Katatanggap ko lang ng balita na si Efren Penaflorida Jr nga ang tinanghal na CNN Hero of the Year. Naging mabunga ang puspusang pagboto online ng lahat ng mga Filipinong nagmalasakit para suportahan ang natatanging bayaning Filipino ng bagong henerasyon.
Dapat kilabutan at dapat lang mahiya ang mga pulitikong sagana lang sa pangako. Puro salita at hindi alam kung paano gumawa. Ang mga pulitikong ang pondo ay galing sa pera nating lahat na winawaldas lang sa halos walang kabuluhang bagay.
Aksyon ang higit na kailangan para matugunan ang malalang sitwasyong kinakaharap ng ating bansa lalo na sa larangan ng edukasyon. Hindi man lang nahiya ang mga palyadong pulitiko at ang mga nagsasabi at nangangakong handang magbigay ng tulong. Nakupo! Nakakahiya talaga! Dinaig pa sila ni Efren, isang simpleng taong ang hangad ay makatulong sa kapwa lalo na sa mga bata sa pagpapaunlad ng kaalaman. Si Efren na di inalintana ang mga sakripisyo maibigay lang ang sarili sa mga batang uhaw sa karunungan.
Muli, ito ay isang bagay na dapat magsilbing inspirasyon sa lahat. Ang mga TRAPO, manhid na ang mga iyan na ang tanging alam ay kung paano makakakuha ng yaman, magpayaman at mangamkam! Ang inspirasyon ay para sa mga taong may puso sa pagtulong na hindi kinakailangan ang pagpasok sa pulitika para lang maisagawa ang mabubuting hangarin.
Sana’y tulad silang lahat ni Efren. Bulok na nga ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas. Hanggang nandiyan sila at patuloy tayong maniniwala sa mga pangako lang, kawawa naman talaga tayo. Saan na lang tayo pupulutin? Paano na ang mga anak natin?
Kung taos sa puso ang iyong pagtulong. Kilos na at gawing inspirasyon si Efren Penaflorida Jr. Bagong bayani, bayaning Filipino! Mabuhay ka Efren! Sana’y katulad ng puso mo ang puso ng mga pulitiko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento