Miyerkules, Enero 27, 2010

YOSI N'YO



Hindi ko talaga alam kung anong pakiramdam ng naninigarilyo. Hindi ko man lang natikman at lalong hindi natutunang manigarilyo. Sa libu-libong taong gumagamit nito, pawang lahat ay hindi makapagpigil sa sariling hindi makahitit nito. Dati, lagi akong nagtatanong kung bakit ba talaga kailangang manigarilyo. Maliban sa isa itong bisyo, may masamang dulot ito sa ating kalusugan. Ewan ko lang nga kung bakit kasi parang naging simbolo ito ng pagiging sosyal! Sosyal daw tingnan kapag nainigarilyo, may dating at nakakapagpataas ng kumpiyansya sa sartili. Hindi ko pa rin masabi dahil sa edad kong ito ay hindi ko man lang talaga natutunang humitit nito at magbuga ng usok. Siguro nga masuwerte ako dahil hindi ko ito natikman. Isa na rin siguro ako sa nag-aaksaya ng pera para lang mapagbigyan ang bisyong masakit na sa bulsa, masama pa sa baga!

Sabi ng isang kaibigan ko, naglalaway daw siya kapag hindi man lang nakahitit nito sa isang araw. Minsan na niyang sinubukang hintuan ito pero hindi niya magawa. May mga pagkakataong nagiging kunsimido siya kapag hindi nakahitit nito. Ibig sabihin, ang sigarilyo ay para ring drogang nakaka-addict at kapag nasimulan na ay paulit-ulit na itong gagamitin. Gagastos ka at kapag katagalan magkakasakit na.

Sa mga naninigarilyo, subukan ninyong kalkulahin ang mga perang ipinambili ninyo ng yosi ninyo. Tingnan lang natin kung hindi kayo manghinayang sa mga perang sinindihan lang at naging abo. Pero, hindi naman kayo papaapekto, kasi nga ang alam ninyo nasiyahan kayo, nasarapan at naaliw sa bawat nicotine na sinunog ninyo.

Sa mga talamak na sa paninigarilyo, kailan ba kayo huling nagpa-check-up, okay pa ba ang mga baga ninyo? Nakakahinga pa ba kayo ng maayos?

Kunsabagay, kahit paulit-ulit naman akong magsalita at magpayo, alam kong walang makikinig at walang matitinag. Ang yosi ninyo ang kaligayahan ninyo. Kung hindi maiiwasan, bawasan na lang…Para sa kapakanan niyo din yan no!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento