Nang makita ko ang dalawang
batang ito, naalala ko bigla ang kapatid ko, si Aizan. Bigla tuloy ako na
homesick. Nostalgic mode na naman ang drama. Pero pinangiti ako ng mga nakaraan
naming magkapatid noong bata pa kami. Hindi ba’t kay sayang balikan ang
nakaraan lalo na’t naging masaya ang inyong kabataan kasama ang inyong
minamahal na mga kapatid?
Lumaki kaming hindi magkasama ng
kapatid ko. Si Mommy na nakagisnan ko na siyang nagpalaki sa akin ang siyang
kinalakihan kong nanay. Ang tawag nila sa akin ay ampon. Okay, fine ampon na
kung ampon pero kilala ko naman ang tunay kong mga magulang at mga kapatid. Ang
saya hindi ba, dalawa ang nanay at tatay ko.
Magkahiwalay kami ng tinitirhan
ng aking mga kapatid. Tuwing biyernes ng gabi, sa kanila ako natutulog at
umuuwi tuwing linggo ng hapon. Lagi kong kinasasabikan ang pagpunta sa kanila
para sa aming pagkikitang magkakapatid. Dahil ang agwat namin ay isang taon
lang, halos magkasabay kaming lumaki at nagkasundo sa ilang interes. Pero hindi
siya naging kasing arte ko. Kinabog ko siya sa ibang paraan at okay lang iyon
sa kanya. We’re sisters anyway! Hahaha!
Alam ng kapatid ko ang lahat ng
aking sikreto. Mas masarap magkuwentuhan ang magkakapatid lalo na’t pag dating
sa mga kasikretuhan. Minsan nagugulat kaming dalawa dahil parehas kami ng
crush. Kaloka! Siyempre, takot kaming ipaalam iyon kay Nanay na ubod ng sungit.
Ewan ko lang kung bakit nga ba dati ay napakasungit ni Nanay sa amin. Lagi pa
kaming nakukurot. Ang sisteraka ko ay mahal ako kaya itinatago nya lahat ng
aking ka-eklatan sa buhay. Dapat palagi akong mabait sa kapatid ko dahil
natatakot ako na baka kapag nag-away kami ay isumbong ako kay nanay! Lagot ako!
Naala ko noon na kapag wala si
Nanay kami lang ang naiiwan sa bahay at naisukat na yata namin lahat ng
sapatos, sandals at bestida. Miss Philippines ang drama naming mag sister at
mega fashion show kami sabay akyat sa mga upuan at lakad mula sala hanggang
kusina. Kapag nadinig ang jeep na parating ay makikiramdam kung hihinto dahil
tiyak si nanay na iyon!
Sabay din kaming maglaro ng piko.
Nakapaglaro din kami ng tinikling sa goma, chinese garter, tumbang preso at ang
pinakagusto ko ay manika. Wala pa kaming Barbie noon kaya paper dolls lang ang
aming nilalaro. Isang kahon ang koleksiyon ko ng paper dolls at mga damit
nitong lahat ay yari sa papel.
Hanggang sa aming pag-aaral, ako
ang naging tagagawa ng kapatid ko sa lahat ng mga projects sa school hanggang
highschool at pati na rin college. Gusto ko laging eksena ang kanyang mga
projects at laging napag-uusapan. Kilala ko lahat ng mga crushes niya at kilala
rin niya ang sa akin. Wala kaming tinatago at ang sarap ng kuwentuhan namin
kapag ito na ang pinag-uusapan. Sobra ang aming pagkakilig.
Ang laging paalala sa amin ni
Nanay ay magmahalan kaming magkakapatid dahil wala ng iba pang tutulong sa amin
kung hindi kami-kami rin. Hindi ko yatang maaatim sa puso kong awayin o basta
ipag walang bahala sila sa aking buhay. Kung ano ang puwede kong magawa para
matulungan sila kahit sa maliit kong paraan ay gagawin ko.
Nakakalungkot nga lang na
maraming magkakapatid ng dahil lang sa mga bagay na hindi naman dapat
pag-awayan ay humahantong sa pagkakagalit at pag-aaway-away. Karamihan ay away
sa lupa, mana, pera, inggit at selos. Nasaan dito ang pagmamahal?
Nakakapanghinayang ang mga pangyayaring ganito. Ayaw kong mangyari ito sa amin.
Wala kaming manang pag-aawayan,
lupa o kahit anu pa man. Salamat na nga lamang at wala kaming mga ganito. Kung
magkaroon man, wala akong interes dahil hindi naman iyon ang pinakamahalagang
bagay na dapat mayroon ka. Aanhin ang lupa o pera kung wala kang kapatid na
kasama?
Dakilang pagsasama ang aming
pinagyayaman at sabi ko nga sa kapatid ko, sa aking pagtanda at kahit ano ang
mangyari sa akin ay siya na ang bahala dahil wala namang ibang titingin sa akin
kundi sila lang.
Ang sa akin lang, walang ibang
magandang samahan kundi ang pagsasama ng magkakapatid. Saan ka pa? May kapatid
ka na, may best friend ka pa!
hindi na man to parabula!!!!!!
TumugonBurahin??
TumugonBurahin