Eat, Pray and Love ang libro na
sinulat ni Elizabeth Gilbert, a one woman’s search for everything. Pangbabae
pero curious akong basahin, naisip ko baka naman puwede rin sa lahat.
Hihintayin ko lang matapos si Ate Tess at babasahin ko. May kopya na ba kayo
nito?
Kuwentong totoo. Kuwentong hinimay mula sa mga kaganapan sa paligid. Kuwentong may lalim. Kuwento para sa tao. Kuwento natin.
Linggo, Marso 28, 2010
Sabado, Marso 27, 2010
WALANG KAMATAYANG SINAMPALUKANG MANOK
Kung ilang beses na akong
nag-post ng tungkol sa sinampalukang manok at kung ilang version na rin ang
nagawa ko nito. Wala pa ring papantay sa sinampalukang manok na orihinal na
niluluto ni Mommy, ni Inang, ni Nanay o ng kapatid ko. Sinampalukang may
natural na usbong na sampalok. Naalala ko tuloy dati kapag magluluto kami nito
ay ako ang nauutusang manguha ng usbong sa kapitbahay dala ang tabo upang
paglagyan. Ang paasim ay natural na usbong at bunga. Wala ng mas sasarap pa sa
sinampalukang manok na Tagalog. Ang sarap-sarap higupin ng sabaw at kadalasan
ito ang binabaon namin kapag may picnic sa ilog. Natatandaan ko rin na si Mommy
kapag nagpatay ng manok ay patutuluin ang dugo sa bigas at kasama itong isasahog
sa sinampalukan. Unahan pa nga kami minsang kainin ang atay at balun-balunan.
Sa panahong lahat dapat ay mabilisan,
kapag gusto ko ng maasim na sabaw maliban sa sinigang na isda at baboy,
sinampalukang manok na version ko ang aking palaging inihahanda. Mabilis lang
kasing iluto at puwedeng sahugan ng gulay batay sa sariling kagustuhan.
Patungkol sa:
childhood memories,
food,
Mommy,
pamilya
Biyernes, Marso 26, 2010
KUWENTO NG BULAG NA MATA
Credit to my model Deepak Lama, person working under my management. |
Minsan may nababasa ka at bigla
kang mapapahinto at makakapag-isip at pagkatapos gusto mo itong ibahagi sa mga
taong mahal mo.
May isang bulag na babaeng galit
na galit sa kanyang sarili dahil siya ay bulag. Galit siya sa lahat ng taong
nakapaligid sa kanya. Galit siya sa mundo. Pero hindi ang kanyang kasintahang
palaging nasa tabi niya at minahal siya sa kung ano siya. Sabi niya kung
makakakita lang siya at magkakaroon ng mga mata ay pakakasalan niya ang kanyang
kasintahan.
Isang araw, isang tao ang
nagbigay ng isang pares na mata sa kanya upang siya ay makakita at mapagmasdan
niya ang kanyang kasintahan. Sabi ng kasintahan niya, “Ngayong nakakakita ka
na, pakakasalan mo na ba ako?” Nagulat ang babae ng makita niyang bulag din
pala ang kanyang kasintahan at bigla niya itong tinalikuran, iniwanan at
kinalimutan.
Umiiyak ang lalaking
nagpakalayo-layo at ng katagalan ay nagpadala ng mensahe sa dating kasintahan.
“INGATAN MO ANG AKING MGA MATA.”
Ganito kung paano nag-iiba ang
tao sa pag-iiba ng kanilang estado sa buhay. Bihira lang ang nakakaalala at
nagbabalik sa kanilang pinanggalingan. Kakaunti lang ang palaging nandiyan
upang damayan ka sa mga pinakamapapait na sandali ng buhay…
Huwebes, Marso 25, 2010
KUWENTONG TOOTHPICK
Hindi ako sanay mag-toothpick at
lalong hindi ako gumagamit nito. May mga taong nakasanayan na kasing
mag-toothpick at parang pagkaing nakahain din sa mesa. Pagkatapos ng masaganang
kainan, toothpick ang agad kinukuha upang tanggalin ang tinga.
Bigla naalala ko ang tungkol sa
toothpick. Noong nasa India ako, pili lang ang mga kinakainan namin. Mas
madalas burger o pizza. Mahirap makahanap ng plain rice. Hindi rin naman
available kahit sa McDonald’s dahil sa Pilipinas nga lang yata mayroon nito.
May mga pagkakaton namang mahirap tanggihan ang mga imbitasyon ng mga kaibigan.
Kaya kahit pilit, para hindi sumama ang kanilang loob. Go! Sa maliliit na
kinang pang-Indian, may mga toothpick sa counter at doon puwedeng kumuha
pagkatapos magbayad.
Nagkaroon ako ng Indian
bestfriend, o sige sabihin na nating mas higit pa doon dahil halos sa kanila na
ako tumira. Si Varun Singh, 17 years pa lang siya noong panahong iyon at ako ay
23. Kung paano kami nagkakilala ay dahil sa toothpick. Toothpick ang may sala.
Hahaha! Toothpick na nakalagay sa counter ng kainang pang-Indian at nakalimutan
ko na ang pangalan. Hindi naman kasi kilala. Parang carinderia lang. Ang
natatandaan ko lang, sweets lang ang kinain ko. ‘Yung gulab jamun.
Nakakabitin ba? Basta, sumasagi
sa isip ko si Varun kapag may toothpick akong nakikita. Si Varun na ng dahil sa
toothpick ay naging bahagi ng buhay ko. Mabait ang nanay niya, si Mommy
Madhuri. May kapatid siyang babae, si Aditi. Wala ang tatay niya, pinadala ng
gobyerno ng India sa Iraq bilang Deputy Manager ng isang kumpanya.
Nang dahil sa pamilyang ito ay
naramdaman ko kung paano ang buhay Indian. Maraming beses din kasi akong
tumigil sa kanila. Kasama sa mga lakad. Sinusundo ako ni Varun minsan sa
institute na pinapasukan namin at inuuwi sa kanila. Naipagluto ko na rin sila
ng ilang beses. Tinadtaran ko na lang ng sili para may lasa. Pero nasarapan
naman sila. Marami pa akong bagay na nagawa sa piling ng pamilyang ito at
naramdaman kong itinuring akong anak.
