Miyerkules, Disyembre 9, 2009

Mga Alaala ng Lumang Pasko : CHRISTMAS CARDS 202



Ewan ko lang kung nakakatanggap pa kayo ng Christmas cards. Iyong talagang pinagpaguran, personal na ginawa o kung hindi man ay nasa porma ng sulat kamay. Nasa isip ko rin na talagang humina na rin ang kita ng mga koreo, mailing centers o post offices saang sulok ng mundo dahil may mga virtual cards na o e-cards. Palasak na ang paggamit ng internet at kahit sa bukid at liblib na lugar ay may mga connections na. Di ba nga’t ang ilang mga gifts ay virtual na lang din dahil sa mga applications lalo na sa Facebook?

Ang sarap ng pakiramdam na makatanggap ng Christmas Cards. Pero walang kasing saya ang magbigay at gumawa ng mga ito. Di ba halos lahat tayo ay gumawa ng Christmas cards gamit ang ating bonggang creativity and craftsmanship? Aminin, yung iba sa inyo ay gumawa pa ng may sunog-effect sa gilid na pinausukan sa kandila o lighter. May mga gumawa rin ng punit-effect on the side na parang nginatngat ng daga! May mga effect din na sinunog na crayola. May mga collages na pinagsama-samang shells, bigas, bubog o kahit pakpak ng kahit anong insekto. Isa ako sa mga gumawa nito. Ha!ha!ha!

Pa-bonggahan talaga ang paggawa ng Christmas card noong nasa elementarya tayo. Kung marami kang nagawa, marami ka ring mapagbibigyan. Hindi ba’t mas inuuna pa nating igawa ang ating mga teachers? Sipsip ang tawag sa mga batang nagbibigay sa teacher nila. Siguro nga sipsip ako dahil mahilig akong magbigay ng Christmas cards sa mga teachers ko at kahit simpleng mensahe lang na nilagyan ng “touch of creativity” ay very proud ko itong binibigay sa kanila.

Ang munting Christmas cards ay gawa sa typewriting o coupon bond (‘yun ang tawag namin noon pag bumibili kami ng tingi sa tindahan, nagbebenta din ang teacher namin ng coupon bond 3 piraso kada singwenta sentimos) kilala na ngayon ang papel na ito sa A4 size. Titiklupin sa gitna at muling titiklupin para maging ¼ size. Sisimulang guhitan at lagyan ng drawing. Lahat may kinalaman sa Pasko. Paborito kong iguhit ang Christmas tree, mabilis lang kasi nga tatsulok lang naman at isang kulay lang. Berde. Lalagyan ng bilog-bilog na kulay pula at dilaw at bubudburan ng glitters. Naalala ko ang glitters na kapag sobra ay inilalagay namin sa aming mukha at iiyak kapag napuwing.

Naalala ko na ang lagi kong inilalagay na mensahe sa loob ng card ay “ May the spirit of your Christmas be a season of hope…”, galing sa commercial advertisement ng HOPE na sigarilyo. Bongga naman ang message di ba? Nawa’y ang diwa ng iyong Pasko ay mapuno ng pag-asa. Ewan ko kung ito ang eksaktong translation pero ang mensahe ay malinaw. Pag-asa.

Christmas Cards. Simbolo ng Pasko. Maging gawa man ng sariling kamay, virtual man o e-cards ay hindi ang eksaktong larawan ng pamamahagi ng tunay na diwa ng Pasko. Ang tunay na diwa nito ay ang pagsasabuhay ng mga mensaheng nakasulat at pang-unawa sa tunay na sitwasyon ng buhay. Masarap alalahanin ang mga nakaraan. Nakakaaliw. Ang higit na mahalaga ay ang pagtutuon natin sa kasalukuyan. Paano natin maipapamahagi sa lahat ang pag-ibig na siyang magbibigay pag-asa? Hanggang sa pagsulat ng mensahe na lang ba?

Martes, Disyembre 8, 2009

Mga Alaala ng Lumang Pasko: PAROL 101



Senti mode. Bigla lang akong nalungkot. Super miss ko ang lumang Pasko, iyong dating Pasko, simple pero masaya. May mga simpleng gawain at simpleng bagay na nakakapagpasaya at nakakataba ng puso. Kuntentong-kuntento ka at hindi nagiging sukatan kung may pera ka ba o wala.

Parol. Super love ko ang paggawa ng Parol (now I call it Christmas Lantern, upgraded na rin ang tawag ko sa simpleng parol) lalo na kung kinakailangan ay ang iyong bonggang creativity. Hanggang sa mga lumang dyaryo o magazine, palay, shells ng tahong at lahat ng klase ng shells at pati na rin ang ipil-ipil na hinahagilap pa sa may bandang ilog at tumana.Takot na takot ako dahil baka habulin ako ng baka. Kaya nga hindi ako nagsusuot ng kulay red, take note “red”, hindi pula! Hindi pa naman ako sanay tumakbo. Takot akong madapa at baka ako masugatan. Ang kaloka lang sa paggawa ng parol ay kung paano simulan ang star na gawa sa kawayan. Buti na lang karpintero ang Lolo ko at mega-support sa kanyang panganay na apo. Mula sa maliit na pako, kawayan at alambre ay makakagawa ng bonggang star para balutan.

Gusto kong gumawa ng buntot ng parol. Si Mommy ang nagturo sa aking gumawa ng palabuntot, mula sa tamang pagtiklop at paggupit ay talagang kinareer ko hanggang maging expert at pati mga kapitbahay ay pinupuntahan ako para lang ipaggupit ng buntot ng parol ang kanilang mga anak. Hindi po kawanggawa ito. “Coke please at pandesal at pork and beans!”, ang aking sambit. Kung minsan pag sinuwerte ay Magnolia Chocolait ang katapat at Tiya Eldie’s banana cue. Bongga sana kung anak na lang nila. Ha!ha!ha!

Naku, nasa elementary pa lang ako ay talaga namang nangareer na sa paggawa ng buntot ng parol. At ang mga batang iginagawa ko hanggang maging high school ay ako pa rin ang talagang hinihintay para ipaggupit sila. Ang mga batang iginagawa ko ng parol, ngayon ay may mga anak na rin. Wish ko lang na kapag nag-aral ang kanilang mga anak ay maigawa rin nila ng bonggang parol.

Ang palabuntot ay karaniwang gawa sa papel de Japon, I call it Japanese paper. Galing kaya talaga ang mga iyon sa Japan? Natanong ko lang.

Mahilig akong gumawa ng central motif na titiklup-tiklupin at gugupitin ng basta lang at pagkatapos pag inihatag na ay bonggang-bonggang masalimoot na hugis ang magagawa mula sa palara ng sigarilyo at kung may budget ay gold foil na available din naman sa ibang kulay na makinang. Puwede na rin ang art paper. Naalala ko tuloy si Mommy na ipinagluluto ako ng gawgaw para gawing pandikit. Ang problema lang, napapanis ito at kailangang ubusin kaagad.

Habang ang iba ay may perang pambili ng parol, ako ay todo-effort sa paggawa ng sarili kong parol. Kakumpetensiya ko pa nga ang aking kapatid dahil siya ay tiyak na ginagawan ni Nanay. Lumaki kasi ako na hindi sila ang aking kasama at mahabang storya ito. Sa ibang pagkakataon na lang.

Gumagawa pa kaya ang mga bata ngayon ng parol? Sanay pa kaya silang gumipit ng palabuntot? Wala akong naturuang gumupit dahil imbiyerna ako kaka-explain sa mga batang tinuruan ko na hindi naman natuto. Nakumpleto na lang silang umasa sa akin noon. Bakit pa nga ba sila gagawa? Ang mga nanay siguro ay wala na ring panahong tulungan ang mga anak at busy sa Farmville, Farmtown, Café world sa Facebook. Ibibili na lang siguro ang mga anak sa Divisoria o kahit saang bangketa. Kapag sosyal si Mommy, dadalin ang anak sa SM at doon na lang ibibili.


Masuwerte bang matatawag ang mga batang hindi natutong gumawa ng parol at ibinili na lang? Ewan, pero wala ng mas sasarap sa mga alaalang dinanas ko noon. Ang lahat pinaghihirapan. Hindi basta lang dumarating. Simple lang ang pangarap ko noong bata ako lalo na kapag sasapit ang Pasko… Ang magkaroon ng bonggang parol para i-display sa school at maging proud sa gawa kong bonggang-bongga! Etchos… May bonggang parol na ba kayo?

Bakit naman ako senti mode? Hindi ko na kasama si Mommy sa paggawa ng palabuntot. Hindi ko na siya personal na makakasama sa mga susunod pang mga Pasko. Kasama na niya si Bro. Ang Lolo ko ay kung ilang taon na rin akong hindi naigawa ng star. Isang dekada na pala!


Huwebes, Disyembre 3, 2009

Kaya mo bang Panatilihin ang Pasko?

Isa itong sanaysay na isinulat ko noong ako ay high school taong 1995.

Ang Pasko ay isang magandang kaugaliang ipinagdiriwang nating mga Filipino. Ang simpleng pagtakda ng pagbabago ng oras at panahon kung kailan pumapayag ang lahat na huminto sa paghahanapbuhay at sama-samang magsaya ay isang kaugaliang matalino at para sa lahat. Tinutulungan ito na madama ng bawat isa ng higit na kahalagahan ng ordinaryong pamumuhay mula sa indibidwal na pamumuhay.

Handa ka bang ibigay ang araw ng Pasko sa mga taong kapus-palad? Handa ka bang ibigay ang kasiyahan sa kanila? Handa ka ba at taos sa iyong puso ang paghahandog ng mga bagay na mas alam mong kailangan ng mga kapatid mong kapus-palad, naghihirap at nagdurusa? Kung gayon kaya mong panatilihin ang Pasko.

Sa mga darating na araw bago ang pagsapit ng Pasko, handa ka bang mag-ukol ng mga panalangin sa iyong mga kaaway?, kaibigan at mga kapatid na naghihirap? Taos ba sa iyo ang pagsasara ng aklat ng mga hinaing laban sa pagtakbo ng mundo at magaganap sa iyong lugar kung saan maaari kang magtanim ng ilang butil ng kasiyahan?

Handa ka bang gawin ang lahat ng ito kahit isang araw man lang? Pumapayag ka ba na ang pag-ibig ang pinakamalakas na bagay sa mundo, mas malakas sa masama at kamatayan? Kung gayon kaya mong panatilihin ang Pasko.

At kung kaya mong gawin ang lahat ng ito sa araw ng Pasko, bakit hindi sa araw-araw?