Linggo, Agosto 8, 2010

BUKAS NA LIHAM PARA SA IKA-66 KAARAWAN NI MOMMY

Dear Mommy,

Alam kong nasa tabi lang kita habang sinusulat ko ito. Happy Birthday! 66 ka na. Hindi mo na nahintay ang dapat mas malaking selebrasyon ng iyong ika-70, ika-80 kaarawan. Dagli mo na akong iniwan ng iyong pisikal na katawan. Pero nais kong malaman mo na ang mga binuo nating pangarap, ang mga pangarap mo para sa atin ay sisikapin kong maabot. Alam ko kung paano mo ako ipinagdadasal kaya nga nakarating ako sa kung saan man ako naririto ngayon.

Mahal na mahal kita, Mommy! Lubos kong ipinagpapasalamat sa Dakilang Lumikha sa pagbibigay niya sa akin ng katulad mo na naging pinakamalaking porsiyento ng aking pagkatao. Salamat din kay Nanay at Tatay dahil ikaw ang siyang napili nila na maging tagapag-alaga ko sa aking paglaki at naghubog ng buo kong pagkatao.

Lagi nila akong tinutuksong ampon. Alam ko naman na hindi ikaw ang siyang nagluwal sa akin ngunit ang tanging alam ko at ang siyang laman ng puso ko, ikaw ang tunay kong Ina at mas hinigitan mo pa.

Sobra-sobra, at labis-labis ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin at boong buhay mo ay ibinigay mo para mabigyan ako ng mga bagay sa abot ng iyong kakayahan. Alam ko ang hirap na dinanas mo sa mundo at alam ko kung paano ko masusuklian ang bawat paghihirap ng dahil sa akin.

Alam ko kung gaano ka kasabik sa tuwing ibibili mo ako ng damit kasabay rin ng pagbili mo ng iyong isusuot sa taun-taong recognition day. Kasabikang dulot ng kaligayahan sa pagbubunga ng bawat pagkuskos mo ng labahin ng iba, pamamalantsa at lahat ng klaseng pagkakakitaan upang may maibigay kang baon sa akin at ng ako ay makapag-aral.

Hindi mo ako pinabayaang magutom. Ang isusubo mo, ibibigay mo pa sa akin. Lahat-lahat ng gusto mo ay nakalaan para sa akin at sa kinabukasang ating hinihintay. Ang tanging kapalit na hinihingi mo para sa akin ay ang magpakabait ako (kahit minsan ay nakukuha pa kitang sagutin) at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Hindi lingid sa aking kaalaman kung paano mo ako ipinagmamalaki at ikinukuwento sa ibang tao. Proud na proud kang maging anak mo ako at napalaki mo ako ng ganito. Wala akong sinuway sa kagustuhan mo Mommy at alam mong ang lahat ng ginusto ko para sa buhay at kinabukasan ko ay para sa atin.

Tandang-tanda ko ang linyang sinabi mo noon, “Igagapang kita para makatapos ka ng pag-aaral.” Literal mo itong ginawa at alam ko kung paano ang bawat pagod na iyong nararamdaman ay dinadaan mo na lang sa bawat paghalakhak at pagtawa sa tuwing tayo ay nag-uusap. Batid ko ang kakapusan natin sa pera ngunit hindi ito naging sagabal upang mabuhay tayo ng maayos at mairaos ang ating pang-araw-araw na kalbaryo ng buhay. Kapag angkakasakit ka, hindi ka na lang kumikibo at tinitiis mo ang lahat ng nararamdaman para huwag akong mag-intindi sa iyong kalagayan.

Ikaw Mommy ang pinakamasipag na taong nakilala ko at walang kapaguran. Nakukuha mo pang tulungan ang ibang tao ng hindi nagrereklamo. Sa mata ko at sa matan ng nakakakilala sa iyo ay bayani kang totoo.


Happy Birthday Mommy! Ang dami ko sanang ikukuwento. Pero advance ka na nga ngayon. Alam mo lahat ng ginagawa ko dahil kasama kita saan man ako magpunta. Mahal na mahal kita, Mommy at lahat ng ginagawa ko ay ikaw ang inspirasyon ko.

Ang laging nagpapakatino mong anak,



Wallei


1 komento: