Pagal na tinig ang aking naririnig
Mula sa iyong mga sabik na bibig
Hirap at dusa’y siyang mong kapiling
Ginhawa sa buhay ang tanging hiling.
Mga inugat na kamay at pudpod na kuko
Pati sugat sa binti at peklat sa ‘yong braso
Ay mapait na alaala ng nakaraan mo
May pag-asang bang naghihintay sa iyo?
Estrella, sa langit ikaw ay tumingala
Damhin ang hangin at pag-ibig ni Bathala
Hindi ka nag-iisa, kami’y iyong kasama
Sa lahat ng iyong daing at pagdurusa.
Tayo ay mga talang isinabog sa langit
Ang iba’y kumikislap, ila’y tila nakapikit
Ngunit ang bawat isa’y may liwanag na hatid
Na nagbibigay sigla sa pusong umiibig.
Sa kandungan nila maaring iba ka
Sa aming paningin ika’y tala sa umaga
Ang iyong pagod ang siyang sandata
Upang marating inaasam na ligaya.
Huwag kumawala sa mga hinaing
May magandang bukas sa iyo ay darating
Kapag nalulumbay sa langit ay tumingin
Masusumpungan mo ang talang maningning.
1 komento:
Masidhi Wallei ang imahen ng mga linya mong:
"Mga inugat na kamay at pudpod na kuko
Pati sugat sa binti at peklat sa ‘yong braso
Ay mapait na alaala ng nakaraan mo"
Mag-post ng isang Komento