Lunes, Hulyo 26, 2010

SONA-SONAHAN: ANO ANG LAMAN?

Tulang ibinahagi para sa BALAGTASAN SA FB #14: Ikalabing-apat na Pagtatapat [A Bilingual Poetic Joust & Discussion] TOPIC: "Ang Aking SONA" (My SONA) ni Alexander de Juan



Ako, inyong pangulo nasa harapan,
Bumabati sa inyo, magandang araw.
Tatlumpung araw mabilis na nagdaan,
Kaya unang SONA’y dagling bibitawan.

Sa loob ng s’yam na taong nakalipas,
Maraming problema na tayo’y dinanas.
Ngunit nais ko sa inyo iboladas,
Tatahaking kalbaryo sadyang mahirap.

Ngayon nga ay tubig malaking problema,
‘Di na makainom sangkaterbang masa.
‘Di na makaligo, ilan sa kanila,
Marahil, ilan hindi na nangubeta.

Mindanaw masaker ay hindi pa tapos,
Hustisya sa bansa’y kailangang lubos.
Ngunit dapat malaman gawa ko’y puspos
Dagliang solusyon hiling ko sa Diyos.


Kaydaming bata ang sa baon ay kapos,
Kaya sila ay hindi na pumapasok
Edukasyon, kaalaman dapat patok
Mga guro dapat mataas ang sahod.

Kung walang korap ay walang mahirap,
Paglilingkod ng gobyerno dapat tapat.
Mga tiwali at lahat ng may lamat,
Sa serbisyo tanggalin, ikulong dapat.

Pagkain sa mesa ay hindi natupad
Pangakong sinambit nawala ng lahat
Inatupag nila’y rampa at paglipad
Kahirapan ng bansa’y sa ‘kin ang bagsak.

Isang buwan, unang SONAng bibitawan,
Kaydaming bigas ang ilalagay sa t’yan
Marami pang usok aking pakak’walan
Para mas’lusyunan problema ng bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento