Huwebes, Enero 28, 2010

DEAR ANAK



Alay ito para sa mga kaibigan kong nakipagsapalaran sa ibang bansa, iniwan ang mga anak sa Pilipinas para mabigyan sila ng magandang buhay… Inilagay ko ang sarili ko sa kanilang sitwasyon at naboo ko ang isang sulat…

Dear Anak,

Sa aking pag-iisa ay wala akong ibang inisip kundi ang iyong kapakanan. Iniisip ko kung kumain ka na ba at natutulog ka ba sa oras. Sa boong maghapong paghahanap-buhay ko ay ikaw ang laman ng isip ko. Minsan, ang bigat ng aking mga dalahin sa aking puso. Mabigat ang aking pakiramdam at pilit na pinipigil ang pagpatak ng aking luha.

Minsan, dumarating ang pagkakataong pinagsisihan ko ang pagkawalay ko sa iyo ngunit maninimbang naman ang pagsisi kung hindi ko gagawin ito. Mas mahihirapan ang kalooban kong hindi man lang kita mabigyan ng sapat na pagkain at magandang edukasyon.

Mas mararapatin kong tiisin ang hirap na dinaranas ko dito at lungkot ng pag-iisa kay sa makita kitang pinanonood ang iba at naiinggit sa mga kapwa mo bata. Wala akong ibang hinangad kundi ang mapasaya ka at magkaroon ng magandang bukas kapalit ang hindi ko paggabay sa iyo sa araw-araw.

Mahal kong anak, pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo kung hindi mo ako kasama sa lahat ng oras. Wala ako sa tabi mo para paliguan ka bago pumasok sa eskuwela, hindi ako ang naglaba ng iyong mga damit at hindi ko man lang nagawa ang mga assignments mo at hindi man lang kita nagabayan sa pagbilang at pagbasa.

Ilang birthday na nga ba at ilang Pasko na hindi man lang tayo nagkasama? Pagpasensiyahn mo na ako kung ang ating family picture ay kulang at idinikit lang ang aking mukha para lang makitang may pamilya ka.

Anak, darating ang oras at maiintindihan mo ako. Huwag kang magdamdam at huwag magtanim ng sama ng loob sa akin. Minsan kailangan nating gumawa ng paraan para mairaos ang buhay na ating inaasam.

Mahal na mahal kita anak. Hindi ko pinagsisihan na isilang kita sa mundong ito. Hayaan mo, konting tiis na lang at makakasama mo na ako. Huwag kang manibago sa aking pagdating. Alam kong alam mo na ang lahat. Ang aking pagtitiis dito ay para sa iyo at para sa ating dalawa.

Huwag mo na lang itanong kung bakit wala kang Tatay. Dahil kung nandiyan ang tatay mo ay hindi mo na rin mararamdaman ang lahat at hindi mararanasang mawalan ng isang Ina sa lahat ng pagkakataon at marahil nga hindi ka na rin magtatanong.

Pilitin mo na lang intindihin ang lahat. Nandito pa ako, anak. Mahal na mahal kita.

Nagmamahal,

Mommy


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento