Isa sa pinakamasarap gawin ay
makisalo sa umpukan at pag-usapan ang kung anu-ano lang. Sa baranggay na
kinalakihan ko, sagana ang mga tao sa umpukang ganito. Take note, hindi lang
mga nanay na walag magawa sa bahay kundi pati na rin ang mga kalalakihan na
sagana sa mga tsismis at pati ako ay pinag-usapan.
Umpukan sa tindahan, umpukan
kapag may handaan, umpukan kahit saan. Pati mga teachers ay nag-uumpukan kapag
recess time!
Ilan na ba ang napaaway, ilan na
ang mga nagalit at mga umiyak dahil sa umpukan? Bakit ba kasi kapag may umpukan
ang madalas pag-usapan ay buhay ng iba? Parang kung may anong aliw na dulot ito
sa mga dilang di mapakali, nangangati at naghahatid ng mga usaping kung sana
lang ay masaya pero ang kinahihinatnan ay pagkasira ng buhay iba.
Kung ilang beses na rin akong
napag-usapan sa bawat umpukan. Dati masyado akong apektado sa mga naririnig ko
na kahit hindi naman totoo ay nakakasama ng loob. Kung puwedeng lang
magpaliwanag at sumugod agad at ipangtanggol
ang sarili ay tiyak na gagawin ko malinawan lang ang kanilang mga isip. Pero
hindi maari. Ang mga nasa umpukan ay ang mga nirerespeto mong matatanda at mas
may edad sa iyo na sila dapat nakakaalam kung ano ang totoo at ano ang
kahihinatnan ng kanilang pinag-uusapan.
Ang nakakaloka pa minsan ‘yung
ilang alam mo na kakampihan ka ay siyang maniniwala at pagsasabihan ka pa.
Dahil ang sarili kong katauhan ay hindi katulad ng ilang mga kakilala nila ay
napakadali na lang paniwalaan para sa iba ang mga tsismis na gawa-gawa lang.
Naalala ko tuloy si Mommy na minsang pinagsabihan ako noong nasa kolehiyo
na dinadala ko raw ang pera ko sa
lalaki. Kakaloka! Sobrang tipid na nga ako to the fullest level para may aruray
ako ay may ganoon pang factor! Natatawa na lang ako.
Sige nga mga friends, totoo ba
ang usapin na mega bigay ako ever ng kaperahan sa lalaki? Kung lalaki lang ang
hanap ko, bakit kailangan pang gumamit ng pera? Hahaha!
Iba naman ang umpukan ng magkakaibigan.
Mga usapang nakakaaliw, mga usapang kahit paulit-ulit ay napakasarap pakinggan.
Mga alaalang pilit binabalikan. Mga usapin tungkol sa mga kakulitan,
ka-eklatan, kalokahan at kahit ano lang. Binibigyang tibay nito ang
pagsasamahan ng bawat isa at dito makikita kung sino ang pagkakatiwalaan.
Madalas may mga sikretong bukod tanging
ang grupo lang ang nakakaalam. Kung mayroon sa grupong kinati ang dila, nakupo
ang sikreto ay parang bibingkang napakadaling ilako at bilhin. Sabi nga, laging
may Hudas sa grupo at kahit kaibigan ay ipagkakanulo nito.
Pagkaminsan kasi, may laging pagkakatuwaan
sa grupo at ang akala ay laging biro ang mga bagay na kahit seryoso. Naranasan
ko na ang ganito at nakakasama ng loob. Hindi palaging nakakatawa ang buhay.
Kahit nakakatawa man, hindi nakakaaliw na lagi ka na lang pagtawanan.
Hindi sa lahat ng oras tayo ay
nakakasama sa umpukan. Kapag may umpukan kang nasamahan, siguraduhing ito ay
para sa kaaliwan ng karamihan at laging suguraduhing walang damdaming
masasaktan.