Miyerkules, Pebrero 10, 2010

PILA




“… isang mahabang pila at mabagal at walang katuturan, ewan ko, hindi ko alam, puwede bang huwag na lang nating pag-usapan.”

                                                                        - Huwag Mo ng Itanong, ERASERHEADS

                                                           
Sa kanta ng Eraserheads ikinumpara ang buhay sa isang pagawaan ng lapis. Huwag mo ng itanong kung bakit doon napiling ikumpara ang buhay. Ang sa akin lang, ang pagkumpara nila sa buhay bilang isang mahabang pila ay kasagutan sa mga pinagdadaanan natin sa buhay. Kung ang pagtahak natin sa ating landasin ay isang walang patutunguhan, marahil tama sila na wala nga itong katuturan.

Sa ating pagpila habang tinatahak ang buhay, huwag kalimutang lahat tayo ay may dahilan para mabuhay maging ito ay para sa sarili o kapakanan ng iba. Isang napakahabang pila nga ang buhay at lahat ay naghihintay kung saan ito patungo at ano ang nasa dulo ng pila.

Kung ikukumpara ang pagpila na magsisimula sa maliit hanggang sa matatangkad, ito ay para bagang pagsisimula ng buhay sa maliit na antas at pagsisikap na maabot ang matayog na pangarap hanggang sa bandang huli.

Sa pagpila ko sa buhay, masalimoot na linya ang tila bagang aking nasundan. Isang pilang sabihin na nating hindi diretso at minsang paliku-liko. Pilit na dinideretso ang hanay at sa bandang huli ay may magandang kahinatnan. Minsang masira ang hanay ngunit pinipilit paring buuin, minsang maliko at patuloy papantayin.

Hindi ako perpekto. Ako ay patuloy pa ring nakikipila sa mahabang hanay na pagtahak sa landasing pilit na tinutuwid. Minsang nangangapa sa dilim at naghahanap ng liwanag na sasakop sa aking sarili at ng makasumpong ng tuwid na landas.

Martes, Pebrero 9, 2010

FGM: FABULOZANG GINISANG MUNGGO


Ito ang version ko ng ginisang munggo. Simpleng recipe. Simpleng preparasyon. Walang sukat-sukat at MSG free. Masustansya, malinamnam at higit sa lahat fabuloza!

Mga sangkap:

Mongo beans na nailaga na at nilinggis (250 grams)
Baboy na hiniwa ayon sa kagustuhan
Hipon, kahit ilang piraso lang
Isang puso ng bawang na pinitpit
Tatlong pirasong sibuyas na hiniwa ng maliliit
Tatlong hindi kalakihang kamatis at hinati-hati
Asin para magkalasa
Patis kung gusto pero magbibigay ito ng kakaibang lasa
Spinach o alugbati ayon sa dami ng munggo mo
Siling berde para sa kakaibang anghang

Paraan ng pagluluto:

Ngumiti ka muna at kalimutang pasan ang daigdig. Tandaang ang pagkaing niluto ng may pagmamahal ang siyang nagpapasarap sa anumang lutuin.

Maglagay ng mantika sa lutuan at igisa ang baboy at hayaang mamula at lumabas ang sariling mantika nito. Ilagay ang bawang, isunod ang sibuyas. Ilagay ang kamatis. Igisa kasama ang hipon. Kapag namula na ang hipon ay ihulog na ang nilagang munggo. Maglagay ng kaunting tubig ayon sa dami ng iluluto. Pakuluin at ilagay ang sili. Kung nais dagdagan ang alat, lagyan ng patis ayon sa panlasa. Tikman paminsan-minsan at kung sa tantiya mo ay okay na, itambog ang gulay. Hinaan ang apoy. Don’t overcooked. Maluluto rin ang gulay sa init nito. Takpang mabuti. Luto na ang munggo.

Masarap kumain ng munggo kung may kaparehang piniritong isda lalo na kung sariwang galunggong. Huwag kalimutang magsaing. Bumili ng saging. Kumain ng sabay-sabay.

Lunes, Pebrero 8, 2010

ANG GUSTO KO!



Tag-line ang larawan ng Sony Ericsson mobile. “I love having it all!” Isa ba kayo sa mga naghahangad na magkaroon ng lahat-lahat? Ano bang gusto ninyo? Mamahaling mobile phones, laptop, sapatos, bag, damit, at kung anu-ano pa? Nakakalungkot lang isipin na ang mga tao sa panahon ngayon, mas ginugusto pa ang pagkakaroon ng mga gamit na mamahalin at mga bagay na makapagbibigay ng pansamantalang kaligayahan kay sa maghangad ng mga mas mahahalaga at importanteng aspeto sa buhay. Kung gusto nating lumigaya at maging masaya bakit hindi nating subukang gawin ang mga ito?

  1. Sa tuwing nakakaisip ka na bumili ng mas bagong modelo ng mobile phone, bakit hindi mo subukang bumili na lang ng mas mura, hindi kamahalan at ang maliit na bahagi ng perang dapat ipambili sa mamahaling mobile phone ay i-donate sa charity? O kaya ayain ang isang kaibigang hindi kayang makabili na kahit pinakamurang telepono na kumain sa isang restaurant, ilibre mo at balikang tanaw ang inyong nakaraan?
  2. Bakit bibili ka pa ng laptop gayong may personal computer ka naman na nagagamit mo araw-araw? Sa opisina n’yo ay may gamit ka ring computer na pictures mo ang nakalagay at nakakapag-facebook ka pa nga kung hindi man minsan ay madalas, hindi ba? Bakit hindi mo itabi ang pera at kapag ang isa sa mga kapatid mo na kapos sa pera ay nangailangan ay maluwag sa loob mo itong matutulungan. Alam mong hindi nya ito mababayaran. Hindi ito utang kundi bigay mo. Mas masarap ang pakiramdam na nailaan ang pera para maisalba ang buhay ng mahal kaysa mapunta sa laptop na ikaw lang ang personal na nakikinabang.
  3. Isipin mo na lang na sa bawat pagbili mo ng branded na bag ay katumbas ng isang buwang pagkain ng ilang pamilyang hikahos.
  4. Sa isang pares ng sapatos na bibilin mo ay katumbas ng ilang gamit ng mga kabataang mag-aaral na walang tsinelas.
  5. Ang signatured shirt mo ay katumbas ng ilang kilo ng bigas na puwedeng makain ng nagugutom sa lansangan.

Ito ang mga nasa isip ko. Ang sarap kasi ng pakiramdam na alam mong nakapagbibigay kasiyahan ka sa ibang tao kay sa isipin mong magkaroon ka ng lahat na ikaw lang ang lumigaya. Tandaan na ang kaligayahang natamo sa pagkakaroon mo ng lahat ng bagay ay minsanan lang. Masaya ka lang kapag nabili mo na ito. Pero hindi habangbuhay kang liligaya kapiling ang mga ito. Tumingin ka sa mga nakapaligid sa iyo dahil baka ang ilan sa mga ito ay mapasaya mo at magkaroon ka ng ligayang inaasam-asam mo.



Linggo, Pebrero 7, 2010

DURUNGAWAN



Oo, durungawan nga. Mas kilala sa tawag na bintana. Parte ng bahay na pinaglalagusan ng hangin. Pinagmumulan ng liwanag mula sa araw at lugar kung saan puwedeng tanawin ang labasan.

Sa madalas kong pag-iisa noong bata ako, bintana ang madalas kong puntahan. Isang mala-sineng hitik sa mga totoong tanawin, mga pangyayari sa buhay na kinalakihan. Ang mga kapitbahay na naging parte ng aking paglaki, mga punong nakapaligid na piping saksi sa mga pangyayari sa buhay ng lahat ng nasa looban. Ang aming bintanang abot tanaw ang kalsada at dinig ang lahat ng hiyawan, tawanan, iyakan at pati away.

Basta ang alam ko, bintana ang siyang naging dahilan kung bakit nagkakilala sina Tatay at Nanay at nagkatuluyan, nagtanan at nabuo ang isang nilalang na nagkukuwento ngayon dito.


Sabado, Pebrero 6, 2010

ANG MAGKAPATID



Nang makita ko ang dalawang batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong minamahal na mga kapatid?

Lumaki kaming hindi magkasama ng kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.

Magkahiwalay kami ng tinitirhan ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!

Alam ng kapatid ko ang lahat ng aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit. Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!

Naala ko noon na kapag wala si Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil tiyak si nanay na iyon!

Sabay din kaming maglaro ng piko. Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit nitong lahat ay yari sa papel.

Hanggang sa aming pag-aaral, ako ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.

Ang laging paalala sa amin ni Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.

Nakakalungkot nga lang na maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal? Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.

Wala kaming manang pag-aawayan, lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na kasama?

Dakilang pagsasama ang aming pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin kundi sila lang.

Ang sa akin lang, walang ibang magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid ka na, may best friend ka pa!

Biyernes, Pebrero 5, 2010

LUCKY ME!


Salamat sa Lucky Me sa mainit na sabaw na hatid nito sa mga pagkakataong ako ay nagugutom. Sa mga oras na ako ay naghahabol sa mga bagay-bagay sa trabaho at halos wala ng oras na magluto pa. Ang mainit nitong sabaw ang nagbibigay ng alerto sa aking isipan, pinapawi ang kalam ng tiyan at binibigyang init ang malamig na opisina.

Lucky me at palagi itong madaling mabili.
Lucky me at may mga kaibigan akong nasa aking tabi kapag kailangan ko sila.
Lucky me at maraming sa akin ay nagmamahal.
Lucky me at ako ay may hanapbuhay pa.
Lucky me at ako ay buhay na buhay pa, may silbi pa at bonggang-bongga!

Huwebes, Pebrero 4, 2010

PAG-IBIG NA MAKAPANGYARIHAN



Pagkakita ko sa kapeng inorder ko, naaliw ako ng makita ko ang korteng pusong nakalagay sa ibabaw nito. Wala pa akong naiisip na isulat kaya biglang naglaro ang isip ko tungkol sa hugis pusong nakita ko. Dahil buwan naman ng Pebrero ngayon, bakit nga ba hindi puro tungkol sa pag-ibig ang gawan ko ng kuwento? Tutal, sagana naman ako dito. Hahaha.

Pilit pinapabata ng pag-ibig ang puso. Kung gusto ninyong mag-feeling bata ever, be in LOVE. Kung matututunan nating laging umibig, tayo na ang pinakabatang nilalang sa mundo.

Hindi ko nga naramdaman na ganito na ako katanda. Basta ang pagkakaalam ko, ng ako ay sumapit sa edad na labing-anim ay huminto na ito dito at hindi na nadagdagan. Forever 16 ang edad ko. Hahaha.  Age is just a matter of numbers. Hindi nito binabago ang puso. Ang isip nababago pero ang puso nananatili sa sarili nitong estado. Lagi lang sambit nito ay magmahal ka, umibig ka at kahit masaktan ka pa, go lang ng go! Umibig kang muli at huwag mapagod. Lagi mong isiping pag-ibig ang magpapabata sa iyo!

Gawing parang isang tasa ng kape ang pag-ibig araw-araw. Sa bawat paghigop nito ay katumbas ng ilang libong pagsasabog ng pag-ibig mula sa puso. Pag-aalay ng pag-ibig na walang hinihinging kapalit. Walang kahalong pagkukunwari.Pag-ibig na may pinaghuhugutan at pag-ibig na kayang maghari sa lahat.

Pag-ibig nga ang kasagutan sa lahat ng katunungang bumabagabag sa atin. Walang kahirapang hindi kayang padaliin ng pag-ibig, walang sakit na di kayang pagalingin nito at walang pintuang nagsasara ng dahil dito. Walang dagat na hindi kayang tawirin, walang tinik na hindi kayang tapakan (parang kanta ni Sharon Cuneta) at walang kasalanang hindi kayang patawarin ng pag-ibig.

Kahit na nga nawawalan na tayo ng pag-asa sa buhay o kahit anong gusot na ating pinasukan at kahit gaanong kaputik ang ating tinatapakan, kahit gaano kalaki ang ating naging pagkakamali sa buhay, lahat ng ito ay maaaring malagpasan kung sa puso natin ay may pagmamahal. Kung kaya lang nating umibig ng sapat, tayo na ang pinakamasayang tao sa mundo.

Pag-ibig, pagmamahal… LOVE, napakadaling pag-usapan kung minsan. Madaling mapagkuwentuhan pero hindi naman natin namamalayan kung atin ba itong naisasabuhay o nagagawa man lang. Bakit hindi natin subukang lagyan ng pag-ibig ang lahat ng bagay na ating ginagawa? Subukan mong gawin ngayon at makikita mo, malaki ang magbabago sa buhay mo! Now na, go!


Miyerkules, Pebrero 3, 2010

DEAR DIARY



Dear Diary,

Pangalawang araw na ngayon ng Pebrero. May kung anong kumikiliti sa puso ko. Iniisip  at nagpaplano kung ano ang mangyayari sa ika-labing apat nitong araw. Naaalala ko noon, lagi kong sinasabi sa iyo kung sino ang mga crush ko. Ang dami nila. Hindi magkandatuto ang nalilitong isip ko at puso kung sino ba talaga sa kanila ang uunahin ko.

Pero ako lang naman ang nagkakagusto. Dahil hindi naman nila alam ang nararamdaman ko.Wala akong lakas na loob na sabihin iyon sa kanila o ipaalam man lang. Asa pa ako. Hindi naman ako beauty queen ng paaralan. Wala akong ganda. Sino ba namang lalaki ang magkakagusto sa akin?

Dati, hindi nga yata tamang kumilos kung ano ang gusto ko. Bagamat halata naman ng mga kaklase ko ang mga kilos ko’t galaw ay nagpapaka-Maria Clara pa ako. Hindi naman ako nakatagpo ng pag-ibig na inaasam ko. Puro kuwento lang ako sa iyo. Kapag nahawakan ako ng crush ko o nangitian ay napakasaya ko na. Sobrang ngiti at saya na mahirap ipaliwanag. Nagkakandapilipit pa ako sa galak.

Kung bubuklatin ko ulit ang mga lumipas na naisulat ko na ay alam kong batid mong nagdurusa ang puso kong uhaw na uhaw sa pagmamahal. Kung maaari lang lumipad na at takasan ang sitwasyong kinakaharap ko ay ginawa ko na. Hindi naman ako tinubuan ng pakpak. Hindi ako naging si Darna kahit diamond pa na ilang carats ang lunukin ko.

Bakit nga ba ang puso ay minsang nakakaloka? Bakit kasi pinapakialaman pa nito ang isip ko? Kung ilang taon din akong naghintay at nangarap at sa mga hindi inaasahang pagkakataon ay dumating ito at kinatok ang puso kong dati ay halos magsara na at hindi na umasang may iibig pa.

Ang boong akala ko ay dumating na siya. Kung ilang taon ako nitong pinasaya. Pinilit paniwalain na may pag-ibig na walang hanggan. Sa darating na Araw ng mg Puso, iyon ang aming pangatlo at huling Valentine’s Day na magkasama. Sisiguraduhin kong iyon ang hindi pinakanakakalimutang sandali sa aming buhay. Bilang na ang araw ng aming pagsasama kaya ang bawat sandaling magkapiling kami ay pipilitin kong maging masaya. Si pag-ibig, nagbibiro minsan. Bagama’t alam nitong magsasara na ang pintuan ng aking mga puso ay biglang may magbubukas na naman. Hindi pa nga ako nakakapahinga…

Sa dami ng mga minahal ko, ginusto at pinagpantasyahan ay batid mo kung kanino ako lubos na naging maligaya. Kanino ako umiyak ng todo, kanino ako natuto at sino ang nagparamdam at nagpaalalang sa mundong ito, ang pag-ibig ay walang limitasyon.

Sisiguraduhin kong kaya ko. Huwag kang mag-alala mahal kong diary, hindi ka mababasa ng luha ko. Matatag na ako. Kaya ko na. Pipilitin ko…

Martes, Pebrero 2, 2010

ISANG BUWAN NA ANG KF!

 


Salamat Ms. Cheine Amiscua sa cake. Happy First Monthsary sa Kuwentong Fabulous. Inabot din ng isang buwan. May nalalabi pang tatlong daan at tatlumpu’t apat na araw para matapos ang aking sinimulan. Whew!

Hayaan ninyong pasalamatan ko kayong lahat na sumusubaybay at nagbabasa ng mga kung anu-ano lang. Sa kabila ng inyong ka-busyhan sa inyong mga trabaho at sa mga kung anong bagay ay binisita ninyo ako at nag-alay ng ilang minuto. Hatid ko ay ang kaaliwan ng mga mambabasa. Hindi ito isang relihiyoso o politikal na paghahatid ng kaalaman o debate. Ito ay ang tala-larawan ng buhay. Simple, baduy, nakakaloka, nakakatawa, minsan may drama, cheesy, maarte at fabuloza!

Sa lahat, bonggang-bonggang pasasalamat at yakap ang hatid ko sa inyo!

Lunes, Pebrero 1, 2010

SANGA



Sandamakmak
na
linyang
nagpasikot-sikot
sa kahit saang direksiyon
pilit na pinapayabong
ang mga dahon.
Hindi
namamalayang habang patindi ang
sikat ng araw
ay kasabay nito
ang
pagkatuyo at pagkalanta
ng
ilang
sangang
uhaw
sa
tubig.
Parang
isang libo’t isang
singaw
na
nagpipilit pumiglas at kumawala.
Hindi alintana
ang kahihinatnan ng mga susunod
na
mangyayari.
Ang tanging alam
ay    
pagbigyan ang tawag
ng
kalayaang walang katulad.
Masarap maging malaya.
Mapalad ang mga nakawala.
Animo’y  
mga
paru-parong
nagsisilipad at naghahagilap
ng mga bulaklak
na dadapuan para sipsipin
ang
nektar
nito
at
katas.