Kung hindi dahil sa toothpick,
hindi ko makikilala si Varun at hindi mararanasan ang mga bagay na ito na
nagpatingkad ng pagtigil ko sa India. I lost communication with Varun. Timang
din kasi siya. Alam ko may maganda na siyang trabaho bilang IT Specialist.
Sinubukan kong i-search ang pangalang Varun Singh pero libu-libong Varun Singh
mayroon sa India. Nakakapagod isa-isahin at baka mapuno ako ng tinga. Wala pa
naman akong toothpick…
Miyerkules, Marso 24, 2010
ANG PAGYABONG NG BULAKLAK NA MUNTIK NG MATUYO
Para sa isang kaibigang namumukadkad na parang bulaklak...
Kapag tayo ay nagplano minsan
hindi naman nangyayari. Kapag may ginusto tayo at hindi naman napasaatin bigla
na lang tayo malulungkot at parang ginuhuan ng matataas na gusali. Sa kabila
nito patuloy pa rin naman tayong nagdadasal at ang kagandahan nito,
ipinagdadasal din tayo ng mga taong nagmamahal sa atin lalo na ng mga kaibigan.
Ang Diyos, ibibigay ang lahat ng para sa iyo sa oras na mas dapat at mas alam
niyang tama.
Sa pagsapit ng edad na akala mo
ay naubusan ka na ng taong makakasama mo sa buhay, tila nawawalan ka na ng pag-asa
at kasabay nito ang pagkalungkot at may tila may mga boses na bumubulong na nagbibigay puwersa sa iyong huwag mapagod
sa paghahanap dahil tiyak may darating.
Sa papalapit na pagkatuyo ng
bulaklak ay nakakasumpong pa rin ito ng pagkakataong yumabong. Tila may kung
anong sustansiyang nagbigay buhay dito upang muli ay bigyan ng pag-asa at
mamukadkad. Hindi pa nga huli ang lahat.
Nasumpungan ng kaibigan ko ang
kilig na ibang-iba sa kilig na naramdaman niya dati. Tuwang may pag-asa at
hindi basta tuwa lang na biglang mapapawi muli. Isang kaligayahang hindi basta
magtatapos kung hindi papasimula pa lang.
Nararamdaman ko ang galak ng
kanyang puso at ang kilig na halos magpa-ihi sa kanya. Mga kilig na pigil na
pigil at walang paglagyang kasiyahang nakakahawa. Kulang ang maraming minuto
para sa mg detalye ng lahat, kahit oras o araw pa. Marami pang dapat
pagkuwentuhan at marami pang mga chikahang dapat abangan.
Masaya ako para sa kanya at
patuloy ko pa ring ipapanalangin, kasama ng iba ko pang kaibigan na na
makatagpo sila ng tamang pagkakataon upang mamukadkad at yumabong kasabay ng
kaligayahan at kapayapaan ng kanilang mga puso.
Martes, Marso 23, 2010
DINGDONG!
Buti na lang at may Dingdong!
Kapag boring sa office at walang magawa maliban sa pagsulat ng blog na ito o
pag-aayos ng mga photo files ay may sumasagip sa napaka-boring na oras. Salamat
sa Dingdong at naiibsan ang aking pagkainip.
Lunes, Marso 22, 2010
MAKULAY NA SALAD
May kinainan kami sa tabi-tabi
lang tapos ang ganda ng kulay ng salad, kumpleto sa mga paborito kong kulay
kaya naisipan kong kuhanan. Heto ang kinalabasan.
Linggo, Marso 21, 2010
NATAPOS NA NAMAN ANG ARAW
Mula sa balkonahe ng ikawalong
palapag ng aking tinutuluyan ay napagmasdan ko kung paano unti-unting nilalamon
ng dilim ang araw. Ang araw na sa buong maghapon ay ngumiti sa akin ay tila
baga iiyak na naman sa pagsapit ng dilim. Sa kinabukasan ay muling sisilip. Naisip
ko lang na ang araw at gabi ay tila baga mukha ng buhay. Kung saan may saya ay
may lungkot rin naman. Muli sa bawat kalungkutan ay may ligayang hatid ng hindi
namamalayan.
Patungkol sa:
ARKITEKTURA,
kalikasan,
saloobin
Sabado, Marso 20, 2010
NGITI = PAG-IBIG = SAYA
Kung ang bagay ay nakapagbibigay
ngiti, tayo pa kayang tao? Simulan na ang pagngiti upang makapagsabog ng
pag-ibig at mag-ani ng sayang walang kaparis. Ganito lang kasimple.
Biyernes, Marso 19, 2010
MGA HULING TALATANG IPAPABASA SA KANYA
Ngayong gabi makakagawa ako ng talatang
Nais kong ipabasa sa kanya kung saan
Binabalot ng kalungkutan ang aking
Mga matang malamlam
Tila ibig pumatak ng mga luha
Ngunit nais kong tapusin
Ang mga huling talatang
Sa kanya ay nais ipabasa…
Ngayon ang gabing sa langit ang mga bituin ay kumikislap
Bilog ang buwan at may hatid na liwanag.
Katulad rin ito ng mga gabing aming pinagsaluhan
Hindi mabilang na sandaling pinupuspos ng galak
At mga pagniniig na siyang pinangarap.
Ngunit ngayong gabi rin tatapusin
Ang sayang binigyan ng kulay
At pilit tatapusin ang mga huling talatang
Sa kanya ay iaalay.
Ang lungkot na ngayon ay aking nadarama
Ay katulad din ng lungkot bago siya nakilala
Minahal niya ako, minahal ko siya
Ngunit ngayong gabi ay tatapusin ang mga linya
Ng talatang sa kanya ay ipapabasa.
Talatang ang laman ay paghihiwalay
Upang buuin muli ang mga sariling nasugatan.
Ang talatang maisusulat ko ay lipos ng kalungkutan
Sapagkat hindi namin ninais na maghiwalay
Ngunit ngayong gabi kung saan ang ilan ay payapang natutulog
Ay gigisingin ang damdaming puno ng lungkot.
Sapagkat ngayong gabi ay isusulat ko
Ang mga huling talatang sa kanya ay ipapabasa
At bibigyang dahilan ang paghihiwalay ng landas
Mapait, masaklap, malungkot, puno ng pighati
Iniibig ko siya pero hindi dapat mahalin
Siya’y sa iba na, iba na ang kanyang makakapiling
Diwa ko’y lumilipad at hindi mapakali
Iniisip ko siya, ang lamlam ng kanyang magagandang mga mata
Matatamis na ngiti at mahihigpit na haplos ay nasa aking gunita
Hindi ko na siya dapat mahalin pero iniibig ko siya
Kaya ang aking damdamin ay ilalagay ko
Sa mga huling talatang ipapabasa sa kanya…
Huwebes, Marso 18, 2010
Miyerkules, Marso 17, 2010
MANIKANG BASAHAN VS BARBIE DOLL
“Mas gugustuhin ko pang maging
manikang basahan na puwedeng angkinin ninuman kay sa maging Barbie Doll, sosyal
nga pero piling-pili lang ang puwedeng humagkan…”
Martes, Marso 16, 2010
SANGA-SANGANG ISIP, LIKO-LIKONG DIREKSIYON
Sa tuwing nakakakita ako ng puno,
sanga ang lagi kong napagmamasdan. Kung ilang beses na rin akong kumuha ng
larawan ng mga puno. Iba talaga ang dating sa akin. Hitik sa drama at aliw na
aliw ako na ito ay pagmasdan. Parang buhay ng tao. Katulad ng buhay ko.
Sanga-sangang pag-iisip na kung saan-saan napupunta. Hindi lubos mawari kung
ano ang gusto sa buhay. Pabago-bago. Minsang maliko at minsa’y maging diretso.
Ganyan nga talaga ang buhay.
Madrama, parang telenobelang kaydaming nag-aabang kung ano ang mga susunod na
kabanata. Ang dami-dami kong gustong gawin. Napakaraming dapat na gawin na ang
ilan ay hindi nasimulan, may nasimulan ma’y hindi naman natapos. Naliliko kasi
minsan at parang bulang bigla na lang nawawala.
Pero hindi ba’t para itong isang
pakikipaglaban sa hamon na dala nito araw-araw? Kung saan may alon ay doon
sasama at kung saan banayad ang pagdaloy, doon hihinto. Muli ay mag-iisip at
bigla-bigla, nabago na pala ang lahat.
Isa sa mga natutunan ko sa
pakikipangtunggali sa buhay ay ang hindi pagkukumpara ng sarili sa iba. Kung
nabuhay kang lagi na lang ikinukumpara ang sarili sa mga taong nakapaligid sa
iyo, magtatapos ito sa iyong pagkatalo. Pagkatalo mo dahil pilit kang kakainin
ng inggit sa puso mo at hindi ka kailanman magiging payapa at ang kaligayahang
hinahangad mo sa buhay ay parang kay hirap abutin.
Ang buhay ay hindi nga pala
tungkol sa pagpaparami ng mga bagay o paghahangad ng kayamanang materyal. Akala
ko noon, ang buhay ay may sinusunod na pamantayan na dapat maging mayaman ka
paglaki mo, may sasakyan ka, may bahay ka. Kaya naman ako ay kandarapang gawin
ang lahat para masunod ang akala kong gabay sa paghahanap ng tunay na
kaligayahan.
Habang ang edad ko ay
nadadagdagan, doon ko napagtatanto na ang buhay ay hindi naman talaga nakabatay
sa pagpaparami ng kayamanan o pag-iipon ng salapi para ipamukha sa mga taong
mayaman ka nga. Wala akong yamang materyal, ang yaman ko ay nasa puso ko at
kitang-kita ninyo. Kaya ang inaatupag ko ngayon ay magsabog ng kaligayahan sa
mga taong nakapaligid sa akin. Magmahal, magbahagi at maging payapa ang
kalooban. Ngumiti, humalakhak at bonggang-bonggang dalhin ang sarili ng walang
ibang sinasaktan.
Hindi kami pinalaki ng aming mga
magulang na maging mayabang. Sabi nga ni Nanay, hindi baling matakaw, huwag
lang mayabang! Wala naman talagang ipagyayabang maliban sa heto kami at buhay
at nakukuhang ngumiti sa araw-araw. May pagkain kapag nagugutom, may gamot
kapag nagkakasakit, may tubig kapag nauuhaw.
Bakit ko nga ba ipipilit ang sarili kong magkaroon ng
lahat kung wala naman talaga? Ang direksiyon kong dating nais patunguhan ay
tila naiba na naman. Sisiguraduhin kong ang direksiyong pipiliin ko ay ang daan
patungo sa pagiging payapa ng aking puso. Walang pait, walang inggit, walang
pagkukumpara… direksiyon kung saan may pag-ibig, may ngiti kasama ang mga mahal
sa buhay lalo na ang pamilya at mga tunay na kaibigan.
Lunes, Marso 15, 2010
SENTIMIYENTO NG ISANG NAGMAHAL AT NAMANHID ANG PUSO
Parang ibig ko nang maniwala sa
kasabihang bulag ang pag-ibig. Dahil alam ko, hindi naman talaga ako bulag pero
bakit nga ba ako’y nagpaangkin sa iyo, nagpakaloka at halos maging alipin mo.
Sa totoo lang, minahal naman kita
talaga kaya nga ikaw ang napiling makasama ko sana habangbuhay at ikaw ang
naging ama ng mga anak ko. Sinimulan nating bumuo ng pamilya. Pilit na inunawa
ang pagkukulang ng isa’t isa at pilit pa ring pinagyayaman ang pagsasamang
ipinagdadasal ko na maging masaya sa habang panahon.
Wala nga palang panghabambuhay,
ang lahat ay nagbabago at walang permanente sa mundo. Kahit na pinilit kong
maging mabuting asawa para sa iyo at kahit alam kong may mga pagkukulang ako,
batid kong napagbayaran ko na ang lahat. Pinagbabayaran sa mga paraang lingid
sa iyong kaalaman ay alam ko naman talaga ang mga ginagawa mo. Masakit malaman
ang katotohanan pero iyon ang pinakamabuting paraan para hindi ako magmukhang
tanga sa paningin mo at sa paningin ng lahat ng taong nakapaligid sa akin. Sa
pagkakataong ito ay tila bagang lumilinaw na ang lahat sa akin. Ang pagkabulag
ng pag-ibig kong sa iyo ko lang inilaan ay parang kandilang unti-unting
natutunaw sa pagkakasindi nito. Sa bawat pagpatak ng natunaw nitong bahagi ay
kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Mga luha ng pighati, takot at pangamba.
Noon akala ko ay okay na ang
lahat, na puwede ka namang magbago. Ngunit habang tumatagal ay tila bagang
nanlalamig na ang ating pagsasama ng dahil sa mga kagagawan mong pilit
itinatago pero nababatid ko naman. Naiisip ko minsan kung asawa pa nga ba ang
turing mo sa akin o gamit lang. Sa pagkakataong ito, hindi ko na hinahangad ang
pagmamahal mo kundi ang respeto kahit hindi na bilang ina ng mga anak mo kundi
tao.
Masakit isiping sa ganito pa
mauuwi ang pagsasamang pinangarap ko. Ngayon, batid kong hindi ka na magbabago
at sa araw-araw na nakikita kita ay takot ang nararamdaman ko sa mga maaari
mong magawa. Marami ka ng ginawang hindi ko na matanggap at sa tuwing naiisip
ko ay nanginginig ang aking laman at ibig ko ng kumawala.
Pero bakit ba pilit ko pa ring
ipinagsisiksikan ang sarili ko sa iyo, ang damdamin ko? Sa bawat pagpintig ng
puso kong nagmahal sa iyo, ng dahil sa mga pangyayari ay unti-unti na itong
namamanhid. Hindi na ito ang pusong dati ay bulag sa katotohanan ng iyong pagkatao.
Nakukuha ko pa ngang ngumiti kapag minsan at para bang wala lang. Tandaan mo na
ang pusong nasugatan ay mahirap maghilom. Maghilom man ito’y kasunod ng
pamamanhid, parang walang pakiramdam at pilit humahanap ng bagay na makakagamot
dito.
Manhid na ang puso kong minsan ay
umibig sa iyo. Hayaan mo ng kumawala ako sa parisukat na mundong iniikutan ko.
Ubos na ang luhang pumatak mula sa aking mga mata. Malat na ang aking mga
hinaing ng pagsasabing tama na. Pakawalan mo na ang minsa’y naging bahagi ng buhay
mo. Manhid na ako. Wala na akong pakiramdam. Uhaw ako sa kaligayahang naipadama
mo ng minsan ngunit binawi mo rin naman sa kahuli-hulihang sandali. Sapat na
ang lahat…
Linggo, Marso 14, 2010
BULALO
Wala ng mas sasarap pa sa
bulalong nakahain sa mesa na pinagsasaluhan ng pagkagana-gana. Mainit na sabaw,
mabutong baka, repolyo at patatas, paminta at may sawsawang patis at calamnsi
at may sili pang kasama. Tara na, kain na at sipsipin ang buto ng
bonggang-bongga!
Sabado, Marso 13, 2010
NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING
Para sa isang kaibigang
nagmamahal at naghihintay…
Mga matatayog na pader ang tila
hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon
ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila
baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko,
isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.
Labis ang aking pagtatakang sa
pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong
malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog
kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam
kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.
Hindi kita araw-araw na nakikita
at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya
naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang
taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga
tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga
katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na
kalagayan ng pamilyang mayroon ako.
Sa tuwing nakikita kita, iba ang
siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong
mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at
kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita
natatanaw.
Kaybilis lumipas ng mga araw at
unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man
paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas
kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila
mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang
aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila
bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay
makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.
Sapat na ang mga narinig ko.
Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit
wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil
alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling
at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.
Nais kong ipabatid sa iyo na
buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik
sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging
pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng
pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.
Patungkol sa:
alaala,
childhood memories,
pamilya,
relasyon,
saloobin
Biyernes, Marso 12, 2010
PITUMPU’T LIMANG TAON NA ANG AKING LOLA
Happy Birthday Inang! Naisin ko
mang kuhanan ng picture s Inang, malayo kami sa isa’t isa kaya kinuhanan ko na
lang ang isa mga larawang kasama siya. Tinawagan ko ang aking lola at hindi makapagsalita
dahil naubusan na ng sasabihin. Na-miss ko tuloy ang aking paboritong tinumis
at mga luto niyang lahat ay masasarap. Hintayin mo ako Inang at mag-ba-bonding
tayo ng bonggang-bongga pag uwi ko. Kayo, may magaganda ba kayong alaala with
your Lola?
Huwebes, Marso 11, 2010
APATNAPU’T PITONG TAON
Marso 10, 1963 ang eksaktong
petsa ng ikasal si Mommy at si Daddy. Kung nagkaroon sila ng anak, marahil
marami na silang apo at ang panganay nila ay sabihin na nating 45 years old.
Pero hindi sila nagkaanak kaya nga ako ang kanilang inilagaan. Bumuo kami ng
isang pamilya. Ako bilang nag-iisang anak. Nagsama sa hirap at pagpupursigi
para makaraos. Wala na si Mommy. Nandiyan pa si Daddy. Ang alaala ay palagi
lang nandiyan. Katawan lang ni Mommy ang nawala, alam kong nandiyan lang siya
kasama namin araw-araw. At ang araw na ito ay paggunita sa araw ng kanilang
kasal, apatnapu’t pitong taon at bibilangin ko ito hangga’t ako ay may gunita
pa.
Patungkol sa:
alaala,
Mommy,
pag-ibig,
relasyon,
selebrasyon
Miyerkules, Marso 10, 2010
WALONG DAAN AT LIMAMPUNG ARAW AT LUGAW
Ito ang pinakaunang pagkakataon
na inilagay ko ang mukha ko sa aking PROJECT 365. Hindi ko mapigilang hindi
ilagay ang picture ko kasama ang isa sa mga taong dahilan kung bakit kulang na
lang ay sumagad ang ngiti ko sa tenga dala ng aking kaligayahan. Isang
kaligayahang malapit ng magtapos ngunit payapa naming iiwan ang isa’t isa at
pipiliing hanapin ang panibagong kaligayahan sa kung ano ang dapat. Malungkot
kung iisipin pero dahil naihanda ko na ang sarili ko sa kahihinatnan nito
matagal ng panahon kong natanggap. Masakit, mapait ngunit mapagpalayang
pagmamahal.
