Ipinapakita ang mga post na may etiketa na alaala. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na alaala. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Pebrero 18, 2011

THE SONG TERE BINA OF GURU THE MOVIE USED IN "TUM, MY PLEDGE OF LOVE"

Madami ang nagtatanong kung anong kanta yung ginamit sa backround ng trailer ng pelikulang "TUM, My Pledge of Love" na ginawa sa India at dahil mahilig akong makinig ng Hindi Songs, matagal ko ng alam ito. TERE BINA ang title na ginawa rin ni A. R. Rahman na siyang nagpasikat ng kantang "JAI HO" para sa pelikulang Slumdog Millionaire na sumikat din sa Pilipinas sa version kasama ang Pussycat Dolls. 

Maganda ang melody ng kantang TERE BINA (Without You) at kahit sa wikang ng mga Indians (Hindi) ito naririnig, may dating pa rin. Makikita sa baba ang translation ng kanta. Ito ang ginamit na kanta sa pelikulang GURU na pinagbidahan nila Abishek Bachchan at Aishwarya Rai.


Heto yung pelikula nila Robin at Mariel:



At Heto yung pelikulang GURU na siyang may original sound track na TERE BINA:




Heto ang original lyrics ng kanta at English Translation nito:


dum dara dum dara mast mast dara
dum dara dum dum
oh hum dum bin tere kya jeena 
oh lover,  what's life without you?

tere bina beswaadi beswaadi ratiyaan, oh sajna
without you the nights are colorless, flavorless

rookhi re oh rookhi re,

and sickly, like a malady

kaatore kaate katena
try as i might, it won't pass
na jaa chaakri ka mare na ja
don't go Don't go for the sake of duty
souten pukaare
your lover is calling out to you
saawan aayega toh poochega
when the rains come they'll ask where you are
na ja re
please don't go
pheeki pheeki beswaadhi
colorless, flavorless
yeh ratiyaan
are these nights
kaatore kate na kate na
and they won't pass quickly
ab tere bina sajna sajna
without you my lover
kaate kate na
katena katena tere bina
tere bina beswaadi beswaadi
ratiyaan, oh sajna oh
tere bina chand ka sona khota re
without you the moonlight appears fake
peeli peeli dhool udaawe jhoota re
everything is false, like dust in my eyes
tere bina sona peetal
without you gold is just brass
tere sang keethar peepal
when you're there everything is wonderful
aaja katena ratiyaan
dum dara dum dara mast mast dara - 2
dum dara dm dum oh hum dum
bin tere kya jeena


Pinaalala sa akin ng pelikula ang lugar, ang kultura, ang tradisyon, ang mga tao at aking mga kaibigan sa India na sampung taon ko ng hindi nakikita. Kikita kaya ang pelikulang pinaghalong Filipino at Bollywood? 

Lunes, Disyembre 27, 2010

PAGKALIPAS NG LABING-WALONG TAON

May panahon para sa lahat. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay darating ito ng kusa, inaasahan man ngunit hindi kasing saya ng kung ano ang naiisip lang. Mas masaya ang pangyayaring bigla. Nakakatuwa at nakakataba ng puso.

Kung ilang buwan din itong napag-usapan. Salamat sa facebook at nabigyan ng pagkakataong magkausap-usap ang mga matagal ng hindi nagkikita at nagkaroon ng puwang na magkaisa at pag-usapan ang pinananabikang reunion.

At sinumulan na nga ang pagpo-post ng kung anu-ano. Nagkamali pa nga sa pagbilang ng taon at ako ang siyang salarin. Labingpito ang naging bilang ko, labing walo pala. naitama naman sa bandang huli at sa 2012, saktong dalawangpung taon. 

Paano tatakbo ang reunion? Sino ba ang mag-aasikaso? Sino ang mamumuno? Paano ang mga gastusin? At heto ang ilan sa mga naging usapan sa thread:
Sa pangunguna ni Wena na matiyagang nangumbinsi para sa mga gustong magbigay ng pledge, nagkaroon ng linaw ang lahat. May pag-asang nakita at mukhang ako na nga ang talagang hinihintay para mabigyang buhay ang inaasam-asam na reunion.



At ako ay gumawa ng invitation at isa-isang ipinamigay, ipinabigay at ikinalat...


May mga nag-inarte, may mga kung anu-ano kaming narinig pero wala akong pakialam. Sa mga gustong pumunta at gusto magkita-kita, ang lahat ay welcome. 

Martes, Disyembre 14, 2010

SI MOMMY ROSE AT ANG KANYANG MGA KAYAMANANG NAKATAGO



Noong huling bisita ko kay Mommy Rose, binuksan niyang muli ang kanyang mga kayamanang pinakaiingat-ingatan, mga sulat at kapirasong mensaheng maingat niyang itinatago. Marami dito ay galing sa akin noong kapanahunan ko ng college, di masyadong uso ang text dahil wala akong cellphone at mahal pa ang bayad sa internet. Nakakatuwang pagmasdan ang mga nakasulat. Sweet pala ako! Hahaha! Ito yung dalawang sulat na ibinigay ko kay Mommy Rose noong 2000 at 2010. Si Mommy Rose ang aking land lady na nagturing sa akin bilang kanyang anak. Masarap makipagkuwentuhan sa kanya dahil para akong nakakarating sa kanyang panahon.

Mahilig akong magsulat. Mahilig gumawa ng mga simple notes sa kahit anong kapirasong papel. Ito ang aking old version ng text messages at wall post ng facebook. Masarap makatanggap ng sulat na pinaghirapan dahil damang-dama mo ang pagmamahal. Nakatago lahat ang mga mensahe at sulat kong natanggap simula ng ako ay Grade five. Kayo mahlig din bang magsulat?

Miyerkules, Agosto 18, 2010

TEN RANDOM MEMORIES WITH MY SISTER

Ako at ang aking mahal na kapatid. Magkasama
sa lahat ng oras. Sa saya, sa tuwa, sa dalamhati at
sa pighati.

Thirty years! Grabe, trenta sarado na ang aking mahal na kapatid, sister, sisbumba, sisteraka, shufatid, aking PA, Accountant, Auditor, tagapag-asikaso sa lahat, tagapagtago ng sikreto at minsan tagapag-buko, taga-booking din kung minsan, kasama sa lahat ng kalurquey-an, kabalitaan, kabalitaktakan, minsan naging magkaaway? kahati sa pag-ibig? Oo, si Marisan Bautista Trinidad-Dultra, ina ni Reinazia.


1. WEEKEND CHIKA. Noong elementary kami, dahil magkaiba kami ng tirahan (kay Mommy ako nakatira) tuwing biyernes ng gabi ay pumupunta na ako sa kanila at doon matutulog. Simula ng umaatikabong kuwentuhan tungkol sa mga sikreto na kadalasan ay tungkol sa mga crushes. Siyempre kilala ko ang crush niya at her age of 7, kumekerengkeng na ang hitad!

2. FASHION SHOW. Kung may weekend chika kami, may weekend fashion show din. Siyempre kaming dalawa lang ang nakakaalam at baka ma-ombag ako ni Nanay kapag nalamang isinusuot ko ang kanyang mga hig-heeled shoes at mga floral bestida. Buti na lang ang sis ko, ang husay magtago ng sikreto.
 
 
 
3. ASSIGNMENTS AT PROJECTS. Siyempre, di ako papayag na hindi bongga ang project ng aking kapatid kaya kuntodo suporta ako sa paggawa ng kanyang mga assignments at projects sa school.

4. FIRST DAY SA SAINT PAUL. Nasigawan ko siya at pinagalitan dahil lagi wala sa sarili. Iwanan daw ba ang neck tie na part ng kanyang school uniform? Kandagalaiti ako siyempre. Nakakaawa kasi lagi ko na lang siyang nasisigawan. Huhuhu!

5. RECOGNITION DAY 1996. Sabay kaming umakyat sa stage at sabay kaming sinabitan ni Nanay ng medalya. Siyempre ako ang first place at second siya. Paligsahan sa paggawa ng tula sa Saint Paul. O, di ba?

6. FIRST MOBILE PHONE. Mas nauna siyang nagkaroon ng mobile phone sa akin. College pa kami noon. Saludo ako sa kapatid ko pagdating sa pera. Masinop. Matipid. Ibang klase. Kaya naman nagkaroon ng cellphone na nabili niya ng second hand. Nokia 5110. Bongga na iyon that time. Buti naman at nagamit ko dahil ipinahiram niya sa akin.




7. DEBUT, 18th Birthday. Siyempre, kinareer ko ang paghohost at pag-aasikaso ng lahat. Nakaraos naman kami ng maayos at nag-enjoy ang madla.

8. BOOKING. Bago ako pumunta ng India, tiniyak niyang magkita kami ni _____ at naging maayos naman ang lahat. Mahusay mag-book ang kapatid ko. Sana siya rin ang maging dahilan ng pagbabalikan namin. Hahaha!

9. KASAL. Ako ang nagpursiging ikasal siya sa madaliang panahon. Gusto kong masaksihan ang kasal ng aking mahal na kapatid. Ako ang naging punong abala sa lahat. Invitaion, give-aways, damit ng mga abay, damit niya. Lakad dito, takbo roon. Natapos naman ng maayos at ilang araw lang ang lumipas at ako ay umalis na ng ‘Pinas.
 

10. AIRPORT. Siya ang laging sumusundo sa akin, si Kuya One ang driver at kasama si Jobie. Ma-drama ang huling pagsundo niya sa akin dahil sa isang yakap pa lang niya ay naramdaman ko na kung ano ang ibig niyang sabihin….

Taong 2001 ng kami ay magkasabay na makapagtapos
ng Kolehiyo. Cum Laude po ang kapatid ko. Kinabog ako.

New Year 2005

Miyerkules, Hulyo 14, 2010

LOVE WON'T EAT ME


Love won't eat me anymore. But never will I hate it... The show must go on, life is still beautiful after all. I may be too sentimental enough to be eaten by the circumstances and situation but it was long enough that I had prepared for it. Accepting all the facts behind all the truth is the only thing I can do...



Love won't eat me... I don't want to be miserable just because the person I love the most, the person whom I thought will always be there will not care at all. I need to broaden the spectrum of my mind, I don't want to be over acting on these things, after all, it's part of the game. The game may be over, call it quits!



Love won't eat me. Love will hurt but never be strong enough to swallow whatever feelings left on me. It made me stronger. Love won't eat me. It won't hurt me. I will only cry...


Orihinal na sinulat noong Oktubre 2008 sa aking lumang blog. Naisipan kong buhayin muli dahil ito ang nararamdaman ko ngayon. Cheesy ba?

Lunes, Mayo 10, 2010

MGA FABULOZANG PAALALA NI MOMMY AT NI NANAY



Ang suwerte ko. Lumaki akong dalawa ang nanay. Si Mommy, hindi man pisikal kong kasama, alam kong nakabantay lang sa tabi ko at nakasubaybay at sa bawat desisyon ko sa buhay, sa bawat katanungang babagabag sa isipan ko, magpaparamdam o hindi kaya kakausapin ako sa panaginip. Si Nanay, nag-uusap naman kami. Mahina nga lang ang pandinig minsan at tuwing nag-uusap kami sa telepono para kaming nagsisigawan. Normal lang iyon. Ganoon lang talaga kami. Dala ko hanggang ngayon ang malakas na boses at parang galit kahit hindi. Sa mga hindi nakakakilala sa akin, malamang nasuntok na ako o kaya ay nasabuyan ng tubig.

Mother’s day ngayon. Nag-isip ako kung ano ang isusulat ko. Ang daming nagsalisalimuot sa utak ko. Nalito. Sa mga pinakahuling sandali, heto na nga nagsusulat na at paninindigan kong hindi mag-drama. Lagi na lang bang drama? Kapagod maging artista sa sariling mundo. Emote dito, emote doon. Para naman maiba, iisa-isahin ko na lang ang mga paalala ni Mommy at ni Nanay habang lumalaki ako.



Si Mommy at ako. Mga alaala naming dalawa.

Si Mommy, kahit noong nagtatrabaho na ako lagi akong sinasabihan na MAGPAKATINO RAW AKO. Siguro ramdam naman talaga niyang may tama ako sa utak at madalas sinusumpong. Ang isasagot ko, “Luka-luka ba ako Mommy?”

