Ang salaming ito ang magbibigay
sa akin ng pagkakataong suriin at alamin ang aking mga saloobin tungkol sa
kulay ng buhay. Hayaan ninyong dagdagan ko ng linaw ang aking mga matang
matagal na rin namang lumabo at palaging nangangapa sa dilim. Dilim na kung
saan ay itim lamang ang nasusumpungan.
Hindi naglalaro lamang ang buhay
sa itim at puti sa kung paano tayo sinanay. Kesyo, ikaw dapat ganyan, ikaw
dapat ganire, dapat ganito, etcetera… Marami pang pagpipiliang kulay na
magbibigay sa atin ng mga dahilan kung paano ba maging masaya. Sabi ko nga, ang
itim at puti ay hindi naman kulay kung hindi mga “neutralizers”. Sabihin na
nating ito ang bumabalanse sa kung ano talaga ang kulay na mayroon tayo. Pero
hindi talaga dapat dito nakabatay lang kung paano dapat tayo kumilos. Binigyan
tayo ng kalayaang makapili at makapag-desisyon ng naayon sa ating kagustuhan.
Para ring tama o mali. Ang tama
ay ang puti o ang mabubuti, ang itim ang mali at masama. Ang tanong, ano ba
talaga ang tama? Sino ba ang mali? O dahil sinanay lang talaga tayong maging
“consistent” sa kung ano kaya minsan ay lito tayong maging totoo at kumilos
lang ng nakabatay sa pagdidikta ng mga taong nakapaligid sa atin. Pero naisip
mo ba na dahil sa mga pamantayan na ito ay napakadali nating manghusga?
Ang nasa isip ko lang, hindi
naman talagang puwedeng ipilit sa atin na maging kung ano tayo habang
tumatanda. Nagbabago ang panahon at sumasabay ang ating mga kagustuhan batay sa
umiiral na sitwasyon. Hindi naman tayo isang computer na may program o isang
robot na puwede na lang gamitin kung gugustuhin at ipagawa ang lahat.
Gawing makulay ang buhay at
higitan ang bahaghari. Ang sa akin lang, sino ka man, o ano ka man sa mata ng
mga tao — hindi mo kailangang sumunod sa kung ano ang gusto nilang maging ikaw,
kahit ito pa ay base sa dati nilang pagkakakilala sa iyo. Walang sinuman ang
maaaring magbigay pwersa sa iyo para maging “consistent” ka. Ikaw ay ikaw at
ikaw ay magiging ikaw ayon sa sarili mong kagustuhan kahit ano pa ang iniisip
ng ibang tao at kahit ano pa ang iyong nakaraan.
hanep sa mga lines... hehehe... two thumbs-up with manicure for this!
TumugonBurahin