Sabado, Abril 28, 2012

UPUAN : Larawan ni Geri Damian







"Maupo ka sa aking tabi sa mahabang sandali sa isang mapanglaw na lugar na batid ang pareho nating pag-iisa at ang hindi matawarang pagtatagpo. Sabay nating yakapin ang katahimikang dala ng mga payak na pananalita at sa buong araw ay magkahawak-kamay na hihintayin ang pagkislap ng mga bituin sa kalangitan." ~Wallei B. Trinidad




Si Geri Damian ay isang photographer na nakasama at nakilala sa Loyola Beyond Passion Workshop. Isa siya sa mga bumibilang ng mga bituin sa larangan ng potograpiya. Nakatira siya sa Al Ain, United Arab Emirates at tubong Aliaga, Nueva Ecija.



Martes, Abril 24, 2012

Angas Pinoy, Angat Pilipinas! Photo Contest

Ipagyabang na Pilipino ka. Maangas! May ipagyayabang!

Oo, kayo nga ang hinahanap namin sa patimpalak na ito. Kuhanin ang inyong camera at imulat ang mga mata sa kagilagilalas na galing ng bawat isang Pilipino. Iparating mo sa buong mundo na maganda ang Pilipinas at magaling ang Pinoy.

Ang inyong larawan ay dapat na katangi-tangi. Naiiba. Hindi mga larawang nakita na o ang karamihan ay mayroon na. Naniniwala kaming marami pang puwedeng ipakita ang lahat ng mga litratistang Pinoy. Maging kakaiba. Pumitik ng naaayon sa tema. Ipakilala na Pilipino ka, mayaman sa kultura, sa tradisyon at pinapahalagahan ang lahat ng nasa paligid maging tao man ito o bagay.

Ang larawan ay dapat batayan ng isang bansang nagsusulong ng kagandahan at pinagyayaman ang kulturang kinagisnan. Ang bawat pitik na ihahatid ay mga larawang may positibong pananaw sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

Malaya nating buksan ang ating mga mata na maging saksi sa pang-araw-araw na galing ng bawat isang Pilipino. Ang kagalingang ito ay hindi nakikita lamang sa piling panahon kung hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang simpleng pagtutulungan, pagkakapit-kamay at pagbabalikatan ay katunayan ng isang maipagmamalaking kaugalian.

Ilan pa ba sa atin ang nakasaksi sa isang batang nagmamano sa mga katandaan? Ilan pa ba sa atin ang sa watawat ay nagpupugay? Ilan sa atin ang sa kabila ang mga pighating naranasan ay masiglang babangon at parang walang nangyari?

Iba ang angas ng Pinoy! Iniaangat ang sarili sa bawat sitwasyon maging sa pagdurusa man, panganib, kasiyahan at tagumpay. Tayo ang naiibang lahi na hindi sumusuko sa kahit ano pa mang pangyayari. Tayo ang nagsusulong ng positibong pananaw at nangangalaga sa kalayaang malaon ng iniingatan.

Nabuksan na ba ang isip mo kung anong klaseng larawan ang dapat na ipapakita mo? Tandaan, hindi lang mata ang dapat na isama sapagkat sa bawat pitik na nakikita ng mata ay kasabay ng pagpintig ng iyong puso na maipakita sa bawat obrang iyong ginawa ang diwa ng tunay na tema ng patimpalak na ito.

Ano pa ang hinhintay mo?

Your Best Shot V.2
Angas Pinoy, Angat Pilipinas!
Photo Contest


MECHANICS:

Maximum of 3 Entries

Color / Black and White
No watermarks
No borders

DEADLINE:
May 20, 2012


SUBMIT YOUR ENTRIES to this e-mail add 
yourbestshotv2.gmail.com.