Ipinapakita ang mga post na may etiketa na katimangan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na katimangan. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 5, 2012

Dalawang Tula


Kung Makinang ang Aking Kislap


Kasingkintab ng nilapirot na palara
Ang mata kong inaantok ~
At kahit papikit na dala ng pagod
Tila bagang may kuryenteng
Nagpapakislap dito
Makinang ang bawat kislap
Kasing liwanag ng aandap-andap
Na kandilang sinindihan
Hindi ng bituin sa kalawakan.
Ipipikit na ilang sandali lang
At sa isip ay muling aandar
Iisipin ka't di na iwawaglit
Nakaukit sa pinilit na panaginip.
Kung kikinang ang aking kislap
Ikaw ang apoy sa aking pangarap.



Pakiwari


Winawari ko 
Ang kahulugang nakabalot
Sa imaheng nasa isip ~
Ang kulay
Ang linya
At paraang pinagsama-sama
Ito ba ay misteryo
Ng aking pagkatao?
Napagtanto ~
Ako
At itong mundo
Ay ipinipinta
Sa paraang ginusto
May lalim,
May alon,
Ang porma'y
Hiwaga ng aninong nilingon.




Miyerkules, Marso 7, 2012

I-ENJOY ANG TRIP


ni Wallei Bautista Trinidad


Ang pangit naman yata na kung kailan tuyot ka na saka ka mag-eenjoy. Marami namang paraan para mag-enjoy o i-enjoy ang buhay natin. Bagamat may mga tensyong bumabagabag sa atin sa mga bagay-bagay na nangyayari sa pamilya at maging sa lipunan, hindi natin dapat malimutan na sa paraang gusto natin ay maaari tayong maging masaya.

1. Yung gusto mong gawin, gawin mo na ngayon pa lang. Hindi naman ibig sabihin na lahat ng ikikilos mo ay kaakibat ng paggastos o pag-aaksaya ng salapi.

2. Minsan sa pag-iisip ng kung ano ang mangyayari sa atin sa kinabukasan, nakakalimutan nating harapin ang kung ano mayroon ngayon and we end up wasted sa isang araw na wala man lang nagawa para maaliw tayo.

3. Natatawa lang ako sa pag-uusap naming magkapatid sabi ko kung ano ang hiling nila Nanay at Tatay, ibigay na ng bonggang-bongga basta naayon lang sa kakayanan. Usually, our parents demand for some things na maliligayahan sila. Ibigay agad. Hihintayin mo pa bang mawala sila saka ka gagasta? Kung bet ni Nanay ng angry birds, bilin! Kung bet ni Tatay ng popcorn, gora! Masayang ibigay ang hilig nila basta't kaya.

4. Kung may nagkagusto sa iyo, give him a chance. Huwag ng hintayin pang maging ugat foundation member ka saka mo pagsisisihan ang pagkawala niya.

5. Kung feel mong maligo ng gatas, gawin mo basta huwag kalimutang magbanlaw at baka langgamin ka o ipisin pa.

Endless ang mga bagay na puwedeng gawin. kanya-kanyang diskarte, kanya-kanyang trip. Ang nakakaloka lang kapag may trip kang di naman trip ng iba, i-tsi-tsismis ka pa, pag-uusapan at para bang may nagawa kang kasalanan, Walang masamang maging masaya at gumawa ng ikasisiya basta walang batas na sinusuway at makakasakit sa damdamin ng iba. 



Ang buhay ay trip-trip lang.

Linggo, Pebrero 27, 2011

FLOWER BURST

"Flower Burst"
Acrylic on Paper





*stream of consciousness, took the paper, got the acrylic and just paint...


Me, the flower
Dancing in the air
Freely flowing
Bursting in the open
A shower of colors
Festival of the fabulous
My consciousness,
Its complications
Are mysteries of my thoughts.

Filipino Translation


Ako, ang bulaklak
Sumasayaw sa hangin
At malaya ang pagdaloy
Sa kalawakan
Ang sandamakmak nitong kulay
Ay pagdiriwang
Ng mga kamangha-mangha't mahusay
Ang aking kamalayan
At taglay nitong kaguluhan
Ay misteryo ng aking kaisipan.


Sabado, Agosto 7, 2010

KALAWAKAN


Tulang ibinahagi kay PenPen B. Takipsilim, Facebook friend.




hanggang kailan
hanggang saan
ako ay pipikit
maghihintay
sinong lalapit
sinong sasabay
sa aking paglalakbay?

lilipad ako
lalangoy
ngunit takot sa pagsadsad
kaysakit ng bawat paglagpak

sa langit na sa akin nakasaklaw
hindi mabilang ang ulap na dadagan
pagpatak ng ulan dagling dadaan
ang bagsak ay sa aking matang mapanglaw

lilipad, kakampay
susunod lang ba sa agos na daraan?

lalasapin, dadamhin
kahit masakit ang pakiramdam

mamanhid
di na pakikiramdaman
ang bawat pintig ng pusong sugatan
maghihilom
matutuyo
di na malulumbay
darating na ang katapusan...

Miyerkules, Hulyo 14, 2010

LOVE WON'T EAT ME


Love won't eat me anymore. But never will I hate it... The show must go on, life is still beautiful after all. I may be too sentimental enough to be eaten by the circumstances and situation but it was long enough that I had prepared for it. Accepting all the facts behind all the truth is the only thing I can do...



Love won't eat me... I don't want to be miserable just because the person I love the most, the person whom I thought will always be there will not care at all. I need to broaden the spectrum of my mind, I don't want to be over acting on these things, after all, it's part of the game. The game may be over, call it quits!



Love won't eat me. Love will hurt but never be strong enough to swallow whatever feelings left on me. It made me stronger. Love won't eat me. It won't hurt me. I will only cry...


Orihinal na sinulat noong Oktubre 2008 sa aking lumang blog. Naisipan kong buhayin muli dahil ito ang nararamdaman ko ngayon. Cheesy ba?

Sabado, Hulyo 10, 2010

MOMENT KO 'TO


Kalukahan ko. Emote mode ako. Bakit ba kasi kailangan pang mag-play ng mga kantang katulad nito… Ang sarap pala ng pakiramdam kapag malungkot na malungkot ka. Tapos papatakin mo luha mo at papahirin din naman sabay singhot. 

Sinabi na kasi, e. Ang kulit-kulit ko at ako din naman ang gumawa ng kung ano ang pinagdaanan ko ngayon. Moment ko ito. This is the moment! Parang hindi pa ako makapaniwala. Heto na at malinaw na malinaw. The time has come. Pinaniwala ko lang talaga ang sarili ko na kunyari may forever kahit alam kong wala. Kagagahan! Nag-inarte pa ako at nag-feeling 16 years old. May tama nga ako sa utak at tanggap ko naman. 

Kapag nagdedeliryo tayo sa kaligayahan, dapat talaga nilalasap to the last drop para pagdating ng time na tapos na, nalasahan mo ito at ninamnam pa. Kapag nasaid at naubos na, pasensya na lang. Talagang ganoon. Hindi talaga dapat pinakakawalan ang bawat pagkakataon sapagkat pagkamulat-mulat mo, maaari itong biglang mawala at dapat handa tayo sa lahat ng pagkakataon. 


Kung sana ang sakit nito ay puwedeng daanin sa pag-inom lang ng pain killer o pagpahid ng ointment. Madali sanang mawala makalipas ang ilang oras. Pero ang sakit na dala ng pag-emote dahil nasaktan ang puso mong tanga, ang tagal bago maghilom. Kahit yata 40 years pa kapag nanaig sa damdamin ang kirot na dulot nito, hindi matatanggal. 

Ang tanga ko nga. Hindi ko naman itinatanggi. Noon pa man sinabi ko na tama na at tapos na. Wala rin namang papupuntahan. Alam ko na sa bandang huli ako rin ang masasaktan. Ang daming beses na nga. Hindi lang isa, dalawa, tatlo, apat… paulit-ulit lang. Paulit-ulit akong nagpapakatimang. Wala akong sinasayang na pagkakataon na kapag pinakitaan ng pagmamahal kahit sa pinakamaliit pa nitong paraan, hulog na hulog na ako at napakadaling bumigay. Konting suyo lang, sabik na sabik at nagkakandarapa. May ibang kiliting hatid ito na hindi mo mawari. 

Nakakaasar ang puso. Nililito ka pa minsan. Hindi umaayon sa isip kadalasan Umayon man ang isip mo, ‘yung ibang nakapaligid sa iyo ang siya namang mamamakialam. Biktima kami ng sitwasyon. Dahil nagtagpo ang aming kaluluwang may kung anong hinahanap, nabulag yata. Sa aming dalawa namin nakita ang kalituhang dala ng pangyayari. 


Natapos na nga dapat noon pa. Hindi ko rin ipinilit ang sarili ko. Sitwasyon na naman ang sa amin ay nag-ugnay. Mahaba-habang panahon rin ang paglasap namin sa pagdedeliryong dulot ng kaligayahang bunga ng pagkahanap namin ng tagasalba sa kalungkutan.

Ilang oras bago ko sinimulan ito, tumutunog ang telepono ko. Ano ba ‘yan magpaparamdam na naman. Akala ko ba tapos na ang lahat? Ah, ako pala ang nagtuldok kahapon dahil nasaktan ako. Sakit na wala naman talaga sa lugar. Pero hindi naman sa koma nagtatapos ang bawat pangungusap. Para maganda ang tono ng bawat linya, kailangan tinatapos ng maaaring patanong at pandamdam. Naisip kong tuldok ang ilagay at huwag ng magkaroon ng susunod pang pahina. Makita ko lang ang katapusan nito. Wala na sigurong susunod na kabanata. Maghihintay na lang ako ng panibagong kuwento…

Martes, Mayo 11, 2010

ASAHAN NINYO...

Natapos na ang halalan. Iba sa kung ano ang mayroon dati. Kung ilang beses na rin akong nakaboto at ilang beses na ring umupo bilang poll clerk. Hi-tech na masyado at nakisabay din ang social networking sites. Updated ang lahat sa kung ano ang nangyayari dito, doon at kung saan. May videos, may pictures at may shout-out sa facebook, twitter, etc.

Pagkatapos nito? Ano na naman kaya ang susunod? Sino ang tatanggap ng pagkatalo? Sino ang mananalo? Sino ang dinaya? Sino ang nandaya? May mga nasaktan ba? May mga nasugatan? Panalangin kong wala sanang nagbuwis ng buhay.

Nakakalungkot isipin na may mga taong hindi kayang panindigan ang sariling desisyon at makapag-isip kung sino ang nararapat. Ilang milyon din ang nagka-memory loss at bigla nakalimutan ang mga pinagdaanan at nangyari noon. Sa bandang huli, lahat isisi sa Pangulo ng Pilipinas ang lahat ng problemang darating at biglang kinalimutan din na sila ang nagluklok dito.

Asahan ninyong marami na namang mga kung anu-anong pagpipiket, rally at mga pakikipaglaban na magaganap. Laging ganito ang eksena, walang pagkakaisa, uubusin ang oras sa pakikibaka sa lansangan at sasabihing si Pangulo ay pababain sa puwesto.

May mga impeachment complains na naman tiyak. Uubusin ang oras sa hearing ng mga pinararatangang tiwali at bigla makakalimutan ang sitwasyon ng bansa.

Asahan nyong may mga election hearings na magaganp, may imbestigasyon dahil dinaya daw ang ilan. Mauubos na namn ang oras at ang pondo ng gobyerno sa mga ganitong alingasngas at bigla makakalimutan na ang mga taong tirik na ang mga mata sa gutom.


Ang nanalong Pangulo, hindi pa nag-iinit ang puwit sa puwesto, pababaing pilit at hahainan ng mga impeachment complains. Magkakagulo ang kongreso, yes or no. May titiwalag, may babalimbing at may mag-wa-walk-out na naman. May mangigigil, may lalabas na bayani at may iiyak… baka may sumayaw pa!

Paulit-ulit lang naman. Ilang termino na ba ng Pangulo ang naranasan ko? Habang tumatagal, lalong tumitindi. Nakakasawa at nakakasuka.

Ang mga pulitikong pinagkatiwalaan ng tao at nagpabilog sa ulo ng mga ito ay siyang mga taong maghahatid ng malaking gulo sa ating bansa. Ang lahat sa kanila isisisi at bigla nakalimutan na sila mismong nagsisipag-aklas sa kalye ay sila rin mismong bumoto at naghalal dito.

Habang tumatagal lalong nabubulok ang sistema ng ating gobyerno. Habang may mga buwaya at mga mapagsamantala, hindi tayo titino. Kawawa ang bansa at kawawa ang mga taong nadadamay sa mas maraming porsiyento ng mga walang alam at pumapayag na maloko.

Asahan ninyong lahat na paulit-ulit lang iyan. Dahil ang mga binoto ninyo ay siya ring nakaupo sa mga nagdaang termino. Asahan ninyong lalago ang lahat ng kanilang negosyo, at ang mga Pilipino, dadami ang magugutom, lalong maghihirap at malulugmok na naman ang bansa at hindi na makakaahon.

Tayong tao rin naman ang may kagagawan. Kayo, sila… lahat kayong hindi nag-isip at nagpadala sa kung ano ang uso, kung sino ang patok at sino ang sikat.

Labis pa naman ang aking pag-asa na may kakaharaping bukas ang bansa at may liwanag pang magbubukas. Akala ko ay hihinto na ako sa pangingibang bansa at sa Pilipinas bubuo ng mga pangarap. Ang lahat ay boong akala lang pala. Habang pinapanood ko ang resulta, ako ay nahihiya, nagugulat at sa puso ko ay tila baga may kumukurot. Nasaan ang mga matatalinong Pilipino? Naubos na ba?

Nakakapanlumo. Bakit pagdating sa pulitika ang tanga nating mga Pilipino? Umaalingasaw ang baho at nakakasuka. Bongga pa naman tayo sa ibang aspeto at laging taas noong nakikipagtunggali saang sulok man ng mundo.

Sa pagkakataong ito, marami tiyak ang natatawa dahil sa resulta ng halalan. Ang tanging dalangin ko lang, kahit marami na ang nagpakatanga sa pulitika, hinihiling ko pa rin at ipinagdadasal ang patnubay ng Makapangyarihan sa lahat. Magkaroon ng himala at hugasan ang mga tuyot na utak ng marami sa atin at magkaroon naman ng bagong liwanag ang bansa. Paano na kaya?

Sabado, Marso 6, 2010

ANG KALIGAYAHAN AY NAKAPALIGID LANG



Sa mga oras ng kalungkutan, marahil hindi mo nasusumpungan ang kaligayahang nasa harap mo lang. Mga simpleng bagay na makapagpapasaya sa iyo. May mga simpleng bagay na kapag minsang malungkot ako ay nakakasumpong ng tuwa sa mga nakapaligid lang o hindi kaya ay mga bagay na hindi mo minsan napapansin pero nakakatuwa. Kapag may nakakita sa akin, sasabihin tila isip bata ako. I always carry a child in me. Kaya nga sweet ako. De vah? E, ano naman. Gusto ko nga. Iniisip ko lang kung sigurong seryso ako masyado sa buhay ay baka sandamakmak na ang wrinkles ko. Meron na nga kaya pinipilit pa ring iwasang magalit at sinisugurong nakangiti to the fullest level. Sagad hanggang tenga. Hahaha.

Simple lang ang kaligayahan ko at hayaan ninyong isa-isahin ko. Nakakatagpo rin ba kayo ng kaligayahan sa mga ito?

  1. Katulad ng nasa larawan, may mga pagkaing sabi nila ay pambata lang pero masaya akong kumakain ng mga ito. Masaya ako kung makakain ako ng kendi na sampalok, yung may budbod na asin. Trip ko rin ‘yung mga kending nabibili ng tingi sa tindahan. I love chicharon at isasawsaw sa suka. Chicharong bulaklak, at lahat ng pampa-highblood! (Buti may BEPSAR, just in case tumaas ang presyon ng dugo.)

  1. Gusto kong makipagkuwentuhan at balik-balikan ang mga nagdaan. Kahit minsan sinasabi kong hindi na dapat binabalikan ang tapos na pero iba ang feeling kapag napag-usapan ang mga nagdaang panahon lalo na noong kabataan. Masarap humalakhak. Walang kasingsaya.

  1. Mahilig akong mag-ipon ng basura. Hahaha. Makuyagot ako, makalat at tinatago ang kahit anong maliit na bagay lang lalo na kung may sentimental value. Maging ito ay bato pa, dahon o kapirasong papel na galing sa taong mahalaga sa akin. Ang nakakaloka sa akin, ikakalat ko ito, isa-isang titingnan tapos ibabalik ulit. Sorting kunwari para may maitapon pero sa bandang huli, ganoon pa rin. May kung ilang kahon ako sa bahay ng mga kung anu-ano lang na naipon ko pa noong elementary ako, high school, college, at lalo na mga kung anu-anong anik-anik galing India.

  1. Mahilig akong magsulat ng kahit ano lang. Minsan napupuno ang mga papel sa harapan ko ng pirma ko, mga kung anu-anong salitang lumalabas lang at minsan may drawing ng kung anu-ano, mostly flowers. Hehehe. Masaya ako kapag nagagawa ko ito. Nakakalis ng stress.

  1. Gusto ko ng lahat ng may sabaw. Lalo na kapag maasim. Kahit ito pa ang ulamin ko araw-araw, hindi nakakasawa. Iba ang pakiramdam kapag ganito ang ulam ko. Kaya palagi akong may tamarind powder mix o kaya tamarind cubes. Kapag may sabaw, solved na ako!

  1. Paborito kong tingnan ang mga natuyong sanga. Ali na aliw akong pagmasdan ito. Lalo na kung talagang halos wala na ang mga dahon at nagsilagas na. May kung anong dramang hatid ito sa buhay ko na hindi ko maipaliwanag.

Biyernes, Marso 5, 2010

KUNG NABUBULUNGAN ANG PUSO



Ang puso kung nabubulungan lang at nakikinig marahil wala ng timang sa lupa. Sa dinami-dami ng mga natitimang, lahat may kinalaman sa pag-ibig na kagagawan ng puso. May mga sobrang husay, sobrang tino na pagdating sa pag-ibig ay zero at walang alam. Nagpapakatimang sa pag-ibig na mapang-asar pero nakakatuwa naman kung minsan.

Kung ang puso nakikinig, ibubulong kong huwag tumibok ng alanganin at kung puwede ay magpakahinahon sa mga panahong halos mahulog ka na sa sobrang pag-ibig. Ibubulong kong  huwag muna, teka muna at ako ay hindi pa handang magmahal.

Kung nabubulungan ang puso sasabihin kong magpakatino at huwag maging tanga sa mga oras na dapat ay tumitibok ito ng tama. Ibubulong kong magpakahinay-hinay sa pagkabog para ang pinaglalagyan nito (ako ‘yon) ay huwag mahulog at malunod.

Pangangaralan ko ang puso na maging manhid minsan kung kinakailangan para hindi ganoong kasakit ang aking maramdaman. Ang sakit ng puso ay sakit din ng buong katauhan, sakit lalo ng isipan. Pero minsan, nagiging bulag ang puso sa katotohanan kaya nga nagiging tanga ka. Kalokang puso, walang mata pero nabubulag pa!

Ibubulong ko sa puso kong kung maari ay huwag magpakitamang at ng sa gayon ay maging matino naman ako sa mga pagkakataong mas kinakailangang isip ang gumana. Sasabihin kong pabayaan ng isip ang magpasya at huwag ng mamakialam pa. Baka sa ganitong paraan ay hindi ako maluka.

Nananadya kasi ang puso. Nakakaasar pa minsan. Kung kailan pakiramdam mong iyon na, dumating na, malilito pa at pilit gagawa ng eksena. Kakaloka. Kakatimang…