Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pamilya. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pamilya. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Abril 24, 2012

Angas Pinoy, Angat Pilipinas! Photo Contest

Ipagyabang na Pilipino ka. Maangas! May ipagyayabang!

Oo, kayo nga ang hinahanap namin sa patimpalak na ito. Kuhanin ang inyong camera at imulat ang mga mata sa kagilagilalas na galing ng bawat isang Pilipino. Iparating mo sa buong mundo na maganda ang Pilipinas at magaling ang Pinoy.

Ang inyong larawan ay dapat na katangi-tangi. Naiiba. Hindi mga larawang nakita na o ang karamihan ay mayroon na. Naniniwala kaming marami pang puwedeng ipakita ang lahat ng mga litratistang Pinoy. Maging kakaiba. Pumitik ng naaayon sa tema. Ipakilala na Pilipino ka, mayaman sa kultura, sa tradisyon at pinapahalagahan ang lahat ng nasa paligid maging tao man ito o bagay.

Ang larawan ay dapat batayan ng isang bansang nagsusulong ng kagandahan at pinagyayaman ang kulturang kinagisnan. Ang bawat pitik na ihahatid ay mga larawang may positibong pananaw sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng bawat Pilipino.

Malaya nating buksan ang ating mga mata na maging saksi sa pang-araw-araw na galing ng bawat isang Pilipino. Ang kagalingang ito ay hindi nakikita lamang sa piling panahon kung hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang simpleng pagtutulungan, pagkakapit-kamay at pagbabalikatan ay katunayan ng isang maipagmamalaking kaugalian.

Ilan pa ba sa atin ang nakasaksi sa isang batang nagmamano sa mga katandaan? Ilan pa ba sa atin ang sa watawat ay nagpupugay? Ilan sa atin ang sa kabila ang mga pighating naranasan ay masiglang babangon at parang walang nangyari?

Iba ang angas ng Pinoy! Iniaangat ang sarili sa bawat sitwasyon maging sa pagdurusa man, panganib, kasiyahan at tagumpay. Tayo ang naiibang lahi na hindi sumusuko sa kahit ano pa mang pangyayari. Tayo ang nagsusulong ng positibong pananaw at nangangalaga sa kalayaang malaon ng iniingatan.

Nabuksan na ba ang isip mo kung anong klaseng larawan ang dapat na ipapakita mo? Tandaan, hindi lang mata ang dapat na isama sapagkat sa bawat pitik na nakikita ng mata ay kasabay ng pagpintig ng iyong puso na maipakita sa bawat obrang iyong ginawa ang diwa ng tunay na tema ng patimpalak na ito.

Ano pa ang hinhintay mo?

Your Best Shot V.2
Angas Pinoy, Angat Pilipinas!
Photo Contest


MECHANICS:

Maximum of 3 Entries

Color / Black and White
No watermarks
No borders

DEADLINE:
May 20, 2012


SUBMIT YOUR ENTRIES to this e-mail add 
yourbestshotv2.gmail.com.

Martes, Marso 20, 2012

ROWENA DELA CRUZ- FRANCISCO : Matagumpay na Ginang ng OFW 2012

Congratulations to Mrs. Rowena Dela Cruz-Francisco of Pulo, San Rafael, Bulacan for being the recipient of this year's Matagumpay na Ginang ng OFW (Outstanding Wife of an Overseas Filipino Worker).

In line with the celebration of Women’s Month, Bulacan Governor Wilhelmino M. Sy Alvarado recognized Tuesday morning the outstanding contributions of “Bulakeña” women through the “Gawad Medalyang Ginto” awards ceremonies.

“This program aims to acknowledge and give due recognition to the important contributions and worthy achievement of the women of Bulacan. We also hope that this will serve as an inspiration to our young generation of Bulakeña women to continue to mark a difference in their own chosen fields,” said Alvarado.
Before the formal awarding ceremony, the governor called on the podium Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima, who was the occasion’s honored guest and speaker under the theme, “Bulakeña: Kayang-kaya Kung Sama-sama.”
De Lima discussed women’s rights issues and gave her congratulations to the awardees.
Vice Governor Daniel R. Fernando said the awards were given under sectoral categories such as “Matagumpay na Babaeng Makakalikasan (Outstanding Woman Environmentalist),” “Matagumpay na Ginang ng OFW (Outstanding Wife of an Overseas Filipino Worker),” “Matagumpay na Babaeng Mangangalakal (Outstanding Woman Trader), and Matagumpay na KPK.
The “Medalyang Ginto (Gold Medal)” was awarded to the “Natatanging Babae (Outstanding Woman of Bulacan)” who received a cash prize of P10,000 and the “Natatanging Samahang Pangkakabaihan (Outstanding Women’s Organization)” that received a P20,000 prize, he said. 
Read story here

Miyerkules, Marso 7, 2012

I-ENJOY ANG TRIP


ni Wallei Bautista Trinidad


Ang pangit naman yata na kung kailan tuyot ka na saka ka mag-eenjoy. Marami namang paraan para mag-enjoy o i-enjoy ang buhay natin. Bagamat may mga tensyong bumabagabag sa atin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa pamilya at maging sa lipunan, hindi natin dapat malimutan na sa paraang gusto natin ay maaari tayong maging masaya.

1. Yung gusto mong gawin, gawin mo na ngayon pa lang. Hindi naman ibig sabihin na lahat ng ikikilos mo ay kaakibat ng paggastos o pag-aaksaya ng salapi.

2. Minsan sa pag-iisip ng kung ano ang mangyayari sa atin sa kinabukasan, nakakalimutan nating harapin ang kung ano mayroon ngayon and we end up wasted sa isang araw na wala man lang nagawa para maaliw tayo.

3. Natatawa lang ako sa pag-uusap naming magkapatid sabi ko kung ano ang hiling nila Nanay at Tatay, ibigay na ng bonggang-bongga basta naayon lang sa kakayanan. Usually, our parents demand for some things na maliligayahan sila. Ibigay agad. Hihintayin mo pa bang mawala sila saka ka gagasta? Kung bet ni Nanay ng angry birds, bilin! Kung bet ni Tatay ng popcorn, gora! Masayang ibigay ang hilig nila basta't kaya.

4. Kung may nagkagusto sa iyo, give him a chance. Huwag ng hintayin pang maging ugat foundation member ka saka mo pagsisisihan ang pagkawala niya.

5. Kung feel mong maligo ng gatas, gawin mo basta huwag kalimutang magbanlaw at baka langgamin ka o ipisin pa.

Endless ang mga bagay na puwedeng gawin. kanya-kanyang diskarte, kanya-kanyang trip. Ang nakakaloka lang kapag may trip kang di naman trip ng iba, i-tsi-tsismis ka pa, pag-uusapan at para bang may nagawa kang kasalanan, Walang masamang maging masaya at gumawa ng ikasisiya basta walang batas na sinusuway at makakasakit sa damdamin ng iba. 



Ang buhay ay trip-trip lang.

Linggo, Nobyembre 20, 2011

MABABAW ANG GABI



Paikot-ikot
Sa isang tabi
Biling-baliktad ang gawa
Habang nilalakbay
Ng diwa
At hinahapyawan
Ang mga kuwentong
Sa isip ay naglalaro
Sabog ang tunog
Ng Am band sa radio
Gamit ang internet
Na sinasabay pa
Mga tugtuging pamasko.
Minsang di marinig
Kung ano ang tunog
Sapagkat abala
Ang kabilang daloy
Ng isip sa pagtatanto
Ng mga bagay-bagay.
Pamilya.
Buhay.
Puso.
Gawa.
Sakit.
Tamis.
Pait.
Pagod.
Saya.
Bibiling muli
Biglang tatayo
Papasok pa sa toilet
Pipiliting umihi
Kahit walang laman
Ang pantog.
Pipiliting muli ay humiga
Babaliktad
Bibiling
Ang lalim ng gabi
Naging mababaw
Umaga na
At puyat na naman. –Wallei Trinidad 20Nob2011

Lunes, Pebrero 14, 2011

MY FAMILY THEN AND NOW: A BLOG OF LOVE

Family Perfecting the Imperfections
Yes, this is my family. A picture taken some 8 years ago and the latest one which was captured last Christmas (2010). Same backdrop, the curtain is just the same. It was just modified by Nanay by her creativity and resourcefulness. Same sofa, same intensity of smiles. My brother is unchanged, you won’t be seeing him smiling in the pic because he’s not gay like me! Children added. Family of 5 becomes a family of 10 members. My sister got married in 2004 and had REINAZIA MARIZ.  Marlon got Jobel and had two beautiful daughters, AZALEIA and ANEZCKA. Tatay became bald, that was just his choice of haircut. His hair a bit lesser. Nanay is still fresh,  still laughing at her best. Aizan is much prettier now. Science makes wonder! Hahaha... and me, still wearing the same smile, fabulous as ever, single and happy.

Miyerkules, Agosto 18, 2010

TEN RANDOM MEMORIES WITH MY SISTER

Ako at ang aking mahal na kapatid. Magkasama
sa lahat ng oras. Sa saya, sa tuwa, sa dalamhati at
sa pighati.

Thirty years! Grabe, trenta sarado na ang aking mahal na kapatid, sister, sisbumba, sisteraka, shufatid, aking PA, Accountant, Auditor, tagapag-asikaso sa lahat, tagapagtago ng sikreto at minsan tagapag-buko, taga-booking din kung minsan, kasama sa lahat ng kalurquey-an, kabalitaan, kabalitaktakan, minsan naging magkaaway? kahati sa pag-ibig? Oo, si Marisan Bautista Trinidad-Dultra, ina ni Reinazia.


1. WEEKEND CHIKA. Noong elementary kami, dahil magkaiba kami ng tirahan (kay Mommy ako nakatira) tuwing biyernes ng gabi ay pumupunta na ako sa kanila at doon matutulog. Simula ng umaatikabong kuwentuhan tungkol sa mga sikreto na kadalasan ay tungkol sa mga crushes. Siyempre kilala ko ang crush niya at her age of 7, kumekerengkeng na ang hitad!

2. FASHION SHOW. Kung may weekend chika kami, may weekend fashion show din. Siyempre kaming dalawa lang ang nakakaalam at baka ma-ombag ako ni Nanay kapag nalamang isinusuot ko ang kanyang mga hig-heeled shoes at mga floral bestida. Buti na lang ang sis ko, ang husay magtago ng sikreto.
 
 
 
3. ASSIGNMENTS AT PROJECTS. Siyempre, di ako papayag na hindi bongga ang project ng aking kapatid kaya kuntodo suporta ako sa paggawa ng kanyang mga assignments at projects sa school.

4. FIRST DAY SA SAINT PAUL. Nasigawan ko siya at pinagalitan dahil lagi wala sa sarili. Iwanan daw ba ang neck tie na part ng kanyang school uniform? Kandagalaiti ako siyempre. Nakakaawa kasi lagi ko na lang siyang nasisigawan. Huhuhu!

5. RECOGNITION DAY 1996. Sabay kaming umakyat sa stage at sabay kaming sinabitan ni Nanay ng medalya. Siyempre ako ang first place at second siya. Paligsahan sa paggawa ng tula sa Saint Paul. O, di ba?

6. FIRST MOBILE PHONE. Mas nauna siyang nagkaroon ng mobile phone sa akin. College pa kami noon. Saludo ako sa kapatid ko pagdating sa pera. Masinop. Matipid. Ibang klase. Kaya naman nagkaroon ng cellphone na nabili niya ng second hand. Nokia 5110. Bongga na iyon that time. Buti naman at nagamit ko dahil ipinahiram niya sa akin.




7. DEBUT, 18th Birthday. Siyempre, kinareer ko ang paghohost at pag-aasikaso ng lahat. Nakaraos naman kami ng maayos at nag-enjoy ang madla.

8. BOOKING. Bago ako pumunta ng India, tiniyak niyang magkita kami ni _____ at naging maayos naman ang lahat. Mahusay mag-book ang kapatid ko. Sana siya rin ang maging dahilan ng pagbabalikan namin. Hahaha!

9. KASAL. Ako ang nagpursiging ikasal siya sa madaliang panahon. Gusto kong masaksihan ang kasal ng aking mahal na kapatid. Ako ang naging punong abala sa lahat. Invitaion, give-aways, damit ng mga abay, damit niya. Lakad dito, takbo roon. Natapos naman ng maayos at ilang araw lang ang lumipas at ako ay umalis na ng ‘Pinas.
 

10. AIRPORT. Siya ang laging sumusundo sa akin, si Kuya One ang driver at kasama si Jobie. Ma-drama ang huling pagsundo niya sa akin dahil sa isang yakap pa lang niya ay naramdaman ko na kung ano ang ibig niyang sabihin….

Taong 2001 ng kami ay magkasabay na makapagtapos
ng Kolehiyo. Cum Laude po ang kapatid ko. Kinabog ako.

