PAKIKIBAKA
(Tulang Alay sa mga
Pumanaw na Nakikipaglaban para sa Kalayaan)
Mula sa aming mga mata
Ay batid naming hindi ninyo makikita
At tiyak hindi ito ang inyong kagustuhan
Sapagkat mas higit ninyong pasasalamatan
Ipagpatuloy ang pakikibaka
At pakikipaglaban
Sa hangaring makamtan
Ang tunay na kalayaang
Hinahanap at inaasam ng buong bayan.
Pumanaw kayo't iglap na nawala
Ang inyong hangaring makamtan
Ang pag-asang mapasa-ating mga kamay
Ay dagling nabitawan
Ngunit sa inyong paglisan
Huhugot ng pag-asa
Na ang kalayaan at katarungan
Ay makamit ng madlang bayan
At madiligan kaming nauuhaw.
Ang bawat sigaw na papailanlang
Ay katahimikang batid
Ng aming mga pusong 'di masusugatan
Hindi bibigay sa kalungkutan
Ng inyong paglisan
Kayo ang pintuang sa ami'y magbubukas
Para ipagpatuloy ang sinimulang
Pakikibaka at pag-aalsa
Upang kadilimang hatid ng huwad na laya
Ay maging liwanag sa bawat gunita.
~Wallei Bautista Trinidad
PANAGHOY
(Tula ng Pakikibaka Para sa Paghahanap ng Kalayaan at Katarungan)
Nagsipag-alsa
Laman ng isipang
Ang tanging alam
Ay makibaka
At ipaglaban
Ang kalayaang
Dapat tinatamasa.
Nasaan ang kalayaan?
Ang pag-ibig
Sa lupang tinubuan
Ay ang pakikipaglaban
Sa kalayaang
Hanggang kailan
Dapat asahan
Kailan makakamtan?
Sino ang malaya?
Huwad na layang
Pilit sinusupil
Ang mga aba
Tayo ay alipin
Ng kalakarang liko
Binubusog sa pangako
Na laging napapako.
Ano ang ipinaglalaban?
Nananaghoy ang mga kaluluwa
Na hindi natamasa
Ang hustisyang
Dapat ay sa kanila
Silang mga nagdusa
Para sa pag-asang
Makamtan ang ligaya.
Ano ang kaligayahan?
Mahal na Inang Bayan
Salat sa tunay
Na mukha ng kalayaang
Pilit hinahagilap
Puspusang hinahanap
Lubusang pinapangarap
Ng mga gutom na anak.
Kailan ang katapusan?
Ilang buhay ang mawawala
Ilang obra ang papasok sa gunita
Upang panaghoy
Sa paghanap ng kalayaan
Para sa Inang Bayan
Ay makamtan
At wala ng sisigaw.
~Wallei Bautista Trinidad