Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mommy. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mommy. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Disyembre 14, 2010

SI MOMMY ROSE AT ANG KANYANG MGA KAYAMANANG NAKATAGO



Noong huling bisita ko kay Mommy Rose, binuksan niyang muli ang kanyang mga kayamanang pinakaiingat-ingatan, mga sulat at kapirasong mensaheng maingat niyang itinatago. Marami dito ay galing sa akin noong kapanahunan ko ng college, di masyadong uso ang text dahil wala akong cellphone at mahal pa ang bayad sa internet. Nakakatuwang pagmasdan ang mga nakasulat. Sweet pala ako! Hahaha! Ito yung dalawang sulat na ibinigay ko kay Mommy Rose noong 2000 at 2010. Si Mommy Rose ang aking land lady na nagturing sa akin bilang kanyang anak. Masarap makipagkuwentuhan sa kanya dahil para akong nakakarating sa kanyang panahon.

Mahilig akong magsulat. Mahilig gumawa ng mga simple notes sa kahit anong kapirasong papel. Ito ang aking old version ng text messages at wall post ng facebook. Masarap makatanggap ng sulat na pinaghirapan dahil damang-dama mo ang pagmamahal. Nakatago lahat ang mga mensahe at sulat kong natanggap simula ng ako ay Grade five. Kayo mahlig din bang magsulat?

Linggo, Agosto 8, 2010

BUKAS NA LIHAM PARA SA IKA-66 KAARAWAN NI MOMMY

Dear Mommy,

Alam kong nasa tabi lang kita habang sinusulat ko ito. Happy Birthday! 66 ka na. Hindi mo na nahintay ang dapat mas malaking selebrasyon ng iyong ika-70, ika-80 kaarawan. Dagli mo na akong iniwan ng iyong pisikal na katawan. Pero nais kong malaman mo na ang mga binuo nating pangarap, ang mga pangarap mo para sa atin ay sisikapin kong maabot. Alam ko kung paano mo ako ipinagdadasal kaya nga nakarating ako sa kung saan man ako naririto ngayon.

Mahal na mahal kita, Mommy! Lubos kong ipinagpapasalamat sa Dakilang Lumikha sa pagbibigay niya sa akin ng katulad mo na naging pinakamalaking porsiyento ng aking pagkatao. Salamat din kay Nanay at Tatay dahil ikaw ang siyang napili nila na maging tagapag-alaga ko sa aking paglaki at naghubog ng buo kong pagkatao.

Lagi nila akong tinutuksong ampon. Alam ko naman na hindi ikaw ang siyang nagluwal sa akin ngunit ang tanging alam ko at ang siyang laman ng puso ko, ikaw ang tunay kong Ina at mas hinigitan mo pa.

Sobra-sobra, at labis-labis ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin at boong buhay mo ay ibinigay mo para mabigyan ako ng mga bagay sa abot ng iyong kakayahan. Alam ko ang hirap na dinanas mo sa mundo at alam ko kung paano ko masusuklian ang bawat paghihirap ng dahil sa akin.

Alam ko kung gaano ka kasabik sa tuwing ibibili mo ako ng damit kasabay rin ng pagbili mo ng iyong isusuot sa taun-taong recognition day. Kasabikang dulot ng kaligayahan sa pagbubunga ng bawat pagkuskos mo ng labahin ng iba, pamamalantsa at lahat ng klaseng pagkakakitaan upang may maibigay kang baon sa akin at ng ako ay makapag-aral.

Hindi mo ako pinabayaang magutom. Ang isusubo mo, ibibigay mo pa sa akin. Lahat-lahat ng gusto mo ay nakalaan para sa akin at sa kinabukasang ating hinihintay. Ang tanging kapalit na hinihingi mo para sa akin ay ang magpakabait ako (kahit minsan ay nakukuha pa kitang sagutin) at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Hindi lingid sa aking kaalaman kung paano mo ako ipinagmamalaki at ikinukuwento sa ibang tao. Proud na proud kang maging anak mo ako at napalaki mo ako ng ganito. Wala akong sinuway sa kagustuhan mo Mommy at alam mong ang lahat ng ginusto ko para sa buhay at kinabukasan ko ay para sa atin.

Tandang-tanda ko ang linyang sinabi mo noon, “Igagapang kita para makatapos ka ng pag-aaral.” Literal mo itong ginawa at alam ko kung paano ang bawat pagod na iyong nararamdaman ay dinadaan mo na lang sa bawat paghalakhak at pagtawa sa tuwing tayo ay nag-uusap. Batid ko ang kakapusan natin sa pera ngunit hindi ito naging sagabal upang mabuhay tayo ng maayos at mairaos ang ating pang-araw-araw na kalbaryo ng buhay. Kapag angkakasakit ka, hindi ka na lang kumikibo at tinitiis mo ang lahat ng nararamdaman para huwag akong mag-intindi sa iyong kalagayan.

Ikaw Mommy ang pinakamasipag na taong nakilala ko at walang kapaguran. Nakukuha mo pang tulungan ang ibang tao ng hindi nagrereklamo. Sa mata ko at sa matan ng nakakakilala sa iyo ay bayani kang totoo.


Happy Birthday Mommy! Ang dami ko sanang ikukuwento. Pero advance ka na nga ngayon. Alam mo lahat ng ginagawa ko dahil kasama kita saan man ako magpunta. Mahal na mahal kita, Mommy at lahat ng ginagawa ko ay ikaw ang inspirasyon ko.

Ang laging nagpapakatino mong anak,



Wallei


Lunes, Mayo 10, 2010

MGA FABULOZANG PAALALA NI MOMMY AT NI NANAY



Ang suwerte ko. Lumaki akong dalawa ang nanay. Si Mommy, hindi man pisikal kong kasama, alam kong nakabantay lang sa tabi ko at nakasubaybay at sa bawat desisyon ko sa buhay, sa bawat katanungang babagabag sa isipan ko, magpaparamdam o hindi kaya kakausapin ako sa panaginip. Si Nanay, nag-uusap naman kami. Mahina nga lang ang pandinig minsan at tuwing nag-uusap kami sa telepono para kaming nagsisigawan. Normal lang iyon. Ganoon lang talaga kami. Dala ko hanggang ngayon ang malakas na boses at parang galit kahit hindi. Sa mga hindi nakakakilala sa akin, malamang nasuntok na ako o kaya ay nasabuyan ng tubig.

Mother’s day ngayon. Nag-isip ako kung ano ang isusulat ko. Ang daming nagsalisalimuot sa utak ko. Nalito. Sa mga pinakahuling sandali, heto na nga nagsusulat na at paninindigan kong hindi mag-drama. Lagi na lang bang drama? Kapagod maging artista sa sariling mundo. Emote dito, emote doon. Para naman maiba, iisa-isahin ko na lang ang mga paalala ni Mommy at ni Nanay habang lumalaki ako.



Si Mommy at ako. Mga alaala naming dalawa.

Si Mommy, kahit noong nagtatrabaho na ako lagi akong sinasabihan na MAGPAKATINO RAW AKO. Siguro ramdam naman talaga niyang may tama ako sa utak at madalas sinusumpong. Ang isasagot ko, “Luka-luka ba ako Mommy?”

Mga natatandaan kong madalas sabihin ni Mommy:

HUWAG KANG MAGPAPALOKO kung kani-kanino. HUWAG KA NGANG MAGASTOS dahil hindi pinupulot ang pera. NANGINGINTAB ANG MUKHA, LAGYAN MO NG PULBOS. LAGI KANG MAGDASAL. HUWAG KANG BURARA. Huwag nakikita lang ang dapat mong linisin dapat yung sulok-sulok. KUMAIN KA NG GULAY HINDI PURO KARNE. HUWAG KANG PIHIKAN SA PAGKAIN hindi tayo mayaman. MAG-ARAL KANG MABUTI. HUWAG MONG SINASAGOT  ang daddy mo. HINDI BALING MATAKAW, HUWAG LANG MAYABANG.


Paano ko sinunod ang mga pangaral ni Mommy:

Hindi ako nagpapaloko. Magastos lang ako sa mga lotion at pamahid sa mukha. Minsan pagkain din. Hindi ako nagpupulbos Mommy, foundation pwede pa! Hahaha! Umaga, tanghali, gabi… parati akong nagdadasal. Tinatamad lang ako minsan. Hindi naman ako ganoon kadumi. Ayoko na ng sulok para wala na akong linisin. Hahaha! Nirayuma na nga ako. Mahilig na ako sa gulay ngayon! Yehey! Lahat kinakain ko, kahit tira lang. Hehehe. Nag-aral akong mabuti. Hindi ko na sinasagot si Daddy, mabait na kasi siya ngayon. Matakaw ako. Hehehe.


Bonding with Nanay.


Mga pangaral ni Nanay:

HUWAG KAYONG MAG-AWAY na magkakapatid. MAHALIN MO MOMMY MO. Kayu-kayo lang ang magmamahalan. PAGPASENSYAHAN N’YO NA SI MARLON, kayo naman ang matanda. KAKAUSAPIN MO ‘YUNG TATAY MO. Akala mo lang di ka niya mahal pero proud iyon sa iyo. HUWAG TIPIRIN ANG SARILI SA PAGKAIN. MAGPAKALALAKI KA!

Paano ko sinunod ang pangaral ni nanay:

Hindi kami nag-aaway na magkakapatid. Minsan lang, mga larong away. Walang seryosong awayan. Alam ni Nanay na mas higit kong minahal si Mommy. Sobra-sobra. Oo, pinagpasensiyahan nga namin si Marlon. Tuloy, spoiled at naging pasaway! Kaloka. Ano naman sasabihin ko kay Tatay? Hindi naman ako nagtitipid sa pagkain. Mas marami nga lang akong binibiling pamahid kumpara sa pagkain. Hehehe. Ano raw? Gawin ba akong maton?



Sabado, Marso 27, 2010

WALANG KAMATAYANG SINAMPALUKANG MANOK

Kung ilang beses na akong nag-post ng tungkol sa sinampalukang manok at kung ilang version na rin ang nagawa ko nito. Wala pa ring papantay sa sinampalukang manok na orihinal na niluluto ni Mommy, ni Inang, ni Nanay o ng kapatid ko. Sinampalukang may natural na usbong na sampalok. Naalala ko tuloy dati kapag magluluto kami nito ay ako ang nauutusang manguha ng usbong sa kapitbahay dala ang tabo upang paglagyan. Ang paasim ay natural na usbong at bunga. Wala ng mas sasarap pa sa sinampalukang manok na Tagalog. Ang sarap-sarap higupin ng sabaw at kadalasan ito ang binabaon namin kapag may picnic sa ilog. Natatandaan ko rin na si Mommy kapag nagpatay ng manok ay patutuluin ang dugo sa bigas at kasama itong isasahog sa sinampalukan. Unahan pa nga kami minsang kainin ang atay at balun-balunan.

Sa panahong lahat dapat ay mabilisan, kapag gusto ko ng maasim na sabaw maliban sa sinigang na isda at baboy, sinampalukang manok na version ko ang aking palaging inihahanda. Mabilis lang kasing iluto at puwedeng sahugan ng gulay batay sa sariling kagustuhan.

Heto ang link para sa mga nais magkaroon ng recipe. Happy cooking!

Huwebes, Marso 11, 2010

APATNAPU’T PITONG TAON



Marso 10, 1963 ang eksaktong petsa ng ikasal si Mommy at si Daddy. Kung nagkaroon sila ng anak, marahil marami na silang apo at ang panganay nila ay sabihin na nating 45 years old. Pero hindi sila nagkaanak kaya nga ako ang kanilang inilagaan. Bumuo kami ng isang pamilya. Ako bilang nag-iisang anak. Nagsama sa hirap at pagpupursigi para makaraos. Wala na si Mommy. Nandiyan pa si Daddy. Ang alaala ay palagi lang nandiyan. Katawan lang ni Mommy ang nawala, alam kong nandiyan lang siya kasama namin araw-araw. At ang araw na ito ay paggunita sa araw ng kanilang kasal, apatnapu’t pitong taon at bibilangin ko ito hangga’t ako ay may gunita pa.



Linggo, Marso 7, 2010

ANG KUWENTO NG COLLEGE RING AT MGA KURSONG GUSTO KONG KUHANIN AT NASAAN NA AKO NGAYON



Salamat Ate Berna June Rocamura for your college ring. Naaliw ako ng makita kong may suot ka nito. Bihirang bihira akong makakita ng college ring. Si Aizan, ‘yung kapatid ko ay niregaluhan ni Nanay ng college ring. Sabay kaming nag-graduate ng kapatid ko and she deserved that gift. Cum Laude ang kapatid ko.O, di ba bongga! Kinabog ako!. Hindi naman ako nainggit noong bigyan siya ni Mother Swaning dahil di naman ako talaga lumaki sa piling ni Nanay, may Mommy naman ako. Tinanong ako ni Mommy kung gusto ko raw ng college ring. Ang sabi ko naman hindi naman importante at marami pang dapat pagkagastusan. Sapat na ang ilang taong pagsisikap niyang maitaguyod ako. Just seeing myself finishing a degree with all the sacrifices and hardships of my dear Mommy ay isa ng napakalaking regalong natanggap ko sa buhay ko. Kapag nakatapos ka nga naman, parang kaya na nating makaahon sa hirap. Bagay na pinagsisikapan ko at ginagawa sa maliit na paraan. Drama ko. Nasaan ang tissue?

