Ipinapakita ang mga post na may etiketa na gobyerno. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na gobyerno. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Nobyembre 18, 2010

Pilipinas Kay Ganda Logo, Kopyang-Kopya sa Poland na Polska!

Napakadaming Filipino na mahuhusay sa graphic design. Kahit mga bata sa elementary kapag pinagawa mo ng logo para sa "Pilipinas Kay Ganda" ng Department of Tourism mas makakagawa ng mula sa isip, galing sa puso at hindi kinopya. Sino kaya ang responsable sa panggagayang ito? 


My apology to Poland Official Travel Website for this logo.


Pumalpak na nga sa slogan, nanggaya pa sa logo. Sobrang halata, nilagyan lang ng paa ang L at pinalitan ng dahon ng niyog, pinaghiwalay ang waves, tinanggal ang bundok at nilagyan ng araw na bilog! Iba nga naman ang dating pero, ano ba? Halata pa rin. Hindi naman tayo tanga para hindi mapansin.

Ito ang slogan at logo ng Department of Tourism na naging kontrobersiyal.

Sa loob ng ilang minuto, gamit lamang ang Microsoft Publisher, gumana ang isip ko at heto angnaisip ko. Maaring Hindi kasing husay ng iba, pero at least hindi kinopya.

May connect sa aking blogsite. O di ba?

At kung gustong gamitin talaga ang salitang Pilipinas, heto lang ang masasabi ko:
O, di ba panalo?
Sana naman pag-isipan ng Department of Tourism kung ano talaga ang nais nilang mangyari at malaman nilang hindi ito katulad ng laro.

Lunes, Hulyo 26, 2010

SONA-SONAHAN: ANO ANG LAMAN?

Tulang ibinahagi para sa BALAGTASAN SA FB #14: Ikalabing-apat na Pagtatapat [A Bilingual Poetic Joust & Discussion] TOPIC: "Ang Aking SONA" (My SONA) ni Alexander de Juan



Ako, inyong pangulo nasa harapan,
Bumabati sa inyo, magandang araw.
Tatlumpung araw mabilis na nagdaan,
Kaya unang SONA’y dagling bibitawan.

Sa loob ng s’yam na taong nakalipas,
Maraming problema na tayo’y dinanas.
Ngunit nais ko sa inyo iboladas,
Tatahaking kalbaryo sadyang mahirap.

Ngayon nga ay tubig malaking problema,
‘Di na makainom sangkaterbang masa.
‘Di na makaligo, ilan sa kanila,
Marahil, ilan hindi na nangubeta.

Mindanaw masaker ay hindi pa tapos,
Hustisya sa bansa’y kailangang lubos.
Ngunit dapat malaman gawa ko’y puspos
Dagliang solusyon hiling ko sa Diyos.


Kaydaming bata ang sa baon ay kapos,
Kaya sila ay hindi na pumapasok
Edukasyon, kaalaman dapat patok
Mga guro dapat mataas ang sahod.

Kung walang korap ay walang mahirap,
Paglilingkod ng gobyerno dapat tapat.
Mga tiwali at lahat ng may lamat,
Sa serbisyo tanggalin, ikulong dapat.

Pagkain sa mesa ay hindi natupad
Pangakong sinambit nawala ng lahat
Inatupag nila’y rampa at paglipad
Kahirapan ng bansa’y sa ‘kin ang bagsak.

Isang buwan, unang SONAng bibitawan,
Kaydaming bigas ang ilalagay sa t’yan
Marami pang usok aking pakak’walan
Para mas’lusyunan problema ng bayan.

Martes, Mayo 11, 2010

ASAHAN NINYO...

Natapos na ang halalan. Iba sa kung ano ang mayroon dati. Kung ilang beses na rin akong nakaboto at ilang beses na ring umupo bilang poll clerk. Hi-tech na masyado at nakisabay din ang social networking sites. Updated ang lahat sa kung ano ang nangyayari dito, doon at kung saan. May videos, may pictures at may shout-out sa facebook, twitter, etc.

Pagkatapos nito? Ano na naman kaya ang susunod? Sino ang tatanggap ng pagkatalo? Sino ang mananalo? Sino ang dinaya? Sino ang nandaya? May mga nasaktan ba? May mga nasugatan? Panalangin kong wala sanang nagbuwis ng buhay.

Nakakalungkot isipin na may mga taong hindi kayang panindigan ang sariling desisyon at makapag-isip kung sino ang nararapat. Ilang milyon din ang nagka-memory loss at bigla nakalimutan ang mga pinagdaanan at nangyari noon. Sa bandang huli, lahat isisi sa Pangulo ng Pilipinas ang lahat ng problemang darating at biglang kinalimutan din na sila ang nagluklok dito.

Asahan ninyong marami na namang mga kung anu-anong pagpipiket, rally at mga pakikipaglaban na magaganap. Laging ganito ang eksena, walang pagkakaisa, uubusin ang oras sa pakikibaka sa lansangan at sasabihing si Pangulo ay pababain sa puwesto.

May mga impeachment complains na naman tiyak. Uubusin ang oras sa hearing ng mga pinararatangang tiwali at bigla makakalimutan ang sitwasyon ng bansa.

Asahan nyong may mga election hearings na magaganp, may imbestigasyon dahil dinaya daw ang ilan. Mauubos na namn ang oras at ang pondo ng gobyerno sa mga ganitong alingasngas at bigla makakalimutan na ang mga taong tirik na ang mga mata sa gutom.


Ang nanalong Pangulo, hindi pa nag-iinit ang puwit sa puwesto, pababaing pilit at hahainan ng mga impeachment complains. Magkakagulo ang kongreso, yes or no. May titiwalag, may babalimbing at may mag-wa-walk-out na naman. May mangigigil, may lalabas na bayani at may iiyak… baka may sumayaw pa!

Paulit-ulit lang naman. Ilang termino na ba ng Pangulo ang naranasan ko? Habang tumatagal, lalong tumitindi. Nakakasawa at nakakasuka.

Ang mga pulitikong pinagkatiwalaan ng tao at nagpabilog sa ulo ng mga ito ay siyang mga taong maghahatid ng malaking gulo sa ating bansa. Ang lahat sa kanila isisisi at bigla nakalimutan na sila mismong nagsisipag-aklas sa kalye ay sila rin mismong bumoto at naghalal dito.

Habang tumatagal lalong nabubulok ang sistema ng ating gobyerno. Habang may mga buwaya at mga mapagsamantala, hindi tayo titino. Kawawa ang bansa at kawawa ang mga taong nadadamay sa mas maraming porsiyento ng mga walang alam at pumapayag na maloko.

Asahan ninyong lahat na paulit-ulit lang iyan. Dahil ang mga binoto ninyo ay siya ring nakaupo sa mga nagdaang termino. Asahan ninyong lalago ang lahat ng kanilang negosyo, at ang mga Pilipino, dadami ang magugutom, lalong maghihirap at malulugmok na naman ang bansa at hindi na makakaahon.

Tayong tao rin naman ang may kagagawan. Kayo, sila… lahat kayong hindi nag-isip at nagpadala sa kung ano ang uso, kung sino ang patok at sino ang sikat.

Labis pa naman ang aking pag-asa na may kakaharaping bukas ang bansa at may liwanag pang magbubukas. Akala ko ay hihinto na ako sa pangingibang bansa at sa Pilipinas bubuo ng mga pangarap. Ang lahat ay boong akala lang pala. Habang pinapanood ko ang resulta, ako ay nahihiya, nagugulat at sa puso ko ay tila baga may kumukurot. Nasaan ang mga matatalinong Pilipino? Naubos na ba?

Nakakapanlumo. Bakit pagdating sa pulitika ang tanga nating mga Pilipino? Umaalingasaw ang baho at nakakasuka. Bongga pa naman tayo sa ibang aspeto at laging taas noong nakikipagtunggali saang sulok man ng mundo.

Sa pagkakataong ito, marami tiyak ang natatawa dahil sa resulta ng halalan. Ang tanging dalangin ko lang, kahit marami na ang nagpakatanga sa pulitika, hinihiling ko pa rin at ipinagdadasal ang patnubay ng Makapangyarihan sa lahat. Magkaroon ng himala at hugasan ang mga tuyot na utak ng marami sa atin at magkaroon naman ng bagong liwanag ang bansa. Paano na kaya?

Huwebes, Mayo 6, 2010

MGA LINYANG IAALAY SA PANGULO




Ngayon ay makakagawa ako ng mga linyang
Iaalay kay GORDON
Mga linyang kaakibat ay pananalig
Ilang araw bago ang halalan
Ay dadaloy ang dugo mula sa puso
At tutuloy sa utak ng lahat ng matitino…

Buong pusong iaalay ang matimyas na hangaring
Iangat ang pagbabago at isulong ang kaunlaran
Sa mga mata ni GORDON ay masusumpungan
Buong pusong makikinig at bukas matang titingnan
Ang lahat ng problemang sa bansa ay nakaatang…

Ang mga umiibig sa Pilipinas
Ay matalinong nag-iisip
Kasabay ang panalanging may pag-asang hatid
Hindi pabubuyo sa mga naririnig
Paninindigan ang prinsipyo ng pilit.

Pagaganahin ang isip, pakikinggan ang puso
Sa utak dadaloy ang dugo
Mag-aalab ang hangaring magkaroon ng pagbabago
Si GORDON lang ang dapat iboto
Isulong ang karapatan ng lahat ng tao.

Kung hindi ngayon, kailan pa?
Kung hindi bukas, may pupuntahan pa ba?
Huwag paalipin sa mga maling pambubuyo
Paganahin ang utak, pakinggan ang puso
Ibigay ang suporta sa Arkitekto ng Pagbabago
Si GORDON lang dapat ang maging PANGULO!

Miyerkules, Mayo 5, 2010

ANG FABULOZANG SALOOBIN KO NGAYONG HALALAN

My vote is a vote of my conscience and a vote straight from my heart using my head. I don’t care with manipulated surveys. Bogus advertisements do not matter. Black propaganda against each other is a desperate move. Isn’t it obvious who really worked hard, working very hard and have the capacity to improve the decaying system of our government? We need leader who will lead, not a leader who will follow the dictate of the people that surround him. We need somebody with a strong political will. A leader that will direct and firm in saying NO if he really knows NO is the best decision to do, not to say YES to please everyone… Wake up KABAYAN! We need GOod and gReat leaDer for Our bayaN! Kung love mo ang BAYAN Iboto ang nararapat. Aksiyon ang kailangan, hindi pangakong sinasabi lang…

Kailangan natin ang lider at hindi ang tagasunod lang. Lider na kayang manindigan sa kanyang desisyon. Lider na kayang gumawa ng aksiyon na hindi kikiling sa anumang panig ng maling paniniwala para masunod lang ang kagustuhan sa sariling interes. Buksan natin ang ating mga mata ng bonggang-bongga at pakinggan ang sinasabi ng ating puso na ginagamit ang utak. Huwag nating hayaang palaging maging emosyonal at ilagay sa puso ang awa dahil hindi tayo makakausad. Para din iyang pag-ibig na kadalasan kapag awa ang umiiral hindi ito nagiging matagumpay. Ang lider, hindi sumusunod sa dikta ng nasasakupan pero bukas tengang nakikinig sa hinaing ng bawat isa at bukas ang puso sa pangangailangan at may simpatiya. Ang lider ay hindi santo o anghel na hindi puwedeng magalit o mag-react sa bawat kamaliang nagawa ng mga tagasunod nito. Isa itong natural na damdamin at reaksiyon na nararamdaman nating lahat.

Hindi na 80’s o 90’s ngayon. Iba na ang panahon at may global warming na nga. Maging mapagmatiyag at maging mapanuri sa taong iluluklok sa puwesto. Sino ba ang presidente mo?

Inaamin kong halos maging maka-Noynoy ako dahil kay dating Pangulong Cory. Kung ilang buwan din akong nanahimik at hindi namamakialam sa isyu ng pulitika. Ang daming mga wall postings sa facebook, ang daming blogs. Pikit mata pa rin ako at parang walang pakialam. Nanonood ako ng mga news, ang ilang harapan sa mga kandidato ay matiyaga kong pinanood at pinakinggan kung paanong ang bawat isa ay tila bagang nagbebenta ng produkto at hinihimok tayo bilang mga mamimili.

Hindi ako nagpapadala sa mga salita at kung may bibilin ako, pinag-iisipan ko muna. Kailangan ba talaga ito o sasayangin ko lang ang pera ko? O nagpadala lang ako sa nakita kong larawan sa mga magazines at minsang mapanlinlang na TV ads?

Sorry, pero hindi ko talaga gusto si Villar. Hindi na ako magpapaliwanag. Maraming rason at ayaw ko namang manira. Isa pa, hindi ko naman talaga siya kilala maliban sa siya ang big boss ng kaibigan ko at madalas akong makasama sa mga open house sa Camella Homes.

I appreciate Erap efforts in helping the poor and for having a heart. Pero hanggang doon lang iyon. Uto-uto ba tayo na matapos magsiaklas noong 2001 para patalsikin siya sa kung anumang paratang ay heto na naman at ibabalik pa. Nakakaloka naman tayo!

Noong nakaraang linggo lang, halos convinced na ako na si GIBO ang iboboto ko. Parang sure na sure na ako na siya nga. Galing at Talino! Ngayon, ano ang silbi ng galing at talino mo, ng mga pinag-aralan mo kung walang AKSYON? Naisip ko lang, darating ang oras para kay GIBO, may ibubuga naman talaga and he’s the man. Dahil green siya katulad ng mangga, kailangang mahinog pa para naman masarap-sarap at nakakagana. Hihintayin kita GIBO at habang hinihintay ko ang pagbabalik niya ay doon naman ako sa nag-aapoy na pula at nakakapaso, nag-uumalab at halos hinog na.

Honestly, the wall postings of my Kumareng Gem Victoria were so convincing at naisip ko nga, hanep ang kumare ko at talaga namang kuntodo suporta. Tagging here there and everywhere at ang dami kong notifications. Hanggang magkaroon ako ng bonggang oras ay inisa-isa ko lahat basahin, nanood ng mga videos at kagabi nga lang natapos at hanggang maisipan kong buhayin ulit ang aking blog at isulat ang saloobin ko. Gusto-gusto kong ulit-ulitin ang mga discussions sa board. May mga mapanira siyempre at brutal na mga comments pero kasabay nito ay ang paggana ng puso ko kasabay daloy ng dugo sa utak ko. Si GORDON nga ang kailangan ng bansa!




Huwebes, Pebrero 25, 2010

KULAY NG DIWA NG EDSA



Sa paghahagilap ko ng larawang ilalagay ko sa blog na ito, bagama’t isang malaking pagkakamali ang aking nagawa sa biglaang pagpindot ng aking camera ay ito ang kinalabasan. Tapos, naisip kong holiday na naman sa Pilipinas dahil EDSA Day.

Sa paglalaro ng aking utak, biglaang naisip ko ang mga saloobin ko tungkol sa kung ano nga ba talaga ang alam ko tungkol sa EDSA Revolution noong 1986 na gugunitain pang-dalawangpu’t apat na taon na.

Ang sa akin lang may apat na kulay ang EDSA:

ITIM. Ang diktaturya ni Marcos ay binigyang katapusan ng EDSA. Ang diktaturya ay ang itim na kulay na bumalot sa loob ng dalawampu’t isang taon sa bansa. Hindi pa ako isinisilang ng ibaba ang Batas Militar. Apat na taong gulang ako ng barilin si Sen. Ninoy Aquino at hindi man ganoong kahinog ang isip ko ay wari bagang alam ko kung ano ang nangyayari sa bansa. Alam ko ang curfew law at takot na takot kaming lahat ng ang Lolo ko ay hulihin ng mga PC sa hindi namin alam na kadahilanan at sa awa ng Diyos ay nakabalik naman ng buhay. Itim ang kulay ng winakasang diktaturya, mga pandaraya, pang-aalipusta at pagtatago ng lahat ng katotohanan.

PULA. Ang kulay ng katapangan at kagitingin ng lahat ng Pilipinong kasama sa EDSA. Pari, madre, sundalo, mahirap, mayaman, lahat ng nakiisa at nakisama upang panindigan ang ipinaglalaban noong panahong iyon. Walang takot na pumunta sa EDSA ang lahat ng nais makiisa at makisama para sa mithiing makamit ang kalayaan at demokrasya.

ASUL. Ang kulay ng kapayapaang tinamo sa EDSA. Kulay ng pagkakaisa at pagsasama at pakikipaglaban sa tahimik at payapang paraan.

DILAW. Ang kulay ni Cory na siyang kahit pagbalik-baliktaran ay may kinalaman kung paano nasimulan ang pakikipaglaban. Sa kanyang layuning wakasan ang diktaturyang malaon ng nagisnan, parte siya ng EDSA at ng dahil sa kanya kasama ang mga kapatid nating mga Filipino ay tinamasa natin ang demokrasya.

Kaya, may dahilan upang ang EDSA People Power ay ipagdiwang, gunitain at ibahagi sa mas nakakabata sa atin. Ang EDSA 1 ay hindi isyu sa pagwawakas ng kahirapan o anupaman, ito ay ibang usapin. Ang pinakadakilang layunin nito ay wakasan ang diktaturya at makamtan ang demokrasya na atin ng tinatamasa ngayon.


Linggo, Nobyembre 22, 2009

Sana’y Lahat ng Pulitiko ay Katulad ni Efren


Katatanggap ko lang ng balita na si Efren Penaflorida Jr nga ang tinanghal na CNN Hero of the Year. Naging mabunga ang puspusang pagboto online ng lahat ng mga Filipinong nagmalasakit para suportahan ang natatanging bayaning Filipino ng bagong henerasyon.

Dapat kilabutan at dapat lang mahiya ang mga pulitikong sagana lang sa pangako. Puro salita at hindi alam kung paano gumawa. Ang mga pulitikong ang pondo ay galing sa pera nating lahat na winawaldas lang sa halos walang kabuluhang bagay.

Aksyon ang higit na kailangan para matugunan ang malalang sitwasyong kinakaharap ng ating bansa lalo na sa larangan ng edukasyon. Hindi man lang nahiya ang mga palyadong pulitiko at ang mga nagsasabi at nangangakong handang magbigay ng tulong. Nakupo! Nakakahiya talaga! Dinaig pa sila ni Efren, isang simpleng taong ang hangad ay makatulong sa kapwa lalo na sa mga bata sa pagpapaunlad ng kaalaman. Si Efren na di inalintana ang mga sakripisyo maibigay lang ang sarili sa mga batang uhaw sa karunungan.

Muli, ito ay isang bagay na dapat magsilbing inspirasyon sa lahat. Ang mga TRAPO, manhid na ang mga iyan na ang tanging alam ay kung paano makakakuha ng yaman, magpayaman at mangamkam! Ang inspirasyon ay para sa mga taong may puso sa pagtulong na hindi kinakailangan ang pagpasok sa pulitika para lang maisagawa ang mabubuting hangarin.

Sana’y tulad silang lahat ni Efren. Bulok na nga ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas. Hanggang nandiyan sila at patuloy tayong maniniwala sa mga pangako lang, kawawa naman talaga tayo. Saan na lang tayo pupulutin? Paano na ang mga anak natin?

Kung taos sa puso ang iyong pagtulong. Kilos na at gawing inspirasyon si Efren Penaflorida Jr. Bagong bayani, bayaning Filipino! Mabuhay ka Efren! Sana’y katulad ng puso mo ang puso ng mga pulitiko.

Biyernes, Nobyembre 20, 2009

Ako at ang aking Boto at ang Sayaw ng mga Pulitiko



Habang ang mga pulitiko ay animo mga dancers ng kung anong steps na di maintindihan, sa kanilang papalit-palit na ritmo at galaw… heto ako at nag-iisip kung saan nga ba patungo. Ako bilang isang bahagi ng ating bayan ay nagtatanong ng di basta tanong lang sapagkat ito ay may laman… Saan nga ba at paano?
Si Manong Edu na may ‘papaya dance’ ay sumapi na sa administrasyon para tambalan si Papa Gilbert Teodoro sa pagka-pangalawang pangulo para tapatan ang pumapagaspas sa rating na Noynoy-Mar tandem. At heto na nga si Mareng Loren na mahusay sa pagsabay ng mga steps para maging partner si Daddy Manny Villar. In fairness, mahusay siyang makisabay- I mean si Mareng Loren and definitely one of the bankable partners, laging volunteer. Dating nasa administrasyon na nag-exit para tambalan si Da King late Fernando Poe Jr. Kaya si Ateng Jamby ay nagngingitngit dahil nasasapawan siya ng kanyang sister sa senado. Si Erap ay gagawa na naman ng mga bagong steps ka-partner pa si Binay. Dati ng na-out pero muling magbabalik. Ano na naman kaya ang bagong gimik?
May punto din nga naman itong si Ateng Jamby na walang malinaw na plataporma itong si Mareng Loren dahil nakikisabay lang sa agos ng kung sino, kung saan siya may pagkakataon, go lang ng go. Napakaganda nga naming advocacy ang climate change, napapanahon at kapanapanahon din ang papalit-palit ng sinasanibang partido. Kaloka!
Kung dating sinasabi nilang mala-Rigodon ang nangyayari sa pulitika. Ngayon ay dinadaig pa ang “Nobody-nobody-but-you-steps” at ang mga dating nausong Otso-otso ni Bayani at Spaghetti ng Sexbomb! Tayo naman bilang mga mamamayan ng Pilipinas na siyang mga manonood ay magiliw lang na nakatunganga at nakaantabay lang sa kung sino ang makakakuha ng tropeo. Asus! Kaya nga walang mangyari dahil hindi tayo nagsisikilos at nasisilaw tayo sa kung anong panlabas na mukha mayroon sila. Hindi natin inuunawa ang mga mas higit pang bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin. Sige lang tayo sa pagboto. Kakalungkot naman. Nakakapanglumo.
Ganoon lang naman talaga ang eksena. Paulit-ulit lang at tayo naman nagpapalako rin ng paulit-ulit. Laging nauuto. Madali tayong mabilog ng kung anu-anong naglalabasang publisidad na kung sino nga ang mahusay, kung sino ang magaling at nalilinlang din tayo ng mga paninira ng mga pulitiko sa kapwa pulitiko.
Kung hindi ngayon kailan pa? Gasgas na rin naman itong pananalitang ito. Gasgas na gasgas at laos na laos. Ang tanong natututo ba tayo? O paulit-ulit na lang magpapauto? Ano na ang susunod? Saan tayo pupunta? Saan ba tayo pupulutin? Kawawa naman tayo.
Sana’y may isang bagay na bigla na lang darating. Kaplang! At mababago na ang lahat.
Hindi na muna ako maghihintay ng kung anong himala. Sisiguraduhin kong ang aking boto ay siyang magsisilbing simula ng isang bagong bansa. Sisikapin kong ang aking isip ay magiging fabulosa para naman may pag-asa pa tayong asahan.
Ikaw? Boboto ka ba?