Oo, ito ang aming ika-850 araw na
magkasama. Pinakamatagal na pagsasamang hahantong din naman sa paghihiwalay ng
landas. Wala nga kasing permanente at naniniwala ako sa kasabihang there’s no
such thing as forever. Ibang saya ang idinulot ang araw na ito dahil madaming
nasa puso ni Amrit ang kanyang sinabi dahil kay Kuya. Hindi ko kilala si Kuya,
isang pagkakataong hindi nangyari kailan man dahil walang nangahas na
magtanong. Tawagan natin si Kuya na Kuya Boy dahil nag-ala Boy Abunda siya sa
mga nakakalokang tanong at si Amrit ay nagtila isang artistang sinasagot ang
mga issue.
Nagtakaw ako sa lugaw at dahil
nagustuhan na rin naman ito ni Amrit ay ito ang pinili naming kainan na minsan
lang mangyari. Napakadalang. Maliit lang ang lugar ng kainan kaya nakihati kami
kay Kuya sa mesa at siyempre Ms. Friendship ang lola, mega-upo na kami at basta bigla na lang
nagkapalagayan ng loob at buong akala ni Kuya ay Pinoy din si Amrit kaya
kinakausap niya ng Tagalog. Nagkatawanan. Sa pagkakatong ito kasi ay may hindi
kami pagkakaunawaan ni Amrit dahil hindi niya sinabi kaagad ang eksaktong lugar
kung saan siya nanggaling. Naghintay lang naman ako sa kanya ng matagal at
super late ang lolo sa pagdating at ako naman ay na-high-blood na naman at
nagtatalak ever. Ugali ko ng magtatalak, parang inang galit na galit sa anak.
Heto ang ilang usapang nagpataba ng puso ko at nagpasaya. Dahilan para hindi ko
na buksan ang issue kung bakit late si Amrit at kung saan siya pumunta:
Kuya: I thought you’re Filipino.
Amrit: Hahaha. That’s the usual impression. Do I look like one?
(sumabad ako, nagsalita ng Tagalog.
Ako: Ngayon lang Kuya dahil matagal na niya akong nakasama pero dati
hindi yan mukhang Pinoy.
Amrit: What did you say?
Kuya: He told me that you look like Filipino just recently not like
before the first time you’ve met. How long have you been together?
Amrit: 2 years and a quarter.
Ako: 850 days.
Kuya: That’s good to hear. A Filipino and a Nepali. So, how’s life
being with him, este with her? Hehehe.
Amrit: Wallei is so caring, loving and a type of a person you’ll easily
fall in love with.
Ako: May ganon? Ngayon ko lang narinig sa kanya ‘yan.
Kuya: I can see how happy you are together. Do you speak Filipino? Do
you know any phrases in Tagalog?
Amrit: Yeah. Kumusta ka?
Kuya: That’s good. What else?
Amrit: Sige na. Naman eh. Some sort of expressions usually I hear from
Wallei.
Kuya: Is there anything you want to tell?
Amrit: Mahal Kita.
Kuya: Do you know the English translation of that?
Amrit: Of course. I love you.
Kuya: To whom do you want to tell that?
Amrit: To the person beside me.
Ako: Hahaha. May ganyan talaga? Kaloka!
Amrit: You know that.
Ako: I feel it. Even if you don’t say. I know.
Kuya: Wow! To think that you both belong to different nationalities
makes me wonder how you managed to be together. Saan ka ba nakatira?
Ako: Sa kanya ako umuuwi. Pero may inuupahan akong flat para may uuwian
pag nag-away. I stay there during weekends. Day off ko sa kanya.
Ako: I think I need to take photos. Kuya, kunan kita.
Kuya: Hahaha. May ganyan. Camera shy ako.
Ako: Sige na. Kunan ko din kayo ni Amrit. Kuhanan mo din kami.
Kuya: Hindi ko alam camera mo.
Ako: I-set ko tapos press mo na lang.
Kuya: Sige.
(Natapos ang picture galore.)
Kuya: Maiwan ko na kayo. Nice meeting you Amrit and Wallei. You look
happy together.
Ako: Salamat kuya. I-blog ko ito, ha!
Kuya: Sige. Paalam.
This is another unforgettable memory,
which I will forever cherish. Salamat sa lugaw at sa walong daan at limampung
araw ng saya, minsa’y madrama, may iyak, may away pero sa bandang huli pag-ibig
pa rin ang nangingibabaw. Parang ayaw ko ng matapos ito.
Martes, Marso 9, 2010
ISANG PAGPUPUGAY SA MGA KABABAIHAN
Ngayong Women’s International Day,
isang pagpupugay ang inihahatid ko sa lahat ng kababaihan sa mundo.
Pagpupugay para sa mga
kababaihang ina ng tahanan at nagsisikap maging isang responsableng ina para sa
kanyang mga anak at dakilang asawa para sa kabiyak.
Pagpupugay sa mga kababaihang
nangibang bansa at tinitiis ang pagkawalay sa kanyang pamilya.
Pagpupugay sa mga “single
mothers” na nagpapakatatag harapin ang buhay sa kabila ng pag-iisa nitong
pagtataguyod sa kanyang mga anak.
Pagpupugay sa mga kababaihang
nakikipaglaban sa kanyang karapatan.
Pagpupugay sa mga babaeng
naghahanapbuhay katulong ang kanilang asawa at mga kababaihang inuuna ang
pamilya bago ang sarili.
Pagpupugay sa mga kababaihang
nangunguna sa lahat at anumang antas ng industriya.
Pagpupugay sa mga babaeng
magsasaka, driver, welder at iba pang gawaing panlalaki na hindi alintana ang
sinusuong na bigat ng bawat gawain.
Pagpupugay sa mga kababaihang
guro na gumagabay sa mga mag-aaral.
Pagpupugay sa mga kaibigan kong
babaeng tunay na kaibigan at karamay ko sa lahat ng aking pinagdadaanan.
Ang araw na ito ay para sa inyo.
Lunes, Marso 8, 2010
GOIN' BANANAS
“Sorry, I don’t smoke, I only eat
bananas!” Paborito ko ang saging. Hindi kumpleto ang aking hapag kainan kapag
walang kasamang saging maging anuman ang klase nito. Basta saging, go! Sana
walang madumi ang isip at baka kung anong klaseng saging ang maisip nila.
Puwede rin. Hahaha!
Linggo, Marso 7, 2010
ANG KUWENTO NG COLLEGE RING AT MGA KURSONG GUSTO KONG KUHANIN AT NASAAN NA AKO NGAYON
Salamat Ate Berna June Rocamura
for your college ring. Naaliw ako ng makita kong may suot ka nito. Bihirang
bihira akong makakita ng college ring. Si Aizan, ‘yung kapatid ko ay
niregaluhan ni Nanay ng college ring. Sabay kaming nag-graduate ng kapatid ko
and she deserved that gift. Cum Laude ang kapatid ko.O, di ba bongga! Kinabog
ako!. Hindi naman ako nainggit noong bigyan siya ni Mother Swaning dahil di naman
ako talaga lumaki sa piling ni Nanay, may Mommy naman ako. Tinanong ako ni
Mommy kung gusto ko raw ng college ring. Ang sabi ko naman hindi naman
importante at marami pang dapat pagkagastusan. Sapat na ang ilang taong
pagsisikap niyang maitaguyod ako. Just seeing myself finishing a degree with
all the sacrifices and hardships of my dear Mommy ay isa ng napakalaking
regalong natanggap ko sa buhay ko. Kapag nakatapos ka nga naman, parang kaya na
nating makaahon sa hirap. Bagay na pinagsisikapan ko at ginagawa sa maliit na
paraan. Drama ko. Nasaan ang tissue?
High School pa lang, nakahanda na
ang isip natin sa mga kurso na gusto nating aralin base sa mga pangarap natin.
Isa ako sa mga kumuha ng kursong on the spot. Kaya naloka ako.
Ito lang naman ang mga gusto ko.
- BEEd, BSEd. – Bata pa lang ako gusto ko ng maging teacher. Ako, mula sa lahi ng mga teacher ay nag-akalang magiging teacher din pero nabigyan naman ako ng pagkakataong magturo in a higher level nga lang. At least natupad. Salamat sa PFA (Philippine Footwear Academy) sa opportunity na ibinigay ninyo at nakapagturo ako ng bonggang-bongga sa ating kauna-unahang paaralan ng sapatos sa South East Asia.
- BS Economics – Para kasing ang gandang pakinggan and it’s so cool kaya trip ko talaga ito. Hindi ko talaga siguro carry maging economist, sarili ko na ngang pera hindi ko pa ma-budget.
- BS Psycholgy – Feel kong bumasa ng mga isip ng tao. Ang pag-aralan ang mga kilos nila. Ang pagkasaliksikin ang kung anu-anong bagay. Buti na lang at hindi natuloy. Hindi talaga siguro para sa akin dahil ako ang nangangailangan ng Psychologist para naman tumino ang aking nlulukang mundo. Timang nga ako ‘di ba?
- Communication Arts, Mass Communication, Broadcasting and Journalism – Gusto kong maging writer, ang mapanood sa TV as news anchor, magsulat ng kung anu-ano, basta lahat ng may kinalaman sa mass media. Haaay, gusto ko pa rin nito! Gustong-gusto!
- Fine Arts – Gusto ko kumuha ng kursong painting. Gusto kong magpinta, magdrawing at i-appreciate ang ganda ng mundo. Ang kulay na nakapaligid sa atin at gumawa ng bagay na lahat may ganda. Ngayon, gusto ko lang palang maging maganda. Hahaha.
- Hotel and Restaurant Administration – Pangarap kong magtrabaho sa hotel at mag-ayos ng kung anu-ano.
- Accounting – Gusto kong maging accountant, pangarap kong maging auditor, maging isang CPA.
- Fashion Design – Gusto kong magdesign ng bonggang mga damit, magkaroon ng sariling brand at maging sikat na Fashion Designer.
- Banking and Finance – Pinangarap kong magtrabaho sa bangko at magsuot ng long sleeves shirts at kurbata, maupo boong araw at magbilang ng pera.
- AB Philosophy – Gusto kong magpakabihasa sa Pilosopiya. Gusto ko lang.
Sa dinami-dami ng kursong gusto
ko, BS Architecture ang tinapos ko. Bongga hinda ba? Sinong mag-aakalang
naka-graduate ako ng Architecture? Arkitekto de palanggang may takong ang drama
ko. Hahaha. Ang nakakaloka dito pagkatapos kong magpakabihasa sa Architecture,
duguin ang dapat duguin, maloka sa napakadaming numero, mapuyat ng mapuyat ng
napakadaming beses at maghagilap ng pera kapag kapos ay sa bandang huli dito
pala ako mapupunta. Kabog! Dahil hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong
kurso, inapply ko ang lahat ng nalalaman ko sa trabahong hindi ko pinangarap
pero ibang saya ang dulot nito.
Naisip ko, ang Diyos pala iba
talaga kapag kumilos, wala sa plano mo pero bigla na lang darating at alam niya
kung saan ka mas liligaya. Kaya kung anuman ang nangyayari sa buhay ko ngayon,
hindi ko man nagamit ang kursong tinapos ko o tinapos ang kursong plano ko
dati, pinagpapasalamat ko pa rin ang lahat at may hanap-buhay akong sapat na
para maibahagi ang anumang mayroon ako. Hindi man ganoon kasaganang tulad ng
inaasahan pero payapa ang puso ko. No regrets. No bitterness. I am simply happy
and keeping myself fabulous all the time, all the way.
Kaya, anong silbi ng college ring
sa akin? Tama na ang 92.5 silver ring na suot ko mula noong high school pa ako.
Patungkol sa:
BATA,
childhood memories,
Mommy,
saloobin
Sabado, Marso 6, 2010
ANG KALIGAYAHAN AY NAKAPALIGID LANG
Sa mga oras ng kalungkutan,
marahil hindi mo nasusumpungan ang kaligayahang nasa harap mo lang. Mga
simpleng bagay na makapagpapasaya sa iyo. May mga simpleng bagay na kapag
minsang malungkot ako ay nakakasumpong ng tuwa sa mga nakapaligid lang o hindi
kaya ay mga bagay na hindi mo minsan napapansin pero nakakatuwa. Kapag may
nakakita sa akin, sasabihin tila isip bata ako. I always carry a child in me.
Kaya nga sweet ako. De vah? E, ano naman. Gusto ko nga. Iniisip ko lang kung
sigurong seryso ako masyado sa buhay ay baka sandamakmak na ang wrinkles ko.
Meron na nga kaya pinipilit pa ring iwasang magalit at sinisugurong nakangiti
to the fullest level. Sagad hanggang tenga. Hahaha.
Simple lang ang kaligayahan ko at
hayaan ninyong isa-isahin ko. Nakakatagpo rin ba kayo ng kaligayahan sa mga
ito?
- Katulad ng nasa larawan, may mga pagkaing sabi nila ay pambata lang pero masaya akong kumakain ng mga ito. Masaya ako kung makakain ako ng kendi na sampalok, yung may budbod na asin. Trip ko rin ‘yung mga kending nabibili ng tingi sa tindahan. I love chicharon at isasawsaw sa suka. Chicharong bulaklak, at lahat ng pampa-highblood! (Buti may BEPSAR, just in case tumaas ang presyon ng dugo.)
- Gusto kong makipagkuwentuhan at balik-balikan ang mga nagdaan. Kahit minsan sinasabi kong hindi na dapat binabalikan ang tapos na pero iba ang feeling kapag napag-usapan ang mga nagdaang panahon lalo na noong kabataan. Masarap humalakhak. Walang kasingsaya.
- Mahilig akong mag-ipon ng basura. Hahaha. Makuyagot ako, makalat at tinatago ang kahit anong maliit na bagay lang lalo na kung may sentimental value. Maging ito ay bato pa, dahon o kapirasong papel na galing sa taong mahalaga sa akin. Ang nakakaloka sa akin, ikakalat ko ito, isa-isang titingnan tapos ibabalik ulit. Sorting kunwari para may maitapon pero sa bandang huli, ganoon pa rin. May kung ilang kahon ako sa bahay ng mga kung anu-ano lang na naipon ko pa noong elementary ako, high school, college, at lalo na mga kung anu-anong anik-anik galing India.
- Mahilig akong magsulat ng kahit ano lang. Minsan napupuno ang mga papel sa harapan ko ng pirma ko, mga kung anu-anong salitang lumalabas lang at minsan may drawing ng kung anu-ano, mostly flowers. Hehehe. Masaya ako kapag nagagawa ko ito. Nakakalis ng stress.
- Gusto ko ng lahat ng may sabaw. Lalo na kapag maasim. Kahit ito pa ang ulamin ko araw-araw, hindi nakakasawa. Iba ang pakiramdam kapag ganito ang ulam ko. Kaya palagi akong may tamarind powder mix o kaya tamarind cubes. Kapag may sabaw, solved na ako!
- Paborito kong tingnan ang mga natuyong sanga. Ali na aliw akong pagmasdan ito. Lalo na kung talagang halos wala na ang mga dahon at nagsilagas na. May kung anong dramang hatid ito sa buhay ko na hindi ko maipaliwanag.
Patungkol sa:
food,
FUN,
kaibigan,
katimangan,
saloobin
Biyernes, Marso 5, 2010
KUNG NABUBULUNGAN ANG PUSO
Ang puso kung nabubulungan lang
at nakikinig marahil wala ng timang sa lupa. Sa dinami-dami ng mga natitimang,
lahat may kinalaman sa pag-ibig na kagagawan ng puso. May mga sobrang husay,
sobrang tino na pagdating sa pag-ibig ay zero at walang alam. Nagpapakatimang
sa pag-ibig na mapang-asar pero nakakatuwa naman kung minsan.
Kung ang puso nakikinig,
ibubulong kong huwag tumibok ng alanganin at kung puwede ay magpakahinahon sa
mga panahong halos mahulog ka na sa sobrang pag-ibig. Ibubulong kong huwag muna, teka muna at ako ay hindi pa
handang magmahal.
Kung nabubulungan ang puso
sasabihin kong magpakatino at huwag maging tanga sa mga oras na dapat ay
tumitibok ito ng tama. Ibubulong kong magpakahinay-hinay sa pagkabog para ang
pinaglalagyan nito (ako ‘yon) ay huwag mahulog at malunod.
Pangangaralan ko ang puso na
maging manhid minsan kung kinakailangan para hindi ganoong kasakit ang aking
maramdaman. Ang sakit ng puso ay sakit din ng buong katauhan, sakit lalo ng
isipan. Pero minsan, nagiging bulag ang puso sa katotohanan kaya nga nagiging
tanga ka. Kalokang puso, walang mata pero nabubulag pa!
Ibubulong ko sa puso kong kung
maari ay huwag magpakitamang at ng sa gayon ay maging matino naman ako sa mga
pagkakataong mas kinakailangang isip ang gumana. Sasabihin kong pabayaan ng
isip ang magpasya at huwag ng mamakialam pa. Baka sa ganitong paraan ay hindi
ako maluka.
Nananadya kasi ang puso.
Nakakaasar pa minsan. Kung kailan pakiramdam mong iyon na, dumating na,
malilito pa at pilit gagawa ng eksena. Kakaloka. Kakatimang…
Patungkol sa:
katimangan,
pag-ibig,
relasyon,
saloobin
Huwebes, Marso 4, 2010
ANG MAGING SINGLE AY MASAYANG TUNAY
Kinuhanan ko yung sipit,
nakakatuwa… isang pilang mahaba, lahat single. Tapos naalala ko lang ang mga
kaibigan ko…
Ngayong taong ito ang pagbabadya
ng pagkawala ng mga numero sa kalendaryo ng karamihan sa mga kaibigan kong
hanggang ngayon ay single pa. Ang ilan ay purong-puro at ang iba ay malay ko ba
kung nagkamalay na sa kung anong bagay o sadyang naglilihim lang. Ang masasabi
ko lang sa inyo mga dear friends, magpakasaya at huwag maging alipin ng
kalungkutan. E, ano naman kung single ka pa? Ang maging single ay masayang
tunay! Totoong-totoo, kaya huwag ng maging bitter o magmukmok sakaling hindi na
dumating ang sinumang hinihintay ninyo. Ang gawin ninyo ay pagtuunan kung
paanong ang iniiisip at parating na kalungkutan ng pag-iisa ay mabigyan ng
solusyon.
