Sabado, Marso 13, 2010

NANABIK AKO SA IYONG PAGDATING



Para sa isang kaibigang nagmamahal at naghihintay…

Mga matatayog na pader ang tila hindi mawaglit sa aking isipan. Sa isipan kong wala pang kamuwang-muwang, iyon ang tila bagang mundo na aking palaging nakikita at ang aking mga mata ay tila baga mga bolang umiikot at nagmamatiyag lang sa paligid. Ang pagkakaalam ko, isa lang iyon sa bahagi ng buhay ng lahat ng tao lalo ng batang katulad ko.

Labis ang aking pagtatakang sa pagsapit ng gabi ay hindi na kita nakikita at hindi ko na naririnig ang iyong malulutong na tawa. Wala ang kamaong hitik sa lakas na tumatapik sa malulusog kong binti sa aking pagtulog. Hinahanap ko ang mabibikas na pangangatawang alam kong bubuhat sa akin sa pagsapit ng disoras ng gabi kapag ako ay umiiyak.

Hindi kita araw-araw na nakikita at labis ang aking pagtatakang tila baga kulang ang nasa paligid ko. Masaya naman ang lahat ng mga nakapaligid sa akin ngunit iba ang halakhak ng isang taong nais kong mapakinggan at paulit-ulit na hinahanap na marinig ng aking mga tenga at makita ng aking mga mata ang pinagmumulan nito. May kung anong mga katanungan sa aking isipan at pilit na inuunawa ng aking puso ang tunay na kalagayan ng pamilyang mayroon ako.

Sa tuwing nakikita kita, iba ang siglang nararamdaman ko at tila may paglalambing na nais kong magtagal sa iyong mga bisig kapag hawak mo ako. Ngunit bakit ba kay daling lumipas ng oras at kapag sasapit na naman ang dilim ay nagkakalayo na tayo at hindi na kita natatanaw.

Kaybilis lumipas ng mga araw at unti-unti ko ng nababatid ang mga katotohanan at pangyayaring hindi man paulit-ulit na sabihin ay arok na arok na ng aking isipan. Si Mommy ang madalas kong kasama at abala naman sa paghahanapbuhay. Ang aking mga kapatid ay tila mga engkantada at diwatang nakapaligid sa akin at pinupuno ng pagmamahal ang aking paligid. Batid ko na ang lahat at dahil sa mga pangyayaring ito ay tila bagang pinananabikan ko ang araw at ipinagdadasal ko hanggang ngayon na ikaw ay makasama ko, makasama ni Mommy at ng aking mga kapatid.

Sapat na ang mga narinig ko. Walang pait sa puso ko. Hindi ko binigyan ng pagkakataong sisihin ka kung bakit wala ka sa mga araw na dapat ay kapiling kita. Hindi ko iyon magagawa dahil alam mong isa ka sa mga pinakamahalagang taong nais kong makasama, makapiling at ibuhos ang aking buong pusong pagmamahal.

Nais kong ipabatid sa iyo na buong-buo ka pa rin sa puso ko. Mahal na mahal kita Daddy at ako ay nananabik sa iyong pagdating at nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ang magiging pinakamasayang ama sa araw kung kailan ihahatid mo ako sa altar sa pagsundo ng pangalawang lalaking pinakamamahal ko. Ikaw pa rin ang number one sa puso ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento