May panahon para sa lahat. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay darating ito ng kusa, inaasahan man ngunit hindi kasing saya ng kung ano ang naiisip lang. Mas masaya ang pangyayaring bigla. Nakakatuwa at nakakataba ng puso.
Kung ilang buwan din itong napag-usapan. Salamat sa facebook at nabigyan ng pagkakataong magkausap-usap ang mga matagal ng hindi nagkikita at nagkaroon ng puwang na magkaisa at pag-usapan ang pinananabikang reunion.
At sinumulan na nga ang pagpo-post ng kung anu-ano. Nagkamali pa nga sa pagbilang ng taon at ako ang siyang salarin. Labingpito ang naging bilang ko, labing walo pala. naitama naman sa bandang huli at sa 2012, saktong dalawangpung taon.
Paano tatakbo ang reunion? Sino ba ang mag-aasikaso? Sino ang mamumuno? Paano ang mga gastusin? At heto ang ilan sa mga naging usapan sa thread:
Sa pangunguna ni Wena na matiyagang nangumbinsi para sa mga gustong magbigay ng pledge, nagkaroon ng linaw ang lahat. May pag-asang nakita at mukhang ako na nga ang talagang hinihintay para mabigyang buhay ang inaasam-asam na reunion.