New Year 2005

Linggo, Agosto 8, 2010

BUKAS NA LIHAM PARA SA IKA-66 KAARAWAN NI MOMMY

Dear Mommy,

Alam kong nasa tabi lang kita habang sinusulat ko ito. Happy Birthday! 66 ka na. Hindi mo na nahintay ang dapat mas malaking selebrasyon ng iyong ika-70, ika-80 kaarawan. Dagli mo na akong iniwan ng iyong pisikal na katawan. Pero nais kong malaman mo na ang mga binuo nating pangarap, ang mga pangarap mo para sa atin ay sisikapin kong maabot. Alam ko kung paano mo ako ipinagdadasal kaya nga nakarating ako sa kung saan man ako naririto ngayon.

Mahal na mahal kita, Mommy! Lubos kong ipinagpapasalamat sa Dakilang Lumikha sa pagbibigay niya sa akin ng katulad mo na naging pinakamalaking porsiyento ng aking pagkatao. Salamat din kay Nanay at Tatay dahil ikaw ang siyang napili nila na maging tagapag-alaga ko sa aking paglaki at naghubog ng buo kong pagkatao.

Lagi nila akong tinutuksong ampon. Alam ko naman na hindi ikaw ang siyang nagluwal sa akin ngunit ang tanging alam ko at ang siyang laman ng puso ko, ikaw ang tunay kong Ina at mas hinigitan mo pa.

Sobra-sobra, at labis-labis ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin at boong buhay mo ay ibinigay mo para mabigyan ako ng mga bagay sa abot ng iyong kakayahan. Alam ko ang hirap na dinanas mo sa mundo at alam ko kung paano ko masusuklian ang bawat paghihirap ng dahil sa akin.

Alam ko kung gaano ka kasabik sa tuwing ibibili mo ako ng damit kasabay rin ng pagbili mo ng iyong isusuot sa taun-taong recognition day. Kasabikang dulot ng kaligayahan sa pagbubunga ng bawat pagkuskos mo ng labahin ng iba, pamamalantsa at lahat ng klaseng pagkakakitaan upang may maibigay kang baon sa akin at ng ako ay makapag-aral.

Hindi mo ako pinabayaang magutom. Ang isusubo mo, ibibigay mo pa sa akin. Lahat-lahat ng gusto mo ay nakalaan para sa akin at sa kinabukasang ating hinihintay. Ang tanging kapalit na hinihingi mo para sa akin ay ang magpakabait ako (kahit minsan ay nakukuha pa kitang sagutin) at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Hindi lingid sa aking kaalaman kung paano mo ako ipinagmamalaki at ikinukuwento sa ibang tao. Proud na proud kang maging anak mo ako at napalaki mo ako ng ganito. Wala akong sinuway sa kagustuhan mo Mommy at alam mong ang lahat ng ginusto ko para sa buhay at kinabukasan ko ay para sa atin.

Tandang-tanda ko ang linyang sinabi mo noon, “Igagapang kita para makatapos ka ng pag-aaral.” Literal mo itong ginawa at alam ko kung paano ang bawat pagod na iyong nararamdaman ay dinadaan mo na lang sa bawat paghalakhak at pagtawa sa tuwing tayo ay nag-uusap. Batid ko ang kakapusan natin sa pera ngunit hindi ito naging sagabal upang mabuhay tayo ng maayos at mairaos ang ating pang-araw-araw na kalbaryo ng buhay. Kapag angkakasakit ka, hindi ka na lang kumikibo at tinitiis mo ang lahat ng nararamdaman para huwag akong mag-intindi sa iyong kalagayan.

Ikaw Mommy ang pinakamasipag na taong nakilala ko at walang kapaguran. Nakukuha mo pang tulungan ang ibang tao ng hindi nagrereklamo. Sa mata ko at sa matan ng nakakakilala sa iyo ay bayani kang totoo.


Happy Birthday Mommy! Ang dami ko sanang ikukuwento. Pero advance ka na nga ngayon. Alam mo lahat ng ginagawa ko dahil kasama kita saan man ako magpunta. Mahal na mahal kita, Mommy at lahat ng ginagawa ko ay ikaw ang inspirasyon ko.

Ang laging nagpapakatino mong anak,



Wallei


Lunes, Mayo 24, 2010

BONGGANG TULA PARA KAY NANAY

Mga larawang kuha ni Maan Trinidad-Amigleo


Sangkaterbang gawain
Paglalaba…
Pamamalantsa…
Pati pagtitinda…
Nag-eskoba, nagluto at nanahi pa,
Binihisan mo kami ng bongang-bongga!
Duktora ka kapag kami ay may sakit
Kahit masama ang timpla’y niyayakap mo kaming pilit
Isa ka ring guro sa tuwing sasapit ang gabi
Walang alinlangang mahal na mahal mo kami
Alam kong lahat kung ano ang iyong pinasok
Lahat ay ginawa ng buhay ay mairaos
Tinda dito, alok doon, lakad dito, sadsad doon
May pagkain sa hapag, sa eskuwela’y may baon.
Huwag mangunsumi sa kung ano kami ngayon
Ang mahalaga’y masaya ka
Sama-sama tayo boong panahon…

Maligayang Kaarawan Nanay!

Larawang kuha ni Maan Trinidad-Amigleo

Lunes, Mayo 10, 2010

MGA FABULOZANG PAALALA NI MOMMY AT NI NANAY



Ang suwerte ko. Lumaki akong dalawa ang nanay. Si Mommy, hindi man pisikal kong kasama, alam kong nakabantay lang sa tabi ko at nakasubaybay at sa bawat desisyon ko sa buhay, sa bawat katanungang babagabag sa isipan ko, magpaparamdam o hindi kaya kakausapin ako sa panaginip. Si Nanay, nag-uusap naman kami. Mahina nga lang ang pandinig minsan at tuwing nag-uusap kami sa telepono para kaming nagsisigawan. Normal lang iyon. Ganoon lang talaga kami. Dala ko hanggang ngayon ang malakas na boses at parang galit kahit hindi. Sa mga hindi nakakakilala sa akin, malamang nasuntok na ako o kaya ay nasabuyan ng tubig.

Mother’s day ngayon. Nag-isip ako kung ano ang isusulat ko. Ang daming nagsalisalimuot sa utak ko. Nalito. Sa mga pinakahuling sandali, heto na nga nagsusulat na at paninindigan kong hindi mag-drama. Lagi na lang bang drama? Kapagod maging artista sa sariling mundo. Emote dito, emote doon. Para naman maiba, iisa-isahin ko na lang ang mga paalala ni Mommy at ni Nanay habang lumalaki ako.



Si Mommy at ako. Mga alaala naming dalawa.

Si Mommy, kahit noong nagtatrabaho na ako lagi akong sinasabihan na MAGPAKATINO RAW AKO. Siguro ramdam naman talaga niyang may tama ako sa utak at madalas sinusumpong. Ang isasagot ko, “Luka-luka ba ako Mommy?”

Mga natatandaan kong madalas sabihin ni Mommy:

HUWAG KANG MAGPAPALOKO kung kani-kanino. HUWAG KA NGANG MAGASTOS dahil hindi pinupulot ang pera. NANGINGINTAB ANG MUKHA, LAGYAN MO NG PULBOS. LAGI KANG MAGDASAL. HUWAG KANG BURARA. Huwag nakikita lang ang dapat mong linisin dapat yung sulok-sulok. KUMAIN KA NG GULAY HINDI PURO KARNE. HUWAG KANG PIHIKAN SA PAGKAIN hindi tayo mayaman. MAG-ARAL KANG MABUTI. HUWAG MONG SINASAGOT  ang daddy mo. HINDI BALING MATAKAW, HUWAG LANG MAYABANG.


Paano ko sinunod ang mga pangaral ni Mommy:

Hindi ako nagpapaloko. Magastos lang ako sa mga lotion at pamahid sa mukha. Minsan pagkain din. Hindi ako nagpupulbos Mommy, foundation pwede pa! Hahaha! Umaga, tanghali, gabi… parati akong nagdadasal. Tinatamad lang ako minsan. Hindi naman ako ganoon kadumi. Ayoko na ng sulok para wala na akong linisin. Hahaha! Nirayuma na nga ako. Mahilig na ako sa gulay ngayon! Yehey! Lahat kinakain ko, kahit tira lang. Hehehe. Nag-aral akong mabuti. Hindi ko na sinasagot si Daddy, mabait na kasi siya ngayon. Matakaw ako. Hehehe.


Bonding with Nanay.


Mga pangaral ni Nanay:

HUWAG KAYONG MAG-AWAY na magkakapatid. MAHALIN MO MOMMY MO. Kayu-kayo lang ang magmamahalan. PAGPASENSYAHAN N’YO NA SI MARLON, kayo naman ang matanda. KAKAUSAPIN MO ‘YUNG TATAY MO. Akala mo lang di ka niya mahal pero proud iyon sa iyo. HUWAG TIPIRIN ANG SARILI SA PAGKAIN. MAGPAKALALAKI KA!