High School pa lang, nakahanda na ang isip natin sa mga kurso na gusto nating aralin base sa mga pangarap natin. Isa ako sa mga kumuha ng kursong on the spot. Kaya naloka ako.

Ito lang naman ang mga gusto ko.

  1. BEEd, BSEd. – Bata pa lang ako gusto ko ng maging teacher. Ako, mula sa lahi ng mga teacher ay nag-akalang magiging teacher din pero nabigyan naman ako ng pagkakataong magturo in a higher level nga lang. At least natupad. Salamat sa PFA (Philippine Footwear Academy) sa opportunity na ibinigay ninyo at nakapagturo ako ng bonggang-bongga sa ating kauna-unahang paaralan ng sapatos sa South East Asia.

  1. BS Economics – Para kasing ang gandang pakinggan and it’s so cool kaya trip ko talaga ito. Hindi ko talaga siguro carry maging economist, sarili ko na ngang pera hindi ko pa ma-budget.

  1. BS Psycholgy – Feel kong bumasa ng mga isip ng tao. Ang pag-aralan ang mga kilos nila. Ang pagkasaliksikin ang kung anu-anong bagay. Buti na lang at hindi natuloy. Hindi talaga siguro para sa akin dahil ako ang nangangailangan ng Psychologist para naman tumino ang aking nlulukang mundo. Timang nga ako ‘di ba?

  1. Communication Arts, Mass Communication, Broadcasting and Journalism – Gusto kong maging writer, ang mapanood sa TV as news anchor, magsulat ng kung anu-ano, basta lahat ng may kinalaman sa mass media. Haaay, gusto ko pa rin nito! Gustong-gusto!

  1. Fine Arts – Gusto ko kumuha ng kursong painting. Gusto kong magpinta, magdrawing at i-appreciate ang ganda ng mundo. Ang kulay na nakapaligid sa atin at gumawa ng bagay na lahat may ganda. Ngayon, gusto ko lang palang maging maganda. Hahaha.

  1. Hotel and Restaurant Administration – Pangarap kong magtrabaho sa hotel at mag-ayos ng kung anu-ano.

  1. Accounting – Gusto kong maging accountant, pangarap kong maging auditor, maging isang CPA.

  1. Fashion Design – Gusto kong magdesign ng bonggang mga damit, magkaroon ng sariling brand at maging sikat na Fashion Designer.

  1. Banking and Finance – Pinangarap kong magtrabaho sa bangko at magsuot ng long sleeves shirts at kurbata, maupo boong araw at magbilang ng pera.

  1. AB Philosophy – Gusto kong magpakabihasa sa Pilosopiya. Gusto ko lang.


Sa dinami-dami ng kursong gusto ko, BS Architecture ang tinapos ko. Bongga hinda ba? Sinong mag-aakalang naka-graduate ako ng Architecture? Arkitekto de palanggang may takong ang drama ko. Hahaha. Ang nakakaloka dito pagkatapos kong magpakabihasa sa Architecture, duguin ang dapat duguin, maloka sa napakadaming numero, mapuyat ng mapuyat ng napakadaming beses at maghagilap ng pera kapag kapos ay sa bandang huli dito pala ako mapupunta. Kabog! Dahil hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong kurso, inapply ko ang lahat ng nalalaman ko sa trabahong hindi ko pinangarap pero ibang saya ang dulot nito.

Naisip ko, ang Diyos pala iba talaga kapag kumilos, wala sa plano mo pero bigla na lang darating at alam niya kung saan ka mas liligaya. Kaya kung anuman ang nangyayari sa buhay ko ngayon, hindi ko man nagamit ang kursong tinapos ko o tinapos ang kursong plano ko dati, pinagpapasalamat ko pa rin ang lahat at may hanap-buhay akong sapat na para maibahagi ang anumang mayroon ako. Hindi man ganoon kasaganang tulad ng inaasahan pero payapa ang puso ko. No regrets. No bitterness. I am simply happy and keeping myself fabulous all the time, all the way.

Kaya, anong silbi ng college ring sa akin? Tama na ang 92.5 silver ring na suot ko mula noong high school pa ako.


Linggo, Pebrero 21, 2010

KUWENTO NG LARUAN, LARO, PAGLALARO AT MGA NILARO NAMIN PARANG KAILAN LANG



May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…

Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy


Martes, Enero 26, 2010

SINIGANG



Kahit paulit-ulit kong iluto ang sinigang hindi ko ito pagsasawaan. Ang hilig ko nga sa sabaw. Sabi nga ng lola ko, para daw lagi akong nagpapasuso! Hahaha! Ang asim ng sinigang ang siyang nagbibigay saya sa aking lalamunan at kumakalam na sikmura.

Paborito mo rin ba ang sinigang? Ang daming klase ng sinigang ang natikman ko na nailuto ni Mommy, ni Nanay at ni Inang, ng kapatid ko, ng mga kapitbahay at ng mga kaibigan. May sinigang sa sampalok at usbong nito, sinigang sa kamias, sinigang sa bayabas at kung ano pa mang pampaasim. Ngayon sinigang sa powder mix.

Naaalala ko pa dati ang paglalaga ng sampalok at pagpiga at pagsala dito para lumabas ang katas. Nakakatuwa ring isipin ang mga panahon noong bata pa ako na kumukuha ako ng usbong ng sampalok para sa sinigang.

Ito ang ilan sa mga alam ko kung paano ang paghahalo ng mga gulay sa sinigang:

  1. Ang baboy o baka na sinigang sa bayabas ay maaring lahukan ng sitaw, gabi at okra.
  2. Ang sinigang sa sampalok ay kadalasang pinaghalu-halong talong, sitaw at okra.
  3. Ang sinigang na may pechay ay maaaring lahukan ng labanos.
  4. Puwede ring isahog sa sinigang ang mustasa.
  5. Maaari ring lettuce kung walang makuhang pechay.
  6. Masarap ang sinigang na may kangkong.
  7. Mas masarap ang sabaw ng sinigang kung maraming kamatis at nilinggis na mabuti.
  8. Maari ring pigaan ng kalamansi ang sinigang.
  9. May tinatawag ring sinigang sa miso.
  10. Hindi bagay na ilagay ang carrots, patatas, saging na saba at papaya sa sinigang, hindi ito nilaga.

Masarap akong magluto ng sinigang. Bagay na natutunan ko kay Mommy at nasubukan kong magluto nito noong nasa grade five ako. Sinubukan naming iluto para sa Cook Fest ng Boy Scout. Yes, Boy Scout nga at patrol leader pa nga ako. Kaloka!

Lunes, Enero 18, 2010

ANAK NG TINAPA




Salamat Mr. Willy Luceda aka Daddy sa pabaon mong “Dave’s Smoked Fish”. Ito ang aking pananghalian  kanina na sinabayan ko ng itlog na maalat (courtesy of Daddy pa rin) at fresh na kamatis. Sarap! Kung ilang taon na rin akong hindi nakakain nito at sobrang napadami ang kain ko. I used my bare hands in eating tinapa and salted eggs. Feeling nasa probinsiya akembang!

Ano ang mayroon sa tinapa? Simple lang, this was Mommy’s favorite. Si Mommy, ‘yung nagpalaki sa akin at kinagisnan kong nanay. Nostalgic mode na naman ang drama ko today. Tinapa kasi ‘yung pinakamadaling mahanap na ulam dati. Tinapang galunggong at iyong may kaliskis. Kung ilang beses sa isang linggo namin ito kinakain. Ang pihikan ko pa nga dati at nagrereklamong palagi na lang bang tinapa? Hindi ko naman masisi si Mommy dahil wala naman kaming pambili ng ibang ulam. Pilit niyang pinagkakasya ang kanyang pera para may pambili pa kami ng ibang kailangan sa bahay. Higit sa lahat para may maibaon pa ako sa eskuwela.

I am certified anak ng tinapa and I am so proud to be one. Dahil sa tinapa, nagiging matipid kami at may allowance pa ako sa eskuwela. Crying moment… naalala ko na naman kasi si Mommy, my dakilang Mommy!