Ngumiti, magbunyi… yan ang dapat
gawin dahil ang maging single ay masayang tunay!
- Makakatulog kang walang dadantay sa iyo at hindi makakarinig ng anumang hilik dahil wala ka namang katabi. Masarap matulog ng maraming unan na kayakap at kung may stuffed toy ka pa, e di bongga!
- Makakakain ka ng ice cream, chocolate at lahat ng gusto mong kaining walang pipigil sa iyo at walang makikihati. Kahit ilang scoop o galon pa ng ice cream ang kainin mo, solong solo mo ito.
- Mabibili mo ang lahat ng gusto mong bilihin. Maisusuot mo ang damit na gusto mo na walang pipigil sa iyo. Kasehodang ipagladlaran mo ang kaluluwa mo. Hehehe.
- Unlimited ang iyong pag-online, mapa-chatting o facebook. Walang pipigil sa iyo at sasaway kung sino ang dapat mong maging kaibigan at makakapili ka ng kahit anong profile pic na gusto mo na walang makikialam.
- Hindi ka mangangambang mag-isip ng mga pangregalo para sa mga monthsaries at anniversaries. Wala ka namang ipagdidiwang kaya iwas gastos at iwas pressure.
- Bonggang-bongga kang makakapag-travel at mapupuntahan ang lahat ng gusto mong puntahan na walang kontra at walang guwardiya.
- Hawak mo ang oras mo, period.
- Hindi mo kailangang magpaliwanag sa lahat ng ginawa mo sa buong araw.
- Bonggang-bongga ang oras mong makakasama ang lahat ng kaibigan mo at makakapag-chikahan kayo to the fullest level. Puwede ka ring uminom (kahit hard pa) hanggang gusto mo. Magpakalasing ever ka man, walang pupwersa sa iyong tumigil ka.
- Higit sa lahat, you are free. Parang ibong nakawala at nakalipad at pupuwedeng dumapo kahit saan.
Pagkatapos mong malaman na masaya
nga ang maging single, darating pa rin sa puntong mapag-iisip ka at lahat ng
kasiyahang hatid ng pagiging single ay tila baga panandaliang sasayad sa buhay
mo. Pagkatapos nito, bigla ka na namang mag-e-emote, malulungkot, maiinggit at
biglang iiyak at sasabihing, “Kailan ka darating, nakakapagod palang maging
single!”
Miyerkules, Marso 3, 2010
ALANGANING PAG-ULAN
May ulan na sa disyerto at hindi
lang basta ulan kung hindi tila bagyo na may kulog pang kasama. Nakakaloka!
Dahil walang provision sa mga drainages ang paggawa ng mga kalsada, binaha ang
mga daan.
Hindi mo rin alam kung kailan
talaga uulan. Malaki na ang pagbabago ng panahon. Hindi ko na naranasan ang
tunay na ginaw dahil ang taglamig ay tila normal lang. Kay aga ring uminit ng
panahon. Mas maaga pa sa inaasahang buwan. Ang matindi dito ay ang hindi
inaasahang pagbuhos ng ulan, kasabay ay baha.
Ang pakiramdam ko ay may bagyo
kaninang umaga at tila ba tinatamad akong pumasok. Wala pa naman akong payong.
Tiyak na mababasa ako. Traffic! Matubig sa kalsada, ang mga hindi sementado ay
naglawa.
Patungkol sa:
ARKITEKTURA,
kalikasan,
saloobin
Martes, Marso 2, 2010
SALAMIN, SALAMIN!
“Kung gusto mong malaman ang
kagandahang angkin, sa salamin ikaw ay tumingin."
- Fabulous
Lei
Salamin ang tiyak na hindi
magsisinungaling, kung ikaw naman ay aangal takpan mo ang mata mo at wag na
lang tumingin. Sa totoo lang kapag minsan na alam kong hindi kanaisnais tingnan
ang itsura ko, iniiwasan kong tumngin sa salamin. Baka kasi magsabi ng totoo at
ma-bad trip lang ako. Hahaha!
Minsan nagiging salamin din ang
tao at siyang magsasabi kung ano ang nakikita sa iyo. Pero hindi palaging totoo
ang sinasabi nila dahil sa panagin ng tao ang ganda ay pabago-bago. Sa iba
maaaring maganda ka, sa iba sasabihin wala kang ganda. E, ano naman ngayon at
ano pakialam nila. Ang mahalaga kumportable ka sa kung ano ang nais iparating
ng anyo mo at maayos mong nadadala ang sarili mo.
Hindi sukatan ng kaligayahan ang
gandang panlabas lang na sadyang nakikita ng tao. Higit sa lahat ang
pinakamahalagang bagay na dapat nating isaalang-alang ay kung paano tayo ay
nakikisama at kung ano ang nilalaman ng ating mga puso.
Kung ang salamin ay magsasalita,
marami itong sasabihin at tiyak tatamaan ka at sasabihan ka ng mga sumusunod:
- Bago ka
mamintas ng iba, tingnan mo muna ang sarili mo sa harap ko upang makita mo
kung karapat-dapat talaga ang mga sinasabi mo. Ang dungis mo muna ang
dapat mong punasan bago pansinin ang sa ibang tao.
- Magpakatotoo ka
sa sarili mo. Kung gusto mong sumaya, tanggapin mo muna kung sino at ano
ka talaga.
- Hindi ko
nakikita ang tunay na ganda sa mukha mo. Malay ko ba kung nagkukunwari ka.
Kalooban mo ang higit na mahalaga.
- Matuto kang
ngumiti sa tuwang haharap ka sa akin. Hindi mo na kailangang mag-make-up
pa. Sinasabi ko sa iyo, totoo ito at gawin mo ng todo-todo.
- Maaaring mabasag ako. Ang pinakamadaling kapalit ay ang tunay na kaibigan mo na magsasabi ng totoo. Tandaan ang tunay na kaibigan ay hindi ka ipapahamak. Kung wala siyang pakialam sa nakikita niya sa iyo, mag-isip ka at baka hindi kaibigan ang turang niya sa iyo.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)