Paano ko sinunod ang pangaral ni nanay:

Hindi kami nag-aaway na magkakapatid. Minsan lang, mga larong away. Walang seryosong awayan. Alam ni Nanay na mas higit kong minahal si Mommy. Sobra-sobra. Oo, pinagpasensiyahan nga namin si Marlon. Tuloy, spoiled at naging pasaway! Kaloka. Ano naman sasabihin ko kay Tatay? Hindi naman ako nagtitipid sa pagkain. Mas marami nga lang akong binibiling pamahid kumpara sa pagkain. Hehehe. Ano raw? Gawin ba akong maton?



Sabado, Marso 27, 2010

WALANG KAMATAYANG SINAMPALUKANG MANOK

Kung ilang beses na akong nag-post ng tungkol sa sinampalukang manok at kung ilang version na rin ang nagawa ko nito. Wala pa ring papantay sa sinampalukang manok na orihinal na niluluto ni Mommy, ni Inang, ni Nanay o ng kapatid ko. Sinampalukang may natural na usbong na sampalok. Naalala ko tuloy dati kapag magluluto kami nito ay ako ang nauutusang manguha ng usbong sa kapitbahay dala ang tabo upang paglagyan. Ang paasim ay natural na usbong at bunga. Wala ng mas sasarap pa sa sinampalukang manok na Tagalog. Ang sarap-sarap higupin ng sabaw at kadalasan ito ang binabaon namin kapag may picnic sa ilog. Natatandaan ko rin na si Mommy kapag nagpatay ng manok ay patutuluin ang dugo sa bigas at kasama itong isasahog sa sinampalukan. Unahan pa nga kami minsang kainin ang atay at balun-balunan.

Sa panahong lahat dapat ay mabilisan, kapag gusto ko ng maasim na sabaw maliban sa sinigang na isda at baboy, sinampalukang manok na version ko ang aking palaging inihahanda. Mabilis lang kasing iluto at puwedeng sahugan ng gulay batay sa sariling kagustuhan.

Heto ang link para sa mga nais magkaroon ng recipe. Happy cooking!

Martes, Marso 16, 2010

SANGA-SANGANG ISIP, LIKO-LIKONG DIREKSIYON



Sa tuwing nakakakita ako ng puno, sanga ang lagi kong napagmamasdan. Kung ilang beses na rin akong kumuha ng larawan ng mga puno. Iba talaga ang dating sa akin. Hitik sa drama at aliw na aliw ako na ito ay pagmasdan. Parang buhay ng tao. Katulad ng buhay ko. Sanga-sangang pag-iisip na kung saan-saan napupunta. Hindi lubos mawari kung ano ang gusto sa buhay. Pabago-bago. Minsang maliko at minsa’y maging diretso.

Ganyan nga talaga ang buhay. Madrama, parang telenobelang kaydaming nag-aabang kung ano ang mga susunod na kabanata. Ang dami-dami kong gustong gawin. Napakaraming dapat na gawin na ang ilan ay hindi nasimulan, may nasimulan ma’y hindi naman natapos. Naliliko kasi minsan at parang bulang bigla na lang nawawala.

Pero hindi ba’t para itong isang pakikipaglaban sa hamon na dala nito araw-araw? Kung saan may alon ay doon sasama at kung saan banayad ang pagdaloy, doon hihinto. Muli ay mag-iisip at bigla-bigla, nabago na pala ang lahat.

Isa sa mga natutunan ko sa pakikipangtunggali sa buhay ay ang hindi pagkukumpara ng sarili sa iba. Kung nabuhay kang lagi na lang ikinukumpara ang sarili sa mga taong nakapaligid sa iyo, magtatapos ito sa iyong pagkatalo. Pagkatalo mo dahil pilit kang kakainin ng inggit sa puso mo at hindi ka kailanman magiging payapa at ang kaligayahang hinahangad mo sa buhay ay parang kay hirap abutin.

Ang buhay ay hindi nga pala tungkol sa pagpaparami ng mga bagay o paghahangad ng kayamanang materyal. Akala ko noon, ang buhay ay may sinusunod na pamantayan na dapat maging mayaman ka paglaki mo, may sasakyan ka, may bahay ka. Kaya naman ako ay kandarapang gawin ang lahat para masunod ang akala kong gabay sa paghahanap ng tunay na kaligayahan.

