbas ng isang buwang pagkain ng ilang pamilyang hikahos.
  4. Sa isang pares ng sapatos na bibilin mo ay katumbas ng ilang gamit ng mga kabataang mag-aaral na walang tsinelas.
  5. Ang signatured shirt mo ay katumbas ng ilang kilo ng bigas na puwedeng makain ng nagugutom sa lansangan.

Ito ang mga nasa isip ko. Ang sarap kasi ng pakiramdam na alam mong nakapagbibigay kasiyahan ka sa ibang tao kay sa isipin mong magkaroon ka ng lahat na ikaw lang ang lumigaya. Tandaan na ang kaligayahang natamo sa pagkakaroon mo ng lahat ng bagay ay minsanan lang. Masaya ka lang kapag nabili mo na ito. Pero hindi habangbuhay kang liligaya kapiling ang mga ito. Tumingin ka sa mga nakapaligid sa iyo dahil baka ang ilan sa mga ito ay mapasaya mo at magkaroon ka ng ligayang inaasam-asam mo.



Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

Biyernes, Pebrero 5, 2010

LUCKY ME!


Salamat sa Lucky Me sa mainit na sabaw na hatid nito sa mga pagkakataong ako ay nagugutom. Sa mga oras na ako ay naghahabol sa mga bagay-bagay sa trabaho at halos wala ng oras na magluto pa. Ang mainit nitong sabaw ang nagbibigay ng alerto sa aking isipan, pinapawi ang kalam ng tiyan at binibigyang init ang malamig na opisina.

Lucky me at palagi itong madaling mabili.
Lucky me at may mga kaibigan akong nasa aking tabi kapag kailangan ko sila.
Lucky me at maraming sa akin ay nagmamahal.
Lucky me at ako ay may hanapbuhay pa.
Lucky me at ako ay buhay na buhay pa, may silbi pa at bonggang-bongga!

Huwebes, Pebrero 4, 2010

PAG-IBIG NA MAKAPANGYARIHAN



Pagkakita ko sa kapeng inorder ko, naaliw ako ng makita ko ang korteng pusong nakalagay sa ibabaw nito. Wala pa akong naiisip na isulat kaya biglang naglaro ang isip ko tungkol sa hugis pusong nakita ko. Dahil buwan naman ng Pebrero ngayon, bakit nga ba hindi puro tungkol sa pag-ibig ang gawan ko ng kuwento? Tutal, sagana naman ako dito. Hahaha.

Pilit pinapabata ng pag-ibig ang puso. Kung gusto ninyong mag-feeling bata ever, be in LOVE. Kung matututunan nating laging umibig, tayo na ang pinakabatang nilalang sa mundo.

Hindi ko nga naramdaman na ganito na ako katanda. Basta ang pagkakaalam ko, ng ako ay sumapit sa edad na labing-anim ay huminto na ito dito at hindi na nadagdagan. Forever 16 ang edad ko. Hahaha.  Age is just a matter of numbers. Hindi nito binabago ang puso. Ang isip nababago pero ang puso nananatili sa sarili nitong estado. Lagi lang sambit nito ay magmahal ka, umibig ka at kahit masaktan ka pa, go lang ng go! Umibig kang muli at huwag mapagod. Lagi mong isiping pag-ibig ang magpapabata sa iyo!

Gawing parang isang tasa ng kape ang pag-ibig araw-araw. Sa bawat paghigop nito ay katumbas ng ilang libong pagsasabog ng pag-ibig mula sa puso. Pag-aalay ng pag-ibig na walang hinihinging kapalit. Walang kahalong pagkukunwari.Pag-ibig na may pinaghuhugutan at pag-ibig na kayang maghari sa lahat.

Pag-ibig nga ang kasagutan sa lahat ng katunungang bumabagabag sa atin. Walang kahirapang hindi kayang padaliin ng pag-ibig, walang sakit na di kayang pagalingin nito at walang pintuang nagsasara ng dahil dito. Walang dagat na hindi kayang tawirin, walang tinik na hindi kayang tapakan (parang kanta ni Sharon Cuneta) at walang kasalanang hindi kayang patawarin ng pag-ibig.

Kahit na nga nawawalan na tayo ng pag-asa sa buhay o kahit anong gusot na ating pinasukan at kahit gaanong kaputik ang ating tinatapakan, kahit gaano kalaki ang ating naging pagkakamali sa buhay, lahat ng ito ay maaaring malagpasan kung sa puso natin ay may pagmamahal. Kung kaya lang nating umibig ng sapat, tayo na ang pinakamasayang tao sa mundo.

Pag-ibig, pagmamahal… LOVE, napakadaling pag-usapan kung minsan. Madaling mapagkuwentuhan pero hindi naman natin namamalayan kung atin ba itong naisasabuhay o nagagawa man lang. Bakit hindi natin subukang lagyan ng pag-ibig ang lahat ng bagay na ating ginagawa? Subukan mong gawin ngayon at makikita mo, malaki ang magbabago sa buhay mo! Now na, go!