Ipinapakita ang mga post na may etiketa na BATA. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na BATA. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Abril 7, 2011

HINDI NAKAKAWILI : ANG KAHIRAPAN AT LEKSIYONG DULOT NI JAN-JAN



Hindi palaging perang napakadaling makuha sa pamamagitan ng game show ang magpapatakbo ng buhay ng lahat ng mahihirap na Pinoy. Ang show na katulad ng Willing Willie na animo ay sinasanto ng karamihan sa mga Pinoy ay sumasalamin mismo sa katamaran ng mga Pilipino. Perang madaling makuha kapalit na kahihiyan o ng sariling dangal ay perang biglang mawawala at mismong magbabaon sa iyo sa kahirapan.

Naging maingay ang mga taong sumuporta kay Jan-Jan dahil sa malinaw na pang-aabuso ng host na si Willie Revillame kahit pa i-deny niya ito ng maraming beses. Nakipagtalo pa ako sa isa kong kaibigan dahil tila sinasabi niyang walang kasalanan si Willie sa pagsayaw ng bata. Sabihin na nating walang kasalanan si Willie pero responsible siya sa lahat ng pangyayari dahil: (1) maaari niya itong pigilang mag-perform ng ito’y umiiyak na (2) hindi gusto ng isang bata ang kanyang ginagawa kung ito’y umiiyak maliban kung ito’y nasa isang pelikula (3) hindi na niya dapat hinayaang paulit-ulitin pang gawin ng bata ang kanyang pagsayaw (4) hindi na dapat pinangalandakan ni Willie na ginagawa ng bata ito para kumita ng pera.

Maraming leksiyon na makukuha sa pangyayaring ito at magbubukas sa mga mata ng mga taong kumakatawan sa kahirapang mayroon ang Pilipinas. Dapat nating malaman na bagamat mahirap tayo hindi laging instant o madalian ang pagkita ng pera, sapagkat ang pera ay pinaghihirapan at pinaghahanapbuhayan. Dapat mabuksan ang mga mata ng mga taong hindi game show ang sagot sa kahirapan kundi kasipagan. Nagiging mahirap tayo kung hindi tayo kumikilos at walang ginagawa at naghihintay ng grasyang babagsak o umaasa sa suwerte o himala.

Nakakalungkot isipin na nalason ng mga game show na ito ang isipan ng maraming Pilipinong ang buong akala ay iyon na nga ang kasagutan sa pinagdadaanang kahirapan na kahit pa magmukhang tanga sa harap ng tao ay ginagawa ang kahit anong bagay makakuha lang ng instant cash.

Ang sa akin lang, malaki rin ang pananagutan ng mga networks sa Pilipinas sa mga nakikita ng mga tao at napapanood. Malakas kasi sa rating dahil maraming tagapanood at malaki ang kikitain pero nakalimutan nilang may malaking imapact ito sa sambayanan. Dapat ibahin ang stratehiya at programang nagsasabing tumutulong sa mahihirap. Hindi lang pera ang sagot. Marami pang iba.

Ang pangyayaring tungkol kay Jan-Jan ay hindi natatapos dito lang at hindi dapat umikot sa TV5 o kay Willie Revillame lamang. Sapat na ang lahat ng pangyayaring ito ay magbukas sa lahat ng Pilipino na maging mapagmatiyag sa kung ano ang nangyayari sa paligid.

Oo, mahirap kami pero hindi ibig sabihin ay kailangang pumila sa lahat ng game shows at gumawa ng gimik kahit na nakakahiya para kumita lang ng pera. Puwede akong kumuha ng labada sa mga may kaya, gumawa ng bibingka at ibenta sa kalsada, o magbantay sa tindahan ng kakilala. Puwede akong magpaturo kung paano manggupit sa barberong may pagupitan sa kabilang kanto. Maaring akong magpaturo kung paano mag-manicure o mag-pedicure kaya sa kaibigang bakla at kapag natuto ay mag-service sa mga kalapit barangay. Maraming paraan ang pagkita ng pera pero para tapakan ang pagkatao mo, hindi ko yata magagawa. 

Huwebes, Disyembre 9, 2010

ANG PINAKAMAGAGANDANG PAROL: ANG PAMIMILI


Ito ang mga napili kong Parol na siyang magiging finalists para sa "Ang Pinakamagandang Parol sa Balat ng Lupa", sadyang hindi ko muna kinilala ang mga may-ari ng Parol at namili ako ng mga batang hahawak nito para sa pagkuha ng larawan.

Nagpunta ako sa paaralan kung saan ako nagtapos ng elementarya at bilang isang programa para sa Pasko at para sa mga batang mag-aaral dito, sinimulan ko na ang mga finalists para sa "Ang Pinakamagandang Parol sa Balat ng Lupa" na sa pakikipag-ugnayan ko sa kasalukuyang principal ng Pulo si Gng. Nida Trinidad-Valcos na mas tinatawag kong Ate Nida ay nasimulang maisakatuparan ang proyekto.

Linggo, Agosto 8, 2010

BUKAS NA LIHAM PARA SA IKA-66 KAARAWAN NI MOMMY

Dear Mommy,

Alam kong nasa tabi lang kita habang sinusulat ko ito. Happy Birthday! 66 ka na. Hindi mo na nahintay ang dapat mas malaking selebrasyon ng iyong ika-70, ika-80 kaarawan. Dagli mo na akong iniwan ng iyong pisikal na katawan. Pero nais kong malaman mo na ang mga binuo nating pangarap, ang mga pangarap mo para sa atin ay sisikapin kong maabot. Alam ko kung paano mo ako ipinagdadasal kaya nga nakarating ako sa kung saan man ako naririto ngayon.

Mahal na mahal kita, Mommy! Lubos kong ipinagpapasalamat sa Dakilang Lumikha sa pagbibigay niya sa akin ng katulad mo na naging pinakamalaking porsiyento ng aking pagkatao. Salamat din kay Nanay at Tatay dahil ikaw ang siyang napili nila na maging tagapag-alaga ko sa aking paglaki at naghubog ng buo kong pagkatao.

Lagi nila akong tinutuksong ampon. Alam ko naman na hindi ikaw ang siyang nagluwal sa akin ngunit ang tanging alam ko at ang siyang laman ng puso ko, ikaw ang tunay kong Ina at mas hinigitan mo pa.

Sobra-sobra, at labis-labis ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin at boong buhay mo ay ibinigay mo para mabigyan ako ng mga bagay sa abot ng iyong kakayahan. Alam ko ang hirap na dinanas mo sa mundo at alam ko kung paano ko masusuklian ang bawat paghihirap ng dahil sa akin.

Alam ko kung gaano ka kasabik sa tuwing ibibili mo ako ng damit kasabay rin ng pagbili mo ng iyong isusuot sa taun-taong recognition day. Kasabikang dulot ng kaligayahan sa pagbubunga ng bawat pagkuskos mo ng labahin ng iba, pamamalantsa at lahat ng klaseng pagkakakitaan upang may maibigay kang baon sa akin at ng ako ay makapag-aral.

Hindi mo ako pinabayaang magutom. Ang isusubo mo, ibibigay mo pa sa akin. Lahat-lahat ng gusto mo ay nakalaan para sa akin at sa kinabukasang ating hinihintay. Ang tanging kapalit na hinihingi mo para sa akin ay ang magpakabait ako (kahit minsan ay nakukuha pa kitang sagutin) at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Hindi lingid sa aking kaalaman kung paano mo ako ipinagmamalaki at ikinukuwento sa ibang tao. Proud na proud kang maging anak mo ako at napalaki mo ako ng ganito. Wala akong sinuway sa kagustuhan mo Mommy at alam mong ang lahat ng ginusto ko para sa buhay at kinabukasan ko ay para sa atin.

Tandang-tanda ko ang linyang sinabi mo noon, “Igagapang kita para makatapos ka ng pag-aaral.” Literal mo itong ginawa at alam ko kung paano ang bawat pagod na iyong nararamdaman ay dinadaan mo na lang sa bawat paghalakhak at pagtawa sa tuwing tayo ay nag-uusap. Batid ko ang kakapusan natin sa pera ngunit hindi ito naging sagabal upang mabuhay tayo ng maayos at mairaos ang ating pang-araw-araw na kalbaryo ng buhay. Kapag angkakasakit ka, hindi ka na lang kumikibo at tinitiis mo ang lahat ng nararamdaman para huwag akong mag-intindi sa iyong kalagayan.

Ikaw Mommy ang pinakamasipag na taong nakilala ko at walang kapaguran. Nakukuha mo pang tulungan ang ibang tao ng hindi nagrereklamo. Sa mata ko at sa matan ng nakakakilala sa iyo ay bayani kang totoo.


Happy Birthday Mommy! Ang dami ko sanang ikukuwento. Pero advance ka na nga ngayon. Alam mo lahat ng ginagawa ko dahil kasama kita saan man ako magpunta. Mahal na mahal kita, Mommy at lahat ng ginagawa ko ay ikaw ang inspirasyon ko.

Ang laging nagpapakatino mong anak,



Wallei


Miyerkules, Marso 17, 2010

MANIKANG BASAHAN VS BARBIE DOLL



“Mas gugustuhin ko pang maging manikang basahan na puwedeng angkinin ninuman kay sa maging Barbie Doll, sosyal nga pero piling-pili lang ang puwedeng humagkan…”


Linggo, Marso 7, 2010

ANG KUWENTO NG COLLEGE RING AT MGA KURSONG GUSTO KONG KUHANIN AT NASAAN NA AKO NGAYON



Salamat Ate Berna June Rocamura for your college ring. Naaliw ako ng makita kong may suot ka nito. Bihirang bihira akong makakita ng college ring. Si Aizan, ‘yung kapatid ko ay niregaluhan ni Nanay ng college ring. Sabay kaming nag-graduate ng kapatid ko and she deserved that gift. Cum Laude ang kapatid ko.O, di ba bongga! Kinabog ako!. Hindi naman ako nainggit noong bigyan siya ni Mother Swaning dahil di naman ako talaga lumaki sa piling ni Nanay, may Mommy naman ako. Tinanong ako ni Mommy kung gusto ko raw ng college ring. Ang sabi ko naman hindi naman importante at marami pang dapat pagkagastusan. Sapat na ang ilang taong pagsisikap niyang maitaguyod ako. Just seeing myself finishing a degree with all the sacrifices and hardships of my dear Mommy ay isa ng napakalaking regalong natanggap ko sa buhay ko. Kapag nakatapos ka nga naman, parang kaya na nating makaahon sa hirap. Bagay na pinagsisikapan ko at ginagawa sa maliit na paraan. Drama ko. Nasaan ang tissue?

High School pa lang, nakahanda na ang isip natin sa mga kurso na gusto nating aralin base sa mga pangarap natin. Isa ako sa mga kumuha ng kursong on the spot. Kaya naloka ako.

Ito lang naman ang mga gusto ko.

  1. BEEd, BSEd. – Bata pa lang ako gusto ko ng maging teacher. Ako, mula sa lahi ng mga teacher ay nag-akalang magiging teacher din pero nabigyan naman ako ng pagkakataong magturo in a higher level nga lang. At least natupad. Salamat sa PFA (Philippine Footwear Academy) sa opportunity na ibinigay ninyo at nakapagturo ako ng bonggang-bongga sa ating kauna-unahang paaralan ng sapatos sa South East Asia.

  1. BS Economics – Para kasing ang gandang pakinggan and it’s so cool kaya trip ko talaga ito. Hindi ko talaga siguro carry maging economist, sarili ko na ngang pera hindi ko pa ma-budget.

  1. BS Psycholgy – Feel kong bumasa ng mga isip ng tao. Ang pag-aralan ang mga kilos nila. Ang pagkasaliksikin ang kung anu-anong bagay. Buti na lang at hindi natuloy. Hindi talaga siguro para sa akin dahil ako ang nangangailangan ng Psychologist para naman tumino ang aking nlulukang mundo. Timang nga ako ‘di ba?

  1. Communication Arts, Mass Communication, Broadcasting and Journalism – Gusto kong maging writer, ang mapanood sa TV as news anchor, magsulat ng kung anu-ano, basta lahat ng may kinalaman sa mass media. Haaay, gusto ko pa rin nito! Gustong-gusto!

  1. Fine Arts – Gusto ko kumuha ng kursong painting. Gusto kong magpinta, magdrawing at i-appreciate ang ganda ng mundo. Ang kulay na nakapaligid sa atin at gumawa ng bagay na lahat may ganda. Ngayon, gusto ko lang palang maging maganda. Hahaha.

  1. Hotel and Restaurant Administration – Pangarap kong magtrabaho sa hotel at mag-ayos ng kung anu-ano.

  1. Accounting – Gusto kong maging accountant, pangarap kong maging auditor, maging isang CPA.

  1. Fashion Design – Gusto kong magdesign ng bonggang mga damit, magkaroon ng sariling brand at maging sikat na Fashion Designer.

  1. Banking and Finance – Pinangarap kong magtrabaho sa bangko at magsuot ng long sleeves shirts at kurbata, maupo boong araw at magbilang ng pera.

  1. AB Philosophy – Gusto kong magpakabihasa sa Pilosopiya. Gusto ko lang.


Sa dinami-dami ng kursong gusto ko, BS Architecture ang tinapos ko. Bongga hinda ba? Sinong mag-aakalang naka-graduate ako ng Architecture? Arkitekto de palanggang may takong ang drama ko. Hahaha. Ang nakakaloka dito pagkatapos kong magpakabihasa sa Architecture, duguin ang dapat duguin, maloka sa napakadaming numero, mapuyat ng mapuyat ng napakadaming beses at maghagilap ng pera kapag kapos ay sa bandang huli dito pala ako mapupunta. Kabog! Dahil hindi ko natapos ang lahat ng gusto kong kurso, inapply ko ang lahat ng nalalaman ko sa trabahong hindi ko pinangarap pero ibang saya ang dulot nito.

Naisip ko, ang Diyos pala iba talaga kapag kumilos, wala sa plano mo pero bigla na lang darating at alam niya kung saan ka mas liligaya. Kaya kung anuman ang nangyayari sa buhay ko ngayon, hindi ko man nagamit ang kursong tinapos ko o tinapos ang kursong plano ko dati, pinagpapasalamat ko pa rin ang lahat at may hanap-buhay akong sapat na para maibahagi ang anumang mayroon ako. Hindi man ganoon kasaganang tulad ng inaasahan pero payapa ang puso ko. No regrets. No bitterness. I am simply happy and keeping myself fabulous all the time, all the way.

Kaya, anong silbi ng college ring sa akin? Tama na ang 92.5 silver ring na suot ko mula noong high school pa ako.


Martes, Pebrero 23, 2010

TRY IT, YOU’LL LIKE IT: ANG KUWENTO KO AT NG BISIKLETA



Nakita ko ang batang ito at gusto ko lang siyang kuhanan dahil sa makulay nitong damit na nag-match pa sa kanyang bisikleta. Hindi ko agad pinansin ang larawan ngunit dahil parang naubusan na ako ng ikukuwento ay biglang hayan na, naisip ko ang bisikletang sinasakyan nito at nabasa ko pa ang nakasulat sa likuran na “Try it, you’ll like it!”

Sa totoo lang, hindi ko nagustuhan ang pagbibisikletang hindi ko man lang natutunan. Nanginginig ang aking may diperensiyang paa at mangangatog na parang nagmamakina. Iyon ang isa sa mga bagay na hindi ko na-enjoy kagaya ng karamihan sa mga bata na halos lahat ay sanay magbisikleta at kapag lumaon puwede ng magmaneho ng sasakyan.

Ewan ko nga lang talaga kung bakit kahit anong pilit ang pagsasanay sa aking magbisikleta ay tumanda akong hindi nasubukan kung paano mag-balanse, paano sumakay at mag-pedal. Ako ay dakilang taga-angkas lang!

Linggo, Pebrero 21, 2010

KUWENTO NG LARUAN, LARO, PAGLALARO AT MGA NILARO NAMIN PARANG KAILAN LANG



May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…

Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy


Sabado, Enero 23, 2010

BATANG BONGGA




Nakakatuwa ang mga bata. Lalo na kung ang mga ito ay sobrang bibo.  Wish ko lang mabuntis na ako at ng magkaroon ako ng anak. Hahaha! Natural, lahat ay gagawin ko para sa aking anak. Higit pa sa pagpapalaki sa akin ni Nanay mula sa kanyang paglilihi, hanggang sa aking pagsilang at hanggang siyam na buwan, tatlong buwan bago ako mag-isang taon. Si Mommy na ang nagpatuloy sa pag-aalaga sa akin, dahil si Nanay ay nagtatrabaho sa Maynila at buntis na ng dalawang buwan bago ako mag-isang taon. Nahirapan sa pag-aalaga. Ang lambing ko daw. ‘Di ba nga may kasabihan na pag naglalambing daw ang bata ay may kasunod na. Wow, nag-ala Madam Rosa pala ako noong bata pa ako dahil nalaman ko na buntis na nga ang aking Mudra. Kaya ang drama, mega paalaga niya ako kay Mommy na siya kong kinalakihan. Pero walang halong pagdaramdam. Maayos naman akong napalaki ni Mommy at ginawa ang lahat para sa akin.

Ewan ko lang kung bibo nga ako. Ang alam ko noong bata ako, may diperensiya ako sa paglalakad kaya mega suot ako ng bakal na sapatos at para mapantay ang aking tabinging paa. E ano naman kung pilantod. Buti na lang hindi napilay ang aking isip. Hehehe…

Kuwento ni Nanay, dahil nga ako ang panganay at kauna-unahang junakis, lahat daw ay mamahalin. Mula sa gatas at lahat ng mamahaling prutas ay ipinakain nila sa akin. Palibhasa parehas sila ni tatay na nagtatrabaho. At si Mommy, hindi rin nagkulang sa pag-aalaga. Kaya ang kinalabasan bonggang bata at fabulosa pa! Ako ‘yon!

Feeling ko kasing bibo at kasing bongga ako noon katulad ng bata sa larawan, si Serene Reyes Germinal, ang pangalawang anak ni Ate Tess.