Mga natatandaan kong madalas sabihin ni Mommy:

HUWAG KANG MAGPAPALOKO kung kani-kanino. HUWAG KA NGANG MAGASTOS dahil hindi pinupulot ang pera. NANGINGINTAB ANG MUKHA, LAGYAN MO NG PULBOS. LAGI KANG MAGDASAL. HUWAG KANG BURARA. Huwag nakikita lang ang dapat mong linisin dapat yung sulok-sulok. KUMAIN KA NG GULAY HINDI PURO KARNE. HUWAG KANG PIHIKAN SA PAGKAIN hindi tayo mayaman. MAG-ARAL KANG MABUTI. HUWAG MONG SINASAGOT  ang daddy mo. HINDI BALING MATAKAW, HUWAG LANG MAYABANG.


Paano ko sinunod ang mga pangaral ni Mommy:

Hindi ako nagpapaloko. Magastos lang ako sa mga lotion at pamahid sa mukha. Minsan pagkain din. Hindi ako nagpupulbos Mommy, foundation pwede pa! Hahaha! Umaga, tanghali, gabi… parati akong nagdadasal. Tinatamad lang ako minsan. Hindi naman ako ganoon kadumi. Ayoko na ng sulok para wala na akong linisin. Hahaha! Nirayuma na nga ako. Mahilig na ako sa gulay ngayon! Yehey! Lahat kinakain ko, kahit tira lang. Hehehe. Nag-aral akong mabuti. Hindi ko na sinasagot si Daddy, mabait na kasi siya ngayon. Matakaw ako. Hehehe.


Bonding with Nanay.


Mga pangaral ni Nanay:

HUWAG KAYONG MAG-AWAY na magkakapatid. MAHALIN MO MOMMY MO. Kayu-kayo lang ang magmamahalan. PAGPASENSYAHAN N’YO NA SI MARLON, kayo naman ang matanda. KAKAUSAPIN MO ‘YUNG TATAY MO. Akala mo lang di ka niya mahal pero proud iyon sa iyo. HUWAG TIPIRIN ANG SARILI SA PAGKAIN. MAGPAKALALAKI KA!

Paano ko sinunod ang pangaral ni nanay:

Hindi kami nag-aaway na magkakapatid. Minsan lang, mga larong away. Walang seryosong awayan. Alam ni Nanay na mas higit kong minahal si Mommy. Sobra-sobra. Oo, pinagpasensiyahan nga namin si Marlon. Tuloy, spoiled at naging pasaway! Kaloka. Ano naman sasabihin ko kay Tatay? Hindi naman ako nagtitipid sa pagkain. Mas marami nga lang akong binibiling pamahid kumpara sa pagkain. Hehehe. Ano raw? Gawin ba akong maton?



Huwebes, Marso 25, 2010

KUWENTONG TOOTHPICK



Hindi ako sanay mag-toothpick at lalong hindi ako gumagamit nito. May mga taong nakasanayan na kasing mag-toothpick at parang pagkaing nakahain din sa mesa. Pagkatapos ng masaganang kainan, toothpick ang agad kinukuha upang tanggalin ang tinga.

Bigla naalala ko ang tungkol sa toothpick. Noong nasa India ako, pili lang ang mga kinakainan namin. Mas madalas burger o pizza. Mahirap makahanap ng plain rice. Hindi rin naman available kahit sa McDonald’s dahil sa Pilipinas nga lang yata mayroon nito. May mga pagkakaton namang mahirap tanggihan ang mga imbitasyon ng mga kaibigan. Kaya kahit pilit, para hindi sumama ang kanilang loob. Go! Sa maliliit na kinang pang-Indian, may mga toothpick sa counter at doon puwedeng kumuha pagkatapos magbayad.

Nagkaroon ako ng Indian bestfriend, o sige sabihin na nating mas higit pa doon dahil halos sa kanila na ako tumira. Si Varun Singh, 17 years pa lang siya noong panahong iyon at ako ay 23. Kung paano kami nagkakilala ay dahil sa toothpick. Toothpick ang may sala. Hahaha! Toothpick na nakalagay sa counter ng kainang pang-Indian at nakalimutan ko na ang pangalan. Hindi naman kasi kilala. Parang carinderia lang. Ang natatandaan ko lang, sweets lang ang kinain ko. ‘Yung gulab jamun.

Nakakabitin ba? Basta, sumasagi sa isip ko si Varun kapag may toothpick akong nakikita. Si Varun na ng dahil sa toothpick ay naging bahagi ng buhay ko. Mabait ang nanay niya, si Mommy Madhuri. May kapatid siyang babae, si Aditi. Wala ang tatay niya, pinadala ng gobyerno ng India sa Iraq bilang Deputy Manager ng isang kumpanya.

Nang dahil sa pamilyang ito ay naramdaman ko kung paano ang buhay Indian. Maraming beses din kasi akong tumigil sa kanila. Kasama sa mga lakad. Sinusundo ako ni Varun minsan sa institute na pinapasukan namin at inuuwi sa kanila. Naipagluto ko na rin sila ng ilang beses. Tinadtaran ko na lang ng sili para may lasa. Pero nasarapan naman sila. Marami pa akong bagay na nagawa sa piling ng pamilyang ito at naramdaman kong itinuring akong anak.

Kung hindi dahil sa toothpick, hindi ko makikilala si Varun at hindi mararanasan ang mga bagay na ito na nagpatingkad ng pagtigil ko sa India. I lost communication with Varun. Timang din kasi siya. Alam ko may maganda na siyang trabaho bilang IT Specialist. Sinubukan kong i-search ang pangalang Varun Singh pero libu-libong Varun Singh mayroon sa India. Nakakapagod isa-isahin at baka mapuno ako ng tinga. Wala pa naman akong toothpick…

Biyernes, Marso 19, 2010

MGA HULING TALATANG IPAPABASA SA KANYA



Ngayong gabi makakagawa ako ng talatang
Nais kong ipabasa sa kanya kung saan
Binabalot ng kalungkutan ang aking
Mga matang malamlam
Tila ibig pumatak ng mga luha
Ngunit nais kong tapusin
Ang mga huling talatang
Sa kanya ay nais ipabasa…
Ngayon ang gabing sa langit ang mga bituin ay kumikislap
Bilog ang buwan at may hatid na liwanag.
Katulad rin ito ng mga gabing aming pinagsaluhan
Hindi mabilang na sandaling pinupuspos ng galak
At mga pagniniig na siyang pinangarap.
Ngunit ngayong gabi rin tatapusin
Ang sayang binigyan ng kulay
At pilit tatapusin ang mga huling talatang
Sa kanya ay iaalay.
Ang lungkot na ngayon ay aking nadarama
Ay katulad din ng lungkot bago siya nakilala
Minahal niya ako, minahal ko siya
Ngunit ngayong gabi ay tatapusin ang mga linya
Ng talatang sa kanya ay ipapabasa.
Talatang ang laman ay paghihiwalay
Upang buuin muli ang mga sariling nasugatan.
Ang talatang maisusulat ko ay lipos ng kalungkutan
Sapagkat hindi namin ninais na maghiwalay
Ngunit ngayong gabi kung saan ang ilan ay payapang natutulog
Ay gigisingin ang damdaming puno ng lungkot.
Sapagkat ngayong gabi ay isusulat ko
Ang mga huling talatang sa kanya ay ipapabasa
At bibigyang dahilan ang paghihiwalay ng landas
Mapait, masaklap, malungkot, puno ng pighati
Iniibig ko siya pero hindi dapat mahalin
Siya’y sa iba na, iba na ang kanyang makakapiling
Diwa ko’y lumilipad at hindi mapakali
Iniisip ko siya, ang lamlam ng kanyang magagandang mga mata
Matatamis na ngiti at mahihigpit na haplos ay nasa aking gunita
Hindi ko na siya dapat mahalin pero iniibig ko siya
Kaya ang aking damdamin ay ilalagay ko
Sa mga huling talatang ipapabasa sa kanya…



Sabado, Marso 13, 2010

NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING



Para sa isang kaibigang nagmamahal at naghihintay…

Mga matatayog na pader ang tila hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko, isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.

Labis ang aking pagtatakang sa pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.

Hindi kita araw-araw na nakikita at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na kalagayan ng pamilyang mayroon ako.

Sa tuwing nakikita kita, iba ang siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita natatanaw.

Kaybilis lumipas ng mga araw at unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.

Sapat na ang mga narinig ko. Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.

Nais kong ipabatid sa iyo na buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.

Biyernes, Marso 12, 2010

PITUMPU’T LIMANG TAON NA ANG AKING LOLA





Happy Birthday Inang! Naisin ko mang kuhanan ng picture s Inang, malayo kami sa isa’t isa kaya kinuhanan ko na lang ang isa mga larawang kasama siya. Tinawagan ko ang aking lola at hindi makapagsalita dahil naubusan na ng sasabihin. Na-miss ko tuloy ang aking paboritong tinumis at mga luto niyang lahat ay masasarap. Hintayin mo ako Inang at mag-ba-bonding tayo ng bonggang-bongga pag uwi ko. Kayo, may magaganda ba kayong alaala with your Lola?

Huwebes, Marso 11, 2010

APATNAPU’T PITONG TAON



Marso 10, 1963 ang eksaktong petsa ng ikasal si Mommy at si Daddy. Kung nagkaroon sila ng anak, marahil marami na silang apo at ang panganay nila ay sabihin na nating 45 years old. Pero hindi sila nagkaanak kaya nga ako ang kanilang inilagaan. Bumuo kami ng isang pamilya. Ako bilang nag-iisang anak. Nagsama sa hirap at pagpupursigi para makaraos. Wala na si Mommy. Nandiyan pa si Daddy. Ang alaala ay palagi lang nandiyan. Katawan lang ni Mommy ang nawala, alam kong nandiyan lang siya kasama namin araw-araw. At ang araw na ito ay paggunita sa araw ng kanilang kasal, apatnapu’t pitong taon at bibilangin ko ito hangga’t ako ay may gunita pa.



Huwebes, Pebrero 25, 2010

KULAY NG DIWA NG EDSA



Sa paghahagilap ko ng larawang ilalagay ko sa blog na ito, bagama’t isang malaking pagkakamali ang aking nagawa sa biglaang pagpindot ng aking camera ay ito ang kinalabasan. Tapos, naisip kong holiday na naman sa Pilipinas dahil EDSA Day.

Sa paglalaro ng aking utak, biglaang naisip ko ang mga saloobin ko tungkol sa kung ano nga ba talaga ang alam ko tungkol sa EDSA Revolution noong 1986 na gugunitain pang-dalawangpu’t apat na taon na.

Ang sa akin lang may apat na kulay ang EDSA:

ITIM. Ang diktaturya ni Marcos ay binigyang katapusan ng EDSA. Ang diktaturya ay ang itim na kulay na bumalot sa loob ng dalawampu’t isang taon sa bansa. Hindi pa ako isinisilang ng ibaba ang Batas Militar. Apat na taong gulang ako ng barilin si Sen. Ninoy Aquino at hindi man ganoong kahinog ang isip ko ay wari bagang alam ko kung ano ang nangyayari sa bansa. Alam ko ang curfew law at takot na takot kaming lahat ng ang Lolo ko ay hulihin ng mga PC sa hindi namin alam na kadahilanan at sa awa ng Diyos ay nakabalik naman ng buhay. Itim ang kulay ng winakasang diktaturya, mga pandaraya, pang-aalipusta at pagtatago ng lahat ng katotohanan.

PULA. Ang kulay ng katapangan at kagitingin ng lahat ng Pilipinong kasama sa EDSA. Pari, madre, sundalo, mahirap, mayaman, lahat ng nakiisa at nakisama upang panindigan ang ipinaglalaban noong panahong iyon. Walang takot na pumunta sa EDSA ang lahat ng nais makiisa at makisama para sa mithiing makamit ang kalayaan at demokrasya.

ASUL. Ang kulay ng kapayapaang tinamo sa EDSA. Kulay ng pagkakaisa at pagsasama at pakikipaglaban sa tahimik at payapang paraan.

DILAW. Ang kulay ni Cory na siyang kahit pagbalik-baliktaran ay may kinalaman kung paano nasimulan ang pakikipaglaban. Sa kanyang layuning wakasan ang diktaturyang malaon ng nagisnan, parte siya ng EDSA at ng dahil sa kanya kasama ang mga kapatid nating mga Filipino ay tinamasa natin ang demokrasya.

Kaya, may dahilan upang ang EDSA People Power ay ipagdiwang, gunitain at ibahagi sa mas nakakabata sa atin. Ang EDSA 1 ay hindi isyu sa pagwawakas ng kahirapan o anupaman, ito ay ibang usapin. Ang pinakadakilang layunin nito ay wakasan ang diktaturya at makamtan ang demokrasya na atin ng tinatamasa ngayon.


Martes, Pebrero 23, 2010

TRY IT, YOU’LL LIKE IT: ANG KUWENTO KO AT NG BISIKLETA



Nakita ko ang batang ito at gusto ko lang siyang kuhanan dahil sa makulay nitong damit na nag-match pa sa kanyang bisikleta. Hindi ko agad pinansin ang larawan ngunit dahil parang naubusan na ako ng ikukuwento ay biglang hayan na, naisip ko ang bisikletang sinasakyan nito at nabasa ko pa ang nakasulat sa likuran na “Try it, you’ll like it!”

Sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang pagbibisikletang hindi ko man lang natutunan. Nanginginig ang aking may diperensiyang paa at mangangatog na parang nagmamakina. Iyon ang isa sa mga bagay na hindi ko na-enjoy kagaya ng karamihan sa mga bata na halos lahat ay sanay magbisikleta at kapag lumaon puwede ng magmaneho ng sasakyan.

Ewan ko nga lang talaga kung bakit kahit anong pilit ang pagsasanay sa aking magbisikleta ay tumanda akong hindi nasubukan kung paano mag-balanse, paano sumakay at mag-pedal. Ako ay dakilang taga-angkas lang!

Biyernes, Pebrero 19, 2010

NANGANGASIM




Habang sinusulat ko ang blog na ito ay halos matuluan ng laway ang aking keyboard sa pangangasim. Larawan na lang ang nakikita ko at nginatngat ko na ang manggang nanggaling pa sa Bataan. Ang manggang kinain ko ngayon na mas kilala sa tawag nating “ Indian Mango” ay nagbigay kasiyahan sa akin kasabay ang pagkalungkot dahil bigla kong naalala ang mga lumipas na panahon. Libre ang pagkain ng mangga kasabay ang ginisang bagoong. Ang ilan ay nakatanim lang sa mga bakuran ng kapitbahay at puwedeng pitasin kapag hinog na. Ingat lang sa mga nagdadamot dahil baka tirador ang kasunod at mabukulan ka pa.

Si Tita Ine ang isa sa mahilig kumain ng Indian Mango. Ang kaloka lang, bakit kaya tinawag na Indian Mango ang manggang tulad nito samantalang wala naman nito sa India? Hindi ko man lang natikman ang ganitong klaseng mangga habang nandoon ako. May mga manggang nandoon pero kasing lasa ng tinatawag nating “apple mango” na lasang gamot. Walang katulad ang manggang mayroon tayo kaya bihirang bihira na makatikim ako nito. Kung mayroon man ay maaaring ginto ang halaga.

Alam nating lahat na ang mangga kung walang bagoong ay masarap ding isawsaw sa patis na nilagyan ng vetsin (MSG) o kaya naman ay asin. Sa totoo lang hindi ko mapigilang mangasim at nagpopondo na ang laway sa aking bibig. Nararamdaman mo rin ba? Gusto ko ng mangga!!!

Linggo, Pebrero 14, 2010

ANG GITARA





Hindi ako natutong mag-gitara. Lalong hindi ako nagkaroon ng interes dito. Siguro mas nagkainteres akong manood ng naggigitara at pakinggan ang kanilang musika. Madalas itong libangan ng mga kalalakihan. Nakakatuwang balikan ang mga panahon na hindi pa gaano kapalasak ang internet at bihirang bihira lang ang may mga computer. Hindi katulad ngayon na ang iba ay tutok na tutok sa mga on-line gaming, networking, PSP at napaka-hi-tech na.

Sa boarding house  madalas ang mga ganitong eksena. Iyon ang bukod tanging libangan ng mga kalalakihan kasabay minsan ng Ginebra San Miguel o mas kilala sa tawag na gin kasama ang pagngatngat ng mani at kornik. Uso pa ang Expo at mahal ang Grower’s at masarap din ang corn bits! Wala pang Boy Bawang noon.

Ang gitara ay parang added factor sa isang lalaki. Kapag mahusay kang tumugtog nito, inlababo agad ang mga bilat. Madaling mahulog, mag-ka-crush at nai-in-love agad ang mga gerlash kapag ang hombre ay mahusay maggitara. Sige nga, paano kung haranahin ka ng isang lalaki, tugtugin ang gitara at kantahan ka pa? Bigla lang may nag-flashback na alaala sa aking nakaraan at napangiting nag-iisa. Ibang klaseng tama at napagtanto kong ako ay isang timang at sinusumpong pagka-minsan.