Lunes, Nobyembre 23, 2009

Ang Aking Saloobin Tungkol sa Buhay



Lumipas na ang nakaraan at tapos na ngunit ang ngayon ay magpakailan man. Ang hinaharap ay hindi nakasalalay sa ating mga kamay pero ang hinaharap ay nakasalalay sa ngayon. Isipin mong ang bawat minuto ng iyong buhay ay siya ng katapusan at ito na ang iyong mga nalalabing sandali.

Hayaan mong maranasan na maging masaya at malaya. Iisa lang ang ating buhay. Mabuhay tayong iniisip na tayo ay isang “champion”. Ang bawat isa sa atin ay nandirito sapagkat may dahilan. Gawing ang dahilang ito para maipakita sa mundo kung sino at ano ka.

Hindi ko sinasabi kung paano ka dapat mabuhay. Ang sa akin lang ay kung ano ba ang iyong pakiramdam kung magbabalik-tanaw ka sa mga nagdaang panahon ng iyong buhay. Huwag pagsisihan ang mga bagay na nagawa. Kung sa tingin mo na ito ay tama, gawin mo. Buhay mo iyan hindi buhay ng ibang taong nakapaligid sa iyo.

Gumawa ng mga desisyon na makakapagpaginhawa ng iyong nararamdaman. Huwag hayaang maliitin ka ng iba. Huwag gawing kawawa ang iyong sarili. Huwag kang mabuhay sa lilim ng anino ng ibang tao at lalo sa anino ng kanilang mga pangarap. Magkaroon ng sariling hangarin sa buhay at kung anu man ang pangarap mo ay pagsumikapan mong kumilos ng naaayon. Darating ang panahon para sa iyo.

Linggo, Nobyembre 22, 2009

Sana’y Lahat ng Pulitiko ay Katulad ni Efren


Katatanggap ko lang ng balita na si Efren Penaflorida Jr nga ang tinanghal na CNN Hero of the Year. Naging mabunga ang puspusang pagboto online ng lahat ng mga Filipinong nagmalasakit para suportahan ang natatanging bayaning Filipino ng bagong henerasyon.

Dapat kilabutan at dapat lang mahiya ang mga pulitikong sagana lang sa pangako. Puro salita at hindi alam kung paano gumawa. Ang mga pulitikong ang pondo ay galing sa pera nating lahat na winawaldas lang sa halos walang kabuluhang bagay.

Aksyon ang higit na kailangan para matugunan ang malalang sitwasyong kinakaharap ng ating bansa lalo na sa larangan ng edukasyon. Hindi man lang nahiya ang mga palyadong pulitiko at ang mga nagsasabi at nangangakong handang magbigay ng tulong. Nakupo! Nakakahiya talaga! Dinaig pa sila ni Efren, isang simpleng taong ang hangad ay makatulong sa kapwa lalo na sa mga bata sa pagpapaunlad ng kaalaman. Si Efren na di inalintana ang mga sakripisyo maibigay lang ang sarili sa mga batang uhaw sa karunungan.

Muli, ito ay isang bagay na dapat magsilbing inspirasyon sa lahat. Ang mga TRAPO, manhid na ang mga iyan na ang tanging alam ay kung paano makakakuha ng yaman, magpayaman at mangamkam! Ang inspirasyon ay para sa mga taong may puso sa pagtulong na hindi kinakailangan ang pagpasok sa pulitika para lang maisagawa ang mabubuting hangarin.

Sana’y tulad silang lahat ni Efren. Bulok na nga ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas. Hanggang nandiyan sila at patuloy tayong maniniwala sa mga pangako lang, kawawa naman talaga tayo. Saan na lang tayo pupulutin? Paano na ang mga anak natin?

Kung taos sa puso ang iyong pagtulong. Kilos na at gawing inspirasyon si Efren Penaflorida Jr. Bagong bayani, bayaning Filipino! Mabuhay ka Efren! Sana’y katulad ng puso mo ang puso ng mga pulitiko.

Biyernes, Nobyembre 20, 2009

Ako at ang aking Boto at ang Sayaw ng mga Pulitiko



Habang ang mga pulitiko ay animo mga dancers ng kung anong steps na di maintindihan, sa kanilang papalit-palit na ritmo at galaw… heto ako at nag-iisip kung saan nga ba patungo. Ako bilang isang bahagi ng ating bayan ay nagtatanong ng di basta tanong lang sapagkat ito ay may laman… Saan nga ba at paano?
Si Manong Edu na may ‘papaya dance’ ay sumapi na sa administrasyon para tambalan si Papa Gilbert Teodoro sa pagka-pangalawang pangulo para tapatan ang pumapagaspas sa rating na Noynoy-Mar tandem. At heto na nga si Mareng Loren na mahusay sa pagsabay ng mga steps para maging partner si Daddy Manny Villar. In fairness, mahusay siyang makisabay- I mean si Mareng Loren and definitely one of the bankable partners, laging volunteer. Dating nasa administrasyon na nag-exit para tambalan si Da King late Fernando Poe Jr. Kaya si Ateng Jamby ay nagngingitngit dahil nasasapawan siya ng kanyang sister sa senado. Si Erap ay gagawa na naman ng mga bagong steps ka-partner pa si Binay. Dati ng na-out pero muling magbabalik. Ano na naman kaya ang bagong gimik?
May punto din nga naman itong si Ateng Jamby na walang malinaw na plataporma itong si Mareng Loren dahil nakikisabay lang sa agos ng kung sino, kung saan siya may pagkakataon, go lang ng go. Napakaganda nga naming advocacy ang climate change, napapanahon at kapanapanahon din ang papalit-palit ng sinasanibang partido. Kaloka!
Kung dating sinasabi nilang mala-Rigodon ang nangyayari sa pulitika. Ngayon ay dinadaig pa ang “Nobody-nobody-but-you-steps” at ang mga dating nausong Otso-otso ni Bayani at Spaghetti ng Sexbomb! Tayo naman bilang mga mamamayan ng Pilipinas na siyang mga manonood ay magiliw lang na nakatunganga at nakaantabay lang sa kung sino ang makakakuha ng tropeo. Asus! Kaya nga walang mangyari dahil hindi tayo nagsisikilos at nasisilaw tayo sa kung anong panlabas na mukha mayroon sila. Hindi natin inuunawa ang mga mas higit pang bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin. Sige lang tayo sa pagboto. Kakalungkot naman. Nakakapanglumo.
Ganoon lang naman talaga ang eksena. Paulit-ulit lang at tayo naman nagpapalako rin ng paulit-ulit. Laging nauuto. Madali tayong mabilog ng kung anu-anong naglalabasang publisidad na kung sino nga ang mahusay, kung sino ang magaling at nalilinlang din tayo ng mga paninira ng mga pulitiko sa kapwa pulitiko.
Kung hindi ngayon kailan pa? Gasgas na rin naman itong pananalitang ito. Gasgas na gasgas at laos na laos. Ang tanong natututo ba tayo? O paulit-ulit na lang magpapauto? Ano na ang susunod? Saan tayo pupunta? Saan ba tayo pupulutin? Kawawa naman tayo.
Sana’y may isang bagay na bigla na lang darating. Kaplang! At mababago na ang lahat.
Hindi na muna ako maghihintay ng kung anong himala. Sisiguraduhin kong ang aking boto ay siyang magsisilbing simula ng isang bagong bansa. Sisikapin kong ang aking isip ay magiging fabulosa para naman may pag-asa pa tayong asahan.
Ikaw? Boboto ka ba?