May iniyakan akong laruan noong
bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit
napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa
Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.
Kung laruan ang pag-uusapan,
hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng
baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating
naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan
kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng
maglaro.
Iba rin ang kasiyahang dala ng
mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan
na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at
Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s
Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel
kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon
Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa
sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam
ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick
kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong
kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog!
Hahaha!
Paborito rin ang walang
kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat
sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang.
Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang
talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako
ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong
manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa
ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap
na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din
ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na
lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso
gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong
mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit.
Madalas akong matalo sa harangang-taga.
Kung hahamunin ninyo ako sa
jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May
tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man,
gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o
pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag,
scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!
Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat
may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero
carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro
peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.
Ano pa ang hihilingin ko kung
sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na
ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman
ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag
nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at
nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa
yung ibang gerlalu, walang ka-partner!
Bata pa lang kami ay naglalaro na
kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba
pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat.
Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay
kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon
ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa
kapit-bahayan.
Dahil sa laro, ang dami kong
naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro
laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang
ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang
natutok na sa mundo ng Cyber Technology.
Sa may mga anak na, hayaan
ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan
ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng
kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa
kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng
ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo
lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa
batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong
kilala…
2 komento:
ang sarap magbalik tanaw noh... ako din minsan namamasyal ako sa kabataan ko, minsan naisip ko wag nang bumalik na sana bata na lang ulit ako...
basta ako JOYO forever feeling bata ako... basta!
Mag-post ng isang Komento