Habang ang edad ko ay nadadagdagan, doon ko napagtatanto na ang buhay ay hindi naman talaga nakabatay sa pagpaparami ng kayamanan o pag-iipon ng salapi para ipamukha sa mga taong mayaman ka nga. Wala akong yamang materyal, ang yaman ko ay nasa puso ko at kitang-kita ninyo. Kaya ang inaatupag ko ngayon ay magsabog ng kaligayahan sa mga taong nakapaligid sa akin. Magmahal, magbahagi at maging payapa ang kalooban. Ngumiti, humalakhak at bonggang-bonggang dalhin ang sarili ng walang ibang sinasaktan.

Hindi kami pinalaki ng aming mga magulang na maging mayabang. Sabi nga ni Nanay, hindi baling matakaw, huwag lang mayabang! Wala naman talagang ipagyayabang maliban sa heto kami at buhay at nakukuhang ngumiti sa araw-araw. May pagkain kapag nagugutom, may gamot kapag nagkakasakit, may tubig kapag nauuhaw.

Bakit ko nga ba ipipilit ang sarili kong magkaroon ng lahat kung wala naman talaga? Ang direksiyon kong dating nais patunguhan ay tila naiba na naman. Sisiguraduhin kong ang direksiyong pipiliin ko ay ang daan patungo sa pagiging payapa ng aking puso. Walang pait, walang inggit, walang pagkukumpara… direksiyon kung saan may pag-ibig, may ngiti kasama ang mga mahal sa buhay lalo na ang pamilya at mga tunay na kaibigan.

Sabado, Marso 13, 2010

NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING



Para sa isang kaibigang nagmamahal at naghihintay…

Mga matatayog na pader ang tila hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko, isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.

Labis ang aking pagtatakang sa pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.

Hindi kita araw-araw na nakikita at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na kalagayan ng pamilyang mayroon ako.

Sa tuwing nakikita kita, iba ang siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita natatanaw.

Kaybilis lumipas ng mga araw at unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.

Sapat na ang mga narinig ko. Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.

Nais kong ipabatid sa iyo na buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.

Linggo, Pebrero 21, 2010

KUWENTO NG LARUAN, LARO, PAGLALARO AT MGA NILARO NAMIN PARANG KAILAN LANG



May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…

Sabado, Pebrero 20, 2010

DAPIT HAPON



Ang buhay ay parang araw na sisikat at lulubog din pagdating ng oras. Ang dramang hatid nito ay nagbibigay sigla sa pusong nalulumbay at naghahanap ng kapayapaan. Sa pagsapit ng bukang liwayway, ang araw ay isang malaking ilaw na nagsasabog ng liwanag sa sangkatauhan at binibigyang tanglaw ang madidilim na daan. Sa paglubog nito ay pilit na ikukubli ang anumang bagay maging maganda man o hindi kaakit-akit sa paningin. Itinatago ang anumang tanawin na hindi masasaklaw ng ating mga mata.

Katulad ng buhay, kaparis nating lahat na isinilang sa mundo, tayo ay tila bagang isang araw na magbibigay liwanag sa taong nakapaligid sa atin. Liwanag at init ang hatid na hindi nakakasilaw, hindi nakakapaso at pilit bibibigyang sigla ang mga pusong uhaw sa pagmamahal.

Tayo ang araw na kahit tag-ulan ay nagpupumilit sumikat upang ihatid ang kaligayahan sa mga kaluluwang nalulumbay. Kapag dapit hapon, tayo ang araw na kasabay na huhupa at lulubog na aalalay sa mga huling sandali ng buhay.

Sa pagsapit ng aking dapit hapon, napag-isip-isip kong sisikat kaya muli ang araw sa akin? Makakasumpong pa kaya ako ng bukang liwayway at maiinitan sa tanghaling tapat?

Kung tayo ay tulad ng araw, ang pinakamalungkot na parte nito ay ang dapit hapon na kakain sa liwanag ng buhay. Pupuspusin ng dilim ang buhay na minsan nang nagliwanag at nakasumpong ng ilaw.

Ngunit sa dapit hapon natin nakikita ang kapayapaan ng ating mga sarili. Isang payapang sandali na nagbibigay ng pagkakataong balikan ang buong araw at magbalik-tanaw sa mga pangayayari ng nakaraan.

Ang aking dapit hapon ay tila bagang parating na at pilit kong paghahandaan. Isang sandaling abot tanaw ko na. Bago ang pagdating nito, sisikapin kong sa tanghaling tapat ay isasabog ko ang init ng aking pagmamahal sa lahat ng taong nakapaligid sa akin, nakakapaso ngunit kayang tiisin, nag-aalab na parang apoy at mag-iiwan ng marka sa mga napasong kaluluwa.

Lunes, Pebrero 15, 2010

PAGPAPANATILI NG ARAW NG MGA PUSO



Valentine’s Day. Heart’s Day. Araw ng mga Puso. Bulaklak. Pula. Stuffed toys. Chocolate cake. Regalo. Lahat ng ito ay pawang mga simbolong may kinalaman sa ikalabing-apat ng Pebrero. Kinalakihan ko na ang mga ganitong klaseng pagdiriwang sa araw na ito. Naisip ko lang puwede bang panatalihin natin ang diwa nito araw-araw?

Ang araw na ito ay isa ng kaugaliang halos ginagawa ng lahat ng magkasintahan. Isang pagtatakda ng oras at panahon kung saan ang bawat magkasintahan ay nagsasama, nagdiriwang at kumakain kung saan. May mga regalo pa. Parang Pasko. Tinutulungan nitong madama kung gaano kahalaga ang pag-iibigan ng isa’t isa.

Ngayon, kung nagagawa mo ito sa kasintahan mo, bakit hindi mo gawin sa buong pamilya mo? O lahat ng taong nakapaligid sa iyo? Tandaan na hindi lang laging materyal na bagay ang kailangang ibigay para sa kasiyahan ng mga mahal mo sa buhay. Handa ka ba at taos sa iyong puso ang paghahandog ng simpleng panahon para sa taong nalulungkot at nangangailangan ng kalinga at pagmamahal? Puwede mo na ngang panatilihin ang araw ng mga puso kung gayon.

Sa araw-araw kahit hindi ikalabing-apat ng Pebrero, handa ka bang mag-ukol ng panalangin sa iyong mga kaaway at mga taong kinaiinisan mo? Kaya mo kayang baguhin ang takbo ng iyong utak at iwaglit ang galit sa iyong mga puso? Iwasan ang inggit at iwasang ikumpara ang sarili sa iba?
Pumapayag ka ba na ang pag-ibig ang pinakamalakas na bagay sa mundo, mas malakas sa masama at kamatayan? Puwede mo bang gawin ang lahat ng ito araw-araw?

Kung magagawa mo ito, sinasabi ko ikaw na ang isa sa mga pinakamasayang tao sa mundo! Gusto ko ring subukan. Hindi ko pa nagagawa. Tara sabay tayo!

Martes, Pebrero 9, 2010

FGM: FABULOZANG GINISANG MUNGGO


Ito ang version ko ng ginisang munggo. Simpleng recipe. Simpleng preparasyon. Walang sukat-sukat at MSG free. Masustansya, malinamnam at higit sa lahat fabuloza!

Mga sangkap:

Mongo beans na nailaga na at nilinggis (250 grams)
Baboy na hiniwa ayon sa kagustuhan
Hipon, kahit ilang piraso lang
Isang puso ng bawang na pinitpit
Tatlong pirasong sibuyas na hiniwa ng maliliit
Tatlong hindi kalakihang kamatis at hinati-hati
Asin para magkalasa
Patis kung gusto pero magbibigay ito ng kakaibang lasa
Spinach o alugbati ayon sa dami ng munggo mo
Siling berde para sa kakaibang anghang

Paraan ng pagluluto:

Ngumiti ka muna at kalimutang pasan ang daigdig. Tandaang ang pagkaing niluto ng may pagmamahal ang siyang nagpapasarap sa anumang lutuin.

Maglagay ng mantika sa lutuan at igisa ang baboy at hayaang mamula at lumabas ang sariling mantika nito. Ilagay ang bawang, isunod ang sibuyas. Ilagay ang kamatis. Igisa kasama ang hipon. Kapag namula na ang hipon ay ihulog na ang nilagang munggo. Maglagay ng kaunting tubig ayon sa dami ng iluluto. Pakuluin at ilagay ang sili. Kung nais dagdagan ang alat, lagyan ng patis ayon sa panlasa. Tikman paminsan-minsan at kung sa tantiya mo ay okay na, itambog ang gulay. Hinaan ang apoy. Don’t overcooked. Maluluto rin ang gulay sa init nito. Takpang mabuti. Luto na ang munggo.

Masarap kumain ng munggo kung may kaparehang piniritong isda lalo na kung sariwang galunggong. Huwag kalimutang magsaing. Bumili ng saging. Kumain ng sabay-sabay.

Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy